Kabanata 7
Asya's POV
Nahihilo ako marahil masyadong malakas ang pagkakatilapon ko. Nabitawan ko rin ang bolang kristal. Pinilit kong palinawin ang aking paningin. Tumingin ako sa gilid ko nang may sumigaw sa aking pangalan.
"Asya!"
Boses ni Marco. Hinding-hindi ako magkakamali dahil boses iyon ng lalaking gustong-gusto kong makasama. Ang totoo, nagugustuhan ko na siya.
"Marco," tawag ko sa pangalan nito.
Bago man ako makalapit kay Marco ay may malakas na puwersang humila sa akin na nakapadikit sa aking sa isang malamig na sahig. Mayroon akong naaaninag na isang madreng nakaluhod malapit sa paanan ko habang may inuusal itong panalangin. Pinilit kong tumayo pero parang may taling hindi ko naman nakikita na nakagapos sa aking mga kamay at paa. Mahigpit masyado. Nilingon ko ang aking paligid. Marami ng madreng nakapalibot sa akin at lumuluhod nang sabay-sabay. Nasa loob ako ng malapad na parisukat kung saan nakapaloob ang mga tatsulok na nagbabanggaan. Doon ako nakahiga.
Hinanap ng aking mga mata si Marco. Nasaan siya?
"Marco, tulungan mo ako!" sigaw ko.
Tila nasusunog na ang aking balat. Sobrang init na animo'y niluluto ako. Nagpupumiglas ako, pinipilit kumawala sa tanikalang ito. Nakita ko ang aking bolang kristal na nasa kaliwang bahagi mula sa akin.
Napansin ko rin ang isang pigurang nakatingin sa akin. Sisigaw na sana ako nang makilala ko siya ngunit napahinto ako dahil sa mensahe na kanyang ibinigay. Inilagay niya lang naman ang kanyang isang daliri sa kanyang bibig senyales na kailangan kong manahimik.
Tumitig ako sa kanyang mga mata. Alam kong hindi niya ako iiwan. Alam ko dahil natutunghayan ko mismo sa kanyang mga matang puno ng pag-alala sa akin.
Iniwaksi ko muna ang anumang nasa isipan ko, mas inilaan ko ng lakas ang aking kamay para abutin ang bolang kristal ko. Kaunti na lamang ay maaabot ko na.
"Ah!!" sigaw ko. Ang sakit ng buong katawan ko. Sobrang sakit dahil sa init na nararamdaman ko na unti-unting nakakapanghina sa buo kong kaibuturan. May mga luhang nakatakas na sa aking mga mata, tanda na ako'y labis na nasasaktan.
Pinilit ko pa rin iunat ang aking kamay upang maabot ang bolang kristal dahil kailangan kong makuha ito.
Patuloy pa rin ang pag-usal ng mga madre ng maraming dasal. May lumuluhod at may nakatingala habang nakataas ang mga kamay na para bang may sinasambang diyos.
Napansin ko sa aking peripheral vision, ang dahan-dahan paggapang ni Marco papunta sa akin hanggang sa maramdaman ko ang mga palad nito na mahigpit na humawak sa akin. Unti-unti niyang nilapit ang kanyang sarili sa akin.
Inilagay niya ang aking bolang kristal sa nakagapos kong kamay at ganoon na lamang ang aking pagkamangha na biglang naputol ang taling hindi nakikita na gumapos sa aking mga kamay maging sa aking mga paa. Niyakap niya ako nang mahigpit habang pareho naming hawak ang aming mga bolang kristal.
Nagkadikit ang aming mga balat na siyang dahilan kung bakit biglang tumibok nang napakabilis ang aking puso. Ngayon, alam ko na ang dahilan. Hindi pala sa pagod kakatakbo o kaba dahil sa takot kundi ang mabilis na tibok ng aking puso ay senyales na ako'y nagkakagusto sa isang lalaki. Tama, hulog na ako. Hulog na hulog na.
Hindi ko alam ang plano ni Marco pero alam ko na hindi ako mabibigo. Hindi ako siguradong makakaligtas kami. Hindi ko namalayan ipinagdikit na ni Marco ang aking bola sa kanyang bolang kristal. May ginawa pa ito na hindi ko na nabigyan pa ng pansin.
Dahil heto't nakatingin ako sa kanya. Tinatandaan ang bawat hulma at sulok ng kanyang mukha. Kahit man lang sa huling sandali ay maranasan ko kung ano ang pakiramdam ng matagal ko ng gustong maranasan kaya wala na akong inaksayang oras, agad kong nilapat ang aking labi sa kanyang mapupulang labi. Natigilan ito marahil nagulat sa aking ginawa. Ilang segundo bago ko inihiwalay ang aking labi sa kanya.
Kung ito man ang huling sandali ng aking buhay, hinding-hindi ko pagsisisihan igawad ang aking unang halik sa lalaking ito. Sa lalaking rason kung bakit bumibilis ang tibok ng aking hiram na puso.
Unti-unti na rin pumipikit ang aking mga mata ngunit bago man ako mamatay, naramdaman ko ang aking pag-angat. Naramdaman ko ang pagbuhat niya sa akin. Naglalakad kami. Mabilis pero pinong lakad. Nagiging malabo na ang aking paningin. Basta ang huling naramdaman ko ay ang paghawak at pagtaas niya ng aking kamay handang hawakan ang nakalutang na bolang apoy.
Insecurities.
Inggit. Isang simpleng paghanga mo lang sa pag-aari ng iba na may halong pagnanais na makuha rin ito dahil wala ka nito o mahigitan ang anumang meron siya/sila. Isang emosyon na maaaring makadulot ng kasamaan sa sarili maging sa relasyon sa iba. Lubos na nakakamatay.
Sinusundan ko ang itim na bolang apoy na nakalutang sa ere. Parang pinapasunod ako sa isang pamilyar na lugar - ang aming unang bahay.
Pumasok ako sa loob. Ibang panahon ang aking nadatnan. Mga panahon nang ako'y nasa sampung taon gulang pa lamang. Nasa harapan ko ang isang batang ako na nakatitig mismo sa aking nakakabatang kapatid, si Europe. Siyam na taon gulang. Maganda, makinis, mukhang manika, matalino at higit sa lahat malusog. Walang hika. Walang sakit. Nakakainggit.
Heto na naman bumabalik ako sa nakaraan at ito ang isa sa mga alaalang gusto kong kalimutan.
"Ate Asya, halika laro tayo," hikayat nito sa batang bersion ko.
Lumapit ito sa kapatid. Tinitigan ang mga laruan.
"Ate Asya?"
"Ayoko. Gusto ko ng magpahinga."
"Bakit ate may sakit ka bang nararamdaman? Hindi ka ba makahinga ng maayos?" pag-alala nito sa kanyang ate.
"Wala kang paki!!" sagot nito habang patungo sa kanyang kwarto.
Sumunod ako sa batang bersion ko. Tumagos ako sa pintuan ng kwartong pinasukan nito.
Nakita ko ang batang bersyon ko na umiiyak. Naalala ko na naiinggit ako kay Europe ng mga panahon na 'yon. Hindi lamang sa mga materyal na bagay na malayang nakukuha ng kapatid ko pati na rin ang atensyon ng lahat. Mahal ako ng aking mga magulang. Alam ko naman iyon ngunit sawang-sawa na akong makita silang nasasaktan kapag inaatake ako ng hika ko. Walang araw na puro pasakit lang ang naidudulot ko sa kanila.
Hindi katulad ng kapatid ko na kahit 5th honor lang sa klase nila, kahit ang pangit ng boses kapag kumanta, kahit tamaan ng simpleng lagnat, kahit madumihan ng putik pero kahit kailan hindi ko man lang nakitang malungkot o nasasaktan ang aking mga magulang tuwing kaharap o kasama nila ang aking kapatid. Ibang-iba sa ipinakikita nila sa akin. Awa ang nakikita ko sa kanila tuwing inaatake ako. Naiinggit ako sa kanya. Siya malaya. Ako hindi. Siya masaya. Ako hindi. Siya mahal ng lahat. Ako hindi ko alam.
Naiinggit ako noon sa kanya dahil marami siyang kaibigan. Crush siya ng crush niya. Lahat ng laro ay nasasalihan niya ngunit ako kahit pagtakbo ay hindi puwede.
"Mare, ang swerte mo talaga sa anak mo. Masipag na, matalino pa."
"Aba, syempre manang-mana sa akin eh," sagot ni mama.
'Huwag kang ngumiti, pakiusap,' sabi ko sa dalagitang bersion ko habang pinagmamasdan ko ito ngayon. Halatang masaya ito habang nakikinig ng patago sa usapan ng mga matatanda. Inaakalang siya ang pinag-uusapan. Ito ang isa sa mga alaalang nilimot ko ng pilit. Isa sa mga alaalang nakapagbigay ng hinanakit sa aking puso.
"Sigurado ako mare, sa kanya wala kang magiging problema. Syempre sa panahon ngayon mas pipiliin ang maganda na, malusog pa."
Biglang naging seryoso ang mukha ng dalagitang bersion ko nang narinig nito ang sinabi ng amiga ni mama.
Naalala ko pa na kakagaling ko lang maligo nang marinig ko silang nag-uusap sa sala. Dahil na rin sa kuryosidad, nakinig ako kahit alam kong mali ang makinig sa mga nag-uusap.
Hinihiling nito na tanggihan o ipagtanggol ng ina dahil kahit wala naman sinasabing pangalan, malinaw naman na iba ang tinutukoy nila. Ngunit gumuho na lang ang pag-asa ng dalagitang bersion ko nang magsalita si mama.
"Tama ka. Mas maraming pipili kay Europe. Maraming magmamahal sa kanya. Hinding-hindi sila magsisising piliin ang aking anak."
Nabasag. Sa ganyan ko mailalarawan ang aking sarili ng mga sandaling iyon. Biglang tumakbo papasok sa kanyang kwarto ang dalagitang bersion ko. Alam ko naman na noon pa ay ako na ang sinisisi ni mama sa pagkamatay ni papa. Dahil sa akin kung bakit nawala si papa. Dahil sa akin hindi ako matingnan ng diretso ni mama.
Aalis na sana ako para damayan ang dalagitang bersion ko ngunit natigilan ako sa sinabi ni mama.
"Titiisin ko kahit mapalayo sa amin si Europe kasi kailangan. Pasamantala lang naman. Hindi ko lang siya maaalagaan ng maayos. Isa pa, malaking pera ang gagastusin namin para sa operasyon ni Asya. Mas makakabuting ipa-ampon ko muna siya. Dahil doon ligtas siya. Dahil doon maibibigay pa lahat ng gusto niya. Mabubuhay siya. Ayokong ipamigay ang aking mga anak ni isa sa kanila. Wala kasi akong ibang kamag anak na puwedeng pag-iwanan kay Europe. Ayoko man gawin ito ngunit kailangan ako ni Asya. Kailangan niya ng isang ina. Hinding-hindi ko mapapatawad ang sarili ko kung may masamang mangyari sa kanya. Nawala na sa akin si George, mas hindi ko na kakayanin mawala pa ang isa sa kanila lalong lalo na si Asya. Mahal na mahal ko ang batang iyon. Sobra," umiiyak na lahad ni mama.
Di ko namalayan, lumuluha na pala ako. Hindi ko lubos maisip na nagkamali ako, nagkamaling husgahan ang aking ina. Akala ko galit siya sa akin pero may galit bang taong kayang ipaampon ang isa niyang anak sa dahilan hindi niya ito maaalagaan o matutuunan ng pansin dahil kailangan namin lumabas ng bansa para doon ako ipagamot.
Kaya pala may mga naaalala akong mga imahe na kaming lang ni mama ang kumakain, namamasyal at sabay natutulog sa iisang kwarto. Kaya pala wala akong masyadong maalala tungkol sa kapatid ko ng mga bata pa kami. Umabot kasi ng halos tatlong taon ang aking gamutan. Nagkaroon ng butas ang aking puso kaya minsan hinihingal ako at mukhang nawawalan ng hangin. Tatlong taon naghintay ng magiging donor ko. Tatlong taon nawalay ang kapatid ko sa amin.
Biglang nagbukas ang pinto namin sa sala at pumasok ang aking lumuluhang kapatid. Nagulat ang aking ina at ang kasama nito. Lumapit si Europe sa mga ito.
"Basta mangako po kayo mama sa akin na babalik kayo ni ate Asya. Hihintayin ko po kayo. Kahit gaano katagal, basta maghihintay ako," sabi nito.
Umiiyak lamang ang mga ito. Tango nang tango si mama bilang pagsang-ayon kay Europe. Habang nagyayakapan sila, unti-unting naglalaho ang mga nakikita ko na parang larawan na dahan-dahan kumukupas at nawawalan ng kulay.
Heto ako. Nag-iisa. Dala-dala ang napakabigat na pakiramdam sa aking dibdib. Hinayaan ko na lamang pumatak ang mga luhang walang tigil sa pag-agos.
Napakaramot ko pala. Akala ko ako lang ang nahihirapan. Hindi ko man lang naisip ang hirap na pinagdaanan ni mama maging ang sakripisyo ng kinaiinggitan kong kapatid - kung gaano siya nagtiis sa paghihintay. Naranasan mag-isa sa buhay. Mag-isa tuwing sumasapit ang kaarawan niya. Mag-isang nagpasko at nag-abang ng panibagong taon. Ni hindi ko man lang napasalamatan ang pag-aalaga sa akin ni mama maging ang sakripisyo ng aking kapatid.
Natagpuan ko ang sarili sa harapan ng malalaking salamin. Wala akong ibang nakikita kundi ang aking sarili sa harap ng mga malalaking salamin na ito na nakapalibot sa akin. Nakikita ko ang aking repleksyon sa salamin na nagsasabing tama na.
Nakakapagod mainsecure o mainggit sa mga bagay na wala ka. Dapat pa nga akong maging masaya at makontento kung anong meron ako.
Tama. Ito ang dapat kung gawin baka tuluyan na akong malunod sa dagat ng inggit.
"Anak, ika'y lumapit sa akin nang sa gayo'y aking mabawasan ang iyong mabigat na dalahin. Ihahatid kita sa payapang lupa kung saan ikaw ay lubos na mapapanatag."
Siya na naman, ang mayroong boses na napakamalamyos.
Ipinikit ko muli ang aking mga mata handa nang harapin ang susunod na kabanata ng aking buhay na wala nang nakakabit na inggit sa aking mga mata. Malayang-malaya.
Ngayon ay masasabi ko ng malinaw na malinaw na ang aking magiging paningin. Wala ng harang. Wala ng balakid.
Itutuloy...
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro