Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata XVII

KINAUMAGAHAN ay naisipang magluto ng agahan ni Miles. Nais niyang hindi mapagod ang ina ni Leonardo na ngayon ay mahimbing pa rin ang tulog.

Kahit na ang binata ay tulog mantika rin sa duyan na gawa sa ratan. Pansamantala niya itong pinagmasdan, nakikita niya ang pasa sa gilid ng labi nito.

Pagkuwa'y bumaba na siya at nagluto na ng kakainin.

"Magandang umaga, binibini."

Nagulat si Miles nang makita si Sir Francois na nakaupo lamang sa isang mahabang upuan. "K-kayo po pala, Senyor Francois. Magandang umaga."

"Nakakapanibago ang iyong pananalita. Kung sabagay, naaayon ang iyong katauhan ngayon sa taon na ito. Kumusta ka naman, binibini?" Tanong pa ng matanda at nagbitaw ng mahiwagang ngiti.

Napahinga nang malalim ang dalaga at pinagmasdan muna ang apoy na tinutupok ang kahoy, "Ako'y nalulungkot sa kapalaran ni Ginang Margarita."

"Siyang tunay, pero, ang maipapayo ko lamang sa iyo, Mila ay huwag na huwag mong baguhin ang nakasaad na kapalaran nila rito sa panahon na ito. Ang nais ko lamang ay malaman o matunghayan mo kung sino ang gumawa ng estatwa. Naintindihan mo ba?"

Napatango si Miles, "Pero, senyor–"

"Nagdududa kang si Margarita ang may gawa ng estatwa?" Sabay ngisi ni Sir Francois, "Tanging ang tamang oras lamang ang makakapagsaad ng tunay na kwento sa likod ng estatwa."

Hindi magawang magsalita ng dalaga, napatitig siyang muli sa kumukulong kaldero. Nang humarap ay nawala na si Sir Francois. Napailing na lamang siya.

"MARAMING salamat, hija sa iyong mga niluto. Talagang napakasarap ng pagkakaluto mo ng isda." Galak na turan ni Ginang Margarita.

"Paksiw po ang tawag sa luto na 'yan,"

Samantala, si Leonardo ay seryoso lamang habang kumakain sa kabilang kabisera ng mesa.

"Turuan mo ako nang ganito, hija. Ikaw, Leo, nagustuhan mo ba?" Tanong pa ng babae sa anak na kanina pa walang imik.

Natauhan ang binata at ngumiti nang matipid, "Opo, masarap ang luto."

Napahinga nang malalim si Ginang Margarita, "Anak, alam kong nasa sitwasyon ka ngayon na alanganin. Pero, ama mo pa rin iyon."

Napatiim-bagang ang binata at umiling, "Mabuti at pinakasalan mo pa rin siya kahit alam mong masama ang ugali ng taong iyon."

"Wala rin akong magagawa sapagkat kami lamang ay pinagkaisa ng aming mga magulang. Wala naman akong masabi sa iyong lolo, tunay na mabait iyon. Nais niyang bigyan ng bahay at lupa malapit sa talipapa pero ako'y tumanggi na lamang." Mahabang litanya ni Ginang Margarita, "Kahit papaano'y natutunan namin ang mahalin ang isa't-isa. Pero, nagbabago ang lahat at kumukupas."

Si Miles naman ay halos hindi na naman maiwasan na maiyak, "P-pasensya na, mababaw lamang ang aking mga luha sa ganitong eksena." Nakita niya naman na napangiti nang malumanay ang babae. Napansin niya rin na nakatingin din sa kaniya ang binata, kung kaya ay napapahid siya ng mga luhang dumaloy sa kaniyang pisngi.

"AKO na ang magdadala ng iyong isang tampipi, senyor. Mukhang mabigat ang isang 'yan." Turo ni Miles sa isang tampipi.

Napatango si Leonardo at kinuha ang mabigat na tampipi at ibinigay niya rin ang isang tampipi na magaan lamang sa dalaga. "Ina, ako'y tutungo na sa mansyon ni lolo."

"Mag-ingat ka, anak." Sabay yakap ni Ginang Margarita sa binata. "Aasahan mo ang aming presensya ni Mila sa teatro."

"Salamat, ina." Ani Leonardo nang kumalas.

Habang palakad sila palabas ng masukal na kagubatan ay hindi mapigilan na mapasulyap ni Miles sa binata.

"Nais kong makilala kita nang husto, binibini at baka makatulong ako na makabalik ka sa inyong bayan." Basag ni Leonardo sa katahimikan. "Pasensya na sa aking pinapakitang ugali sadyang wala lamang ako sa kalooban."

"Naintindihan ko, Senyor. Pero, huwag kang mag-alala, ang lahat ng mga ito ay may kaginhawaan. At para sagutan ko ang iyong tanong na taga saan ako ay hindi ko alam. Sobrang layo, walang pangalan ang aming lugar." Saad pa ni Miles, "Pasensya na."

"Hindi ko maintindihan, binibini. Walang pangalan ang inyong lugar? Ibig mong sabihin ay parang isang kawalan na walang pagkakakilanlan?" Naguguluhan na katanungan ni Leonardo.

Napatango si Miles, "Siyang tunay, Senyor."

"Mahiwaga," Pakli pa ng binata, "Nawa'y hindi mo kami pagtaksilan ni ina."

Napailing nang maraming beses si Miles, "Hindi, hindi mangyayari iyon, Senyor. Pangako-"

Itinaas ni Leonardo ang kaniyang hinliliit na tila ba nagbibigay ng kasiguraduhan sa dalaga, "Pangako?"

Napangiti ang dalaga, naalala niya ang gabi na kung saan ay nangako siyang iligtas sa kapahamakan ang binata pero hindi niya napigilan ang mga pangyayari.

Ginaya niya ang ginawa ni Leonardo at nag krus na ang kanilang mga hinliliit, "Pangako."

"Dito ka na lang, binibini. Kaya ko na. May kalsada na sa labas."

Natanaw naman iyon ni Miles, "Sigurado ka po ba, Senyor? Kaya mo na?"

"Oo, binibini. Alam mo naman na may mga matang agila ang mga tao rito."

Naintindan naman iyon ng dalaga kung kaya ay napatango na lamang siya, "Mag-ingat ka, Senyor."

Tumango na lamang si Leonardo bago tumalikod at tinahak ang daan papalabas. Tinanaw na lamang ni Miles ang papalayong binata at pagkatapos ay nagpasya na bumalik sa tahanan ni Ginang Margarita.

"Binibini,"

Nagulat na naman siya nang biglang sumulpot ang matanda, "Senyor Francois?"

"Nais kong ilipat na ang oras. Nais kong mapunta ka sa araw ng pagtatanghal,"

"Po? Hindi ko pa alam ang mga taong malapit kay Senyor Leo-" Hindi na natapos ni Miles ang sasabihin nang makita niyang umaabante ang paggalaw ng mga ulap sa langit at ang galaw ng mga ibon ay mas naging mabilis. Hanggang sa ang mga puno sa paligid ay naging dingding.

Napaupo siya bigla sa isang silya at nakita ang sarili sa loob ng teatro. Napansin niya ang pagdami ng mga tao. Nakikita niya rin ang malaking entablado sa harapan.

"Ayos ka lang ba, hija? Mukhang kanina ka pa hindi mapakali sa iyong kinauupuan?" Tanong ni Ginang Margarita sa kaniya.

Napaawang ang kaniyang labi nang makita ang babae na katabi niya lamang. Nakasuot ito ng balabal na mata lamang ang nakikita.

"Hija?"

"Ah- ako po'y naiihi. Nais ko lamang gumamit ng palikuran." Ang tanging nasabi niya na lamang sa Ginang. Pero hindi ganoon ang kaniyang plano, nais niya lamang kamustahin si Leonardo.

"O siya sige, nasa likod ng teatrong ito ang palikuran." Saad ng Ginang.

Agad siyang napatayo at maingat na umalis sa upuan nang sa gayon ay hindi siya makagawa ng mga bagay na hindi inaasahan sa mga panauhin, lalo na at sa tingin niya'y kabilang ang lahat sa alta sociedad.

Nang makalabas siya mula sa teatro ay natanaw niya sa hindi kalayuan si Leonardo na abala sa pag-uusap sa isang kutsero ng isang kalesa, kalaunan ay binuksan ng binata ang pintuan ng kalesa at bumaba roon ang isang babaeng alam niyang babasag ng puso nito.

Gumuhit sa kaniyang puso ang kirot nang makita kung paano magpalitan ng tingin at ngiti si Preciousa at Leonardo. Tatalikod na lang sana siya nang...

"Binibining Mila!" Tawag ng binata sa kaniya, "Mabuti at nandito ka, si ina?"

Napapikit siya at humugot ng lakas ng loob na harapin ang dalawa, "M-magandang hapon- sa inyo, n-nasa loob siya, Senyor." Saad niya nang makaharap.

Ngumiti si Leonardo, "Siya nga pala si Preciousa, ang akin na nobya."

Nakita ng dalaga ang pag-ngiti ni Preciousa sa kaniya. Alam niyang mas lamang ito sa kaniya kung kagandahan ang pag-uusapan.

"Binibini, m-masaya akong makilala ka." Saad niya at napayuko nang bahagya.

"Ako rin, pero parang ngayon ko lamang nakita ang iyong mukha," Pagtatakang saad ni Preciousa.

"Ah-" Tutugon na sana siya nang biglang may sumenyas sa binata mula sa malayo na magsisimula na ang pagtatanghal.

"Sinta, mabuti pa ay pumasok ka na sa loob." Litanya ni Leonardo, "O siya, mga binibini, kailangan ko nang maghanda" Pero bago pa man tumungo ay ngumiti muna ito sa irog, "Te amo, mi Preciousa." Sabay lakad-takbo sa likod ng entablado

Hindi mawari ni Miles kung bakit nakakaintindi siya ng wikang espanyol, mas lalo lamang nasaktan ang kaniyang puso. Napansin niya naman na pumasok na si Preciousa sa loob. Ang tanging nagawa niya na lamang ay ang tuluyang pumasok sa palikuran.

Nanginginig ang kaniyang labi habang kaharap ang malaking salamin. Namumuo ang luha. "Magpakatatag ka, Mila." Saad niya sa sarili.

NATAPOS na ang pagtatanghal at tila ba wala sa kalooban ang dalaga na makipag-usap na sa binata.

"Mukhang kanina ka pa wala sa sarili, hija. Ikaw ba ay ayos lang ba talaga? May masakit ba sa'yo?" Nag-aalalang tanong ni Ginang Margarita kay Miles.

"O-opo, ako'y ayos lamang. Sadyang naninibago lang po ako sa dami ng madlang dumalo." Palusot pa ng dalaga. Mayamaya pa ay nakita niyang papalapit si Leonardo at lolo nito sa kanilang gawi, maging si Preciousa ay nakisabay din.

"Margarita, hija!" Masayang bungad ni Don Matias, "Kumusta ka?"

Biglang napaatras si Miles nang makita niyang papalapit na rin si Leonardo at Preciousa.

"Ika'y tumingin sa likuran kung may tao ba," Reklamo ng isang binata na ngayon ay pinagpagan ang sapatos.

Natuon ang atensyon sa kanilang dalawa.

"P-pasensya na po, Ginoo. H-hindi ko sinasadya." Kinakabahang saad ng dalaga. Base sa kaniyang nakikita ay mukhang mayaman ito at makisig, kulay tsokolate ang buhok nitong makapal.

"Mi amigo! Kumusta? Pagpasensyahan mo na ang binibini. Siya ay aming kamag-anak mula sa angkan ng aking ina." Pagsisinungaling pa ni Leonardo sa kaibigan.

"Oo- Don Matias, ang aking pamangkin po pala na si Mila." Pagpapakilala pa ni Doña Margarita sa dalaga na ngayon ay nakikita niyang nakayuko at tila ba nahihiya na sa pangyayari kung kaya ay inakbayan niya ito at hinaplos ang braso. "Ayos lang 'yan." Binulungan niya ito.

"Aba, nanalaytay sa inyong dugo ang kagandahan. Hindi ba?" Nakangiting saad ni Don Matias.

"Siyang tunay, Don Matias. Siya nga pala, binibini, ako si Juancho Salazar." Pagpapakilala ng binata kay Miles sabay kuha ng kamay nito at hinalikan.

Nanatiling nakadikit lamang ang dalaga sa Ginang at hindi magawang makatingin nang diretso sa binata.

Napansin naman iyon ni Leonardo na naiilang na ang dalaga sa sitwasyon, "Bueno, bata pa ang oras. Tayo'y gumawi sa Hotel De Oriente at kumain doon."

"Tamang pagpapasya iyan, apo. Tayo na at humayo." Pag sang-ayon pa ni Don Matias.

"P-pasensya na po kung hindi ako makakasabay, sapagkat ang aking taga-hatid ay naghihintay sa labas." Biglang saad ni Preciousa, "Nais ko rin na bantayan ngayon si ina sapagkat mataas ang kaniyang lagnat."

Biglang nag-iba ang ekspresyon sa mukha ni Leonardo, nabalot siya ng pag-alala. "Hindi niyo pa ba pinadala sa pagamutan ang iyong ina, sinta?"

"May bumibisitang manggagamot. Huwag kayong mag-alala, babawi ako sa susunod. Nawa'y makasabay na ako sa inyong mga lakad." Kalmadong saad ni Preciousa at napangiti.

"Kung sabagay, marami pang panahon na magkakasama tayo. Maaaring sa susunod na mga araw ay magliwaliw tayo sa bayan." Sabi ni Leonardo at ngumiti, "Samahan na natin si Preciousa palabas."

Lahat naman sila ay sumunod at napagpasyahan na lumabas na.

NANG makarating na sila sa Hotel de Oriente ay hindi mapigilan ni Miles na mamangha sa loob ng magarbong hotel. Mula sa detalyadong ukit sa pader at hagdanan, sa pinintang obra sa kisame at sa malalaking aranya na nagkikislapan sa sobrang kinang.

"Mukhang ngayon ka lamang nagawi rito, binibini kung hindi ako nagkakamali" Saad ni Juancho sa dalaga.

Napatingin naman si Miles sa binata, "Siyang tunay, Ginoong Juancho. Nakakabighani ang lugar na ito."

"Totoo iyan, noong nagawi ako rito ay noong unang nagbukas ito dahil dito nagtanghal ang lolo ng aking amigo." May pagmamalaki na saad ng binata, "Siya nga pala, baka ikaw ay nagtataka kung bakit hindi ako ilag sa kaniyang ina, katulad ng ibang tao?"

"Hindi ko iyan naisip, ginoo. Magkaibigan naman kayong tunay ni Senyor Leonardo, hindi ba?" Sabay ngiti ni Miles at napansin na kinayawan na sila ni Ginang Margarita sa unahan na kung saan sila uupo.

"Mukhang napasarap ang ating kwentuhan, binibini. Hindi natin namalayan na nauna na pala silang maglakad." Natatawang saad ni Juancho, agad na silang pumunta sa pabilog na mesa.

Nang makarating ang dalawa ay may halong tukso naman ang namutawi sa mga ngiti ni Don Matias. "Kayo'y mamili ng inyong kakainin." Sabay bigay ng isang listahan ng mga pagkain.

Napalunok si Miles sa pangyayaring iyon, hindi niya batid ang mga nakasulat sa listahan kung kaya ay agad siyang napaisip, "Adobo na lang ho sa akin." Bigla niyang saad kahit hindi pa siya nakahawak sa listahan.

Ngumisi naman si Leonardo, "Sayang at hindi sila naghahanda rito ng paksiw lalo na kung kasing lasa sa niluto ni Mila. Masarap ngang tunay iyon, hindi ba, ina?"

"Siyang tunay, anak."

Hindi makatingin nang diretso si Miles sa binata, tila ba hindi siya makapaniwalang nagustuhan ito ni Leonardo.

"Aba, sa susunod ay pumunta ka sa mansyon at mag-agahan tayo roon. Ipagluto mo kami, hija ng iyong paksiw." Sambit pa ng matanda.

"Lalo na at lagyan ito ng kamias." Suhestyon pa ni Juancho, "Makikikain na rin ako." Natatawang litanya ng binata.

Tumawa na lamang sila at si Miles naman ay nakitawa na rin at napasulyap pa kay Leonardo na nakangiti na ngayong nakatingin sa kaniya.

---

Author's Note: tama na munaaaaaaaaa, medyo mataas pala itong kabanata na ito. HAHAHAHAH!

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro