4
MADILIM pa sa labas pero gising na si Joan.
Mga alas-tres o alas-kuwatro pa lang ng madaling araw pero naigugol na niya ang unang sampung minuto sa pagbangon mula sa higaan at ang mga sumunod na oras sa pagmamadaling maligo kahit malamig ang tubig. Mas gusto rin niyang nagyeyelo sa lamig ang pinapaligo para gising na gising siya kapag sinimulan ang mga gawaing-bahay.
Nagligpit siya ng tinulugang papag. Pagkatapos, naglinis naman sa sala at sa harapan ng kanilang tagpi-tagping kubo na tinitirahan. Sumisilip na ang araw sa kalangitan nang lumabas ang usok sa nguso ng luma at may ilang yupi nang aluminum na takure. Isinalin niya ang tubig sa thermos at inilapag ang thermos sa nag-iisang mesa sa kanilang bahay na kinakainan din nila ng kaniyang kapatid.
Dahil masama ang pakiramdam ng kaniyang Kuya Kobi, siya na ang nagkusang ipagtimpla ito ng mainit na kape. Napagkakasya nila ang isang stick ng sachet ng kape para sa kanilang dalawa. Habang umuusok ang kape sa isang mug na maayos at sa isa namang basag na ang manipis na hawakan, nagsinangag siya ng tirang kanin mula sa kanilang hapunan kagabi. 'Tapos, nangutang na naman siya sa kalapit na tindahan para may maiulam na sardinas.
Para dumami-dami kahit papaano ang ulam, ginisa niya ang sardinas sa bawang at sibuyas. 'Tapos sinabawan. Dinamihan niya ang sabaw kahit alam niyang tatabang nang kaunti ang lasa ng kanilang uulamin. Ano ba naman ang pakialam nila kung matabang ang pagkain? Ang importante, marami ang makain nilang magkapatid at mabusog sila.
Mainit-init pa ang sinabawang sardinas nang ilapag ang pinaglutuang kaldero nito sa mesa. Medyo tumabingi ang kaldero na yupi na ang bandang gilid ng puwitan.
Ipinunas ni Joan ang mga kamay sa laylayan ng suot na T-shirt bago hinawi ang kurtina. Kurtina lang kasi ang nagsisilbing mga pinto sa kani-kaniyang tulugan nila ng kaniyang kapatid.
Sinilip niya mula sa labas ng kuwarto nito si Kobi. Lumambot ang ekspresiyon sa kaniyang mukha habang pinagmamasdan ang mahimbing na natutulog na kapatid.
'Tuwing may sakit lang siya napapahimbing ng tulog. Tuwing may sakit lang siya nakatutulog nang mahaba-haba,' malungkot niyang isip. Nanghinayang tuloy si Joan na gisingin ang kapatid.
Umatras siya at pumuwesto ng upo sa harap ng hapag. Pinagmasdan niya ang mga hinandang pagkain.
'Ipagtatabi ko na lang ng pagkain si Kuya.' Napatingin siya sa mga mug ng kape. ''Yong mga kape naman . . .'
Joan sighed. Kahit abalahin pa niya nang abalahin ang sarili, hindi pa rin mawala-wala sa kaniyang isip ang nangyari kahapon sa sabungan.
'Lalo akong kinakabahan. Bakit kaya hindi pa ako sinusugod dito ng mga Dela Fuente? Bakit hindi man lang nila kinokontak si Kuya Kobi?' Napalunok siya. 'Ang hirap paniwalaan pero nang dahil sa sinimulan kong gulo, na-postpone ang sabong kahapon.'
She flinched.
'Kung susugurin nila ako, sana naman magaling na si Kuya Kobi. May sakit na nga siya, lalo ko pang i-stress-in—'
Napakislot siya nang makarinig ng sunod-sunod na ubo mula sa kaniyang likuran. At saka lang namalayan ni Joan na nakatukod na pala sa mesa ang kaniyang siko at nakasabunot na sa kaniyang buhok na malapit sa kaniyang noo dahil sa sobrang pag-iisip.
Nalingunan niya si Kobi na nakalapit na sa mesa.
"Umagang-umaga, nakapalumbaba ka riyan," upo nito sa tabi niya, gusot ang mukha bago humarap sa ibang direksiyon para umubo. "Malas 'yan."
"Nadagdagan na naman kasi ang utang natin," nakalabing dahilan ni Joan.
Nagsinungaling siya dahil wala pa siyang lakas ng loob para sabihin sa kapatid ang kaniyang problema. Malalaman din naman nito iyon pero mas gusto niyang sa kaniya nito mismo unang malaman kaysa mula sa ibang tao pa. Kaya lang, wala talaga. Natatakot pa siya sa magiging reaksiyon nito kaya hindi niya masabi ang nangyari sa sabungan kahapon.
"'Di bale," salin ni Kobi ng ulam at sinangang sa pinggan nito. "Pupuntahan ko naman mamaya si Mang Ismael."
Nilihim niya ang kaba pero basang-basa sa panlalaki ng mga mata ni Joan ang gulat. "Bakit naman pupunta ka kay Mang Ismael?" Her tone was already defensive. "Ang . . . Ang ibig kong sabihin," bawi niya at kinalmahan ang pagsasalita, "baka masama pa ang pakiramdam mo. Huwag ka munang maglalalabas masyado, kuya."
Nang lingunin nito, nag-iwas agad si Joan ng tingin. Tapos nang kumuha ng pagkain si Kobi kaya siya naman ang nagsalin ng para sa kaniya. As usual, nilunod niya sa sabaw ng sardinas ang kaniyang sinangag na kanin.
"Alam ko, kaya lang, hindi man lang dumaan dito kagabi si Mang Ismael. E, hindi naman ako papayag na wala akong parte sa ibinigay na balato sa kaniya ni Señor Dela Fuente."
"Baka natalo sa sabong kaya maliit lang ang nakuha ni Mang Ismael kagabi." Hindi siya makatingin nang deretso sa kapatid. Hindi rin niya alam kung bakit awtomatikong lumabas ang kasinungalingan mula sa kaniyang bibig. Ni hindi nga niya pinag-isipan iyon. Basta na lang niya nasabi ang mga iyon kay Kobi. "Alam mo," harap niya kay Kobi nang magkaroon ng kaunting lakas ng loob, "hayaan mo na 'yon. Magpagaling ka na lang muna at ako na muna ang bahala."
Pinaningkitan siya nito ng mga mata. "Saan ka ba nanggaling kahapon?"
"Tulad ng sinabi ko, naghanap ako ng pagkakakitaan. Wala akong nakita kaya nangutang na naman ako."
Ibinaba ni Kobi ang tasang walang hawakan matapos sumimsim ng kape. "Alam ko. Ang ibig kong sabihin, saang lugar ka naghanap? Ang tagal mong nawala. Ang layo yata ng mga napadparan mo."
'Hay. Sobrang layo nga. 'Tapos, napunta pa sa wala.' Napabuntonghininga na lang si Joan nang maalala iyon. "E, nangabilang bayan pa kasi ako, e."
Nanatili ang mga mata ni Joan sa kapatid. Pinapanood niya ang bawat kilos nito, inoobserbahan kung kahit papaano ay nabawasan na ba ang pag-ubo nito.
Napailing si Kobi habang tumitikhim para pigilan ang maubo. "Hindi ka nagtanong sa mga kapitbahay riyan?"
"Alam mo naman ang isasagot nila: wala. Ang dami-dami pa nilang mga tambay lang diyan kaya bakit pagtatanungan ko pa," simangot niya. "Kaya nga nakatambay sila diyan, mga wala ring mahanap na trabaho."
"Sinabi ko na kasi sa 'yo—" Kumakain na sa kaniyang tabi si Kobi, nagsasalita kahit may laman ang bibig. "—na ako na sabi ang bahala. Dito ka lang sa bahay."
"Bakit ba kasi gano'n? Tayong mga mahihirap ang mas nangangailangan ng trabaho pero . . . tayo pa ang hirap na hirap mabigyan ng trabaho," daing niya bago sinimulan ang malalaking subo ng pagkain.
"Puro ka reklamo kasi," nang-aasar nitong ngisi bago nag-iwas ng tingin para umubo nang malakas-lakas.
"Hindi ako magrereklamo kung may trabaho tayo, 'no?" taray-tarayan niya rito.
"E, anong trabaho ba ang kaya mong gawin? High school lang naman ang inabot natin," ngisi ni Kobi.
Napatanaw sa malayo si Joan. Nangangarap na naman siya nang gising sa umaga. "Assistant. Gano'n."
"Assistant nino?"
"Ng . . . Ng kahit sino!" lingon ni Joan dito. "Assistant ng mga mayayaman, gano'n. Taga-walis ng dadaanan nila para hindi marumihan 'yong mga puting sapatos nila. O . . . tagahugas ng pinggan. O tagapagpag ng uupuan nila sa restaurant! Taga-abot ng tubig nila o tagasuklay ng buhok!"
Mahinang natawa ang kapatid. May sumabay na konting ubo roon. "Hindi naman lumpo ang mga mayayaman para kailanganin ng ganyang klaseng assistant, baliw ka talaga, Joan."
Tumatawa pa rin isi Kobi pagkatapos magsalita kaya saglit nilang nakalimutan ang kahirapan sa buhay.
"Naku," paghina ng boses ni Joan. Medyo naningkit ang kaniyang mga mata nang maabot ang kaniyang mukha ng sinag ng araw na sumirit mula sa siwang ng kawayang banggerahan nila. "E, si Señor Ernesto nga pati 'yong manok niya, parang gano'n." At binalikan ni Joan ang mga naobserbahan kahapon sa sabungan. "Kahit saan siya magpunta, nakasunod ang mga alalay niya. May tagareserba pa ng upuan niya, 'tapos 'yon din ang mag-aayos at magtututok sa kaniya ng electric fan. 'Tapos, 'yong manok-panabong niya, 'yong pinakapaborito niya na kulay itim na manok, ang daming alalay din. Tulad lang din ng amo. May tagapakain sa manok na 'yon. May tagalinis, may tagasuklay ng balahibo—"
Naningkit ang mga mata ni Kobi sa kaniya. "Paano mo nalaman 'yan? Pumunta ka ba sa sabungan kahapon?"
Napasinghap siya. Nilingon niya si Kobi. "H-Hindi!" Nag-iwas siya ng tingin para makaisip ng idadahilan. "A-Ano kasi . . . Napadpad lang ako—"
Joan stopped. Parang may naulinigan kasi siyang hindi maipaliwanag na ugong mula sa labas ng bahay. Parang galing iyon sa ilang sasakyan. Napansin niya iyon agad kasi napakadalang namang mapadpad ng sasakyan sa barangay nila. Sa barangay na yata nila inimpok lahat ng mga dukha sa Masbate, kaya imposibleng may kotse ang kahit sino sa kanila rito.
"Ang layo-layo ng arena, a?" panenermon ni Kobi na tila hindi narinig ang ugong ng mga sasakyan sa labas. "Saan ka nakakuha ng pamasahe papunta ro'n?"
"Sabi ko nga sa 'yo, nangibang-bayan ako para maghanap ng trabaho. Napadpad lang naman ako sa sabungan—"
Pinigilan ni Joan ang sarili. Dumadami na kasi ang mga kasinungalingang pinagsasasabi niya sa kapatid.
Samantala, nakaabang sa kaniya si Kobi, nagtataka kung bakit hindi niya itinuloy ang sasabihin.
"Tao po!" tawag ng boses-lalaki mula sa labas ng kanilang kubo.
Awtomatikong tumindig si Kobi mula sa kinauupuan. Nakasanayan na nitong maging tagabukas ng pinto dahil sino ba naman ang maghahanap kay Joan? Hindi naman siya palalabas ng bahay. Wala rin siyang masyadong transaksiyon sa kanilang mga kapitbahay.
Kabadong lumiyad si Joan para masilip kung sino ang nasa pinto. Halos magkandahaba ang kaniyang leeg para lang malagpasan ng kaniyang paningin ang nakaharang na braso ni Kobi sa pinto. Hawak pa kasi iyon ng kapatid kahit nabuksan na.
Pagbukas ni Kobi ng pinto, bumungad dito ang mukha na pamilyar din kay Joan.
"Kyle!" gulat na bati ni Kobi sa bisita bago umubo nang tikom ang bibig. "Tuloy ka."
Hinubad ni Kyle ang suot na cowboy hat na brown at tumuloy nang tumabi si Kobi para bigyan ito ng daan.
Mabilis na ibinalik ni Joan ang tingin sa harap ng mesa. Hindi niya puwedeng batiin si Kyle dahil baka mapaisip ang Kuya Kobi niya kung paano niya ito nakilala. Nanigas siya sa kinauupuan habang hinihintay kung babatiin ba siya ni Kyle o hindi.
Nang puminid ang pinto, nilapitan ni Kobi ang kanilang bisita.
"Ang aga mo namang naparito. Nag-almusal ka man lang ba?" mapagbiro at magaan ang tono ng pananalita ni Kobi rito.
"Oo naman. Kanina pa," kaswal nitong sagot. Kyle also grunted a bit.
Pagsilip ni Joan, nakaupo na ang bisita sa isa sa mga kahoy na bangko sa sala. Wala iyong sandalan pero nakadikit sa plywood na pader kaya doon lumapat ang likod ng lalaki.
"Pasensiya na sa abala," tanaw nito sa mesa at kay Joan. Kabadong bumalik tuloy siya sa pagkakatalikod sa direksiyon ng mga ito. "Mukhang nasa kalagitnaan pa kayo ng pagkain, e."
"Kung pera naman ang kumakatok sa pinto, e, hindi iyon abala sa pagkain. Kumusta ang derby kahapon? Inaasahan ba ako ni Señor Ernesto sa susunod na sabong?"
Lalong hindi nakagalaw si Joan sa kinauupuan. Pigil niya ang hininga habang hinihintay ang isasagot ni Kyle sa kaniyang kapatid.
"Tungkol diyan . . ." pagbaba ng tono nito habang umuubo si Kobi. "Gusto ka sanang makausap nang personal ni Sir Ernesto."
'Patay.'
"Ganoon ba?" Kobi cleared his throat. "Saan ba? Anong oras?"
"Ngayon na sana. Tapusin mo na lang muna ang almusal ninyo, 'tapos sumama ka sa akin sa hacienda ng mga Dela Fuente."
"Sige."
At naramdaman na lang ni Joan ang paggalaw ng bangko sa hapag-kainan nang tumabi uli sa kaniya si Kobi.
"Joan, kasama ko nga pala sa trabaho, si Kyle," palingon na turo ni Kobi sa bisita sa bandang likuran nila.
Napipilitang tinapunan ito ng tingin ni Joan. Her smile was awkward and never matched the worry in her eyes.
"Hello," mahina niyang bati kay Kyle habang nangungusap ang kaniyang mga mata na huwag banggitin kay Kobi ang tungkol sa nangyari kahapon.
Kyle just gave her a nod. Sinuklian niya iyon ng magalang na pagtango bago ibinalik ang tingin sa harap.
"Kapatid ko, si Joan," tanaw naman ni Kobi sa vaquero.
'Bakit kaya hindi ako binuko ni Kyle? Dahil ba si Señor Ernesto ang gagawa niyon? Kapag napuntahan na siya ni Kuya?'
Umusod siya nang kaunti palapit kay Kobi. Sumimple siya ng bulong. "Kuya."
"Hm?" anito habang minamadali ang almusal na hinahalilihan minsan ng maiikling pag-ubo.
"Lalakad ka na naman. Ayos na ba 'yang pakiramdam mo?"
"Kailangan ako ng señor," maikli nitong dahilan.
"Oo ka naman nang oo agad, e. Hindi makabubuti sa pakiramdam mo ang maglalalabas ngayon."
Pero ang totoo, ayaw niyang maunahan siya nina Señor Ernesto sa pagbalita kay Kobi sa kapalpakan niya kahapon. Idagdag pa ang kaunting inis niya dahil tila wala talagang pakialam ang mga ito sa mararamdaman ng kaniyang kapatid, sa kondisyon nito. Kahit uubo-ubo na ito, pinapabiyahe pa. Kahit tinatrangkaso pa ito, pasasamain pa ng mga ito ang loob ni Kobi sa pamamagitan ng pagsabi rito ng tungkol sa gulong nangyari sa sabungan.
O siguro nga, ayaw lang niyang umalis si Kobi dahil mabebengga siya ng mga panenermon nito pagkauwi na pagkauwi ng bahay.
Matapos mag-almusal, nagmamadaling nagbihis si Kobi. Binging-bingi na si Joan sa lakas ng pagtambol sa kaniyang dibdib habang tinatanaw itong kasama ni Kyle palabas ng bahay.
Sumakay si Kobi sa kotse ni Kyle na natanaw niyang binabantayan ng dalawa pang lalaki na kapwa nakapantalon at button down shirts. Pinagtitinginan ng mga kapitbahay nila ang dalawang itim at makintab na mga sasakyan hanggang sa nakadkad ng mga gulong nito ang buhaghag na lupa sa kanilang lugar. Nag-iwan ang mga sasakyan ng masukal na alikabok at mga marka ng gulong nang humarurot paalis.
Pagkabalik sa loob ng bahay, sinimulan na ni Joan ang paglilinis sa kanilang pinagkainan. Inipon niya sa lababo na nasa isang sulok ng banggerahan ang mga hugasin.
Katatapos lang niya sa hugasin nang makarinig uli ng ugong ng sasakyan mula sa labas. Imbes na sumilip sa banggerahan, nagpatuloy lang si Joan sa pagtungonsa mesa bitbit ang basang basahan. She leaned over the table and started wiping it clean.
'Ang bilis naman yata nilang nakabalik,' isip niya dahil hindi na naman kailangan pang hulaan ni Joan kung ano 'yong narinig niyang ugong. Malamang sa malamang ay sasakyan iyon ni Kyle, at hinatid na nito sa kanilang bahay si Kobi.
Natapos siya agad sa pagpupunas sa mesa kaya isinampay niya sa banggerahan ang ginamit na basahan matapos itong banlawan. Kinuha niya ang nakasampay sa tabi nito na tuyong basahan para tuyuin ang bagong punas na mesa, pero nasilip niya sa siwang ng kawayan na iba ang kulay ng sasakyan na huminto sa tapat ng kanilang bahay.
Kunot-noong iniwan niya ang tuyong basahan sa mesa. Ipinunas ni Joan sa likurang laylayan ng kaniyang maluwag na pulang T-shirt ang mga kamay habang patungo sa pinto.
Pagkabukas na pagkabukas ng pinto, bumungad sa kaniya si Señor Ernesto Dela Fuente!
He was a shadow that walked beneath the sunlight in his black button-down shirt with its sleeves rolled up, reaching half of his hard biceps. He wore black washed jeans, and a pair of black boots with brown and silver accents. A silver buckled brown belt, and a shiny black leather cowboy hat too. The rich scent of musk and spicy notes overtook the smell of poverty in her house.
Nakasunod kay Señor Ernesto ang dalawa sa mga tauhan nito. Naiwan naman ang apat pa para magbantay sa dalawang puting kotse na dala ng mga ito at pinagtitinginan ng mga kapitbahay. May ilan pang sinadyang ilabas ang mga ulo sa bintana ng kani-kanilang bahay para makapag-usisa lang.
Kabadong napaatras si Joan, na kay Señor Ernesto na uli ang kaniyang mga mata.
"Ano ang ginagawa po ninyo rito?" pinatatag niya ang tinig, pinatapang ang mga sulyap sa lalaki. Kailangan niyang tibayan ang dibdib, dahil mag-isa siyang haharapin ang heredero at ang mga alalay nito na naglalakihan ang mga pangangatawan.
"May ideya ka na dapat dahil sa nangyari kahapon," mabigat nitong wika bago nilingon ang isang tauhan.
Lumapit ang alalay kay Señor Ernesto at tinanggal ang cowboy hat na itim ng heredero. Doon lang lumantad sa kaniya ang naaaninuhan ng rim ng sombrero nito: ang ilang bukol at pasa sa mukha ng lalaki!
Pagbaba niya ng tingin, nasagot ang tanong kung bakit hindi matanggal mismo ni Ernesto ang suot na sumbrero. Balot ng mga benda ang magkabilang kamay nito.
"W-Wala akong pambayad sa . . . sa pang-ospital n'yo . . ." panunulas ng mahihinang salita mula sa kaniyang mga labi. Napalunok si Joan bago sinalo ang matiim na titig mula sa mga mata ng lalaki. "Isa pa . . . ang yaman-yaman n'yo na. Bakit sisingilin mo pa ako para sa pampagamot mo—"
Señor Ernesto sighed in a tired fashion, as if she was making no sense at all. Then his piercing eyes returned to her.
"Mukhang iyon ba ang ipinunta ko rito? Ang manghingi ng pera sa taong walang kapera-pera?" maanghang nitong saad.
"Wala na rito si Kuya Kobi. Kakausapin mo siya, 'di ba?"
"Alam kong wala siya rito, kaya nga pumunta ako rito."
"Inutusan mo si Kyle na sunduin si Kuya para—"
"Puwede bang sa loob na tayo mag-usap?" Naiinip na gumusot ang mukha ng lalaki, halatang nasaktan ito dahil nagalaw ang ilang nalamog na parte ng mukha nito. "Pinagtitinginan na siguro ako ng mga tao rito."
Naging alerto si Joan. Namilog ang mga mata niya nang masilip sa kalayuan ang mga kapitbahay na sumisimple ng silip at usyoso mula sa kani-kanilang mga bahay at bakuran.
"Tuloy po kayo," alis niya sa pintuan para magbigay-daan kay Señor Ernesto at sa mga tauhan nito. Iginiya niya ang mga ito papasok. Huminto si Joan sa gitna ng sala at hinintay ang paglapit sa kaniya nina Señor Ernesto. "May upuan kami rito—" Ituturo niya sana ang mahabang bangko sa hapag-kainan pero inunahan na siya ng bisita.
"Huwag na. Hindi naman ako magtatagal dito," anito, hindi kumikilos ang ulo pero nangingilatis na ang mga mata sa kabuoan ng kaniyang bahay.
Nagbaba naman ng tingin si Joan. Nanliliit siya sa tuwing may tumitingin sa loob ng kanilang bahay. Dahil realtalk, dugyot tingnan ang bahay nila. Kahit ano'ng linis ang kaniyang gawin, mukhang bahay ng salat pa rin ito. Hindi matatanggal ang amoy-lupa dahil wala naman silang pampatag o pampasahig man lang. Ang baba pa ng bubong kaya dumadagdag pa sa amoy ng bahay ang init mula sa yero.
Then, she remembered the fiasco yesterday.
"Huwag n'yo sanang tatanggalan ng trabaho ang kuya ko. Wala siyang alam. Hindi niya talaga ako pinapunta para pumalit sa kaniya sa trabaho," nagsusumamong amin niya sa kaharap. "Ayoko lang mapilitan siyang magtrabaho kahit may sakit. Hindi kasi pumayag si Mang Ismael na palitan siya sa trabaho, kaya ako na lang ang pumunta. Akala ko, madali lang maningil ng mga pusta at taya pero hindi pala. Sorry kasi sinagot-sagot ko pa ang Tenorio na iyon. Hindi ko naman alam na Tenorio 'yong lalaki na 'yon. Kung hindi ko na lang sana siya sinagot-sagot, e, 'di sana, hindi nagkagulo. E, 'di sana, hindi ho kayo napuruhan nang ganyan." Her anxiety made her speak too fast and yet, Señor Ernesto managed to catch on and understand every word she said.
Joan paused and gazed back into his dark eyes, the suspense and anticipation was drilling more holes in her heart, making her fidgety deep inside.
Nang maunawaan nito mula sa pagkakatitig niya rito na naghihintay siya sa isasagot nito, doon lang nagsalita si Señor Ernesto. "Bakit ka nagso-sorry? Ikaw ang nabastos. Ikaw ang unang naagrabyado."
She felt a stab in her chest, a pang she could not explain.
She should be glad that someone was taking her side, and yet something clutched her chest and made it hard to breathe. Hindi siya makapaniwala na sa kauna-unahang pagkakataon, hindi na siya ang sinisisi kung bakit siya nabastos.
"Ang ikinagagalit ko lang, tinakasan mo kami," mariin nitong patuloy. "Kaya imbes na naabsuwelto kami ng mga tauhan ko sa nangyaring gulo kahapon, nadala pa kaming lahat sa munisipyo dahil wala ka para tumestigo nang pabor sa amin, para palabasin na self-defense ang ginawa ko."
Napalunok siya nang doble. "P-Pero . . . Paano'ng . . ."
"Don't worry. Marami akong pera kaya naareglo na namin agad," patuloy ni Señor Ernesto. "Pero hindi pa tapos ang lahat sa atin, Joan."
Kinabahan na naman siya.
"You have to come with me," Señor Ernesto stated after he accepted that she would not say anything in response to him.
"Come?"
Nagpaliwanag na ito. "Mamayang hapon, pupuntahan ko si Victor Arguelle sa bahay nila. Kailangan mong sumama para makumbinsi ko siya na ang mga Tenorio ang may kagagawan kaya nagkagulo sa derby kahapon."
"Si . . . Viktor Arguelle?" Siyempre, hindi naman puwedeng basta-basta siyang sumama nang hindi nalalaman kung sino ang pupuntahan nila at kung ano ang gagawin sa kanilang pupuntahang lugar.
"Siya lang naman ang isa sa mga nag-sponsor sa event kahapon. Kailangang tayo ang pumunta sa kaniya mamaya dahil ako ang isa sa mga nag-request sa kaniya na mag-sponsor sa event." Dumilim ang anyo nito. "At ang gusto kong mangyari ay idiin mo ang mga hambog na Tenorio na 'yon."
Pinag-isipan muna ni Joan nang mabuti ang mga sinabi ng lalaki.
"Magpapaliwanag lang ako, 'di ba?" paninigurado niya. "Sasabihin ko lang kung ano ang totoong nangyari?"
He clucked his tongue and slightly shook his head as if it was a big pain in his ass to ask someone a favor. "Oo." Nasa mukha at boses na nito ang pagkabagot. "If you do this, your brother gets to keep his job."
"Sige," lakas-loob niyang payag.
"I can't promise, though, that he won't know what happened yesterday. Halos lahat lang naman kasi ng nakasaksi sa nangyari ay galing sa iba't ibang bayan sa Masbate. Ibig sabihin, kalat na kalat na ang nangyari sa sabungan." Supladong tinalikuran na siya nito pagkatapos.
Pinanood ni Joan ang paglabas ng grupo ni Señor Ernesto mula sa kanilang bahay hanggang sa nakasakay na ang mga ito sa kani-kanilang sasakyan. Kung ano'ng bilis ng pagdating nito, ganoon din kabilis ang kanilang pag-uusap at ang pag-alis na para bang anino. Correction, the mere presence of that man is not just shadow but darkness itself. Dangerous.
'Sana matapos na ito agad,' bagsak niya ng upo sa bangko na katapat ng mesa. Kanina pa talaga niya gustong maupo sa sobrang pangangatog ng kaniyang mga tuhod.
Ayaw nang patagalin pa niJoan ang pagiging involved sa Dela Fuente na iyon kaya pumayag na lang siya sagusto nitong mangyari. Pagkatapos na pagkatapos niyang makumbinsi si ViktorArguelle na walang kasalanan ang mga Dela Fuente sa nangyaring gulo kahapon,wala na siyang aalalahanin pa.
***
Read advanced and full chapters on Patreon: https://patreon.com/anamarive
•••
OFFICIAL NA, PUWEDE NA! La Grilla Series 1: Come Here will come here into our homes and arms soon!
Pre-order period: Sept 17 to November 17, 2024
Click on the pre-order link to save your copy: https://www.cognitoforms.com/KPubPH/LaGrillaSeries1ComeHereByAnamariessOrderForm
PINAGSOLTADA
Baluarte Dela Fuente 1
Copyright: 2024
First Wattpad Version © March 11, 2021
Second Wattpad Version © September 23, 2024
R-18, General Fiction, Sexy Romance, Drama, Action, Mystery
Facebook Page: ANAtheCowgirl
Wattpad: ANAtheCowgirl
Twitter: anathecowgirlwp
Instagram/Threads: anathecowgirl
Email: [email protected]
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro