Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

📖 1: Ang Isla Pula


Buwan ng Mayo. Maalinsangan at talagang ramdam na ang matinding init. Ito rin ang panahong kung saan mainam magbabad sa tubig, makapagbakasyon at mapalapit sa dagat.

Sumakto naman sa pagkapanalo ni Cyrus Amer, bente dos anyos na binata, sa isang raffle draw ng kanyang pinapasukang kumpanya; Ang Steel Trading Company na nagdiwang ng unang anibersaryo nito.

Bilang paggunita ay namigay ang kumpanya nila ng mga papremyo sa mga manggagawa nito. At ang huling premyong ipinamahagi nga ay tatlong araw na bakasyon sa isang kilala, protektado at tagong isla sa Visayas na kung tawagin nila'y isla Pula. May maliit na bilang lamang ng populasyon, kilala sa nakakahalina nitong mga baybayin, tanawin at ilang sikat na produkto ngunit 'di lahat ay may pribelehiyong makapunta o makapasok dito.

Maaga pa lang ay wala ng mapagsidlan ang kasiyahan si Cyrus habang nag-aayos siya ng mga kakailanganin sa pagbabakasyon. Inisa-isa pa niya mabuti ang mga dadalhin bago iyon isinalansang mabuti sa kanyang maleta at sinigurong walang makakalimutan.

Hindi na halos mapatid ang ngiti niya dahilan para mas lumalalim pa ang kanyang dimple sa magkabilang pisngi. Panay ayos din niya ng makapal na salamin sabay bumuntong-hininga at humarap sa salamin, saka napagtanto na kay tagal na umikot lang sa trabaho't bahay ang takbo ng buhay niya. At ngayon na lang ulit siya makapagrerelax at makapagbakasyon ng walang iniintinding mga babayarin o iba pang problema sa opisina.

Pasado alas dose nang tanghali ng makarating siya sa Mactan Airport sa Cebu, mula roon ay kailangan pa niyang sumakay ng airport taxi o 'di kaya'y umarkila ng sasakyan para dalhin siya sa sentrong bayan; Ang bayan ng Catalina at pagdating doon ay kailangan naman niyang sumakay ng pampaseherong jeep upang sunod na magtungo sa isang baranggay; Ang Sta. Fe, para sumakay naman ng pump boat patungo na sa isla Pula. At dahil tag-init ay banayad ang alon ng dagat, kaya kahit unang beses niyang sumakay sa bangkang de motor ay 'di niya alintana ang takot bagkus mas nag-enjoy pa siya ng husto.

Bukod sa pagtanaw ay hindi rin niya pinalagpas ang pagkuha ng mga larawan na balak pa sana niyang i-post sa kanyang myday sa messenger at instagram account ngunit hirap na siyang kumalap ng maayos na signal.

Pagkarating sa mismong pangpang ng isla ay nakaabang na ang isang matandang babae na nagpakilalang si manang Elle, ang tumatayong caretaker ng tutuluyang niyang bahay-bakasyunan. Sa unang tingin ay kapansin-pansin ang pagiging palangiti niya at malaking nunal sa ilong. Nasa singkwenta pataas na ang edad niya't may mangilan-ngilan na ring puting buhok at kulubot sa mukha.

Pagkababa't paglibot ng paningin ni Cyrus ay napansin agad niya isang parte ng dalampasigan kung saan mamula-mula ang bahaging iyon ng buhanginan. Hindi naman siya ganoong nagtaka o nag-usisa pa, bukod doon ay wala na siyang ibang nakitang kakaiba o agaw-pansin sa lugar at mas tumuon ang atensiyon niya sa malinis at malinaw na tubig.

Sinabayan pa ng presko at malamig na hangin kahit tirik ang sikat ng araw. Mas nakadagdag pa ang mga puno kung saan nakakabit ang ilang mga duyan. May mga lamesa't upuan din siyang nakita na magandang tambayan at kainan. Walang masyadong tao sa paligid bukod sa ilang paslit na masayang naliligo at may edad na lalake't babae na abala sa pagkukumpuni ng bangka at lambat.

Ilang hakbang mula sa dagat ay nakaabang na ang maghahatid sa kanyang tricycle papunta sa luma ngunit maayos pa na dalawang palapag na bahay-bakasyunan. Maganda ang disenyo ng bahay na panahon pa ng kastila ang istilo.

Mapuno't naggagandahan din ang mga bulaklak na nakatanim sa paligid. Sa 'di kalayuan nama'y mayroong pananim na mga prutas at gulay. Samahan pa ng mga pagala-galang alagang hayop gaya ng mga aso, pusa, itik at manok. Talagang probinsyang-probinsya.

Pagpasok ay kapansin-pansin ang pagiging alaga't simple ng dekorasyon sa loob. Ang ilan dito ay halata na ang pagiging antigo gaya ng mga banga, mga paintings, ilang imahe at rebultong santo na gawa sa kahoy.

Gawa naman sa narra ang ibang furniture gaya ng mga upuan, lamesa, bookshelf atpb. Hindi pa natapos ang pag-ikot ng paningin niya ng masaya siyang binati ng isa pang nagpakilalang caretaker na nagpakilalang si mang Lito, asawa ni manang Elle. May katabaan at palaging ding nakangiti ito. Tinulungan siya nito sa ilang dalang gamit at hinatid sa tutuluyang kwarto sa ikalawang palapag.

Malaki ang sukat ng kwarto na kasya ang isang pamilya na may bilang na apat o higit pa. Malambot at malaki rin ang sukat ng kama. Mayroong maliit na aircon at electric fan bagay na ikinatuwa niya. Malinis, mabango at may tubig ang banyo ng kanya itong silipin.

Matapos makapagpasalamat sa matanda at maisara ang pinto'y agad na ibinagsak ng binata ang pagod nitong katawan sa malambot na kama kasabay ng pagpikit yaong mga mata.

Isang marahang katok naman ang gumising sa diwa ni Cyrus kaya kahit mabigat ang pakiramdam ay pinilit niyang tumayo't buksan ang pinto. Pagkabukas ay walang tao ang naroon. Sinilip niya ang kahabaan ng pasilyo ngunit wala siyang nakitang tao.

Isinawalang bahala na lang iyon ng binata at napasulyap sa kanyang relo at napag-alamang alas kwatro y medya na ng hapon. Saka lang niya napagtantong nalipasan na siya ng gutom. Napagpasiyahan na lang tuloy siyang bumaba para magmeryenda.

Pagbaba'y walang tao sa counter ng reception kaya dumiretso na lang siya sa pantry. At doon ay naabutan niya ang dalawang pang bisitang magsing-irog na kumakain. Kapansin-pansin ang full sleeves na tattoo ng lalake at naka-man bun ang kulot nitong buhok.

Habang ang babae nama'y singkit, tuwid at mahaba ang buhok at ang isa pang kapansin-pansin sa kanya ay ang malaki niyang hinaharap na halos putok na sa suot niyang berdeng blouse.

"Isa ka ring bang maswerteng nanalo ng vacation trip?" may ngiting tanong ng lalaki.

"Oo, brad," tugon ni Cyrus.

"Jan nga pala at siya naman ang girlfriend kong si Teya," wika nito sabay lahad ng kamay sa binata. Nakipagkamay naman pabalik si Cyrus at ngumiti sabay ayos ng suot na salamin.

"Nice meeting sa inyo," aniya. Ngumiti naman ang dalawa.

"Order muna ako," dugtong ni Cyrus.

Nagpunta muna ang binata sa counter at pumili ng makakain na nakalagay sa salamin na estante saka pinindot ang bell. Lumabas ang isang nakaputing babae na malamya ang kilos at mistulang walang buhay. Sinabi nito ang kanyang order dito at nagbayad ng eksakto.

Nakiupo siya sa dalawang magkasintahan na pinaunlakan naman nila.

"Tayo lang ba ang nandito?"

"Ang alam ko anim tayong lahat. Yong dalawang mag-asawa nakita namin kanina. Naglakad-lakad siguro. Yong isang babae nakasabay namin papunta rito sa isla, baka nasa kwarto pa niya ata," saad ni Jan.

"Solo pala natin 'tong lugar," tugon ni Cyrus.

"Oo nga eh, taga saan ka nga pala brad?"

"Taga Makati ako. Kayo?"

"Parehas kaming taga Quezon City."

"Hindi biro ang biyahe dito ha sobrang layo eh," wika ni Cyrus.

"Pero sulit naman. Ang ganda ng isla eh, halatang alagang-alaga ng mga taga-rito."

Maya-maya pa'y lumabas na ang babaeng serbadora. Dala-dala nito ang tray ng pagkain.

Mistula pa itong matutumba't mabibitawan ang dalang tray ng pagkain, buti'y mabilis na umalalay si Cyrus.

Paglapag ng pagkain sa mesa'y nag-alay muna ng dasal ang binata bago kinain ang order niyang spagetti, cheese burger at pineapple juice.

"Panu p're kita na lang tayo mayang dinner. Maglilibot-libot muna kami sandali sa labas," wika ni Jan.

"Sige, ingat."

Tumayo't lumabas na ang magkasintahan habang si Cyrus abala pa din sa pagkain. Sinilip niya ang kanyang smart phone at gaya kanina'y wala pa rin itong signal. Napabuntong hininga na lang siya at itinago iyon sa bulsa ng pantalon.

Matapos kumain ay napagpasiyahan niyang lumabas at tumingin-tingin muna sa paligid. At sa isang duyan malapit sa bahay-bakasyunan niya piniling tumambay muna.

Papikit na ang binata ng biglang may kumalabit sa kanya. Sa labis na pagkagulat ay nahulog siya sa duyan at napahiyaw sa sakit dulot ng paglagpak ng kanyang puwitan sa lupa.

"Habang may panahon pa ay umalis ka na sa isla!" may pagbabantang dikta ng dalaga. Payat at mukhang sakitin ang dilag, kita ang pangingitim ng ilalim ng mata nito at pagkalubog ng pisngi. Nanlilimahid at marungis din ang suot niyang damit.

"Anong ibig mong sabihin?" kunot noong tanong ni Cyrus habang nagpapagpag ng pantalon.

Tumingin muna sa paligid ang babae bago nagsalita, "Isa 'yong babala. Nasa iyo na lang kung maniniwala ka!"

Pagkatapos ay tumalikod at naglakad na lang ito ng mabilis. Nahiwagaan naman ang binata sa inasal ng babae habang pinagmamasdan siya

Balak pa sana niya itong sundan at tanungin pa ngunit mabilis itong nawala sa mga kumpol at nagtataasang mga halamanan.

Napakamot ulo na lang si Cyrus na nagpasiyang bumalik sa kanyang kwarto sa loob.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro