Kabanata 5
Asya's POV
"Tatlo!" sigaw ni Marco.
Agad kaming lumusong sa nasabing ilog.
Nakapagtataka. Akala ko'y mababaw na ilog ngunit ako ay nagkakamali. Nang inilubog ko ang aking sarili sa ilog, doon ko lamang napagtanto na isa itong ilog na napakalalim. Kapansin-pansin din ang paiba-ibang kulay ng tubig.
Minsan nagiging asul, minsan pula, dilaw, kulay putik, lila at kulay dalandan para bang isa ngang makulay na ilog. Nag-umpisa na akong lumangoy ngunit masyadong malakas ang puwersa na humihigop sa akin pababa. Nagpupumiglas ako at pinipilit lumangoy pataas subalit patuloy lang lumulubog ang aking katawan.
Unti-unti na rin nag-iba ang kulay ng tubig. Kung kanina'y parang bahaghari sa ganda pero ngayon ay kinakain na ng itim. Patuloy ko pa rin nilalabanan ang puwersang humihila sa akin. Nakakapanghina. Tuluyan na rin naging itim ang tubig. Napakadilim. Wala akong maaninag. Hindi ko alam kung ano ang gagawin lalo lang kasi ako manghihina kapag nilalabanan ko ang puwersang humihila sa akin pababa.
Isang tahimik ngunit nakakatakot na paligid. Puro tubig. Walang buhay na makikita. Napakadilim. Hinayaan ko na lamang ang aking sarili sa puwersang humihila sa akin pababa subalit nakaramdam na ako ng kawalan ng hangin makalipas ang ilang segundo.
Pinipilit ko pa rin habulin ang aking hininga na unti-unti nang napapatid ngunit napadako ang aking atensyon sa isang maliit na liwanag. Liwanag sa isang napakadilim na tubig. Papalapit ito papunta sa akin. Pilit kong iginalaw ang aking mga kamay at paa upang salubungin ang paparating na liwanag sa dilim. Umaasang si Marco ang nasa liwanag. Umaasang mahahawakan ulit ang kanyang mga kamay. Umaasang makita muli ang kanyang mga matatamis na ngiti.
Ngunit tumigil ako sa paglangoy dahil parang may kakaiba sa pigurang lumalangoy. Malalagong buhok na sumasabay sa bawat galaw nito. Dahil na rin sa nanlalabong paningin, sadyang hindi ko pa masyadong makita ito.
Ilang metro na lang ang layo namin sa isa't isa. Masyadong siyang mabilis kung lumangoy kumpara sa isang normal na tao dahil lumalangoy ito na para bang isang nilalang na nabubuhay sa ilalim ng dagat tulad ng isda.
Isda? Tama parang may nakikita akong buntot sa likod nito. Kay laking isda! Bigla akong nakaramdam ng kaba. Pakiramdam ko'y isang panganib ang papalapit sa akin kaya buong lakas kong inilabas ang natitirang enerhiya na mayroon ako. Pinilit kong lumangoy nang mabilis pataas. Mabuti na lang ay nawala na ang kaninang puwersang humihila sa akin. Hindi ko alam kung tama ba ang nilalanguyan ko basta makaalis lamang dito ay sapat na sapagkat ayokong mahuli ng nilalang na ito.
Ngunit hindi pa nga ako nakakalayo, may naramdaman na akong malamig na kamay na dumapo sa aking binti. Ayokong tingnan kung sino o ano man ang humahawak sa akin ngayon ngunit traydor ang aking katawan dahil ito na mismo ang gumawa ng isang bagay na pinagsisisihan ko. Natagpuan ko lang naman ang aking sarili na nakatingin sa isang babae.
Babaeng napakaputla. Ang babaeng may buntot. Ang kanyang katawan ay parang sa isda, ang kanyang buhok ay kakaiba, parang may sariling buhay at tila umiilaw ito. Puting buhok na umiilaw. Itim na itim ang kanyang mga mata na hugis pusa ngunit lubog ang mga ito. Walang ilong ngunit mayroon dalawang butas sa taas ng kanyang labi, ito marahil ang nagsisilbing ilong.
Ngumiti siya. Ngiting walang kagandahan. Doon ako nagising sa katotohanan, biglang sumiklab ang aking takot kaya agad akong nagpupumiglas at pinipilit na lumangoy palayo mula sa kanya pero hindi niya ako binibitawan. Napakalakas niya ni hindi ko siya mahila. Humahagikgik lamang ito sa akin na tila pinagtatawanan ako.
Bigla na lamang ako naging bato, naestatwa sa nakikita. Ang babaeng sirena ay nakatitig na sa akin ng masama. Ngayon ay dahan-dahan nitong ibinuka ang malaking bibig at kitang-kita ng aking dalawang mata kung gaano kahaba, katalim, at katulis ang mga ngipin nito. Parang ngipin ng isang dambuhalang piranha.
Marco nasaan ka? Tulungan mo ako!
'Diyos ko, huwag mo akong pabayaan,' dasal ko sa aking isipan. Hindi ko alam kung bakit hindi na ako makagalaw marahil natatakot na ako. Gusto kong umiyak.
"Brhaaaaa whaaaaa!" sigaw ng babaeng isda. Sigaw na parang natatakot. Natatakot sa isang liwanag.
Tama. Liwanag. May isang liwanag na papalapit sa amin. Isang liwanag na naglalakbay patungo sa akin. Kinakabahan ako baka panibagong halimaw na naman ito. Huwag naman sana.
Nabitawan ako ng babaeng isda at bigla na lamang itong lumangoy palayo na napakabilis. Hindi nga lang ako sigurado kung nakaalis na ba ito o nagtago sa ibang bahagi ng tubig dahil masyadong madilim pa rin ang kulay ng tubig ngunit kahit papaano ay mayroon liwanag na nangingibabaw. Lumingon ako doon sa papalapit na liwanag at ganoon na lamang ang aking kaginhawaan nang makilala ko ang lumalangoy, ang kanina ko pang hinahanap-hanap.
"Mmmmm," sabi ko kay Marco nang makalapit ako sa kanya. Hindi ko kayang magsalita sa ilalim ng tubig. Niyakap ko agad siya bilang pasasalamat sa pagliligtas niya sa akin.
Naramdaman ko na lang ang kanyang kanang braso na pumaikot sa akin beywang. Binigay niya sa akin ang bolang ilaw at agad ko naman itong hinawakan nang mahigpit. Humawak ako sa kanyang leeg habang dala-dala ko ang bolang ilaw. Dahil sa panghihina ko, kumapit ako sa kanya nang mahigpit, halos magkayakap na kaming dalawa. Unti-unti na kaming pumapataas. Siya ang lumalangoy habang hawak niya ako sa beywang. Itinataas ko naman ang bolang ilaw at kapansin-pansin na ang kulay ng tubig ay unti-unting nagiging malinaw. Ang itim na bumalot sa paligid ay unti-unting naglaho. Bumalik ang dating kulay ng makulay na ilog.
Umuubo-ubo ako nang nakarating kami sa pampang habang hinahagod naman ni Marco ang aking likod. Makalipas ang ilang segundo, kusa akong tumayo habang todo alalay si Marco. Naririnig namin ang atungal at sigaw ng mga halimaw sa kabilang pampang. Hindi sila makatawid sa makulay na ilog, hanggang tingin na lang sila.
"Asya, tingnan mo!" saad nito habang may itinuturo.
Tiningnan ko ang kanyang tinuturo.
"Marco, ang bolang apoy!!" masaya kong sagot.
Naglakad kami ng kaunting hakbang palapit dito. Sinuri muna namin ito ng lubos. Isa itong bolang apoy na nakalutang. Kulay kahel. Nang akmang hahawakan namin ay biglang sumakit ang aming ulo na parang umiinit. May mga imahe akong nakikita. Imahe ng nakaraan. Alam ko kung ano iyon.
Fear.
Takot. Takot nang magtiwala. Takot nang harapin ang bukas. Takot nang humakbang. Takot nang umiyak sa harapan nila. Takot maging mahina.
Isang kasalanan ang mamalagi sa ugat ng takot. Hindi lubos na magiging malaya ang isang persona kung hahayaan nitong mamuhay ang takot sa puso't isip.
Isang pamilyar na lugar. Maiingay ang mga taong nakapaligid. May naglalaro at nagkakantahan. Kabi-kabila ang ingay ng mga tao. Hindi maaari. Sana nagkakamali lamang ako.
"Batang bungi! pangit!!" sabi ng mga batang nasa edad sampu.
"Tama na!" sabi naman ng isang batang babae na kamukhang-kamukha ko. Umiiyak. Nanginginig habang tinatakpan nito ang mga tenga.
Parang may mabigat na nakadagan sa aking dibdib. Pilit ko mang huminga ng tuwid ngunit nahihirapan ako tuwing naaalala ko ang eksenang iyon.
Naging tampulan ako ng tukso mula elementarya. Sakitin akong bata. Sa mga araw ng aking kamusmusan, masyadong maliit ang aking katawan na hindi naaangkop sa aking edad. Payat, pandak, at hikain. Hindi pa kasi namin nadiskubre ang aking sakit hanggang nagwalong-taon gulang ako.
Nagkataon ng araw na iyon ay galing kami sa dentist kung saan kinuhaan ako ng ngipin sa harapan na halos tatlong ngipin ang nabunot sa akin. Dahil doon, labis ang panunukso ng mga batang bully sa akin. Napapangitan daw kasi sila. Minsan umabot pa sa mga oras na ikinukulong nila ako sa banyo dahil sa hindi ko maibigay ang gusto nila.
Minsan may mga pagkakataon na lumalaban ako sa mga nanghuhusga sa akin ngunit para lang isang bola na tuwing itatapon mo sa pader, babalik na babalik sa iyo. Lalo lang silang naiinis at natutuwa kapag lumalaban ako. Ayokong magsumbong kina mama at papa kasi ayokong dagdagan pa ang kanilang problema, sa araw-araw na gastusin at mga gamot ko ay nahihiya akong makigulo pa. Wala rin kaming kalaban-laban sa mga batang bully dahil galing sa mayaman na pamilya ang mga ito.
Mula noon nagkaroon na ako ng takot. Takot nang magtiwala. Takot nang umiyak sa harapan nila. Takot maging mahina dahil tuwing nakikita nilang mahina ka, lalo silang natutuwa. Kaya ayokong umiyak. Iiyak lang ako na walang nakakakita, iiyak ng mag-isa.
Hindi ko alam kung bakit ipinapakita sa akin ang mga ito. Marahil kailangan kong lampasan ang takot na mayroon sa puso ko upang tuluyang maging malaya. Hindi naman masamang magkaroon ng takot. Huwag mo lang hayaan ito na kumuntrol sa buong pagkatao mo.
"Ikaw ay huwag matakot sapagkat tinubos kita. Tinawag kita sa iyong pangalan, ikaw ay akin," isang malamyos na boses ang aking narinig. Hindi ko alam kung kanino ito ngunit naging panatag ang aking pakiramdam.
Gusto kong maging malaya. Gustong-gusto at sa sandaling ito, isinasara ko na ang pahinang ito sa aking buhay. Mabubuhay na walang takot dahil alam ko na may Diyos na hindi ako iiwan.
Itutuloy...
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro