Kabanata 6
Asya's POV
Nagising ako sa isang kwarto. Kwartong hindi ko kilala.
May tumutugtog.
Napadako ang aking tingin sa gilid ng kamang kinahihigaan ko, may isang lumang aparatus - may isang maliit na balerinang umiikot habang may musika. Isang dancing ballerina music box. Kapansin-pansin ang manikang katabi nito, nakadilat at wala na ang kanang mata nito. May tahi rin ang bibig nito at halatang nasunog dahil sa itsura ng katawan nito.
Napansin ko rin ang aking sugat sa kanang braso ay nawala na para bang walang nangyari. Hindi ko alam kung bakit o paano ito naglaho ngunit mas mabuti na ito. Walang sugat. Walang problema.
Tumayo ako at naglakad papuntang pintuan. Ganoon na lamang ang aking gulat nang biglang kumidlat. Napakalakas ng kulog na kumalat sa loob ng kwartong kinatatayuan ko na halos napatakip pa ako sa aking mga tenga.
Nasa isa akong lumang kwarto base na rin sa mga disensyong nakikita ko habang dahan-dahan kong inoobserbahan ito. Gustuhin ko man purihin ang mga lumang kagamitan na naririto ngunit kailangan ko nang kumilos dahil bilang lang ang aming mga oras.
Tik tok tik tok.
Oras. Tama tumatakbo ang oras. Hinding-hindi ito titigil para sa amin dahil may mga sariling kamay na gumagalaw nang kusa. Kinuha ko ang bolang kristal. Tig-isa kami ni Marco. Ibinigay niya ito sa akin noong una namin pagtatagpo ngunit hindi niya nailahad ang mga kakayahan nito sapagkat kinain agad kami ng ipu-ipo pati ang dahilan kung bakit siya meron nito. Saan niya ito kinuha? May nagbigay ba sa kanya ng bolang kristal na kailangan namin sa misyon na ito?
Bolang kristal. Isang hour glass ang makikita sa loob nito. Sa bawat segundong lumilipas, unti-unti rin tumutulo ang pulang buhangin pababa senyales na tumatakbo ang oras. Mapapansin din ang isang transparent na mga numero sa loob nito. Ito mismo ang nagsasabi ng ekstaktong oras na nalalabi para sa amin. Ngayon, halos dalawang oras at kalahating minuto na ang nakalipas pakatapos namin matapos ang unang misyon.
Misyon. Tatlong misyon at dalawa na lamang. Matatapos ang isang misyon kapag nahanap ang nakalutang na bolang apoy. Sabay namin hahawakan ni Marco ito ng sa gayo'y matupok ang anumang kasalanan na mayroon kami.
Si Marco. Hindi ko aakalain na sa isang katulad niyang malaki't matipunong lalaki ay mayroon pa lang kinatatakutan. Gusto ko man malaman kung ano iyon pero mas pinili ko na lamang manahimik bilang respeto para sa kanya. Hahayaan ko siya ang mismong maglahad sa akin.
Marahan kong hinawakan ang seradura ng pintuan at dahan-dahan binuksan ito hanggang sa nagbigay ito ng puwang o tamang espasyo sa akin kung saan maaari na akong dumaan.
Isang madilim na pasilyo ang unang bumungad sa akin pagkalabas sa naturang kwarto. Kinuha ko ang bolang kristal na magsisilbing liwanag ko sa kadiliman namumuo ngayon. Sabi ni Marco, hawakan ko lang ang bolang kristal at ito na mismo ang magbibigay ng ilaw o liwanag. Parang mayroon itong sense o pakiramdam kung kailan siya iilaw o hindi.
Nag-umpisa na akong humakbang dahil kailangan ko munang mahanap si Marco. Nagpag-usapan na rin namin kanina bago kami muling kainin ng ipu-ipo na baka magkahiwalay ulit kami katulad ng nangyari sa makulay na ilog. Kailangan magkasama kami anuman ang mangyari.
Madilim. Naglalakad ako sa isang madilim at mahabang pasilyo. Mahaba dahil hanggang ngayon wala pa akong nakikita ni isang kwarto o pintuan. Tiningnan ko ulit ang bolang ilaw kung ilan oras na lang ba ang nalalabi.
Halos magdadalawampung minuto na ako sa kakalakad. Apat na oras at sampung minuto na lang ang nalalabing oras at nasa ikalawang misyon pa lamang kami.
Pinto. Isang pinto. May nakikita akong pinto. Kinakabahan man dahil hindi ko alam kung ano ang mangyayari sa akin sa lugar na ito, binilisan ko pa rin ang paglalakad. Lakad na naging takbo ni hindi ko pa nahahawakan ang seradura ay mayroon na naman akong naramdaman na kakaiba. Ibang-iba.
Binuksan ko ang pinto at nakahinga ako nang maluwag ng hindi ito nakasarado. Isang hagdan pataas ang bumungad sa akin mga mata pagkabukas ko ng pinto. Agad kong inakyat ang bawat baitang ng hagdan na ito. May kalumaan na ang hagdan dahil sa tunog na ibinibigay nito habang tinatapakan. Isang tunog na wari'y tumatapak ka sa isang kahoy na luma't marupok.
Narating ko ang isa pang pinto sa itaas nito. Madilim pa rin ang paligid. Huminga muna ako nang malalim bago ko buksan ito. Isang hardin ang bumungad sa akin. Hardin na walang halaman ni bulaklak. May isang malaki, sira, at maduming fountain ang nasa gitna. Wala itong tubig. Isang simple at malawak na hardin lang ang natatanaw ko. Bigla akong lumingon sa aking likuran, pakiramdam ko kasi ay may tumitingin sa akin. Dala ang bolang ilaw, inilibot ko ang aking paningin sa buong paligid.
Doon ko natagpuan sa parteng kaliwa ang isang abandonadong simbahan. Isa ito sa mga lugar na kinatatakutan ko dahil alam ko na mas maraming ligaw na kaluluwa, espirito o demonyo ang naninirahan sa loob nito. Puno ito ng mga taong puno ng kasinungalingan. Mga taong akala mo'y mga banal ngunit mga tunay na hipokrito. Hindi lahat pero karamihan.
Pinilit kong maging matapang. Kailangan kong maging matatag baka nasa loob si Marco. Kailangan namin ang isa't isa.
Pumasok ako sa simbahan na yaon. Mapapansin ang karangyaan ng pagkagawa nito dahil na rin sa mga muwebles na ginamit maging ang iba't ibang dekorasyon na nasa loob nito. Napatingin ako sa mga nakasinding kandila na nasa gilid ngunit ganoon na lang ang gulat ko nang biglang nagsara ang mga malalaking pintuan ng simbahan na ito. Pilit kong binubuksan ito pero hindi mabuksan-buksan. Biglang umihip ang isang napakalamig na hangin. Nabaling ang aking tingin sa gitna. Doo'y may nakahigang lalaki. Lalaking kilala ko. Si Marco!
Tinakbo ko ang daan patungo sa kanya. Agad ko siyang nilapitan at pilit siyang ginigising. Hindi siya maaaring makatulog ng matagal, maaaring hindi na siya makabalik.
"Marco. Marco!!" Tinatapik ko ang kanyang pisnging malambot ngunit hindi siya nagigising. Mabilis pa naman lumipas ang mga oras, kailangan ko siyang magising. Natatakot na ako.
Hinawakan ko nang maigi ang bolang kristal. Pumatak na rin ang aking mga luha senyales na ako'y natatakot na baka hindi ko na makakasama si Marco. Hindi puwede. Inumpisahan namin ito ng sabay puwes tatapusin namin ng sabay. Niyugyog ko ang kanyang balikat nang marahas para lang magising ito.
"Marco. Pakiusap. Gumising ka na!" saad ko.
Biglang namatay ang mga kandilang kanina'y nakasindi kaya naging madilim ang buong paligid. Ngunit dahil sa liwanag na inihahatid ng bilog na buwan na tumatanglaw sa loob ng simbahan na parang walang kahirap-hirap na nakakalapos ang sinag nito sa mga bintanang gawa sa salamin ay masasabi kong isang malaking tulong para makita ko ng sapat ang buong paligid.
Ginigising ko pa rin si Marco. Dobleng kaba at takot ang aking nadarama tuwing nakikitang nakapikit pa rin ang mga mata nito. Gusto ko pang makita ulit ang kanyang mga mapupungay at masisiglang mata. Gusto ko pa siyang makasama.
Sa 'di ko inaasahan, may isang madre ang biglang lumitaw sa pinakadulong bahagi ng simbahan. Tumaas ang aking mga balahibo sa aking nakikita. Hindi lang isa, dumadami ang mga madreng nakatayo habang hawak-hawak ang kanilang mga rosaryo. Hindi ko maaninag masyado ang kani-kanilang mukha pero meron silang sinasabi. Lingguwaheng hindi ko maintindihan. Parang umuusal ng isang dasal. Nakakatakot pakinggan.
Itinaas ko ang bolang kristal. Umaasang matatakot ang mga ito sa hatid na liwanag nito ngunit imbes matakot ang mga ito ay humakbang pa palapit sa amin habang nagsasalita sa salitang espanyol. Kahit masyadong tipid ang kanilang mga hakbang, palakas nang palakas naman ang kanilang mga boses. Lumalakas din ang hangin na animo'y naglalaro sa loob ng simbahan. Mas nanaisin ko pang tumakbo kaysa sa panoorin sila.
Kaya pinilit kong buhatin si Marco. Ang bigat niya. Sobra. Kaya wala akong nagawa kundi hilahin siya. Kailangan namin makaalis o makalabas sa lugar na ito. Hinding-hindi ko siya iiwan. Mabali man ang aking mga braso kakahila sa kanya, hinding-hindi ko siya iiwan. Kung bakit ngayon pa siya hindi magising.
Sa sobrang lakas ng hangin ay muntikan na akong sumobsob sa sahig. Nasisira at nababasag na ang mga salaming bintana maging ang mga makalumang larawan na nakasabit sa dingding ay naglalaglagan. Patuloy pa rin sa paghakbang ang mga madre habang walang tigil sa kakasalita ng wikang espanyol.
May nakita akong pinto na nasa kanan. Hindi ko alam kung ano ang nasa loob nito pero ito lang ang nakita kong isang lagusan na maaaring makalabas sa lugar na ito malayo sa mga madreng ngumingisi na sa akin ngayon. Hindi magandang ngiti kundi demonyong ngisi. Kapansin-pansin ang kanilang bunganga na tuwing nagdadasal ay may mga langaw na lumalabas. Puting-puti ang kanilang mga mata. Walang bilog o iris sa loob nito.
Hinihila ko si Marco patungo sa pintuan. Hindi ko alam kung hinahayaan lang kami ng mga madreng ito na makalapit sa may pinto, para kasing hindi naman silang nagmamadaling habulin kami para patayin o saktan. Pero wala na akong panahon pang tanungin sila kung bakit ang babagal nila, ang importante ay makaalis kami.
"Tik tok tik tok," saad ng isang madreng nasa pinakagitna. Sabay ngisi nito sa akin na nakakakilabot.
Siya ang naiiba sa lahat. Hindi namumuti ang kanyang mga mata bagkus mayroon mga matang tulad ng sa ahas. Walang langaw na lumalabas sa bunganga nito. Inilabas niya ang kanyang maitim na dila at nag-umpisang dilaan ang labi nito habang nakatitig sa akin.
Shuta.
Nahawakan ko na ang seradura ng pinto at mabilis na pinihit ito ng sa gayo'y mabuksan at makalabas. Kung labas nga ang naghihintay sa amin.
Ngunit isang pasilyo na naman. Mayroon mga sinding sulo na nakakabit sa sementong dingding na nagsisilbing liwanag. Isinara ko ang pinto at ini-lock para hindi sila makapasok.
Ginigising ko ulit si Marco. At sa kabutihan palad, unti-unti na siyang nagmumulat.
"Marco, ano? Ok ka lang ba? Bakit hindi ka agad nagising?" sunod-sunod kong tanong.
"Hindi ko alam," sagot nito habang sapu-sapo ang sariling ulo na parang may iniindang sakit.
"Marco, kaya mo pa ba?"
"Dapat kong kayanin dahil kailangan," sabi nito na nakatitig sa akin ng seryoso.
"Umiyak ka ba?" dagdag ni Marco.
"Oo at nang dahil sa 'yo, alam mo ba na halos mabaliw ako kanina kasi hindi ka nagigising. Akala ko iiwan mo ako," tapat kong sagot.
Natigilan ito.
"Shh, huwag ka nang umiyak. Pumapangit ka eh," pagpapatawa nito.
Seryoso ko naman itong tinitigan.
"Huwag kang mag-alala. Hindi na mauulit," seryosong dagdag nito sa akin.
"Mabuti pa'y magsimula na tayo, tumatakbo ang oras," paalala ni Marco.
Nagsimula na kaming maglakbay sa pasilyong ito. Sa tulong ng mga sulo ay hindi kami nahirapan maglakad.
Mapapansin ang sementong mukhang gawa sa sinaunang panahon. Hinawakan muli ni Marco ang aking kamay habang pareho kaming tumatakbo at hinihingal. Maraming nawala sa aming oras kaya kailangan tumakbo. Hindi ko alam kung kailan matatapos ang pasilyong ito dahil kanina pa kaming takbo nang takbo. Bago man kami sumuko dahil sa pagod, sa wakas ay mayroong pintong naghihintay na sa amin.
Nagtinginan muna kami ni Marco bago pihitin ang seradura ng pinto. At nang buksan namin, ang bolang apoy na nakalutang ang agad naming nakita ngunit mukhang mahihirapan kaming maabot ito dahil sa mga madreng nakatingin sa amin. Mukhang inaantay kami.
"Maligayang dating mga bisita," sabi ng babaeng nakatalukbong na nasa pinakagitna. Mukhang ito ang pinakalider nilang lahat. Ito rin ang nagsalita kanina sa akin na may mala-ahas na mga mata.
Hinarang ni Marco ang sarili niya sa harapan ko kaya ang kinalabasan ay narito ako sa kanyang likod parang batang nagtatago.
"How sweet," pang-aasar nito sa amin. Siya na naman.
Aminado akong natatakot ako. Sinong hindi matatakot kung napapalibutan kayo ng mga madreng demonyo kung ngumisi. Titig na tigtig na para bang handa kaming sakmalin anumang oras.
Hindi ko masasabing isang ordinaryong kwarto ang kinatatayuan namin ngayon dahil mukha itong kwartong panritwal. Mapapansin kasi sa sahig ang nakaukit na mga simbolo. Halo-halong tatsulok at may malalaking mata sa pinakagitna. Mayroon din krus na nakabaliktad na nasa ibabaw nito. Mga kandilang nakalatag sa sahig, nakahanay ang mga ito sa isang linyang diretso na nakabuo ng parisukat na itsura at ang bolang apoy na nakalutang na kailangan namin matupok ay nasa dulo ng kwartong ito.
"Ano na? Naiinip na ako at kapag ako mainip, nagagalit ako. Mararanasan ninuman kung ano ang lasa ng sakit ng galit ko," pananakot nito.
"Huwag ka puro salita, tanda," matapang na sagot ni Marco.
Hindi ko alam kung ano ang nangyayari. Natatakot ako. Ito na ba ang huling sandali ng aking buhay? Humawak ako nang mahigpit sa mga braso ni Marco kahit papaano ay naibsan ang aking takot.
"Kalapastangan. Isang hambog!" sabi ng isang madreng katabi ng madreng nasa pinakagitna.
"Hinahamon mo ako bata. Sige, pagbibigyan kita," sabi ng babaeng may mala-ahas na mga mata.
Biglang umusal ang lahat ng madreng narito ng isang dasal. Hayan na nga ba ang sinasabi ko, dudugo na naman ang utak ko dahil hindi ko man lang maintindihan ang sinasabi nila.
"Hindi totoo," bulong ni Marco.
"Huh?" pagtataka ko.
"Huwag mong bitawan ang bolang kristal mo Asya. Huwag na huwag kang lalayo sa tabi ko."
Malamang. Bakit ba ako lalayo kong nahahawakan ko ng libre ang mga matitigas mong braso? Dahil matino akong babae hindi ko iyon sinabi sa kanya.
"Huwag kang mag-alala Marco sa akin. Kayang-kaya kong protektahan ang sarili ko," sagot kong napakaganda't nakakahanga.
"Mabuti naman kung ganoon. Hawakan mo na ang bolang kristal mo at ilagay mo sa kanang kamay mo," panuto nito.
"Anong plano mo?" tanong ko. Balak ko nang kunin sa bulsa ng panjama ko ang bolang kristal ngunit hinintay ko munang sumagot si Marco.
Kaso bago pa man makasagot si Marco ay biglang may tinapon na isang bagay papunta sa amin kung kaya't napahiwalay kami sa isa't isa.
"Asya!"
"Marco!"
Itutuloy...
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro