Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 10

Asya's POV

Minsan sa buhay mayroon kang gustong kalimutan at pilit mong ibinabaon sa ilalim ng hukay ang mapapait na alaala ngunit kahit ano o gaano mo pa ito nais kalimutan, sadyang ipapaalala nito sa iyo ang mga sakit na dinanas mo upang ipamukha sa iyo na kahit kailan man ay mananatili itong masakit na alaala.

May isang babaeng nasa labing-dalawa ang edad ang aking napagmamasdan. Nasa isang sulok ito ng isang pamilyar na kwarto habang nasa maliit nitong bisig ang isang puting teddy bear. Nalulungkot ang mga mata nito, parang gustong umiyak ngunit buong lakas nitong pinipigilan.

Biglang iniluwa ang isang malaking lalaki mula sa isang kahoy na pintuan. Matangkad at masasabing magandang lalaki.

"Asya, anak," tawag nito.

Ang bilis nang kabog ng aking dibdib dahil hindi ko kailan man lubos na maiisip ang pagkakataon na muli kong makita at mapagmasdan ang isa sa aking paboritong lalaki. Ang unang lalaking minahal ko. Lalaking miss na miss na miss ko na.

"Bakit nalulungkot ang prinsesa? Huh?" Paglapit nito sa aking batang bersyon kalakip ang kanyang matamis na mga ngiti. Ngiting hindi ko nakita nang napakatagal na panahon.

"Kasi papa, hindi na tayo nakakapasyal gaya ng dati."

"Anak, huwag ka nang malungkot. Gusto mo bang mamasyal tayo ngayon?"

"Talaga po papa?" masaya nitong sagot.

"Pero papa magagalit po si mama kung aalis tayo," dagdag nito.

"Prinsesa ko, huwag kang mag-alala kay mama mo. Akong bahala sa kanya. Ayoko lang kasing nakikitang nalulungkot ang maganda kong anak."

"Huh? Ako lang ang maganda? Paano po si Europe papa? Hindi naman siya pangit," nagtataka nitong tanong.

"Aba, syempre pati siya ay maganda. Manang-mana kaya kayo sa mama niyo."

"Pero nasa school pa po si Europe. Hindi tayo makakapasyal papa," pag-iiba ng bata. Bigla naman naging malungkot ang itsura ng batang ako.

"Sa sunod na lang natin sila isasama anak kahit tayo lang muna. Pupunta tayo sa paborito mong parke. Kakain tayo ng ice cream."

"Talaga po papa? Excited na po ako," masigla nitong sabi.

"Mabuti pa'y maghanda ka na. Suotin mo iyon bestida na binili ko para sa iyo anak ah."

"Opo papa. Sige na po labas na kayo sa kwarto. Mag-aayos na po ako," pagtataboy nito sa ama.

"Huh? Hindi. Tutulungan na lang kita. Ayaw mo no'n? Gwapo ang mag-aayos sa iyo," sabi ni papa sabay kiliti nito sa dalagitang bersyon ko.

"Papa naman eh. Tama na, hahaha," sabi nito habang natatawa sa pagkiliti sa kanya ni papa.

Nag-umpisang bumigat ang aking damdamin, parang pinipiga ang aking puso dahil sa aking napagmamasdan. Hinihiling na hanggang dito na lang sana ang pagbabalik sa akin sa nakaraan baka hindi ko kayanin ang susunod na mangyayari. Ang pangyayaring matagal ko ng pinipilit na kalimutan. Bakit ito pa? Hindi pa halos naghihilom ang sugat na nagkaugat na sa aking puso't kaluluwa.

Biglang nagbago ang itsura ng paligid. Natagpuan ko mismo ang aking sarili sa isang pamilyar na parke. Parkeng iniiwasan ko. Parkeng kahit kailan hindi ko matingnan at pangakong hinding-hindi ko na babalikan ngunit heto't tila nabali yata ang aking pangako sa sarili dahil narito ako't nakatayo habang pinagmamasdan ang buong paligid.

May mga batang naglalaro, may magkasintahan na magkahawak kamay habang naglalakad at mapapansin mo sa kanilang mga mata ang pagmamahalan sa isa't isa. Mayroon nagtitinda ng marami at makukulay na lobo.

Maganda ang panahon. Asul na asul ang buong kalangitan habang makikita ang isang grupo ng mga ibon na pumuporma ng letrang V na malayang lumilipad sa himpapawid. Malamig din ang simoy ng hangin.

"Papa. Punta tayo roon." Tinuturo nito ang isang bahagi ng parke kung saan matatagpuan ang isang patag na lupa na mayroon mga malaking bagay na nakatayo sa ibabaw nito na labis na nakakapagbigay ng saya mula sa mga batang naroon. Mayroon sumasakay sa mga duyan, may nag-si-see saw, may tuwang-tuwa habang dumadaosdos sa isang mahaba at makinis na metal o tinatawag na slides.

"Sige anak. Basta huwag masyadong magpapagod. Sabihan mo agad si papa kung may nararamdaman kang sakit," paalala nito sa dalagitang nagseselos sa mga mas batang naglalaro.

"'Di bale na lang po papa baka po pagtawanan na naman nila ako."

"Anak. 'Di ba sabi ko sa iyo na kapag ako ang kasama mo, walang tao ang puwedeng umapi sa iyo. Hindi ako papayag na awayin ka nila."

Ngumiti ang dalagitang bersyon ko. Napanatag ang loob nito sa binitawang pangako ni papa.

"Puwede ko po bang isama si bubu, papa?" tukoy nito sa pangalan ng puting teddy bear na matagal ko nang hindi nahahawakan o nakikita.

"Oo naman para mas masaya," sagot nito bago ngumiti habang tinititigan ang anak ng may pagmamahal.

Habang naglalaro si ako, walang patid ang panonood ng aking ama rito. Hindi inaaalis ang mga tingin nito sa bawat galaw ng batang bersyon ko na masayang-masaya habang naglalaro.

Naglakad ako palapit sa aking ama na nakaupo sa isang sementong upuan. Gusto ko siyang hawakan at hagkan kahit ilang sandali. Gusto ko siyang yakapin nang napakahigpit at sabihin na miss na miss ko na siya. Naglaan ako ng ilang metrong layo mula sa kanya. Gusto ko siyang tabihan ngunit natatakot ako na baka kapag hawakan ko siya ay baka maglahong parang bula ito.

Ngunit nanaig ang emosyon ko na kay tagal ko ng kinikimkim - ang emosyon ng paghihintay sa isang taong pinakamamahal mo. Matagal ko ng hinihintay ang pagkakataon na sabihin ang mga salitang hindi ko nasabi sa aking ama bago man ito lumisan sa mundo, bago niya kami iwan.

Lumapit ako at tinabihan ito, tila napako ang tingin nito sa iisang tao lamang habang matamis na ngumingiti. Titig na titig sa kanyang anak na babaeng suot-suot ang niregalo nitong lilang bestida. Masyadong matibay ang titig ng aking ama, tingin na binibigay lamang sa aking kamukha. Gusto ko man kunin ang kanyang atensyon ngunit kahit ang aking pagtabi ay hindi niya namalayan, paglingon pa kaya. Wala akong magagawa. Susulitin ko na lamang ang mga sandaling ito.

"Pa, kumusta ka na? Alam mo ba na miss na miss na kita, miss na miss ka na namin. Ang daya mo, sabi mo sa akin noon na hindi mo ako iiwan at babalik ka. 'Di ba magbabakasyon pa tayo sa Boracay kasi gustong-gusto mong lumalangoy ka. Sabi mo sasamahan mo akong magmartsa sa graduation day ko pero bakit pa ang aga mong bumitaw? Bakit mo kami iniwan?" umiiyak kong salaysay habang ang kinakausap ko ay nakatingin pa rin sa iisang direksyon.

"Pa, mahal na mahal po kita. Masaya po akong ikaw ang naging ama ko. Patawad po kung palagi akong nagkakasakit noon. Huwag na po kayong mag-alala sa akin, o kina mama at Europe. Marami maraming salamat sa lahat papa sa pag-aalaga at pagmamahal mo sa amin. Kahit hindi ka na namin kapiling, habang buhay ka ng nasa puso't isipan namin. Hinding-hindi ka namin malilimutan papa ko," pagpapatuloy ko.

Niyakap ko siya nang napakahigpit. Bagamat wala siyang pakialam o hindi man niya nararamdaman ang aking pagyakap sa kanya at hindi man niya suklian ang pangungulila ko, alam ko na masaya na siya kung nasaan man siya ngayon. Hinayaan ko ang sariling yakapin siya ng ilang oras dahil alam ko pakatapos nito, matutunghayan ko muli ang pangyayaring pumatay sa aming mga puso.

"Papa, gusto ko po ng lobo," paghingi nito kay papa pakatapos nitong maglaro.

"Talaga? Sige, halika at bumili tayo," naaaliw na sagot ni papa.

Napabitaw ako sa aking yakap dahil sa pagtayo at paglapit ng aking ama sa batang bersyon ko. Sinundan ko ng tingin ang kanilang patutunguhan. Napatayo ako dahil gusto ko silang pigilan.

"Bastos ka ah!!" sigaw ng isang matangkad na lalaki sa kaharap nito.

"Anong bastos? Huh? Inaano ba kita?" sagot ng lalaking kalbo.

"Aba, tarantado ka ba? Binabastos mo ang asawa ko. Kitang-kita ko kung paano ka makatitig nang malaswa sa kanya!"

May isang maputing babae naman ang umaawat sa lalaking unang nanigaw. Mag-asawa ang mga ito.

"Eh ano naman ngayon huh? Wala pa nga akong hinahawakan sa asawa mo, nagagalit ka na!" sigaw naman ng lalaking kalbo.

Ayokong panoorin ang susunod na mangyayari sapagkat masyadong ng mabigat ang aking nararamdaman. Halo-halong emosyon na hindi ko maintindihan kaya minabuti kong ihakbang ang aking mga paa upang sana'y makaalis ngunit parang napako ang mga ito, hindi ko maitaas o maihakbang man lang ang mga ito. Naagaw muli ang aking atensyon nang marinig ko ang mga boses nila.

"Walang hiya ka!!" Sinuntok nito ang kaharap.

Halos matumba ang lalaking kalbo dahil sa hatid na lakas ng pagsuntok nito.

"Virbo, Tama na!" pigil ng asawa nito.

"Gago ka!" Tumayo ang lalaking nasuntok habang dinuduro ang lalaking may pangalan na Virbo.

"Huwag mo akong maduro-duro, gago!"

Dahil doon, nagsuntukan ang mga ito hindi alintana na may mga taong nakatingin sa kanila at may mga nasisira na silang mga gamit o bagay na narito sa parke.

"Pakiusap, tulungan niyo akong pigilan sila!" sigaw ng babae.

"Tama na iyan!" awat ni papa.

"Asya, dito ka muna ah. Babalik ako pero kailangan mo munang pumikit ng ilang sandali. Hintayin mo si papa. Sige na anak, pumikit ka na," sabi ng aking ama sa dalagitang bersyon ko.

At dahil masyadong masunurin ito, pumikit agad ito ng walang kahirap-hirap.

"Papa, bilisan mo ah. Bibili pa tayo ng lobo!"

"Oo anak. Bibili tayo." Hinalikan nito sa noo ang batang Asya.

Patuloy pa rin nagsusuntukan ang dalawang lalaki, hindi sila titigil hangga't hindi nasisiyahan.

"Tama na iyan!" pag-uulit ng aking ama.

Isa sa mga ugali ng aking ama ay ang maging isang tagapamagitan o referee. Gusto niya parati na nakakatulong sa iba kahit away mag-asawa ng aming kapitbahay noon ay pakikialaman niya. Ayaw niya kasing may gulong nakikita. 'Di baleng masaktan, basta't nakatulong.

Ngunit mas nakakainis ang katotohanan na wala man lang ni isang tao ang umaawat sa gulong nangyayari marahil takot na madamay, maliban sa aking ama na mapangahas at matapang.

"Papa, bakit ang tagal mo? Ibubukas ko na po ba ang mga mata ko?" walang kamalay-malay nitong tanong.

Patuloy pa rin ang pag-awat ni papa sa mga lalaking nagpapalitan ng kamao at halos hindi na makalapit ang babaeng asawa ng isang lalaking nakikipag-away. Sigaw lang siya nang sigaw. May mga pagkakataon na natatamaan ang mukha ng aking ama pero hindi pa rin ito tumitigil.

Mukhang sanay sa pakikipag-away ang lalaking matangkad. Kaunti pa lang kasi ang nakukuha nitong sugat kumpara sa lalaking kalbo na marami ng natatamo. Mayroon na itong sugat sa gilid ng mata at putok na ang labi. Dumudugo na rin ang kanyang kanang mata at ilong. Lumulubo na rin ang pisngi nito tanda na namamaga na agad.

Habang pinipigilan ni papa ang matangkad na lalaki, nakita ko ang paglabas ng lalaking kalbo ng isang kutsilyo mula sa kanyang bulsa.

Isang pocket knife.

Mahaba ito at matalas kumpara sa ordinaryong kutsilyo. Isang bagay na siyang kumitil ng isang buhay - buhay ng aking ama.

Pinilit kong maglakad para pigilan ang plano ng lalaking kalbo ngunit hindi ko maintindihan kung bakit hindi ko pa rin maitaas ang aking mga paa. Nag-uumpisa na rin akong umiyak dahil sa takot na nararamdaman ko ngayon.

Nakita ng lalaking Virbo ang pangalan ang tankang pagsaksak nito sa kanya ng lalaking kalbo. Agad niya itong nakuha ngunit nahawakan pa rin ito ng lalaking kalbo kaya nag-aagawan na sila. Hila roon. Hila rito.

Patuloy rin ang pag-awat ng aking ama. Hinahawakan niya ngayon ang lalaking kalbo at inilalayo sa lalaking matangkad.

Iminulat ng batang bersyon ko ang mga mata nito at malayang nakita ang pagkatumba ng kanyang ama mula sa pagkakatulak ng dalawang lalaking nag-aagawan.

"Papa!!!" sigaw nito.

Marahil hindi narinig ng aking ama ang munting sigaw ng batang ako dahil tumayo ito at patuloy na umaawat sa away.

Sa kabilang dako naman ay may isang binatilyong may hawak na isang supot. Nakita nito ang komusyon na nangyayari at agad itong lumapit. Nagulat ito sa nakita. Hindi ko matukoy ang aking nadarama habang nakatingin sa binatilyong naguguluhan sa nakikita. Pakiramdam ko'y kilalang-kilala ko ang lalaki. Hindi ko lang alam kung saan ko siya nakita o sino siya.

Nilapitan naman ito ng babaeng asawa ng lalaking Virbo ang pangalan. Mukhang humihingi ng tulong ngunit bago pa man ito makakiloa, may isang dalagitang tumatakbo papunta kung saan nangyayari ang gulo.

May naririnig na rin akong pumipito mula sa malayo. Dalawang pulis na patakbong pumipito papunta sa gulong nangyayari.

"Bitawan niyo ang papa ko!" Pinagpapalo nito ang bewang ng lalaking kalbo.

Parehong hawak ng dalawang lalaki ang punyal habang nag-aagawan ng pataas at ang aking ama ay nasa gilid ng mga ito, nakikipag-agawan din. Dahil sa pagsali ng dalagita, parehong natigilan ang lalaking kalbo at ang aking ama kung kaya't nakakuha ng pagkakataon ang lalaking matangkad na makuha ang kutsilyo. At nang akmang sasaksakin ni Virbo ang lalaking kalbo, biglang bumagal ang lahat.

Tumigil ang mga kilos ng mga taong nanonood maging ang pag-inom ng isang matandang walang pakialam ay tumigil. Ang tubig na lumabas galing sa bote nito at ang mga ibon malayang lumilipad ay tumigil din. Wala na rin akong naririnig na pumipito o iba pang tunog o ingay sa parke na iyon.

Takot ang nakita ko sa mga mata ng aking ama na kahit kailan hindi ko pa nakikita sa kanya. May takot habang nakatingin sa batang bersyon ko. Takot na baka masaktan ito.

Ngunit kapansin-pansin ang pagtaas ng kamay ni Virbo na hawak ang punyal, handang ibaon sa dibdib ng lalaking kalbo. Agad naman kumilos ang lalaking kalbo, hinila ang braso ng aking ama upang magsilbing harang mula sa nakaumang punyal at dahil nasa iisang direksyon ang atensyon ng aking ama, sa direksyon kung saan nakatayo ang batang ako habang umiiyak ay naging madali ang paghila sa kanya ng lalaking kalbo.

Dahil doon, ang aking ama tuloy ang natamaan ng talim ng punyal sa tapat mismo ng kanyang dibdib. Kitang-kita ko kung paano bumaon ang punyal sa dibdib nito maging ang dahan-dahan na pagngiti ng aking ama na nakatingin sa batang babaeng gulat na gulat. Kung paano bumuka ang bibig ng aking ama tanda na may gusto itong sabihin.

Bagamat walang boses na maririnig mula sa kanyang labi, sapat na ito na malaman ko ang gustong sabihin ni papa. Muli kong sinubukan humakbang at sa wakas ay naihakbang ko na ang mga ito. Lumapit ako sa likuran ng batang bersyon ko dahil gusto ko lang masilayan muli si papa sa huling sandali.

Malaya kong namamasdan ang isang lalaking may nakatarak na punyal sa kaliwang bahagi ng dibdib. Kahit nahihirapan man ito sa pagbuka ng kanyang labi, nakikitaan pa rin ito ng pagsisikap. Pagsisikap na masabi man lang ang huling salita na nakalaan para sa akin na maaari kong dalhin hanggang sa aking huling sandali,

"Mahal na mahal kita," huling wika ni papa.

Itutuloy....

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro