Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata III

"UUWI na ako, Aud. Sumakit ulo ko bigla. Bukas na lang natin ipagpatuloy ang vlog," Ani Miles habang hinihilot niya ang sintido.

"Mabuti pa. You need some rest, kahit anu-ano na ang nakikita mo rito."

Napailing si Miles at inayos ang notebook sa bag. "Aud, haunted ba 'to?" Bigla niyang tanong sa kaibigan.

Napangisi si Audrey habang inaayos ang tray para ibalik sa ibaba. "Sabi nila, oo. May tumutugtog daw ng piano kapag, madaling araw o takipsilim."

"Huh? Anong oras ba nagsasara ang cafe sa ibaba?"

"Exactly 5:00 p.m., strict ang may-ari rito. By 4:30, dapat wala ng umoorder ng kape sa ibaba."

"Gano'n ba, tara na. Alas kwatro na rin, saturday naman bukas, dalawang oras lang klase natin. Pwede tayo magtagal dito. Please, help me, Aud."

"Oo na, oo na! No worries ah. Nag-aalala na rin ako sa'yo girl, kulang ka nga sa tulog."

Lumabas na silang dalawa, bago pa man makaapak si Miles sa lupa ay napalingon pa siya muli sa statwa na ganoon ang pa rin ang posisyon. Walang nagbago.

KINABUKASAN, matapos ang klase ni Miles sa kaniyang NSTP ay naisipan niyang puntahan si Audrey sa kabilang building. Ang building ng Engineering. Pero hinahanap niya rin sa kaniyang paningin si Professor Wilfredo. May balak siyang itanong.

"Ayun! Sir Wil!"

Napalingon si Professor Wilfredo na kakalabas lamang sa classroom ng 4th year na tinututuruan niya ng asignaturang Philosophy.

"Oh, Ms. Ricablanca? May problema ba?"

"Grabe ka naman, sir. Problema agad?"

Nakita naman niyang napangisi ang guro.

"So, ano ang kailangan mo?"

"Uhmmm, may alam ka po bang local history dito?"

Nagsimulang maglakad ang guro na sinabayan naman ni Miles.

"Saan banda?"

"Magiging specific ako, sir... sa Cadena de Amor Street, tapos may lumang bahay diyan na ang owner noon ay si Don Romero?"

"Ah, 'yung may kapehan sa ibaba? I know some informations about that..."

"Woah, give me some insights, sir."

"What insight?"

"About sa isang pianista na si Leonardo."

"Sa faculty tayo mag-usap niyan, hija."

Napatango si Miles. Tinahak na nila ang hallway patungo sa Dean's faculty.

"Good morning, Teachers!" Bati niya sa mga guro na naroroon sa faculty na abala sa kanilang paper works.

Ang iba ay napatango at ang iba naman ay walang pakialam.

Tumungo na agad si Miles sa table ni Professor Wilfredo. Napaupo siya sa isang bakanteng upuan sa harapan ng mesa.

"Si Ginoong Leonardo ay isa sa mga binansagan na Bethoveen ng lungsod."

"Oh? Ang galing pala!"

"Exactly! I was curious noong bago pa lang 'yan binuksan sa publiko. Nag research ako, nag tanong..." Ani Professor Wilfredo habang inaayos ang mga folders sa mesa.

Nakakaramdam na ng pagkasabik si Miles sa gustong malaman mula sa guro.

"...mayroon akong nalaman patungkol sa pamilya Romero..."

Philippines, 1939

Napaayos ng kwelyo si Señor Leonardo at hinahanda ang sarili sa pagtatanghal sa harapan ng mga sundalong Amerikano at Pilipino. Ang pagtatanghal na kaniyang gagawin ay para sa gaganaping inauguration sa kilalang Broadway Theater para sa mga mabibilang sa bagong batch ng mga matatas na ranggo sa larangan ng military.

Kahit na may iniindang sakit si Señor Leonardo ay binabalewala lamang niya. May Alzheimer's Desease na siya at minsan ay nakakalimutan niya ang mga taong bago lamang niyang nakakasalamuha.

Pero isa lamang ang kaniyang hindi nalilimutan. Ang mga piyesa ng kaniyang piano at ang kaniyang lolo.

Naging matandang binata si Señor Leonardo, magmula noong malaman niya na niloloko lamang siya ng kaniyang unang babaeng minahal, hindi na siya sumugal pa ulit. Para sa kaniya ay ang pag-ibig ng tao ay panandalian lamang at mawawala sa paglipas ng panahon. Nilaan niya ang pag-ibig sa kaniyang hilig—ang pag p-piyano. Ang paglalaan ng pag-ibig sa hilig ay mag-iiwan ng marka hindi lamang sa sarili kundi sa iba.

Umupo na siya sa harapan at naririnig niya ang bawat palakpakan, may mga sumisipol din. Nakatuon na sa kaniya ang isang spot light.

Ang kaniyang tutugtugin ay ang pinakauna na nagawa niyang piyesa, ang  Ira Eterna (Primer Movimiento).
May halong lungkot ang bawat tunog sa intro ng piyesa at sa kalaunan ay magiging mapanindak na tila puno ng alab ang bawat pagtipa sa piyano.

Ang sumunod ay ang Moonlight Sonata (3rd Movement) ni Ludwig Van Bethooven. Halos mapa-nganga ang mga madla sa bilis ng kamay ni Señor Leonardo kahit may edad na.

"I'm so glad for your presence, sir! I am Lieutenant James Moore." Saad ng isang binatang lieutenant pagkatapos ng pagtatanghal. Nakasuot ito ng army brown na uniporme at may maliliit na medalya sa kanang bahagi ng dibdib. Maganda ang pagkakaayos ng buhok nito at may mga asul na mga mata rin.

"Gracias Señor. Estoy tan contenta también. Este es un privilegio." (Thank you, sir. I am so glad as well. This is a privilege.) Tugon ni Señor Leonardo sa lalaki.

"Excuse me sir, but Mr. Romero need to take a rest now." Saad ng pamangkin na personal nurse din ni Señor Leonardo.

"Oh, okay. No problem."

"¿Quién es usted?" (Who are you?)

Napangiti ang binatang pamangkin nito at inalalayan niya si Señor Leonardo, "Soy su enfermera personal, Señor. Soy François." (I'm your personal nurse. I am Francois.)

Napahigpit ng hawak si Señor Leonardo sa kaniyang sungkod at napasapo sa kaniyang noo, "Francois! Pasensya na at nakalimutan kita, aking mahal na pamangkin."

Napangiti naman si Francois sa matanda, "Ayos lang po, tiyo, halika na po, tayo ay tutungo na sa silid para makapagpahinga ka na po."

Gabi na nang makauwi sila galing sa Broadway Theater. Nakaramdam na si Señor Leonardo ng pagod sa katawan pero pinili pa rin niya ang maupo sa silyang tumba-tumba. Si Francois naman ay pumasok na sa sariling silid at nag bihis.

Tanging kuliglig lamang ang kaniyang naririnig at mga pagaspas ng mga dahong nadadaanan ng hangin. Napatingin ang Señor sa gawi ng statwa malapit sa pinakalumang piano. Hindi na niya matandaan kung sino ang nagbigay ng natatanging statwa. Basta't alam niya na kasagsagan ito ng kaniyang kasikatan noong binata pa siya.

Kinuha niya ang katabing sungkod at lumapit siya sa statwa. Hinaplos niya iyon at inalis ang mga pinturang binakbak na ng panahon. Detalyadong-detalyado ang pagkakagawa ng naturang statwa, kuhang kuha ang kaniyang hubog ng mukha.

"Tunay nga ang sinasabi nila na ang bawat alindog at kakisigan ay mawawala sa paglipas ng panahon," Saad ni Señor Leonardo sa sarili at napatingin sa salaming bilog na may desenyong bulaklak na nakaukit sa palibot nito malapit sa lumang piano. Nakikita niya ang sarili sa repleksyon: kulubot na ang balat niya sa noo, maputi na rin ang buhok, at pati na rin ang kaniyang balbas.

"Naging tanyag ka. Nakuha mo lahat ng iyong gusto dahil sumunod ka sa yapak ng iyong lolo." Saad niya sa statwa, parang kinakausap niya ang binatang bersyon ng sarili. "Minalas ka man sa pag-ibig at natakot na magsugal muli... Kung maibabalik ko man ang panahon o mabuhay ka man muli sa ibang panahon, sana ay huwag kang matakot sumugal. Sa buhay natin ay parte lamang ang maging talunan at masaktan. Walang perpekto, Leonardo. Kung hindi ka man natakot, sino kaya ang kabiyak mo ngayon? Ilan kaya ang naging supling niyo?" Litanya niya sa statwa, napapunas pa siya ng namuong luha sa mata.

"Kung bibigyan ka ng pagakakataon, magmahal ka, Leonardo." Dagdag pa ng Señor.

Samantalang si Francois naman ay nalungkot sa nakita. Pati siya ay naiiyak sa kalagayan ng kaniyang tiyo. Siguro kung wala ito ay hindi na niya alam kung ano ang magiging ganap sa buhay niya.

•••

"TALAGA, girl? Ang lungkot naman pala ng sinapit ni Sir Leonardo, naging matandang binata siya." Sabi ni Audrey habang nag re-retouch. Kasalukuyan silang nasa loob ng c.r.

"Oo, parang ang bigat. Ang weird nga, bakit ba ako nagiging interesado sa history ngayon? Ang baduy ko na, pinag-uusapan natin ang mga patay na." Ani Miles. Napasandal siya sa pader at napahinga ng malalim, ramdam na niya ang stress sa sistema ng katawan niya.

"Girl, ang pag-uusap ng kasaysayan ay walang pinipiling panahon. Ang pag-ungkat ng nakaraan ay isang gabay para mahanap ang kasagutan sa lahat ng ating katanungan sa kasalukuyan!"

Napaismid si Miles sa sinabi ng kaibigan, "Ang corny mo naman magsalita. Saan ka humugot ng gano'n?"

"Char lang 'yun, girl! Sinabi lang din 'yan ni Sir Wilfredo sa amin,"

Napailing na lang si Miles at bumuntong-hininga ulit. Sumasakit na rin ang kaniyang ulo. "Matapos lang ang vlog na 'to, hindi na ako mag-iisip sa bahay na 'yon! Mababaliw na ako sa History Subject na 'yan!" Saad pa niya at napahalukipkip.

"Tiis kana lang talaga, Miles. Wala na rin 'yan sa second sem." Tugon ni Audrey habang nagsusuklay sa buhok.

Pagkatapos ay lumabas na sila ng c.r. at dumiretso na palabas ng campus.

"Miles, may balak ka bang mag boyfriend?" Biglang tanong ni Audrey habang nagalalakad sila sa pathway palabas.

Napatagbo ang kilay ni Miles, "Anong klaseng tanong 'yan? Wala akong balak! Never ever!"

"Kasi ako, may ka fling na ako." Ani Audrey na medyo nahihiya sa nasabi.

Lumaki ang mga mata ni Miles nang marinig ang sinabi ng kaibigan. "What? K-kailan pa? Sino? Anong course? Mayaman ba?"

"Gaga, kalma! Fling pa, getting to know each other pa, gano'n."

"Bet mo?"

"Hmmm... 'di ko pa sure eh. Alam mo na, ayaw na ayaw ko sa mga maluho."

"Kilalanin mo muna day!"

"Well... Classmate ko lang siya,"

Napahinga ng malalim si Miles, "Baka pag naging kayo, kakalimutan mo na ako."

"Gaga, hindi mangyayari 'yon."

Napakibit-balikat si Miles, "Malay natin,"

Binatukan naman ni Audrey si Miles, "O.a. mo ha!"

"Makabatok naman 'to!" Ani Miles at napahimas pa ng batok.

NARATING na ng dalawa ang Casa de la Libertad. Pero bago sila pumanik sa nasabing bahay ay dumiretso muna sila sa ibaba para mag kape.

"Blue berry cheesecake at kapeng barako po ang inorder ko, miss." Saad ni Miles sa cashier.

May pinindot-pindot pa ang cashier sa kaha. Samantalang si Miles ay nakamasid sa paligid. Maganda ang pagkaka-arrange ng mga kagamitan sa loob, para silang dinadala sa makalumang panahon. Aesthetic din kung tingnan at patok na patok sa mga teenager katulad nila. Sa kaligtnaan ng pagmamasid ni Miles ay nagawi ang kaniyang paningin sa matandang nagkakape sa gilid malapit sa bintana. Nakatingin din ito sa kaniya. Napalingon-lingon pa si Miles sa paligid at baka sa iba nakatingin ang matanda.

"Ma'am?"

Natauhan siya sa boses ng cashier. "Yes po? Magkano po?"

"250 pesos lang po, ma'am" nakangiting tugon ng cashier.

Agad namang kumuha ng pera si Miles sa wallet at nagbayad. Kinuha na niya ang tray at pumunta sa table nilang dalawa ni Audrey.

"Saan na naman kaya 'yung babae na 'yun?" Bulong pa niya sa sarili. Napatingin na naman siya sa matanda, napangiti ito sa kaniya. "creep..."

Dumating naman si Audrey galing c.r. "Anong inorder mo, Miles?"

Ngumuso na lamang si Miles para ituro ang inorder.

"Ah, 'yan na lang din akin. Huwag ka munang kakain! Hintayin mo ako!" Saad ni Audrey sabay talikod patungo sa harap kung saan naka display ang mga menu.

Kinabahan si Miles nang makita niyang napatayo ang matanda dala-dala ang sungkod nito. Papalapit ito sa kaniya. Agad siyang napaopen ng cellphone at nagkunwaring nag s-scroll.

"Ikaw na ang itinakda na makatulong sa aking tiyo," Saad ng matanda kay Miles, pagkatapos ay tumalikod ito palabas.

Napakunot-noo na lamang si Miles at napatayo sa pagkakaupo. Sinundan niya ang matanda.

"Sir! Sir!" Tawag pa niya sa matanda, lakad-takbo ang kaniyang ginawa para maabutan ito. "Sir! Anong i-ibig sabihin na makatulong sa iyong tiyo?" Hinihingal na ngayon si Miles, hindi niya akalain na mabilis pala maglakad ang matanda kahit may sungkod na ito.

Napaharap ang matanda at napaayos ng kaniyang sombrerong itim, "Ako si Francois. Ikaw ang aking unang nakutuban na makakatulong sa aking tiyo. Pagsapit ng ika-labing tatlong araw sa biyernes, magbabago ang daloy ng iyong buhay. Adios!"

Halos natuod si Miles sa kinatatayuan at walang anong salita ang lumabas sa kaniyang bibig. Tanging pagtanaw na lamang niya sa matandang nagngangalang Francois ang kaniyang nagawa.

Napansin naman ni Audrey ang kaibigan sa labas kung kaya ay sinundan niya na lamang ito. "Girl? Anyare?"

Walang naitugon si Miles at bumalik sa loob ng kapehan.

"Sinong tiyo? Anong pakialam ko sa kaniyang tiyo? Hindi ko nga kilala!" Saad ni Miles sa kaniyang isipan. Hindi na niya maintindihan kung bakit may kakaiba sa Casa de la Libertad.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro