Kabanata VIX
NAPASALONG-BABA na lamang si Miles habang nakatingin sa labas ng bintana. Nilalaro ng kaniyang isang kamay ang hawak na ballpen sa ibabaw ng kaniyang desk. Kanina pa siya nababagot at nasasabik na makauwi na sa apartment. Nag-aalala na siya kung ano na ang ganap ni Leonardo.
"Miss Ricablanca?"
Natauhan siya nang tinawag siya ng kaniyang professor. Kinabahan siya bigla dahil seryoso ang boses nito.
"Po? Ma'am?"
"Congrats, ang taas ng score mo sa exam ngayon. Out of 50, naka 46 ka. It's a huge progress." Nakangiting bati ng guro sa kaniya.
Natigilan naman ang dalaga at hindi makapaniwala sa naging resulta. Hindi niya akalain na makakakuha siya ng ganoong score dahil stressed siya noong nakaraang araw at hindi na niya pinansin ang mga pasanin sa exam at naka-stick na lamang siya sa salitang "Bahala na".
"Naks, congrats!" Singit ni Alexandria, "Pa burger ka naman"
Tumawa na lamang si Miles at ibinaling ang sarili sa guro pagkatapos ay nagpasalamat siya. Isang himala kung maituturing dahil para sa kaniya ay mahirap ang asignaturang Geography.
Pagkatapos ng ganoong mga eksena ay halos lahat ng guro ay nakapagsabi na bukas ay wala ng pasok dahil lockdown na sa friday, mas mainam na mas maaga na makauwi ang mga studyanteng sa probinsya nagmula. Magiging online na ang enrollment at maging ang klase.
Napabuga na lamang ng hangin si Miles, "Edi sa online tayo mag de-defense nito."
"Mismo," Ani Alexandria.
"Ayos na 'yun. At least hindi tayo kabado malala" Pakli pa ni Lea, sabay sukbit ng bag sa balikat. "Bye, see you next life!" Sabay tawa nito at umalis na.
Napailing si Miles at ngumisi sabay ligpit ng papel sa desk.
"Napansin ko lang, hindi ka naging makulit this day. Parang nag bago ka na," Natatawang sabi ni Alexandria, "Miles, ikaw pa ba 'yan?"
Ngumisi si Miles ng nakakakilabot, "Hindi na!"
Halos mahulog si Alexandria sa upuan dahil sa kaba. Napalitan lamang iyon ng inis nang tumawa si Miles.
"Gago, ako pa rin 'to no. Sadyang may mga iniisip lamang ako na mas mahalagang bagay at isa pa, maninibago pa tayo sa bagong sistema ng buhay. Hays." Saad ni Miles at pagkatapos ay napatayo na siya at isinukbit ang bag pack sa likuran.
Ganoon din si Alexandria. Hindi niya napansin na silang dalawa na lamang pala ni Miles sa loob ng room.
NANG makauwi si Miles sa apartment ay nakaamoy siya ng tila nasusunog na hindi niya mawari kung ano.
Agad agad siyang napaakyat sa hagdan at hindi na ininda ang tinding hilo dahil na rin sa istilo nito. Pagkaapak niya sa sahig ng ikalawang palapag ay nakita niya si Leonardo na naliligo ng pawis habang bitbit ang isang tabo ng tubig na galing sa c.r.. "Gosh!" Bulalas niya pa.
Pagkapasok niya sa loob ng silid ay napanganga na lamang siya sa naging itsura ng lababo. Napalapit siya at agad na isinara ang gas tank sa ilalim ng lababo. Nakita niya rin ang mga sunog na hotdog ang nakakalat sa sink at sunog na plastik na sandok. Ang ikinagulat niya ay ang dalawang baso na nakapatong sa stove.
"P-pasensya na, Binibini. Hindi ko alam ang mga kagamitan dito." Natatarantang saad ni Leonardo.
Napahinga nang malalim si Miles. Napangisi siya bigla at napailing sabay kamot sa ulo, "Pasensya na rin, hindi ko nasabi na may pagkain sa labas. Yun bang mesa sa balkonahe. Yung nakatakip 'dun, pasensya na rin dahil nagmamadali ako. Wala kang kasalanan, Leo." Pagkatapos ay nakita niya ang pwetan ng baso na nangingitim, "Buti na lamang at hindi nabasag 'to. Buti na lang din na makapal ang glass. Bakit ba kasi ginawa mo 'to?"
"Kanina dumaan si Binibining Georgia, nagtanong ako kung ano'ng dapat gawin kapag iinom ng kape. Mukhang nagmamadali siya at sinabing magpainit ako ng dalawang basong tubig." Saad ni Leonardo pero ngayon ay mas naging mahinahon na ang kaniyang boses.
Humagalpak sa tawa si Miles. Nakita niya naman ang binata na puno ng pagtataka ang mukha, "Literal na dalawang baso ang pinainit mo. Kung hindi ako dumating nang mas maaga edi natusta kana rito, goodbye world ka na. May water heater naman, pero sabagay, wala ka pang ideya paano gamitin ang mga iyan."
Napahimas na lamang si Leonardo sa batok at hilaw na napangiti sa dalaga.
"Halika na nga, may dala akong pagkain, 'yung paborito mo sa 7/11. Pagkatapos ay mag-iimpake na ako at uuwi na tayo sa San Roque." Litanya ni Miles at ngumiti upang pagaanin ang loob ng binata, "Hayaan mo muna ang mga kalat sa lababo, ako na ang bahala."
"P-pero pagod ka galing sa skwela, binibini. Ako na ang bahala mamaya, para makapag-impake ka na rin." Ani Leonardo, "Nakakamangha sa inyong mundo, may karapatan ang mga babae na makapag-aral." Biglang sambit niya.
Ngumiti lamang si Miles at sabay sabing, "Ganoon talaga, tumatakbo ang panahon at ang oras. Parating may magbabago. Ang mga limitado noon, pwede na ngayon."
Napangiti si Leonardo sa iwinika ng dalaga.
"AYOS ka lang ba, Binibini?" Tanging naitanong na lamang ni Leonardo kay Miles.
"Oo," Tugon ni Miles sabay punas ng kaniyang pawisang noo. "Grabe, daming pasahero ngayon. Siksikan."
Nasa loob na sila ngayon ng ordinaryong bus na patungo sa Santa Anghela na kung saan ito ang mismong sentro ng lahat bago pa man makarating sa San Roque.
"Kakaiba ang sakayan na ito, binibini. Hindi parehas sa amin na puro kalesa lamang. Aabutin pa kami ng tatlong araw bago makaabot sa paroroonan." Wika ni Leonardo. Kanina pa siya nahihirapan sa isang malaking bag na nakapatong sa kaniyang hita ngayon. Hindi na niya mailagay sa sahig dahil na rin sa mga nakatindig na pasahero.
"Ang bumilis kumalat ng sakit, ano? Pero sabi ng DOH, baka next month eh, mawawala na 'to. Balik trabaho ulit." Saad ng isang ginang na bagong upo lamang sa tabi ni Leonardo.
Napatingin naman si Miles sa gawi ng ginang na sa tingin niya ay nasa sengkwenta anyos na.
"Mag-asawa ba kayo?" Singit na katanungan ng ginang.
"Ha? Hindi po, ate!" Agad na depensa ni Miles, "Ah- pinsan ko po siya." Mas lalong nakaramdam siya ng init sa paligid.
Si Leonardo naman ay pinigilan na lamang ang matawa. Naisiksik na lamang niya ang kaniyang mukha sa malaking bag.
"Ganoon ba? May girlfriend ka na ba, dong?"
Napaangat muli si Leonardo ng mukha, "G-girlfriend? Ano po-"
"Ah- wala pa po siyang gf, ate. Strict parents niya." Singit muli ni Miles, pinagpapawisan na siya nang malala. "Ang tagal naman umandar nitong bus. Punong-puno na nga eh." Reklamo na lamang niya.
"Inumin mo na lamang muna itong tubig," Ani Leonardo, "Para maging kalmado ka kahit papaano, binibini."
"Binibini? Binibini ang ngalan mo?" Pagtatakang tanong ng ginang.
"Opo, binibini ang ngalan ko." Pagkatapos ay pinandilatan niya ng mata si Leonardo.
Walang nagawa ang binata kundi ang ngumisi, ibinigay niya na lamang ang tubig na nakalagay sa isang tumbler.
Ilang minuto pa ay umandar na ang bus at umaatras na ito paalis ng terminal.
"Hay, salamat." Napalanghap si Miles ng hangin na nanggagaling sa labas ng bintana pero napabahing na lamang siya bigla nang makasinghot ng alikabok.
"Hindi na sariwa ang hangin," Malungkot na saad ni Leonardo. "Heto ba ang resulta sa pagdami ng tao sa panahon niyo?"
"Oo, nakakalungkot. Pero, huwag kang mag-alala, sa probinsya namin ay sariwa ang hangin doon." Pagmamalaki pa ni Miles.
Tumango-tango si Leonardo, "Kailan tayo makakarating sa inyo?"
Napataas ng kilay si Miles at agad na nagbilang ng daliri sa kamay, "Mga limang araw."
"Ano? Parang ang layo naman?" Tanong ni Leonardo. Napatingin siya sa dalaga na palihim na tumatawa, minsan napapaisip siya kung may sapi ba ito ng kung anong elemento.
"Syempre, joke lang 'yun. Mga limang oras lang. Sige na, iidlip muna ako ha." Ani Miles at biglang inilagay ang tela na pangtakip sa mata.
Napatitig ang binata sa hawak na telang pangtakip ng mata na katulad kay Miles. Binigay ito sa kanila ni Audrey nang bumisita ito kanina bago sila umalis. Napahinga na lamang siya nang malalim at isinuksok na lamang ang naturang bagay sa bag.
Ilang oras pa ang dumaan, nawili si Leonardo sa kakatingin ng mga kaganapan sa labas ng bintana. Nailipat niya ang kaniyang paningin sa dalaga na ngayon ay nakasandal na sa bintana at halatang tulog na tulog dahil nakabuka ang bibig nito. Ngumisi na lamang siya at agad na inalalayan ang ulo nito upang makasandal sa kaniyang dibdib. Dahan-dahan lamang iyon upang hindi siya mapansin. Nang makasandal na ito ay nilaro-laro niya ang mabangong buhok ni Miles. Hindi niya mawari kung bakit magmula noong nakilala niya ito ay madalas na lamang na napapansin niya ang sarili na napapangiti bigla.
"SANTA ANGHELA! Narito na tayo sa Santa Anghela!" Sigaw ng konduktor sa labas sabay hampas ng kamay sa dingding ng bus.
Naalimpungatan naman si Miles at agad na hinawi ang takip sa mata pagkatapos ay nagpunas ng laway sa gilid ng kaniyang bibig. Napasarap ang kaniyang tulog. Napansin niyang nakasandal siya sa dibdib ni Leonardo, agad siyang napalayo nang bahagya, nagulat pa siya nang makita na ang bahaging dibdib ng damit nito ay nabahiran ng laway, agad siyang napakuha ng cologne at nilagyan iyon nang dahan-dahan.
Natutulog pa rin ito nang mahimbing matapos lagyan ng pabango at tila hindi namalayan ang ingay sa paligid.
"L-leo, narito na tayo sa Santa Anghela." Gising pa ni Miles sabay yugyog niya nang mahina sa binata.
Agad naman na nagising si Leonardo at naalimpungatan, "Ha? Narito na pala tayo? Parang h-hindi oras ang dumaan, parang minuto lang."
Napangiti si Miles sa naging ekspresyon ni Leonardo, "Hintayin na lamang natin na makalabas ang ibang mga pasahero. Masyadong siksikan."
Tumango-tango lamang ang binata.
"In fairness ha, hindi ka naging haggard. Fresh ka pa rin," Pang-e-echos pa ni Miles kay Leonardo, "Samantalang ako nito parang dinumog ng kalabaw eh."
Napakunot-noo si Leonardo, "Hayaan mo na, maganda ka pa rin."
Biglang nakaramdam ng pagkailang si Miles, hindi niya maintindihan kung bakit parang matutunaw siya sa sinabi ni Leonardo. "Hindi ka lang sanay sa mga compliments, Miles. Kalma ka lang. Kalerki!"
Mayamaya pa ay nakababa na silang dalawa sa bus at agad na dumiretso sa isang terminal ng malalaking jeep.
"Oy, Miles. Jowa mo?"
"Yo, kuya Rico! Hindi ko siya jowa, heto naman... ganiyang bungad agad?" Natatawang saad ni Miles.
Tumawa na lang din si Rico na siyang tsuper ng jeep na patungo sa San Roque, "Kumusta na? Kung hindi maglo-lockdown eh hindi ka talaga uuwi no?"
"Ayos lang ako at hindi talaga ako uuwi kung ikaw lang din naman makikita ko." Biro pa ni Miles, "Siya nga pala, turno mo ba ngayon, Kuya Rics?"
"O-oo! Halina kayo. Dito na lang kayo sa front seat dalawa. Baka naman biglang mahilo iyang kasama mo kung sa likod kayo uupo. Mahirap na, imported pa naman iyang jowa mo." Sabay tawa ni Rico at agad na kinuha ang isang tuwalya upang ipangpunas sa upuan.
"Hindi ko nga siya jowa. Kulit nito eh!" Napasulyap pa siya kay Leonardo na ngayon ay abala sa pagtingin sa paligid, "Leo, halika na."
Sumunod naman si Leonardo. Tila nahipnotismo siya sa kapaligiran. Maraming mga sasakyan na may kakaibang gulong ang kaniyang nakikita. Nagdadalawang isip na siya ngayon sa nakikita, may malambot na upuan sa loob ng sakayan.
"Sige na boy, you we will got to my car-- ay, jeep! You sit down. Sit." Balikong ingles pa ni Rico sa binata.
Tawang-tawa si Miles sa pagiging kengkoy ni Rico, "Mukhang tanga 'to. Nakakaintindi 'yan ng tagalog huy."
Napakamot ng ulo si Rico, "Bakit hindi mo sinabi agad? Ah- umupo ka na."
Umiling na lamang si Miles habang natatawa pa rin. Tinulak niya nang mahina si Leonardo upang sumakay na.
Habang nasa biyahe sila ay abala si Miles sa kakatingin ng kaniyang cellphone at inuulit na tingnan ang vlog niya sa Casa de la Libertad, hindi niya maiwasang maisip na ang mansyon na iyon ang dahilan kung bakit niya kasama ngayon ang mahiwagang nilalang. Mabuti na lamang at nagbigay ng palugit si Sir Wilfredo ng pasahan ng historical vlog at ipasa na lamang ito through school portal--- isang website na kung saan naroroon ang bawat asignatura na pwede nilang pasahan ng mga tasks.
Napatingin siya kay Leonardo na ngayon ay diretsong nakatingin lamang sa daan. Parang may malalim na iniisip din. "Leo, ayos ka lang ba?"
Napahinga nang malalim ang binata at bahagyang inilapit ang mukha sa leeg ni Miles, "Kanina pa ako nakaramdam ng init sa kaliwang balikat ko. Tila isang likidong malapot." Pabulong na saad niya.
Pinayuko ni Miles si Leonardo upang makita ang kaliwang balikat, "Naiputan ka," bulong niya pabalik.
"Ano?" Bakas sa mukha ni Leonardo ang pangdidiri.
Napakagat ng labi si Miles at pinigilan ang matawa kahit na namumula na ang kaniyang pisngi sa pagpigil ay pinigilan niya pa rin. Napansin niya ang nakasabit na basket sa pagitan ni Leonardo at Rico, may gumagalaw doon. "Confirmed, ipot nga ng manok."
"P-paano 'to? Babaho ako." Saad ni Leonardo. Hindi siya makagalaw at nakakaramdam na siya ng hiya.
Napatingin naman si Miles kay Rico na ngayon ay may kausap na pasaherong nasa likuran niya. Hindi sila masyadong napapansin dahil sa sobrang ingay din ng musika. Agad siyang kumuha ng wet wipes at alcohol.
Tila isang statwa si Leonardo habang nililinisan ni Miles ang balikat niya. Sobrang lapit nila sa isa't-isa at hindi niya mapigilan na mapatitig sa mukha ng dalaga.
"Ayan, okay na. Huwag ka nang mag-alala, Leo." Pakli ni Miles sabay tawa. "S-sorry na, hindi ko talaga mapigilan matawa. Pasensya na."
Hindi na lamang pinansin ni Leonardo ang dalaga dahil mukhang may sayad talaga ito. Laging tinatawanan nito ang kaniyang kabiguan dito sa kanilang panahon. Ibinaling na lamang niya ang sarili sa mga tanawin.
"NAMISS ko lahat dito!" Natutuwang saad ni Miles nang makababa sila sa jeepney. Napaikot pa siya habang nakadipa ang kamay at sinasamsam ang hangin ng San Roque.
Samantala, si Leonardo naman ay tahimik lang at pinagmamasdan ang dalaga na halos halikan na ang mga halaman at mga bato sa daan. Kitang-kita niya kung gaano kasaya ito na parang nakawala sa hawla.
"Halika na, nasa dulong palayan ang bahay namin." Galak na saad ni Miles, "Tiyak na hindi ka ma s-stress dito, Leo."
Ngumiti nang tipid si Leonardo at hindi niya mawari kung bakit siya kinakabahan ngayon. "Marahil ay kinakabahan lang ako sa panibagong yugto ng buhay ko."
"Leo? Ano pa ba ang hinihintay mo? Arat na! Gutom na rin ako." Ani Miles sabay hila kay Leonardo.
"Miles!"
Parehas na napalingon ang dalawa sa boses na nanggagaling sa gitna ng kalsada.
Parang natuod si Miles sa nakita. "U-uy, Philip..."
Lumapit ang lalaking nagngangalang Philip sa kanila habang nagmamaneho ng motorsiklong maingay. "Kumusta ka? Congrats! May jowa ka na." Tiningnan naman nito ang kasama ni Miles "Oy, pre... ingatan mo 'yan."
Hindi naman umimik si Leonardo. Naninibago siya nakita, nakasuot lamang ang lalaki ng damit na walang manggas at isang karsones na butas-butas.
"Ayos lang ako." Maikling tugon ni Miles.
"O siya, sige... nagmamadali rin ako, see you if I see you." Nakakalokong saad nito sabay kindat sabay pinaharurot ang motor papalayo sa kanila.
"Miles pala ang ngalan mo? Hindi Mila? S-sino 'yun, binibini?" Hindi mapigilang tanong ni Leonardo sa dalaga na ngayon ay parang hindi makagalaw sa kinatatayuan. Naiintriga na siya sa katauhan nito.
Walang maitugon si Miles, nanatiling tikom ang kaniyang bibig.
"Si Philip, ang first love ko."
••••
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro