Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 8

Asya's POV

Asul - isang kulay na kaaya-ayang pagmasdan.

May naglalarong mga ulap na pumoporma sa iba't ibang hugis ang unang bumungad sa akin nang minulat ko ang aking mga mata. Kagaanan ang hatid nito sa aking pakiramdam.

Ibinaling ko ang aking paningin sa kaliwang bahagi at pilit na inililibot ang aking paningin.

Buhangin, puro buhangin lamang ang aking nakikita. Ramdam kong nakahiga ako sa ibabaw nito. Iginala ko muli ang aking paningin sa ibang bahagi. Doon ko napatunayan na hindi ako nag-iisa. Mukhang kakagising lamang din ni Marco at katulad ko ay sinusuri din ang buong paligid.

Sabay kaming tumayo mula sa pagkakahiga at agad naman akong inalalayan ni Marco. Hindi ko alam kung paano kami napunta sa isang malawak na disyerto base na rin sa aking natutunghayan ngayon. Hinawakan ako ni Marco sa aking kanang braso para tulungan makatayo nang maayos at tuwid.

Biglang sumagi sa aking isipan ang aking alaala ng nakaraan maging ang ibang alaalang ilang minuto pa lamang ang nakakaraan. Ang dinanas kong hirap habang hila-hila si Marco palayo sa mga mistoryosong mga alagad ng Diyos - ang mga madreng iisa lang ang iniuusal na mga salita. Sunod-sunod din ibinalik sa aking memorya ang alaalang sumisigaw ako dahil sa init na naramdaman ko na parang sinusunog ang aking buong katawan habang nasa ilalim ng isang ritwal hanggang sa isang pangyayaring nagpapula sa aking mga pisngi - ang aking unang halik.

"Asya, masama ba ang pakiramdam mo? Bakit ka namumula?" tanong ni Marco. Hinawakan nito ang aking noo sa pamamagitan nang paglapat ng kanyang malapad na palad sa aking maliit na noo.

Pakiramdam ko'y lalo tuloy naging mapula ang aking buong mukha tulad ng mapulang balat ng kamatis. Nakakahiya!

"Ma-- maayos na man na ako Mar-- Marco," putol-putol kong sabi. 'Pakiusap huwag ka naman pahalata,' kumbinsi ko sa sarili.

"Akala ko kasi may masakit sa iyo. Hindi ka naman nilalagnat."

Manhid ba siya? O baka hindi niya lang matandaan na hinalikan ko siya kaya wala siyang nagiging ibang reaksyon. Nakahinga ako nang maluwag, mabuti naman kung hindi niya naalala pero bakit parang nanlulumo at nalulungkot ako sa katotohanang hindi niya ito naalala o sadyang wala lang talaga siyang pakialam.

"Mukhang mayroong kang naaalala base na rin sa hilatsa ng iyong mukha?"

Kunwari ay umubo ako ng peke. "Huh? Ah, iyon ba. Oo naalala ko lang ang mga madre," kinakabahan kong sabi habang nasa ibang direksyon ako nakatingin. Makaiwas lang sa kanyang mapanlokong titig.

"Ganoon ba? Nakakalungkot tuloy. Akala ko naalala mo ang ginawa mo sa akin?" sabi nito.

"Huh? Ako? May ginawa sa iyo? Nababaliw ka na marahil," pagmamaang-maangan ko.

Ngumingiti ito sa akin na para bang inaasar ako, tila may gustong sabihin ang mga mata nito. Hindi kaya?

"Saka na lang ako hihingi ng kapalit sa iyo. Sa ngayon, kailangan na natin hanapin ang huling bolang apoy ng sa gayo'y makabalik na tayo," pag-iiba nito.

Kapalit? Para saan?

Bumaba ang tingin ni Marco sa kanyang pantalon habang may kinukuha sa loob ng bulsa nito. Ibinalik ulit ni Marco ang kanyang mga tingin sa akin pakatapos nitong makuha ang bolang kristal.

Ang bolang kristal - maliit ngunit malaki ang naitutulong nito sa aming paglalakbay.

Bago man kami lumisan, pinagkatitigan muna namin ng ilang segundo ang oras na naroroon sa loob nito. Halos dalawang oras at kalahating minuto pala ang itinagal namin at ginugol sa ikalawang misyon. Marahil ang pagtakbo namin sa mahabang pasilyo ang labis na kumain ng aming oras. Hindi ko alam kung paano kami nakaalis doon. Gustuhin ko man tanungin nang tanungin si Marco na ngayon ay hawak-hawak ako sa aking kamay habang naglalakad nang mabilis ngunit hindi yata ito ang tamang oras na pag-usapan namin iyon lalo na't naging malaki ang kabawasan sa aming limitadong oras sa nangyari sa loob ng naturang simbahan. Kaya mas pipiliin kong manahimik na lamang upang mas makaipon kami ng sapat na lakas. Hindi ko rin kasi maiintindihan ang kanyang magiging sagot kung patuloy kami sa paglalakad.

Dalawang oras: dalawang pu’t tatlong minuto: labing-isang segundo

Iyan ang nalalabing oras para sa amin, para sa huling misyon.

Mahaba na ang aming nalalakad ni isang bahay o establismento ay walang bakas. Masasabi ko ngang isang malawak na kawalan ito dahil buhangin lamang ang makikita.

Pinapawisan na rin kami. Tirik na tirik ang araw. Animo'y hangin lamang ang naninirahan sa lugar na ito ni wala man lang cactus o isang ligaw na kamelo na maaari namin mapagkuwaan ng tubig.

Natagpuan namin ang aming mga sariling nakatanghod sa isang puting bohemian tent. Gumagalaw ito sa direksyon pahilaga kasabay ng mainit na hangin dito sa disyerto. Hangin na hindi nakikita na nanggagaling kung saan.

"Marco, lapitan natin," aya ko kay Marco.

"Asya."

Tumigil ako at tiningnan si Marco. Palagi niyang tinatawag ang aking pangalan ng may diin tuwing nasa panganib.

Hinawakan niya muli ang aking kamay. Mainit pero nakakagaan sa pakiramdam. Nakakakiliti ngunit masarap.

Binalewala ko na lamang ang kanyang ginawa. Gusto ng aking isip na alisin ito subalit salungat naman ito sa sinasabi ng aking puso, hinahayaan lamang ang binata sa paghawak sa akin.

Naglakad kami palapit doon sa bohemian tent. Nasa unahan ko si Marco at pilit niya akong itinatago sa kanyang likod na para bang siya ang aking magsisilbing harang sa kung ano man ang nag-aantay na panganib sa akin. Sa amin.

Tumigil kami sa harapan nito kung saan doon makikita ang isang maluwang na espasyo, sapat na para maging isang pintuan. Sinilip namin ang nasa loob nito. May isang makapal na kumot ang nakalatag sa buhanginan at mayroon itong disensyong bohemian na napakakulay. Natigil ang aming pagsilip sa loob dahil sa isang ungol ng isang taong nahihirapan.

Mas lumapit pa kami ni Marco. Hinayaan namin ang aming mga sarili na tuluyang pumasok sa loob ng tent.

May isang lalaking mahaba ang buhok ang nakahiga't nakatalikod sa amin. Isa itong lalaki dahil na rin sa kanyang itsura. Napakapayat at halos kitang-kita na ang kanyang mga buto sa likod. Ang kanyang balat ay parang unti-unting nababaklas.

Agad akong hinawakan ni Marco, pinapagaan ang aking kabang nadarama dahil ang lalaking nakahiga at nakatalikod mula sa amin ay biglang sumigaw. Isang sigaw ng isang tao na namimilipit sa sakit.

Mayroong bumubukol sa kanyang likod. Gumagalaw ito na tila gusto nitong makaalpas at lumabas sa loob ng lalaki. Dahan-dahan kaming humakbang paatras ni Marco. Ayaw namin makagagawa ng kahit anumang ingay na makakakuha sa atensyon ng lalaking namimilipit.

Bago man kami tuluyang makaalis, kitang-kita ng aking mga matang nahihindik kung paano umikot nang mabilis ang ulo ng lalaking payat. Napakabilis. Umiikot nang umiikot ito habang iniaangat nito ang sariling katawan na mistulang buto't balat na lamang. Ganoon na lamang ang pagkabigla ko ng tumigil ang ulo nito kung saan kami nakatayo, parang alam niya na tinitingnan namin siya. Nakabaliktad ang kanyang ulo habang ang harapan ng kanyang katawan ay nasa kabila. Animo'y nakatalikod ngunit ang kanyang ulo ay nasa likod nito. Umiiyak ito ng uod. Marami at matatabang uod ang kumakain sa kanyang mga mata. Isang napakalaking uod ang nakaagaw ng atensyon sa akin, ito ang bumubukol kanina sa kanyang likod at ngayon ay matagumpay nang nakawala. Kinakain nito ang laman loob ng lalaki.

Hindi ko namalayan na tumatakbo na pala kami at hila-hila ako ni Marco. Napalingon ako sa aking likuran, tama ang aking hinala, hinahabol kami ng lalaking baluktot.

Baliktad ang kanyang pagtakbo. Nasa unahan nga niya ang kanyang sariling ulo na mayroon mahabang buhok ngunit ang kanyang buong katawan ay nakatihaya. Parang tumatakbo siyang pahiga. Ang mga kamay at paa niya ang ginagamit nito sa pagtakbo. Mabilis siyang tumatakbo. Mas mabilis pa sa mga pangit na halimaw na naenkwentro namin sa unang yugto ng misyon.

Dahil sa takot, nanghina ang aking mga tuhod. Bagamat magkahawak-kamay kami ni Marco, tuluyan akong nadapa kung kaya't nabitawan ako nito.

Agad akong nilapitan ni Marco ngunit bago man magkalapat ang aming mga kamay ay bigla akong kinakain ng buhangin katulad ng isang kumunoy.

"Marco. Tulungan mo ko!"

Pilit na iniaabot sa akin ni Marco ang kanyang kamay habang palapit na palapit na rin sa amin ang lalaking baluktot.

"Marco," umiiyak kong sambit. Natatakot na ako.

Masyadong mabilis ang paglamon sa akin ng buhangin dahil halos nasa dibdib ko na ito. Nalulunod ako at hindi ako makaalis.

Biglang lumusong si Marco kung saan ako nilalamon.

"Ano ba ang ginagawa mo, nababaliw ka na ba?!"

"Hindi dapat tayo magkahiwalay Asya."

"Hindi. Hindi. Marco, kailangan natin makaligtas," taranta kong sabi.

Nagpupumiglas ako. Iniuunat ko ang aking mga braso na parang naghahanap ng makakapitan. Umaasang may mahabang lubid na siyang maghihila sa amin mula sa bunganga ng gutom na buhangin na dahan-dahan kaming nilulunok ng buo.

"Asya," tawag nito.

Hindi ko siya nilingon. Kailangan makaligtas kami.

"Asya, tumingin ka sa akin."

Tiningnan ko siya nang maigi gaya ng hinihiling niya.

"Asya, hindi kita iiwan. Kung saan ka, nando'n ako. Magtiwala ka sa akin."

Niyakap niya ako. Kung noon tuwing malapit siya sa akin ay bumibilis ang takbo ng aking puso ngunit ngayon ay masasabi kong tila tumigil ito sa pagtibok maging ang oras ng sandaling iyon ay parang tumigil din lalo pa nang naramdaman kong muli ang kanyang malambot na labi na lumapat mismo sa aking labi.

Matagal. Matagal nga ba o sadyang bumagal ang lahat ng nasa paligid. Sa sandaling iyon, ramdam na ramdam ko ang higpit na yakap ni Marco na parang ayaw akong bitawan at ang mainit nitong halik na masyadong madiin na para bang ito na ang magiging huling sandali ng aming mga hininga.

Kung mapagkakalooban man ako ng kakayahan na patigilin ang oras ay gagawin ko ngayon. Ipinikit ko ng kusa ang aking mga matang puno ng luha habang hinahayaan ang sariling namnamin ang mga sandaling ito. Magkayakap kaming tinabonan ng tuluyan ng buhangin na mapanganib.

Napakatahimik. Walang ibang ingay na maririnig maliban sa aming mga pusong patuloy na tumitibok.

Subalit ilang segundo lamang ang lumilipas, may mga malalamig na kamay ang yumayakap sa aming katawan. Mayamaya pa ay bigla nila kaming hinila pababa nang marahas. Dahil napakabilis ng pangyayari, hindi ko namalayan ang paghihiwalay namin ni Marco. Isa lang ang aking nasisiguro, parang hinihila ako pababa patungo sa kalaliman.

Itutuloy...

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro