Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 12

Asya's POV

"Asya."

Tawag nito sa akin kung saan isang matibay na patunay na hindi nga siya isang imitasyon dahil ang alam ko hindi nagsasalita ang isang doppelganger.

"Asya. Ako ito," ulit nito.

Lumapit ito sa akin. Bago man niya ako mahawakan ay bigla akong umatras na parang iniiwasan ko siya.

Tumigil ito sa paghakbang. Mayroong dumaan sa mga mata nito na isang emosyon. Kitang-kita ko ang sakit sa kanyang mukha. Nasasaktan ito sa ginawa kong pag-iwas.

"Hindi ito totoo. Hindi," kumbinsi ko sa sarili habang hinahawakan ko ang kanang dibdib na parang may nararamdamang kakaiba.

"Asya. Ako ito," ulit nito.

Natigilan ako sa sinabi niya. Nagtitigan lamang kami sa loob ng ilang minuto habang may malaking puwang na humahati sa amin mula sa isa't isa.

"Ikaw ba? Ikaw ba ang anak niya?"

Ngumiti lamang ito nang malungkot. Ipinapahiwatig na tama nga ako.

"Hindi totoo iyan Marco. Sabihin mo sa akin na hindi ikaw iyon. Na nagbibiro ka lang. Hindi ba?" hirap na hirap kong sinabi.

Ipinangako ko sa sarili noon na hindi ako magkakaroon ng kahit anong ugnayan sa mga taong may kaugnay sa lalaking kinamumuhian ko.

"Marco, sumagot ka!!"

"Ako nga. Tatay ko ang pumatay sa iyong ama."

"Ano? Bawiin mo ang sinabi mo!"

"Narinig mo ang sinabi ko. Ano ba ang gusto mong patunayan ko Asya para maniwala ka."

Huminga ako nang malalim.

"Bakit sa dinami-daming lalaki? Sa dinami-daming tao sa mundo, ikaw pa?!" bulalas ko.

"Asya."

"Alam mo ba na ipinangako ko mismo sa sarili ko na hindi ko hahayaan maugnay sa mga taong malapit sa lalaking kinamumuhian ko."

"At heto ang mapait na katotohanan! Ako ang anak ng taong kinamumuhian mo!" sabat nito.

"Ang hirap lang kasing tanggapin. Nasasaktan ak---"

"At ano Asya? Ikaw lang ba ang nasasaktan? Kayo na lang parati. Nasasaktan din naman ako. Nasaktan din ako," pagputol nito sa sasabihin ko.

Ilang sandali bago muli itong nagsalita.

"Ang hirap sa inyo, parati niyong naiisip na kayo lang ang nasasaktan, na kayo lang ang nawalan. Alam mo ba ng araw na iyon, iyon sana ang pinakamasaya kong kaarawan. Hiniling ko noon pa na sana mabuo kami pero hindi eh," umpisa nito.

Nakikinig lang ako sa kanya. Titig na titig sa kanyang mukha habang umiiyak ito. Ito ang unang pagkakataon na nakita ko siyang umiiyak.

"Buong buhay ko, ipinagdasal ko na sana magbago ang tatay. Galit ako sa kanya. Nagagalit ako sa kanya kasi kahit kailan hindi ko naramdaman ang isang pagmamahal ng isang ama. Lasinggero, babaero at palagi niyang sinasaktan si mi, pisikal at emosyonal. Nagtanim ako ng galit sa kanya kasi hindi ko mapigilan na mainggit sa mga kasklase ko. Sabi ko mabuti pa sila masaya, mabuti pa sila buo. Eh kami? Galit ako sa tatay dahil sa lahat ng pagkukulang niya, sa lahat ng panahon na sinayang niya. At sa katotohanan na hindi niya ako tanggap bilang isang tunay na anak. Na ikinahihiya niya ako. Ako na isang bunga ng kasalanan," mahaba nitong lintaya.

"Pero isang araw nagbago si tatay. Humingi siya ng pagkakataon na mabuo ulit kami. At dahil uhaw ako sa pamilya, ang saya-saya ko noon na sa wakas tanggap na ako ni itay. At nang araw na iyon, akala ko mararanasan ko na rin ang ipagdiwang ang kaarawan ko na kumpleto kami. Iyon kumpletong pamilya na kay tagal kong inasam," dagdag nito.

Nagulat ako sa lahat ng sinasabi niya.

"Pero ano? Nakapatay si tatay. Napatay niya ang iyong ama, Asya. Alam ko naman na masakit at mahirap ang pinagdaanan niyo. Pero kung ano man ang nagawa ng aking ama sa iyong ama, labas kami do'n!!"

"Alam ko iyon ngunit kahit anong gawin ko, ang sakit-sakit pa rin lalo pa't nalaman kong anak ka ng taong dahilan kung bakit kami nagdusa, hindi ko maitatanggi na ang hirap pa rin tanggapin. At ngayon, habang tinitingnan kita, naaalala ko ang ginawa ng iyong ama," sumbat ko.

"Ngunit wala akong kasalanan Asya, alam mo iyan!"

"Pero wala kang ginawa ng mga oras na iyon. Hinayaan mong makagawa ng isang kasalanan ang tatay mo."

"Masyadong mabilis ang lahat. Hindi ko agad napansin ang pagkuha ng punyal ng aking ama."

"Kahit anong sabihin mo ngayon, hindi mo pa rin maililigaw ang katotohanan na nawalan kami."

"Hindi lang ikaw Asya. Nawalan din ako. Nawala ang aking ama pati na rin ang aking ina at ang aking kapatid na hindi man lang nabigyan ng pagkakataon na masilayan ang mundo."

"Hindi na namin kasalanan kung ano ang nangyari sa iyong ina at maging sa iyong kapatid."

"Pero nang dahil sa pagdadamot niyo, nawala sila sa akin ni hindi niyo kami pinakinggan. Ang swerte mo nga nandiyan pa ang mama mo at kapatid mo na handang gawin ang lahat para sa iyo ngunit ako? Nang dahil lang sa isang kasalanan na hindi ko naman ginawa, nagdusa ako."

"Alam ko naman na namatayan kayo at masakit iyon para sa inyo ngunit hindi sapat na pati kami idadamay niyo sa galit niyo. Wala kaming kasalanan, Asya," dagdag nito.

Tinamaan ako sa sinabi nito. Tama naman siya. Ipinagkait namin ang lahat ng pagkakataon na pakinggan sila ngunit nasasaktan kami ng mga panahon iyon kaya aminin ko man o hindi, ganoon pa rin ang gagawin ko.

"Hindi ko na alam Marco kung kaya pa kitang pakisamahan," pag-iiba ko. Mabuti pang tapusin ko na ang usapan namin dahil wala naman itong patutunguhan.

"Bakit Asya? Bakit pakiramdam ko galit ka sa akin?"

"Isang sagot lang Marco. Ang iyong ina ba ang aking donor?"

Nadiagnose ako sa sakit na tinatawag na congenital heart disease. Isang uri nang sakit sa puso kung saan hindi maayos ang pagtibok ng puso. Sanggol pa lamang ako nang nakuha ko ito. Walong taon gulang ako nang madiskubre namin ito at kinakailangan ng malaking operasyon, ang heart transplant. Dahil isa sa aking ventricle ay hindi nag-pa-function o hindi maayos ang pagkilos nito maging ang nabuong butas sa aking puso na siyang dahilan kung bakit nagkakaroon nang leakage o isang aksidental at labis na paglabas ng dugo mula mismo sa puso ay kailangan kong dumaan sa isang surgery o operasyon.

"Kung sasagutin ko ba ang tanong mo, maniniwala ka sa akin?"

Natigilan ako. Hindi ko rin kasi alam kung matatanggap ko ito o hindi.

Huminga ito nang malalim bago magsalita, tila nahihirapan sa kung ano man ang sasabihin nito.

"Pakatapos nang pag-uusap namin ng iyong kapatid na hindi ko pala alam na nakikinig siya noon, nagbago si mi. Niyakap niya pa ako nang pagkauwi ko. Ngumingiti na siya na parang nagising siya sa katotohanan na wala na kaming magagawa para kay tatay. Akala ko okay na siya. Akala ko ako ang dahilan ng pagbabago niya. Na ako na lang ang magiging buhay niya. Ngunit nagkamali ako, akala ko lang pala. Akala ko sapat na ang presensya ko para maging masaya siya pero kahit anong gawin ko, wala pa rin," madamdaming paglalahad nito.

"Ang sabi niya sa akin, babalik siya. May pupuntahan lang daw siya. Gusto kong sumama sa kanya pero bawal daw ako ro'on. Hindi ko na lang pinilit pa kasi ayokong magalit siya sa akin. Naghintay ako sa kanya buong magdamag. Naghintay ako nang matiyaga. Sabi niya kasi babalikan niya ako, dumaan ang maraming araw pero hindi na siya bumalik. Nireport ko ang pagkawala niya. Ngunit wala man lang kahit ni isang impormasyon tungkol sa kanya hanggang sa umabot ng ilang buwan."

"Pakatapos ng ilang linggo, nalaman ko ang paglaya ng tatay. Umuwi siya sa bahay. Masayang-masaya ang tatay ko ng mga sandaling iyon. Akala niya kami ang nagpiyansa sa kanya, pero nang nalaman niya ang pagkawala ni mama, hinanap niya ito sa mga kakilala niya. Pero katulad ko wala rin siyang napala. Ilang araw lang ay bigla na lang din umalis ito at di na bumalik ang tatay. Inaasahan ko na iyon," patuloy nito.

"Tapos nalaman ko na nakauwi ka na at ng mama mo, maging ang balak niyong paglipat sa ibang lugar. Bago kayo umalis, nakipagkita ang mama mo sa akin. Siya mismo ang nagsabi na ang aking ina ang naging donor mo. May ibinigay siya sa akin na isang sulat. Sulat mula sa aking ina. Doon ko nga nakilala ang sulat-kamay ng aking ina halatang hindi gawa-gawa. May kalakip ito na isang lumang passbook na pagmamay-ari ng aking ina. Pera na matagal niya nang inipon para sa akin. Akala ko nga wala na siyang pakialam sa akin. Tinanggap ko iyon dahil wala rin akong sapat na pera na bubuhay sa akin."

Bigla itong tumigil at pinikit ang mga mata na halatang nasasaktan sa mga binitawan nitong rebelasyon. Maski ako kung ako man ang nasa sitwasyon niya ngayon, siguradong mahihirapan din ako.

"Hindi ka ba galit sa akin?" tanong ko sa kanya.

Iminulat nito ang kanyang mga mata at muling tumitig sa akin.

"Ninakawan niyo ako ng pagkakataon na makausap o mayakap ko lang ang aking ina sa huling sandali ngunit ano pa ba ang magagawa ko? Nangyari na ang nangyari. Sadyang mas mahal ng aking ina ang aking ama kaysa sa akin. Marahil panlulumo na lamang ang aking nararamdaman ngayon, magalit man ako, wala naman mangyayari."

"Marco hindi ko alam na siya ang donor ko," paggigiit ko.

"Hindi mo na kailangan magpaliwanag sa akin Asya. Sana naman ngayon kahit papaano nabawasan ko lang ang sakit na nandiyan sa puso mo. Hinihiling ko lang na alagaan mo ang iyong sarili dahil hindi simple ang ginawa ng aking ina para mabuhay ka. Kahit ito na lang ang ibigay mo sa akin."

"Ngunit kung may pagkakataon akong ibalik ang lahat, handa ko rin isakripisyo ang aking buhay para sa iyo Asya. Mas gugustuhin ko na ako na lang total wala naman iiyak o masasaktan kapag mawala ako," patuloy nito.

"Hindi totoo iyan Marco. Alam ko na may dahilan bakit nangyayari sa atin ito at hindi rin totoo na walang masasaktan kapag ikaw ang mawala. Hindi pa man kita nakikilala alam kong mabuti kang tao. Sadyang naipit lamang tayo sa laro ng tadhana."

"Huwag kang mag-alala. Hindi masasayang ang sakripisyo ng iyong ina para lamang madugtungan muli ang aking buhay," mabilis kong dagdag.

"Mabuti kung ganoon. Sana mahanap mo na rin na patawarin mo ang aking ama. Hindi kita pipilitin, marahil ito na rin ang pagkakataon na magkapatawaran tayo. Ito yata ang apoy na kailangan natin tupukin."

"Tama ka Marco," pag-sang-ayon ko.

Ngunit bago ko man sabihin ang gusto ko pang sabihin kay Marco ay biglang yumanig. Nag-umpisa na rin mabiyak ang lupang kinatatayuan namin. Hindi pa man kami nakakalapit sa isa't isa ay tuluyan na kaming nilamon ng lupang nakabuka.

Itutuloy...

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro