Kabanata XVI
Filipinas, 1895
SINUNDAN ni Miles ang papalayong binata. Kahit na may nababangga siyang tao ay wala siyang pakialam. Ang kaniyang nais lamang ay hindi mawala sa kaniyang paningin si Leonardo.
Samantala, ang binata naman ay may napapansing kakaiba mula sa kaniyang likuran na tila ba'y may sumusunod sa kaniya. Kung kaya ay napaharap siyang muli. Nakita niya ang nagtatagong estranghera sa likod ng puno dahil na rin sa tela ng palda nitong nakausli pero kaniya na lamang itong binalewala at patuloy na naglakad.
Muli, ay sinundan na naman ng dalaga si Leonardo. Hanggang sa makarating sila sa isang mapunong lugar na may nag-iisang simpleng bahay. Nakita niya na pumasok doon ang binata.
"Anak? Mabuti at nakapagpasyal ka rito. Balita ko ay may piging sa inyo."
Hindi naman makita ni Miles ang mukha ng babae dahil nakatalikod ito mula sa bitanang kaniyang pinagsisilipan. Nakita niya namang nag-mano si Leonardo.
"Totoo iyan, ina. Pero, nais lamang ni ama na magkaroon ng kapangyarihan. Nais niyang pakasalan ko ang anak ng alcalde." Tugon ni Leonardo at napaupo na lamang sa isang silya.
"O? Hindi ba't mag-irog naman kayo ni Preciousa?"
Napabuntong-hininga ang binata at napasalong-baba na lamang, "Alam niyo naman po ang aking prinsipyo, ina. Nais ko lamang na mabigyan ng maayos na buhay si Preciousa kung kaya ay tatapusin ko ang pag-aabogsya."
Napatabon ng bibig si Miles sa narinig, "Kung sa gayon ay mukhang sang-ayon siya rito sa nais mangyari ng kaniyang ama." Saad niya pa sa sarili.
"Kakasimula ko pa lamang ng abogasya. Kagustuhan ito ni ama."
Kahit ang babae ay walang maitugon sa tinuran ng anak.
"Ina, maiba po tayo, sa susunod na araw ay may pagtatanghal na gagawin si lolo sa isang sikat na teatro sa bayan. Isa rin po ako sa magtatanghal. Huwag ka pong mag-alala, ina. Hindi dadalo si ama." Sa huling sinabi ni Leonardo ay biglang nag-iba ang tono ng kaniyang boses. Tila naging malungkot ito, "Ikaw at si lolo lamang ang sumusuporta sa aking hilig."
Napangiti ang babae, "Aba'y oo naman, anak. Kahit sa huling yugto ng aking buhay ay talagang nandito lang ako na susuporta sa'yo." Sabay hawak sa kamay ng unico hijo, "Siya nga pala, may ibibigay ako sa'yo. Hindi ba't noong nakaraang buwan lang ay nais mo ng aso na gawa sa kahoy tapos nais mong may butas ang likod nito para mapaglalagyan mo ng mga pluma?"
Sumilay ang ngiti sa mga labi ni Leonardo, "Pinag-ukitan mo po ba ako, ina?" Nakita niya itong tumango.
"Kukunin ko muna,"
Biglang napatago si Miles nang makita ang ina nitong papalapit sa bintana na kung saan nakatayo ang isang aparador. Hindi man niya naaninag ang buong mukha nito at tanging kabila lamang ay masasabi niyang napakaganda ng ina ni Leonardo. Mula sa kutis nitong labanos at sa ilong na matangos.
Agad naman na binigay ng babae ang nagawa, "Maganda ba, anak?"
Ngumiti nang malapad si Leonardo sa natunghayan. "Talagang ang galing ninyong umukit, inay!" Agad niyang tinanggap ang naturang bagay, "Maraming salamat po, ina. Tiyak na hindi ko na mailalagay kung saan ang aking mga pluma."
Sa narinig ng dalaga ay may napagtanto siya, "Siguro ay ang ina ni Leonardo ang may gawa ng estatwa?" Nanlaki pa ang kaniyang mata, "Siyang tunay!" Bulong niya pa sa sarili."
"Ipaghahanda kita ng maiinom, anak."
"Huwag na po, ina. Salamat. Ako'y pupunta ngayon sa tahanan ni lolo." Saad pa ng binata. "May salapi ho ako rito."
Bigla namang iwinasiwas ng babae ang kamay, "Anak, huwag na. Baka mas kailangan mo iyan. May mga salapi pa ako."
"Tanggapin niyo na po, ina. Magtatampo ako kapag hindi niyo po tinanggap ito," Sabay abot ng isang tela na nagsisilbing supot ng maraming barya. Napangiti naman ang babae at tinanggap na lamang ito.
"Salamat, anak. Kay buti mo."
Ngumiti lamang si Leonardo, gumuhit sa kaniyang puso ang kirot at tila ba wala ng masabi dahil kapag may sasabihin pa ay tiyak na tutulo ang kaniyang mga luha, ang tanging nagawa niya na lamang ay ang yakapin ang ina. Pagkatapos ay kumalas na siya sa yakap at agad na lumabas ng bahay. Bago pa man tuluyang umalis ay iwinagayway niya pa ang kaliwang kamay.
"Mag-iingat ka, anak."
Tanging tango na lamang ang naitugon ni Leonardo. Nais man niyang samahan ang ina sa tahanan nito, pero alam niyang tiyak na papagalitan siya ng ama. Hukom na rin ang nagpasya na siya'y mananatili sa puder ng ama. Hindi niya rin magawang iwan ang kaniyang lolo. Minsan ay hinihiling niya na lamang na siya'y maglaho.
Samantala, inayos-ayos naman ni Miles ang kaniyang sarili nang makitang nakalayo na ang binata. Nais niyang lumapit sa babae. "S-senyora, m-magandang tanghali." Biglang bati niya dahil akmang isasara na ng babae ang pintuan. Nabigla naman siya nang maaninag ang buong mukha ng babae. Nababakasan ng peklat ang kalahating mukha nito na tila ba nasunog.
"Magandang tanghali, hija. Ano at naparito ka?" Pagtatakang tanong ng babae.
Napakamot nang bahagya sa ulo si Miles, "N-naliligaw po ako. H-hindi ko na po alam ang daan pauwi..." Pagsisinungaling niya pa, "Hi-hinahabol po ako ng mga tulisan!"
Bakas sa mukha ng babae ang pagkabahala kung kaya ay binuksan niya nang tuluyan ang pinto at hinila ang dalaga papasok sa bahay, "Dios mio! May sugat ka ba?"
"W-wala po, pasensya na po sa abala. Wala ho rin talaga akong masumpungan na mga gwardiya-sibil," Saad pa ni Miles, "A-ako po si Mila."
"Umupo ka muna, binibining Mila. Kukuha ako ng tubig na maiinom mo."
"Huwag na po, salamat po-"
"Ang ngalan ko ay Margarita, hija. Tawagin mo na lang akong Ginang Margarita."
Hindi mapigilan na mapayakap ni Miles sa ina ni Leonardo. Alam niyang nagulat ito, "Pasensya na po, ako'y nangulila lamang sa aking ina."
"Nais ko bang malaman kung nasaan na sila?"
Kumalas naman ang dalaga sa yakap at napangiti nang matipid, "Sobrang layo nila, Ginang."
"Ganoon ba, p-pero nais mo bang pumasok sa kumbento? Doon ay ku-kupkupin ka ng mga madre." Pangungumbinse pa ni Margarita sa dalaga, "Baka pandirihan ka kapag nalaman nilang kasama mo ako."
Napakunot-noo si Miles sa narinig, "Bakit po?" Napaupo na lamang ang babae sa tabi niya at napabuntong-hininga.
"ABA! At naisipan mo pang umuwi?" Sarkastikong tanong ni Don Anghelo sa anak na kakapasok lamang sa pintuan ng mansyon.
Napahinto lamang si Leonardo at seryosong nakatingin sa ama, "Galing ako kay lolo."
"Sa iyong lolo nga lang ba? O sa iyong ina?!" Umalingawngaw ang boses ng Don sa pasigaw na turan sa binata.
Dumiretso na lamang sa paglalakad si Leonardo papunta sa kaniyang silid.
"Leonardo!" Napatayo si Don Anghelo at sinundan ang anak, "Wala kang respeto! Hindi mo sinasagot ang aking katanungan!"
Ipipihit na sana ng binata ang busol ng pintuan pero bigla siyang humarap. Sukdulan na ang kaniyang naririnig sa ama, "Oo! Pumunta ako sa aking ina! Bakit mo ba ako pinagkakaitan ng karapatan na makipagkita sa kaniya?!"
Napatiim ng bagang ang Don at napahigpit nang hawak sa sungkod nito. Lumapit naman ang bagong esposa nito sa kaniya at hinagod ang likuran.
"Walang malubhang sakit si ina para layuan ko siya! Ikaw ang may kagagawan kung kaya ay ilag ang lahat ng tao sa kaniya! Nirerespeto ko kayo, ama pero sukdulan na ang inyong mga pananalita. Ano ang gusto mong gawin ko?! Luluhod sa inyong harapan? Ano, Rosalia?! Masaya ka ba sa iyong nagawang danyos sa aming pamilya?!"
Walang ibang tugon ang nakuha ni Leonardo kundi ang isang napakalakas na suntok na galing sa kaniyang ama.
"Anghelo!" Sigaw ni Rosalia sa pagkabigla.
Pinunasan ng binata gamit ang likod ng kamay ang tumulong dugo sa kaniyang ilong, "Aalis ako ngayon!" Sabay pasok niya sa silid at padabog na isinara ang pinto.
Napapikit si Don Anghelo sa inis at galit.
TAHIMIK lamang na kumakain si Miles ng hapunan, nais niyang umiyak sa harapan ng ginang. Nang malaman ang kwento nito ay lubha siyang nasaktan sa mga pangyayari.
Una ay ang nangyari sa mukha nito, nakita niya na kung gaano kaganda ang babae sa mga larawan na ipinakita nito. Pero, nang pumasok sa buhay nila ang isang nagngangalang Rosalia ay doon na naging miserable ang buhay ni Margarita. Binuhusan ito ng nakakalasong likido sa mukha ni Rosalia.
Hanggang sa nakaratay na lamang ito sa higaan ng dalawang buwan. Marami ang nagbago at isa na roon ang esposo nitong si Anghelo. Nabilog ni Rosalia ang ulo ng Don at binaliktad lahat ng storya na siya ang biktima at isa lamang iyong depensa sa sarili.
Pangalawa, ang labing-isang taon na si Leonardo noon ay walang nagawa sa ganoong pangyayari. Isa pa siyang musmos at walang alam sa totoong dahilan. Nalaman niya na lamang na pinalitan na ng kaniyang ama ang kaniyang butihing ina sa anak ng isang mayamang negosyante sa Bulacan.
Pamgatlo, nawalan ng karapatan si Ginang Margarita na maging ina sa anak nitong si Leonardo, dahil na rin sa rason na baka hindi nito magawang alagaan ang anak
"Binibining Mila? Hindi mo pa nagagalaw ang pagkain, kumakain ka ba ng mais at patatas?" Tanong ni Ginang Margarita. "Nais mo ng isda?"
Natauhan ang dalaga at agad na napailing, "H-hindi po. Salamat po, napakabuti ninyo ano? Tapos winasak lamang nila ang inyong buhay."
Ngumiti ang babae, "Hinahayaan ko na lamang ang agos ng aking kapalaran. Ako'y nasisiyahan na sa aking hilig sa pag-uukit, iyan na lamang ang aking pinagkukunan ng kabuhayan."
"Kung iyong mararapatin ay tutulungan ko po kayo na mag-benta," Suhestiyon ni Miles sa Ginang.
Napangiti si Ginang Margarita at napatango nang marahan.
BITBIT ang isang gasera, dahan-dahan na hinubad ng dalaga ang pañuelo sa kaniyang balikat at akmang hipan na sana ang gasera ngunit nakarinig siya ng katok sa pintuan.
Kahit si Ginang Margarita ay narinig iyon kung kaya ay napabangon siya sa higaan at kinuha ang tabak sa nakasuksok sa dingding. "Sino 'yan?! Hija, huwag kang aalis diyan."
"Baka mga masasamang loob po iyan?"
"Ssshhh, sino 'yan?"
"Ina, ako'y inyong papasukin. Ako ito, si Leonardo."
Napalingon ang babae sa gawi ng dalaga. Kahit puno man ng pagtataka ay agad siyang nagtungo sa pintuan bitbit ang gasera.
Tumambad sa kaniya ang duguang anak at may bitbit na tampipi sa magkabilang kamay. Agad niyang pinapasok si Leonardo, "Ano ang nangyari sa'yo, anak? Bakit ikaw ay duguan?"
"Nasuntok po ako ni ama. Wala eh, kailangan kong ipagtanggol ka, ina." Sabay singhap sa hangin, pagkuwa'y napansin niya ang estranghera sa may bukana ng kwarto ng kaniyang ina, "Ikaw? Anong ginagawa niya rito, ina? Baka saktan ka."
"Kumalma ka, anak. Siya si binibining Mila. Mabait siyang tunay. Hija, pakisuyo naman ng tubig para kay Leonardo." Saad ng babae, "Huwag kang mag-alala, siya ay naliligaw. Siya ay biktima ng mga tulisan, kaya nawa'y ipanatag mo ang iyong loob, anak."
Nang makakuha ng tubig si Miles ay may namuong luha sa kaniyang mata. "H-heto, senyor. H-huwag kang magdududa sa akin, sapagkat isa lamang akong ordinaryong mujer na naligaw sa inyong lugar." Bakas sa kaniyang boses ang panginginig. Gusto niyang yakapin ang binata dahil nakakausap niya itong muli, hindi tulad sa taon na kung saan siya galing ay talagang wala ng mababakasan ng buhay ang Leonardong naroroon.
"Salamat, sinisigurado ko lamang na isa kang taong mapagkatitiwalaan. Dahil sa ganitong panahon ay mas nanaisin kong huwag magtiwala sa mga buhay" Malalim na litanya ni Leonardo.
Ngumiti ang dalaga at tumango, "Kayo'y makakasiguro sa akin."
------
Author's Note: Inspired ang mukha ni Ginoong Leonardo Romero kay Alain Delon.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro