Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 11

Asya's POV

Bigla na naman naglaho ang buong paligid at napalitan ito ng isang lugar na mapapatunayan kong isang ospital. Ospital kung saan dinala ang aking ama. Nabaling ang aking atensyon sa isang grupo na mabilis na kumikilos.

"Papa, kapit lang huh?" Hawak-hawak ng batang bersyon ko ang kamay ng aking ama.

Nakahiga ang aking ama sa isang higaan na may apat na gulong sa bawat paanan nito. Hindi ko alam ang tawag nito. Basta tinutulak ito ng mga nars at ng batang ako.

"Papa!"

"Hanggang diyan lang po kayo," pigil ng nars.

Umiiyak lamang ang aking bersyon habang mataman na nakatingin sa sumarang pintuan ng E.R. Napadako ang tingin ko sa gilid kung saan nakatayo ang binatilyo kasama nito ang babaeng asawa ng lalaking matangkad.

"Mi, kailangan na natin umalis," sabi ng binatilyo.

"Walang aalis. Hindi kayo dapat umalis!" galit na baling ng batang Asya.

"Kailangan ng magpahinga ng mommy ko. Hindi mo ba nakikitang namumutla na siya?" sagot nito sa mataas na tono.

"Hindi mo rin ba nakikita na nahihirapan at natatakot ako dahil nandoon ang papa ko sa loob ng dahil sa tatay mo?"

"Hindi naman niya sinasadya. Alam mo iyon. Nakita mo," sabi ng babaeng asawa ng lalaking pumatay sa aking ama.

Nakita ko ang pagkumo ng kamay ng batang bersyon ko. Hindi ko pala inaasahan na makikita ko nang harapan ang namumuong galit sa aking mga mata ng mga oras na iyon.

"Anak!"

"Ate Asya!" sabay nilang sigaw.

Napalingon ito sa kanila. "Ma!" Niyakap ng batang Asya kaagad si mama habang si Europe ay nasa gilid lamang. Umiiyak ito habang hinahagod ni mama ang likod nito.

"Tahan na anak. Makakasama iyan sa iyo."

"Ate, nasaan si papa? May tumawag kay mama na isinugod daw dito si papa! Bakit? Ano ba ang nangyari?" sunod-sunod na tanong ni Europe.

"Sino po ang pamilya ni Mr. Balinhawak?" tanong ng isang matandang doktor.

"Ako ang asawa."

"Kami," sabay na sagot nina Europe at batang Asya.

"Didiretsuhin ko na ho kayo misis," baling nito sa aking ina.

"Kumusta ang asawa ko? Ok lang ba siya?"

"Paumanhin misis. Ginawa na ho namin ang lahat."

"Ano ang ibig mong sabihin dok? Maayos naman ang kalagayan ni George ko 'di ba?" umiiyak na sabi ng aking ina.

"Hindi ho kinaya ng iyong asawa. Ilang ulit na namin ni-ri-revive ngunit halos hindi na maka---"

"Hindi. Hindi totoo iyan! Buhay ang asawa ko. Hindi niya kami iiwan. Hindi niya ako iiwan!" sigaw ng aking ina habang hinahawakan ang kwelyo ng doktor.

Yumuko na lamang ang matandang doktor.

"Ma, tama na po," pigil ni Europe kay mama.

George Balinhawak. Lalaki. Tatlong pu’t siyam na gulang. Isang enhinyero. May asawa at dalawang anak na mga babae.
Sanhi ng kamatayan: Sudden Cardiac Arrest
Oras ng kamatayan: 3:48 ng hapon
Araw ng kamatayan: Labing-isa ng Agosto, taon 2000

Hindi pala namatay ang aking ama sa talim na dala ng kutsilyong nakatarak sa dibdib nito kundi ang hindi inaasahan pagkabigla ng aking ama. Malusog ang aking ama. Wala itong sakit sa puso ngunit tila hindi inaasahan ng aking ama ang nangyari sa kanya kung saan nagdulot ito nang pagtigil sa pagtibok ng puso nito. Ayon sa syensya, dahil sa biglaang reaksyon o pagkagulat ay maaaring ma-aresto ang puso o arrested o biglang pagtigil. Pagkabiglang nagdala sa aking ama sa kamatayan.

Samantala ang batang bersyon ko ay hinahawakan nang mahigpit ang dibdib nito sensyales na nahihirapan itong huminga. Unti-unti itong napapaupo sa sahig. Hindi kinakaya ng kanyang sistema ang masamang balita mula mismo sa bibig ng doktor.

Naaalala ko ang lahat ng ito pati ang pakiramdam na parang dahan-dahan dinudurog ang aking puso.

"Ate Asya!" tarantang sabi ni Europe.

"Anak. Anak!" Mabilis na lumapit si mama rito.

Wari'y mayroon malaking bato ang nakadagan sa aking dibdib, ang bigat-bigat habang pinapanood ko ang mga ito. Ngunit napapasin ko rin ang mabilis na pagtunaw nilang lahat na para bang isang kandilang nauupos. Natutunaw at napapalitan ng bagong mga imahe. Nagbago na naman ang buong paligid.

Ang sunod na eksena ay ang pangyayari kung saan namin i-ni-report ang isang krimen sa mga awtoridad. Isang krimen ng pagpatay.

"Pakiusap, huwag mong gawin ito!" pagsusumamo ni Bernadette, ang asawa ng taong pumatay sa aking ama, ang ina ng binatilyong tila may kamukhang hindi ko matukoy.

"Bakit? Huh?" sabi ni Mary Jean, ang pangalan ng aking ina.

"Dahil hindi naman sinasadya ng aking asawa ang ginawa niya sa iyong asawa!!" mariin nitong sabi.

"Sinadya man o hindi, hindi niyo maitatanggi ang katotohanang wala na ang aking asawa, ang ama ng aking mga anak."

"Isa kang ina. Kung malalayo sa amin ang aking asawa, paano ang aking mga anak?"

"Naririnig mo ba ang sinasabi mo? Sana naisip man lamang ng asawa mong hindi kayang kontrolin ang init ng ulo nito bago niya patayin ang aking asawa. Paano ang mga anak niyo? Bakit kayo lang ba? Paano rin ang aming mga anak?"

"Nakikiusap ako sa iyo. Gagawin ko ang lahat ng gusto niyo, palayain niyo lang ang aking asawa." Hinawakan nito ang isang kamay ng aking ina.

"Puwes, ibalik mo ang buhay ng aking asawa. Ibalik mo siya sa amin! Ano kaya mo ba?"

Agad na iniwaksi ng mama ang kamay nitong nakahawak at matapang na tinitigan ang kaharap.

"Kung ikaw ang nasa posisyon ko? Hahayaan mo na lang ba ang taong pumatay sa asawa mong maging malaya?"

Natigilan si Bernadette.

"Hindi naman 'di ba? Kaya huwag na huwag kang humingi ng isang bagay na kahit kailan hindi ko kayang ibigay," komento nito sabay talikod nito mula sa kausap.

"Halika na anak, umalis na tayo dito." Hinila na ni mama ang batang bersyon ko.

"Nakikiusap ako sa iyo!" habol ni Bernadette sa mag-inang paalis.

"Mi!!" sigaw ng binatilyo habang inaalayan ang ina nitong nahimatay.

Natigilan ang aking ina at ang bersyon ko. Nag-umpisa na rin magkagulo sa loob ng estasyon kung nasaan kami ngayon.

"Tulong!!" sigaw ng binatilyo.

"Tumawag kayo ng ambulansya, Alfredo!" sabi ng isang matandang pulis.

"Mi, kapit lang huh? Hindi kita iiwan," sabi ng binatilyo sa babaeng dinudugo na. Mommy ang tawag nito sa babae. Mi sa madaling sabi.

Lumingon ang batang ako at ang aking ina. Kitang-kita ko kung paano planong ihakbang ng aking ina ang kanyang mga paa upang tulungan sana ang babaeng asawa ng taong pumatay sa aking ama ngunit pinigilan ito ng aking batang bersyon. Puno ng galit ang mga mata nito. Wala man lang awa ang makikitaan dito.

Tama, naaalala ko ang naramdaman ko ng panahon iyon. Mas pinili kong magalit dahil bakit ako maaawa sa babaeng dinudugo na ang hita? Bakit ako makokonsensiya? Naisip din ba nila ang nangyari sa aking ama? Ang nararamdaman namin sakit? Kaya wala akong pakialam sa kanila! Gusto kong iparamdam sa kanila kung gaano kasakit ang mawalan.

Ganoon nga ang aking nakikita sa aking bersyon. Puno ng galit. Galit maging sa pamilya ng taong pumatay sa aking ama. Ganoon ko nga mailalarawan ang aking bersyon. Ang maaga nitong pagtanim ng galit na masyadong mapanganib.

"Hindi ho ba sabi niyo mama kailangan na natin umalis?" sabi ng batang bersyon ko.

Tango na lamang ang nagawa ng aking ina. Natatakot na baka atakihin muli ang anak.

Tuluyan na ngang umalis ang mga ito na hinayaan ang mag-inang nasa loob ng isang estasyon ng pulis na humihingi ng tulong at naghihintay sa paparating na ambulansya.

Bago ko man iwan ang lugar na iyon para sundan ang aking ina at ang batang bersyon ko ay natigilan ako. Napako ang aking mga tingin sa isang lalaking nakatalikod. Isang lalaking pamilyar sa akin. Ang kanyang matikas na tindig, ang kanyang malapad na likod, ang kanyang mahabang buhok hanggang leeg at ang kanyang mga brasong maugat. Nakatitig ito sa balinkinitang binatilyo ngunit imposible. Imposibleng ang lalaking nakatalikod ay si Marco.

Tama. Hindi nakasuot ng puting sando at puting panjama si Marco maliban sa lalaking ito na nakasuot ng puting damit na hindi gaano maluwang ni mahigpit. Saktong-sakto lamang sa makisig nitong pangangatawan.

At doon ko napansin ang aking suot. Isang puting-puti na bestida. Wala itong mga manggas at hanggang tuhod ko lamang ang haba nito. Hindi ko alam kung paano o kailan ko ito naisuot.

Muli kong binalik ang mga tingin ko sa lalaking nakatalikod pa rin. Hindi ko alam ngunit parang ayokong lapitan ito. Ayokong patunayan ang aking hinala. Marahil isa lamang itong taong naligaw o kaya'y isang taong nanonood lamang sa nangyayari.

Tumalikod na lamang ako mula sa lugar na iyon hanggang sa isang pagbabago na naman ang nakikita ko sa paligid. Hudyat na magbabalik ulit ako sa sunod kong nakaraan.

Nasa harap ako ng aming lumang bahay. Ang una naming tahanan kung saan kami nanirahan ng ilang taon kasama si papa. Ang papa mismo ang nagdisensyo ng aming tahanan bagamat hindi kalakihan ngunit sapat na sa maliit namin pamilya. Makaraan ng ilang taon pakatapos ng trahedyang nangyari, lumipat kami ng aking ina at kapatid sa ibang lugar, bitbit ang masasayang alaala ng aming ama at handa nang magsimula muli.

Halos malayo-layo ang agwat ko mula doon. Balak kong ihakbang ang aking mga paa nang sa gayo'y makalapit sa bahay, hindi ko kasi alam kung bakit nasa malayo ako.

Napatigil ang aking paglalakad nang mapansin kong may isang lalaking papalapit sa aming maliit na gate. Tumigil ito at parang may hinihintay na lumabas mula sa loob ng bahay. Nakilala ko ang lalaking naghihintay. Siya ang binatilyong anak ng taong pumatay sa aking ama.

Saka naman lumabas ang aking kapatid, si Europe. Mukha itong may pupuntahan base na rin sa suot nitong maong na pantalon at asul na polo shirt. Isinasara na niya ang aming gate nang lumapit ang binatilyo.

"Gusto kong makausap ang mama mo."

"Ano na naman ba? Huh? Makikiusap ka naman. Hindi ka ba napapagod?"

"Hindi ako mapapagod. Hinding-hindi ako titigil kahit ilang araw lang, hayaan niyo makasama ang aking ina at ang aking ama."

"Hangal ka ba?! Ilan ulit ko nang sinasabi sa iyo na hindi nga puwede," pagtataray nito.

Nagulat ako. Kahit kailan hindi ko nakitang nagsungit o tumaas ang tono ng aking kapatid. Ngayon lang. Mabait, malambing at may buong ingat kung magsalita ang aking kapatid. Parang ibang Europe ang aking nakikita.

"Hindi ko kailangan ang permiso galing sa iyo. Ang gusto kong makausap ay ang iyong ina."

Dinedma na lamang ito ng aking kapatid. Akmang aalis na ito ngunit hinarang ng binatilyo ang kapatid ko.

"Ano ba? Tumabi ka nga. Harang ka nang harang."

"Nakikiusap ako. Nabalitaan kong umalis ng bansa ang iyong kapatid at ina. Tawagan mo sila at pakiusapan tungkol sa hinihiling ko."

"Inuutusan mo ba ako? Palibhasa kasi hindi mo alam ang pakiramdam ng mawalan. Pakiramdam na nahihirapan ang mga taong mahal mo."

"Nagkakamali ka. Alam ko ang pakiramdam na nakikita mong nahihirapan at nasasaktan ang mga mahal mo. Mas masakit tanggapin na ni isang bagay wala ka man lang nagagawa para sa kanila."

"Ang hirap sa inyo, hindi niyo pa rin matanggap ang sitwasyon na meron kayo ngayon. Alam mo ang swerte mo pa rin kasi maaari mo pang makita at makapiling ang iyong ama. Eh kami? wala na siya. Pinatay ng ama mo!!"

"Walang kasalanan ang aking ina sa nagawa ng aking ama. Hindi naman sapat na dahilan para hindi niyo kami pagbigyan. Oo malaking kasalanan ang nagawa ng aking ama pero alam niyo na pinagsisisihan niya na iyon."

"Tumahimik ka. Hindi mo nalalaman ang sinasabi mo. Hindi pa tuluyang naghihilom ang sakit na ginawa ng iyong ama at kung talagang tunay na nagsisisi ang iyong ama, handa siyang mabilanggo ng kahit ilang taon. Taon at mga araw na kahit kailan hindi naman matutumbasan ang kamatayan ng aking ama," mahabang sagot nito at naglakad muli ito.

Hinawakan ng binatilyo ang braso ng aking kapatid.

"Bitawan mo ako. Sino ang nagbigay sa iyo ng karapatan hawakan ako?"

"Ano ba ang gusto niyo? Kung kinakailangan kong lumuhod o magpaalipin sa inyo alang-alang sa pansamantalang kaligayahan ng aking ina ay gagawin ko."

"Walang kahit na anumang bagay sa mundo ay kayang palitan ang sakit na ginawa ng iyong ama. Kahit bigyan niyo pa kami ng maraming pera hindi pa rin ito matutumbasan ang pagkawala ng aming ama."

"Alam kong mahirap. Hindi ko naman hinihiling na patawarin niyo ang aking ama dahil alam ko na masakit at mahirap ang pinagdadaanan niyo."

"Alam mo naman pala eh, humihingi ka pa ng isang bagay na alam mong hindi namin kayang ibigay."

"Ngunit handa kong tiisin ang lahat kahit ano man ang kapalit, hayaan niyo lamang na magkasama ang aking ina at ang aking ama kahit ilang araw lamang."

Natigilan si Europe sa sinabi nito. Tila ba may naisip na isang magandang bagay.

"Total handa kang gawin ang lahat. Sabi nga nila, walang libre sa mundo. Lahat ay may kapalit."

Ilang segundo itong tumigil bago magsalita. Huminga nang malalim bago sabihin ang mga salitang hindi ko aakalain nagmula sa kanya.

"Buhay sa buhay"

"Ano ang ibig mong sabihin?"

"Ibigay mo sa amin ang iyong puso bilang kabayaran sa buhay ng aking ama. Puso na kailangan ng aking kapatid. Kailangan niya ng isang donor na makakatulong sa kanya upang mabuhay ulit."

"Sapagkat kung ano ang halaga ng kung anuman ang kinuha ay kailangan kasinghalaga rin ang ibibigay bilang kapalit nito. Ibigay mo ang iyong buhay sa aking kapatid. Buhay sa buhay," pagpapatuloy nito.

"Kaya mo bang gawin?" hamon ng aking kapatid sa binatilyong gulat na gulat sa inilahad ng kaharap.

Ako rin naman ay nagulat. Si Europe, ang aking kapatid. Ganoon niya ba ako kamahal sapat para humiling ng isang bagay na napakahirap gawin. Hindi ko alam kung bakit nakikita ko ang mga ito. Hindi ko naman ito alaala o hindi ito naging parte ng aking sariling nakaraan.

Napadako ang aking tingin sa isang babaeng nakatalukbong na nasa ilalim ng puno na malapit sa amin bahay, halatang nakikinig sa usapan ng aking kapatid at ng binatilyong may kamukhang lalaki na hindi ko nga matukoy-tukoy.

Nilapitan ko ang babaeng nakatago sa likod ng puno. Kitang-kita ng aking mga mata kung paano ito umiiyak. Hindi ko alam kung bakit siya nakikinig. Mas inilapit ko ang aking sarili sa babaeng nakatalukbong upang pagmasdan ang mukha nito.

Ganoon na lamang ang aking gulat na ang mukhang tinitigan ko ay ang parehong mukha ng babaeng asawa ng lalaking pumatay sa aking ama. Si Bernadette.

Nakaramdam ako ng kakaiba sa aking dibdib. Parang ang bilis nang tibok ng aking puso. Hindi normal at tila sasabog ito na may inihahatid na mensahe sa akin.

Hindi kaya?

Siya nga ba?

Bigla akong nakaramdam nang may nakatingin sa akin. Nilingon ko kung saan ko nararamdaman na may nakatitig sa akin. Ganoon na lamang ang aking gulat nang makilala ko ang nakatingin sa akin nang seryoso. Siya ang lalaking nakaputi kanina sa estasyon ng pulis na ngayon ay nakatayo hindi kalayuan mula sa akin habang tinitigan ako. Mga titig na may emosyong panlulumo, o dismaya, o lungkot marahil.

Lalaking kamukhang-kamukha ng lalaking kilalang-kilala ko. Ang lalaking nagpapatibok ng aking puso tuwing ngumingiti sa akin at ang lalaking lihim kong minamahal ay ang lalaking nasa harapan ko ngayon.

Hindi kaya siya ang binatilyo? Siya ba ang anak ng lalaking pumaslang sa aking ama?

Hinihiling ko na sana mali ang aking hinala. Bakit siya nandito sa aking nakaraan? Bakit siya narito at malaya kaming nagtititigan? Bakit siya pa? Bakit?

Siya ba ang apoy na kailangan kong tupukin? Siya ba?

Hindi. Hindi maaari.

Tama baka isa lamang itong ilusyon tulad ng mga madre. Nasabi sa akin ni Marco na ilusyon lang ang mga iyon na nabuo mula sa pagsibol ng kasalanan na tumubo nang malago sa aming puso't isip.

Kaya hindi ito totoo. Hindi si Marco ang nakikita ko.

Marahil isa itong doppleganger?

Itutuloy...

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro