Kabanata X
"ATE Miles!" Buong kagalakan na wika ni Milo nang makita ang kaniyang ate na ngayon ay patungo na sa kanilang tahanan. Agad niyang inilagay ang hawak-hawak na gitara sa bakanteng upuan.
"Milo! Halika! Namiss kitang bata ka," Saad ni Miles nang makita ang kapatid na papunta sa kanila, "O, hinay-hinay lang, Leo. Baka sa putikan na naman ang abutin mo." Pakli ng dalaga, hindi niya mapigilang mapatingala minsan sa mga kamay nilang magkahawak at nakataas para hindi mawalan ng balanse si Leonardo.
Hindi naman maka-imik ang binata dahil nakatuon ang kaniyang pansin sa mga niyayapakang pilapil. Abot hanggang leeg ang kaniyang kaba sa takot na siya'y maputikan.
"Akin na ang dinadala mo, kuya." Ani Milo, agad naman na ipinasa ng kaniyang ate ang bag sa kaniya na galing sa pagkakasukbit sa balikat ni Leonardo.
Hindi naglaon ay naramdaman na nila ang patag na lupa. Nakahinga nang malalim ang binata at agad na napapunas ng pawis sa noo.
"Pasensya na talaga, Leo. Talagang nandito sa dulo ng palayan ang bahay namin eh," Saad ni Miles, "Halika na, para makakain na tayo." Sabay hila niya sa binata.
"AY! ito na ba ang kaibigan mo, Miles?" Matinis na boses ang bumungad sa kanila, talagang makikita sa mukha nito ang kagalakan.
"Oo, nay." Nahihiyang saad ni Miles sa ina.
"Magandang tanghali po, ginang." Magalang na saad ni Leonardo at agad na nagmano.
"Kaawaan ka ng Diyos, hijo." Nakangiting tugon ni nanay Lydia.
"Nay, si tatay ho?" Tanong niya pa at pagkuwa'y nagmano rin.
"Naku! Nasa fishpond natin. Nanghuhuli na 'yon ng isda ngayon," Tugon ng ginang.
"Ganoon po ba, nay?" Kunot-noong saad ng dalaga, "Nay, namiss ko kayo rito lahat!" Naiiyak niyang sambit at hindi maiwasang yakapin ang nanay at ang kapatid.
"Kami rin, ate. Na miss namin ang kadaldalan mo." Panunukso pa ni Milo.
"Eh, ikaw talagang bata ka." Sabay gulo niya ng buhok sa kapatid.
"O siya, pasok na kayo! Talagang naglinis kami ng bahay kahapon, dahil alam naming dadating kayo. Buti na lamang at hindi kaayo naabutan ng lockdown. Salamat sa Panginoon." Litanya ni nanay Lydia habang nakadampi ang isang kamay sa likuran ng binata para hindi na mahiyang pumasok.
Napapangiti si Leonardo dahil hindi man lang siya nakaramdam ng pagkailang. Samakatuwid ay naging komportable siya. Inilibot niya rin ang kaniyang paningin sa paligid, may hagdanan na patungo sa ikalawang palapag, gawa ito sa kahoy pero hindi maitatangging maganda ang pagkakaukit ng mga detalye. May dalawang bintana rin sa gawing kusina na kung saan makikita ang palayan at bukirin.
May mahabang mesa na may nakalagay na mga prutas sa isang bandehadong gawa sa ratan. Nagawi rin ang kaniyang paningin sa dingding na may nakadikit na malalaking kutsara at tinidor na gawa sa kahoy.
"Leo, pasensya na sa bahay namin ha? Medyo nalipasan na ng panahon." Ani Miles, "Pero, makaluma ka rin naman, choks na." Bulong niya pa.
Napailing na lamang ang binata at ngumiti.
"Milo, ihatid mo na ang mga gamit nila sa taas. Ikaw, Leonardo? Tama ba ang pagkakabigkas ko ng iyong ngalan?" Nakangiting tanong ni nanay Lydia.
"O-opo-"
"Nanay na lang tawag mo sa akin, hijo. Nang hindi ka mahirapan," Natatawang bigkas ng ginang, "O siya, mag bihis na kayo para makakain na tayo."
"Halika na, kuya Leo!" Masiglang wika ni Milo.
Nagdadalawang-isip naman si Leonardo kung aakyat na ba siya o hindi dahil nagkabungguan ang balikat nilang dalawa ni Miles.
"Mauna ka," Pakli ni Miles, "Feel at home, ginoo."
Nang pumanik na si Leonardo ay tumambad sa kaniya ang tatlong kwarto. Ang isa'y kulay asul ang kurtina, ang nasa gitna ay kulay kalimbahin ang kurtinang parang lambat. Hinahawi ito ng hangin at kitang-kita niya ang maayos na kagamitan sa loob. Ang panghuli na kung saan pumasok si Milo sa loob ay may kurtinang kulay kahel na pusyaw.
"Dito ang kwarto ko," Biglang sabi ni Miles, "Obvious naman kasi pink."
"Ah, ang tawag sa kulay kalimbahin sa inyo ay pink?" Tanong ni Leonardo.
Tumango na lamang ang dalaga dahil kahit siya ay ngayon lang din niya narinig ang salitang kalimbahin, "Sundan mo na si Milo."
Marahang napatango si Leonardo at napangiti, "Salamat."
"Sus, sige na." Pakli ni Miles, hindi niya mawari kung bakit umiinit ang kaniyang magkabilang pisngi.
"NAGULUHAN talaga ako, napa-search agad kami ni Milo sa lugar na Alemanya. Hindi ba't sabi mo, taga Spain si Leo?" Pag-uusisa ni Nanay Lydia sa dalawa.
Kasulukuyan na sila ngayong kumakain ng pananghalian at kasabay na nila si tatay Nanding na kakarating lang.
"Oo nga, hindi ba't Alemanya ay Germany na ngayon?" Sapaw pa na pagtatanong ni Milo.
Napatingin si Miles kay Leonardo na tahimik lamang na kumakain. Tinabig niya nang mahina ang paa ng binata kung kaya ay natauhan ito.
"Ah, pasensya na po kung kayo'y naguluhan. Galing po ako sa G-germany dahil doon ako nag b-bakasyon. Talagang taga E-espanya po ako." Paliwanag pa ni Leonardo, kahit na nauutal na siya ay hindi niya pinahalata na kinakabahan siya.
"Tubig, baka mabilaukan ka." Saad ni Miles, gusto niyang matawa dahil sa pagdepensa ng binata sa sarili.
"Ang tatas mong magtagalog, hijo." Sambit ni tatay ni Nanding, "Hindi katulad ngayon na hindi ko talaga maintindihan ang pinagsasabi ng mga kabata---"
"Tay," Singit ni Miles, "Ano kasi eh, tinuruan siya ng kaniyang mga magulang na gumamit ng pormal na wikang Tagalog. Hindi ba, Leo, no?"
Pansin naman ng binata ang inasta ni Miles na tila sinasabing makisabay na lamang siya, "O-opo, siyang tunay."
Napaismid si Milo habang nilalantakan ang prutas na saging, "Ang weird pero challenging, kasi sa panahon ngayon nahaluan na ng salitang ingles ang pananalita. So, mukhang magbabalagtasan na tayo rito sa bahay kung ganoon."
Tumawa naman si Miles, 'yung tawang parang napilitan lang. "Oo nga eh," pagkatapos ay bumalik sa pagiging seryoso ang kaniyang mukha.
Ngumiti na lang din si Leonardo kahit na nakakaramdam na siya ng tensyon at tsaka niya nainom ang tubig na binigay sa kaniya ni Miles.
PAPALUBOG na ang araw at kasalukuyang nasa veranda sila Miles.
"Kuya, ang galing mo palang mag gitara?" Manghang sabi ni Milo, pinagmasdan niya ngayon si Leonardo na nakasandal sa upuan at nakapikit habang tinutugtog ang gitara, "Ang galing niyo pong mag plucking. Hirap na hirap ako niyan."
Naimulat ni Leonardo ang mga mata at napangiti sa binatilyo, "Tuturuan kita kung paano."
"Nakakahiya po. Bukas na lang po. Alam ko naman na nag-eenjoy ka na ngayon sa gitara." Tugon pa ni Milo at napakamot pa sa batok.
"Enjoy?" Kunot-noong tanong ni Leonardo, "Ano ang salitang iyan?"
Natigil naman si Miles sa ginagawang pagkuha ng mga tuyong talulot ng mga rosas sa paso, "Ah, Leo... ang ibig sabihin ng enjoy ay nasisiyahan o nasayahan."
"Ganoon ba? Bueno, salamat sa bagong kaalaman."
Napataas ang kilay ni Milo sa pagtatagpong iyon. "Mukhang galing ka po sa nakaraan, kasi ganiyan na ganiyan magsalita ang mga sinaunang tao. Pero, mukhang hindi ka naman mapaghalataan na sinaunang tao, kuya, mukha ka pong artista eh."
Natigilan si Leonardo sa sinabi sa kaniya ni Milo at napasulyap kay Miles na ngayon ay
"Itigil mo na ang pagdadaldal sa ating bisita, Milo." Pagsuway pa ni Miles sa kapatid, "Mabuti pa at mag jamming na lang tayo, habang wala pa sila nanay at tatay." Sabay kuha ng isang gitara na nakasabit sa dingding ng veranda.
"Kantahin mo nga 'yung kanta ng E-Heads ate. Yung 'wag kang matakot ba 'yon?"
"Sus, miss mo lang boses ko eh."
"Opo, 'yong boses palaka." Saad ni Milo.
Napatawa nang mahina si Leonardo sa ganoong pagtatagpo. Hindi niya maiwasan na mainggit sa dalawa, hindi niya naranasan na mapalapit sa mga kapatid niya sa ama dahil sa selos ng mga ito sa kaniya. Natigil ang ganoong pag-iisip nang marinig niyang tumikhim si Miles, nagsisimula na itong patugtugin ang gitara.
"Huwag kang matakot, 'di mo ba alam nandito lang ako? Sa iyong tabi, 'di kita pababayaan kailanman"
Natigilan ang binata nang nakatingin lamang sa kaniya si Miles habang kumakanta, umaaliwalas ang mukha at hindi mapagkakailang maganda ang boses nito.
"At kung ikaw ay mahulog sa bangin, ay sasaluhin kita"
Hanggang sa nadadala na siya sa musikang ngayon lang niya narinig. Nakisabay na rin ang kapatid nitong si Milo na saulo talaga ang kanta.
"Ate, nandiyan na pala sila nanay at tatay. May kasamang mga madre?" Pagpigil niya sa kaniyang ate at napasingkit ang mata dahil sa pagtataka.
"Baka may novena? Alam mo naman, friday ngayon. O siya, salubungin natin." Sabay tayo ni Miles, "Halika, Leo."
"Ha? Hindi naman sila pumupunta kapag may pa novena si nanay," Sapaw pa ni Milo, nakita niya naman na pinandilatan siya ng mata ng kaniyang ate. "Sabi ko nga, tahimik lang ako."
Tumayo rin si Leonardo at nakita ang tatlong madre na kasama ng magulang ni Miles.
"Magmano kayo," Bungad ng ginang sa tatlo, "Sister Mariana, ito ang dalawa kong anak, si Milo at Miles. Ito ang bisita namin, si Leonardo, kay gwapong bata eh no?"
Napangiti naman si Sister Mariana, "Ako nga pala si Mariana Guzman, narito kami ngayon upang mag-alay ng dasal bago pa man magkaroon ng lockdown." Saad niya at tsaka inilahad ang palad kay Miles.
Hindi maiwasan na may mapansin ang dalaga sa madre, tila ba may nakatagong hiwaga sa katauhan nito.
ALAS siyete na ng gabi nang matapos ang novena ng tatlong madre, ang dalawang mga kasama ni Sister Mariana ay sina Sister Amor at Sister Josefa.
Kanina pa aligaga si Miles na para bang nais niyang makausap ang madreng si Mariana. Napansin naman niya si Leonardo na abala sa pakikipag-usap kay Milo.
"Hello, Miles." Mahinhin na bungad ni Sister Mariana, "Maaari ba kitang makausap?"
Ngumiti si Miles at napatango nang marahan. Sinundan niya ang madre na tumungo sa veranda.
Samantala, si Leonardo naman ay napatingin kay Miles, kanina pa siya binabagabag sa presensya ng madreng si Mariana na tila ba may mga kahulugan ang mga tingin nito sa kaniya minsan.
Sa kabilang banda, napasinghap sa hangin ang madre at hinawakan ang dalawang kamay ni Miles, "Alam kong hindi pangkaraniwan si Leonardo,"
Nanlaki ang mga mata ng dalaga sa sinabi ng madre, "P-paano niyo po nalaman?"
Ngumiti si Sister Mariana, "Alam ko, dahil naranasan ko na rin ang nararanasan mo ngayon. Una, nakikita ko ang nakaraan sa kaniyang mga mata. Alam kong nabuhay din siya sa panahon ng mga Kastila."
Napaawang ang bibig ni Miles, hindi niya maiwasan na mapatitig sa mga mata ng madre na alam niyang may namumuong luha.
"Ikalawa, nalalaman ko kung sino ang nakakasalamuha ko, kung ito ba'y galing sa nakaraan o sa kasalukuyan." Dagdag pa ni Sister Mariana, napahinga siya nang malalim, "Pangatlo, huwag mong hayaan na umibig ka sa binatang iyan. Mahirap, masakit, at higit sa lahat, mahirap kalimutan."
Halos umatras na ang dila ni Miles at walang magawa kundi ang pagmasdan ang mga luhang dumadaloy sa pisngi ng madre.
"May nakilala akong galing sa nakaraan, ang pangalan niya'y Lorenzo. Nasa kaniya ang lahat ng gusto ko sa isang lalaki, ngunit dumating ang araw na siya'y naglaho at nanatiling gunita na lamang sa aking isipan." Ani Sister Mariana, "Pasensya na kung nadala ako sa aking emosyon." Sabay punas niya ng mga luha gamit ang likurang palad.
Agad na napayakap si Miles sa madre, ramdam na ramdam niya ang bigat nito sa loob na para bang hanggang ngayon ay hindi pa rin nakaka-move on si Sister Mariana.
"Huwag mong hayaan na mahulog ka sa binatang si Leonardo." Muling bilin ng madre.
Hindi na lang umimik si Miles, marahil ay kailangan na niyang iwaglit ang namumuong pagtingin sa binata.
----
A/N: si Mariana Guzman ay main character sa nobela kong "Pagsapit ng Dapithapon", ito ang pinakaunang nobela na naisulat ko at di ko e re-recommend ang first novel ko dahil maraming error at di pa na e-edit Hahaha! Anyway, nawa'y nag enjoy kayo sa kabanatang ito.
Featured Song:
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro