16
UNANG binisita nina Joan at Kyle ang bahay nila mismo ng kaniyang Kuya Kobi. Habang iniikot ni Joan ang tingin sa paligid, hindi niya mapigilan ang panlulumo. Punong-puno kasi ang bahay ng mga alaala nila ng kaniyang kapatid.
Noon, mga magulang lang ni Joan ang kaniyang naaalala sa bahay na ito. Nakasanayan niya kasi na kapag naiiwan siyang mag-isa sa bahay ay dahil lang sa may trabaho ang kaniyang kapatid. Sa pagkakataong ito, lahat sila ay tila mga multo na lumilibot ang mga aparisyon sa buong bahay, mga alaala na lang.
Naaalala niya ang mga masasayang araw na pinagsaluhan nila. Katulad na lamang noong bata pa siya, grade five o grade six siguro. Natalo sa sabungan ang kaniyang tatay kaya ginawang tinola ang manok-panabong nito. Minsan lang sila makakain noon ng masarap, kaya kahit nakalulungkot ang pagkatalo sa sabong ay napangiti pa rin ang kanilang tatay dahil sarap na sarap silang buong pamilya sa ulam. Kung alam lang nila, mas malaki ang nginiti niya noon dahil iyon ang ilan sa kakaunting pagkakataon na masayang kumakain nang magkakasama ang kanilang pamilya. . . .
"Baka may nakalimutan kang mga gamit," Kyle gently reminded. Nakatayo lang ito sa kaniyang bandang likuran, malapit sa pinto. "Puwede mong kunin muna at ilagay natin sa kotse bago tayo magtanong-tanong."
"Huwag na. Dala ko na rin naman 'yong mga pinakakailangan ko, Kyle. Babalik din naman ako rito sa bahay kaya . . ."
Napailing siya.
Kakayanin pa ba niya ang tumira dito? Kung araw-araw niyang mararamdamang mag-isa siya dahil puno ang bahay ng mga alaala ng kaniyang pamilya?
Pumihit siya paharap kay Kyle. "Sinigurado ko lang na maayos itong bahay kaya pumunta ako rito. Na walang nakialam sa mga gamit."
He politely nodded, followed by a sad smile.
Lumapit na si Joan rito. Pinasigla niya ang tinig at pinalaki ang pagkakangiti rito. "Simulan na natin ang pagtatanong-tanong."
Ang una nilang pinuntahan ay ang kapitbahay na si Ambrosio. Hindi alam ni Joan kung ano ang first name nito pero kilala ito sa kanilang barangay sa apelyidong 'Ambrosio.'
Puti na ang lahat ng buhok ni Ambrosio na maikli ang pagkakatasa. Puting T-shirt na manipis ang suot nito na nangupas na ang pagkaputi at ang nakaprinta sa pulang tinta ay pangalan ng kandidato na namigay no'ng T-shirt mula noong huling eleksiyon. Tastas ang dulo ng suot nitong de-garter na shorts.
Noong si Joan pa lang ang nagtatanong-tanong at kumatok sa pinto ng matanda, hindi siya pinagbuksan nito. Hindi niya ito kinulit noon dahil alam niyang ugali na ni Ambrosio ang magkulong sa bahay nito. Ilag kasi talaga ito sa mga tao, madalang magbukas ng pinto, at laging nakasarado ang mga bintana.
Sa pagkakataong ito, medyo nakahinga si Joan nang maluwag dahil nakiayon na sa kaniya ang pagkakataon—sa wakas ay humarap sa ibang tao ang matanda.
"Sino sila?" bungad ni Ambrosio, nakabusangot ang mukha. It seemed to be the old man's default facial expression.
"Maayo na adlaw ho," magalang na bati ni Kyle. "Magtatanong lang ho sana kami." At paturong tingin ang isinaglit nito sa kaniya. "Si Joan nga ho pala, kapitbahay n'yo."
Naningkit ang abuhing mga mata nito habang pinapasadahan siya ng nangingilalang tingin.
"Kapatid ho ako ni Kobi," mahina niyang saad habang nahahati ang puso niya sa pagitan ng pangangamba at pag-asa.
"Diyan sa katabing bahay?" Iskeptikal pa rin ito.
"Opo," bahagyang baba ng kaniyang mukha pero nakatingin pa rin sa kausap.
Hindi nagbago ang ekspresyon sa mukha ng matanda, but his stiffness lessened. Tumabi ito nang kaunti mula sa pagkakaharang sa pinto. Lumantad ang hawak nitong tasa ng kape sa isang kamay. Malapit na magtanghalian pero normal sa kanila ang makakita ng nagkakape nang ganitong oras.
Dala ng katandaan siguro kaya manginig-nginig ang kamay nitong nag-angat sa tasa ng kape.
"Ano ang kailangan n'yo?" anito bago sumimsim ng kape.
Nagkatinginan sila ni Kyle. Tinanguan niya ang lalaki kaya ito na ang umako pagdating sa pagtatanong.
"Katabi lang ng bahay ninyo ang kina Kobi. May napansin ho ba kayo noong April 21?"
"April 21?" Nagpalipat-lipat sa kanila ang tingin nito.
"Miyerkules ho. Noong nakaraang linggo—"
"Oo, alam ko," masungit nitong putol kay Kyle. "Ano'ng meron no'ng araw na iyon?"
"Napansin n'yo ho ba si Kobi? Nakita n'yo ho bang umalis? Marami ba siyang dalang mga gamit?"
Sumingit si Joan kaya napatingin sa kaniya si Ambrosio at Kyle. "May nakausap ba siya noong araw na 'yon? May bumisita ba sa kaniya bukod sa mga katrabaho niya?"
"Paano ko malalaman ang mga 'yan? Ni hindi nga ako naglalalabas dito?" simangot ng matanda bago uminom uli ng kape.
"Baka naman may narinig kayong kahit ano," pakiusap ni Joan.
"Narinig?"
"Kahit ano hong mga ingay galing sa bahay. Kung may nakaaway ba ang kapatid ko o ano."
"Magkalapit ang bahay natin, hindi magkadikit," anas ng matanda. "'Yong sigawan ninyong magkapatid kapag nag-aaway kayo, rinig ko. Pero nitong nakaraan, pati 'yang April 21 na 'yan, tahimik naman sa bahay na 'yan. Wala akong napansing kakaiba."
"Handa ho kaming balikan kayo at bayaran kapag may naibigay kayong impormasyon na makatutulong sa amin para makita si Kobi."
Lalong bumusangot ito. "Ano ba ang maibibigay ko? Ha? Kapitbahay kita, 'di ba? Dapat alam mong hindi ako naglalalabas ng pamamahay ko! Ano ang alam ko tungkol diyan sa kapatid mo? Kilala ko lang siya dahil tumulong siya sa akin noong bagong lipat ako rito! Nagbuhat ng konting gamit para sa konting barya!"
Totoo ang mga sinabi nito. Ilang taon na rin ang nakalilipas mula noong unang lumipat dito si Ambrosio. Hindi pa puti noon ang mga buhok nito.
Kyle gave her a look. It was gaze that asked her if she had anything more to say. Ayaw pa sana sumuko ni Joan, kaya lang, ano pa ba ang maitatanong niya kay Ambrosio? Mukhang wala na silang mapapala sa matanda.
Joan glanced back at Ambrosio. "Iyon lang po. Sige ho. Maraming salamat." Sumulyap siya saglit sa tasa ng kape nito. "Pasensiya na rin po sa abala."
Tinanaw pa sila ng tingin ng matanda bago nito isinara ang pinto.
Nilingon niya ang katabing si Kyle. Hindi nito alintana ang nakasisilaw na sikat ng tirik na araw habang naglalakad sila.
He caught the worry in her eyes. "Huwag kang mag-alala. Marami pa tayong mapagtatanungan. Iisa-isahin natin ang mga bahay rito hangga't maaari."
Napunta sila sa wakas sa tindahan ni Aling Perlita—kilala bilang Aling Pearly. Nakasuot ito ng pink na spaghetti strap top at asul na shorts. Her skin was deep bronze and she had round eyes. Matanda na at puti ang mahaba't alon-alon na buhok pero nakikisabay sa uso kung manamit.
"Paulit-ulit na lang ba tayo, Joan?" pamaywang ng isa nitong kamay matapos nila magtanong ni Kyle rito. "Kahit magdala ka pa rito ng guwapong lalaki," nguso nito kay Kyle para ituro ito, "wala at wala pa rin ang sagot ko."
"Imposible naman pong wala kayong napansin," she cutely pursed her upper lip, an anxious mannerism that she was unconscious of. "Medyo nakaharap itong tindahan ninyo sa harapan ng bahay namin, o. Kaya mapapansin n'yo kung sino-sino ang mga pumupunta sa bahay namin. Mapapansin n'yo kung umalis ang kuya ko."
"Kung madaling araw o hatinggabi umalis iyang kapatid mo, hindi talaga namin mapapansin 'yan, Joan!"
"Wala ho ba kayo naririnig sa mga katsismisan ninyo? Baka may napansin sila."
Umasim na ang mukha nito, halatang nakukulitan sa kaniya.
"Handa ho kaming magbayad kapag nakatulong ang impormasyon ninyo sa pagtunton namin kay Kobi," matatag ngunit kalmado na saad ni Kyle sa matandang babae.
Mapanuri ang naging pagpasada ng tingin ni Aling Pearly sa lalaki. Ilang minuto rin iyon ginawa ng matanda bago ito magsalita. "Si Mong ang inaabot ng madaling-araw sa puwesto niya. Bakit hindi ang matandang 'yon ang kulitin ninyo?"
Tiningnan siya ni Kyle. Nahihiyang inilapit ni Joan nang kaunti ang mukha sa grills na harang ng tindahan ni Aling Pearly.
"Sino ho si Mang Mong?"
"Tatay Mong." Mapanghusga ang tingin nito nang iwinasto siya. "Iyon, o! Nasa ihawan niya! Maglalalabas ka kasi ng bahay, hija!"
Tinanaw nila ni Kyle si Tatay Mong. Nakasuot ito ng sandong puti at shorts habang nagpapaypay sa ihawan.
"Sige. Salamat," ani Kyle at bago pa siya nakapagsalita ay iginiya na siya sa siko ng lalaki palayo kay Aling Pearly.
Si Mong, mas kilala bilang 'Tatay Mong,' ay nasa sixties na nito. Maliit na tao ito at malakas pa ang katawan. Matambok ang bilugan na tiyan nito. Bilugan din ang korte ng katawan at mukha nito pero siksik ang mga masel. Abuhin ang buhok nito, nasa kalagitnaan ng itim na unti-unting namumuti. Tinusta ng pagiging bilad sa araw ang kayumanggi nitong balat. Noong bata-bata pa kasi ito ay nagtrabahong kargador ng banyera ng mga isda sa tabing-dagat. Nang tumanda, pumirmi na ito sa barangay ng Nilabanan. Ito ang may-ari ng ihawan na nakapuwesto sa tabi ng main road. Tanghaling tapat ito nagbubukas kaya nang lapitan nila, nagpapabaga pa lang ng uling ang matanda.
"Pasensiya na talaga," nakangiting saad nito pagkatapos abutin kay Joan ang barbecue niya. "Wala akong napansing kakaiba nitong nakaraang mga araw kay Kobi. 'Lagi naman siyang mukhang problemado kaya kung may pinagdadaanan man siyang kakaiba, e, hindi ko alam."
Sinundan iyon ng magaan pero nag-aalinlangan nitong pagtawa. Nakahinga lang nang maluwag ang matanda nang makita ang nayuyukong pagngiti niya sa tinuran nito.
Totoo iyon. Walang araw na lumipas na hindi problemado ang kaniyang kapatid. Kaya nga ingat na ingat siyang huwag galitin ito. Nangingibabaw sa kaniya ang pag-unawa sa kapatid. Hindi kasi biro na silang dalawa ang binubuhay nito kaya nauunawaan niya ang ikli ng pasensiya nito.
"Ang madalas lang bumisita sa kan'ya rito, e, isang grupo ng mga lalaki. Mga tauhan siguro ng mga Dela Fuente—" At napatingin ito kay Kyle. Bahagyang naningkit ang nangingilalang mga mata ng matanda.
"Pamilyar ho siguro ako sa inyo," magalang na ngiti ni Kyle rito bago pakagat na humugot ng karne mula sa hawak nitong barbecue stick.
"Kasama ka ba nila?"
"Opo," sagot nito habang ngumunguya. "Napadalas nitong nakaraan ang pagbisita namin kay Kobi para kumustahin siya. Kaya nakakapagtaka na bigla siyang nawala na parang bula. E, nitong nakaraan, e, okay naman siya. Ang ayos-ayos pa ng usapan namin. May trabaho pa nga siyang naghihintay kay Señor Ernesto, e!"
Nalungkot siya. Ito na kasi, e. May trabaho na uli ang Kuya Kobi niya. Mababawasan na ang pinoproblema nito kung magpapakita lang ito ngayon din. Nasaan na ba kasi ang kuya niya?
"Ay, nakapagtataka nga na umalis siya nang walang-pasabi kung gano'n," napapailing na salansan nito ng mga gamit para magtuhog ng mga karne sa barbecue stick. Kung titingnan si Tatay Mong, mukhang hindi ito masyadong apektado sa pagkawala ni Kobi.
Kilala nito ang kaniyang kapatid, pero hindi man lang ito nag-aalala para rito. . . .
Napatingin si Joan kay Kyle. Kyle just smiled at her. It was as if smiling was the only way he could do to comfort her, to relieve her growing worries.
Tila hindi iniisip nina Tatay Mong na may masamang nangyari kay Kobi. Sapat na ba iyon para bawasan ni Joan ang pag-aalala niya masyado? Was she just overreacting?
"Baka naman naghanap ng trabaho ang kapatid mo, hija," nakangiting usap sa kaniya ni Tatay Mong.
"Isa pa ngang barbecue. Ay, tatlo na pala," ani Kyle rito na malapit nang matapos sa isang stick nito ng barbecue.
Lumapad ang ngiti ng matanda. Itinuro ng ulo nito ang may kalakihang mga Tupperware na nakapatong sa tabi ng ihawan. "Mamili ka na riyan ng ipaiihaw mo."
Namili si Kyle. Isa-isa nitong inabot ang unang dalawang barbecue na napili. 'Tapos, sumulyap ito sa kaniya. "Joan, pumili ka ng isa rito."
Napamulagat siya. Napatingin siya saglit sa hawak niyang stick ng barbecue. The meat looked like cubes, soaked in glistening savory reddish orange sauce. Isa pa lang ang nababawas niyang piraso ng karne mula rito.
"Hindi ko pa nga 'to ubos." She cutely pouted in protest, one of her natural reactions that comes out unintentionally.
He smiled patiently. "Ubos mo na 'yan bago maluto ang kasunod niyan, kaya mamili ka na."
Nahihiyang nag-iwas siya ng tingin dito. "Pero wala pa akong maipambabayad sa utang ko sa 'yong isang barbecue."
"Hindi naman utang 'to, e," dikit ng braso ni Kyle sa kaniya. "Libre ko 'to. Dalian mo na."
"Kumuha ka na ng isa riyan, Joan," nangingiting sali ni Tatay Mong sa kanila. "Hindi naman por que nagpalibre ka, e, obligado ka nang sagutin 'yang manliligaw mo."
"Sagutin?" gulat na lingon ni Kyle kay Tatay Mong.
"Manliligaw?" bulalas niya, halos kasabay ng pagsasalita ni Kyle at napatingin din siya kay Tatay Mong.
Natatawang nginitian lang sila ng matanda. Saktong nagkalingunan sila ni Kyle at nagtama ang kanilang mga mata.
Hindi malaman ni Joan kung bakit naghalo ang kinakabahang takot at natutuwang pagkaligalig sa kaniyang dibdib.
"Hindi nanliligaw si Kyle sa akin, Tatay Mong." Napilitan na siyang mamili ng ipaiihaw. Iyon ay para matigil na ang panunukso ni Tatay Mong sa kanila. "May manliligaw ba na idadaan ka sa libre-libre ng inihaw? Hindi naman sa libreng pagkain nadadaan ang pagmamahal ng isang babae, no."
Para kay Joan, kapag mahal mo ang isang tao, may maibigay man ito sa 'yo o wala, dapat ay mahal mo pa rin ito. Alam niya, dahil nasaksihan niya iyon noong buhay pa ang kaniyang mga magulang. Hindi araw-araw ay may naibibigay na regalo o espesyal ang kaniyang tatay sa kaniyang nanay dahil sa kahirapan. Gayunman, mahal pa rin nila ang isa't isa.
Maluluha na sana siya nang maalala ang kaniyang mga magulang, nang maalala kung gaano kamahal ng mga ito ang isa't isa. . . .
Maiiyak na sana siya kung hindi lang mabilis na bumanat si Tatay Mong.
"Ku, may nagsabi na rin niyan. Magkaklase sila na bumibili rito noong pasukan pa. Napadalas ang pagpapaihaw nila rito tuwing uwian, uwian na nauwi sa pagkakatuluyan nila," patuloy ng matanda sa panunukso.
Natawa lang si Kyle. Napapailing na nahihiyang nagyuko naman ng ulo si Joan habang nangingiti. Para mapalis ang pagka-ilang, inabot na niya kay Kyle ang napiling barbecue.
"Aba, may magic gayuma yata 'tong mga inihaw mo, a?" tanggap ni Kyle sa inabot niya pero na kay Tatay Mong ang tingin.
"Gayuma ka r'yan? E, natural at sariwa 'tong mga ihaw ko, hijo!" Nagpapaypay na uli ito ng inilatag na mga barbecue ni Kyle sa ihawan. "Sa sobrang sarap, nakaka-in love kaya 'di na kailangan ng gayuma! Mai-in love ka sa kasama mo kumain!"
Nang nagtuloy-tuloy ang pagbabaga ng uling, itinuloy na ni Tatay Mong ang pagtuhog ng mga karne sa barbecue sticks.
"Masarap talaga 'tong inihaw ninyo. Pero dadaan pa rin kay Kuya Kobi ko ang sinumang manliligaw sa akin, Tatay Mong." May magaang pagbibida sa tono ng pananalita ni Joan.
"Dadaan lang pala, e." Ewan kung nagbibiro ba si Kyle o may kalakip iyon na kaseryosohan. He sounded so happy. A tinge of laughter laced his voice as he turned and gave her a charming gaze. "E, 'di bibilisan ko ang lakad sa harap ni Kobi, para tayo na agad."
Napahalakhak siya sa itinuran nito.
"Ikaw, ha? Sinasabayan mo na rin ang kakornihan nitong ni Tatay Mong, Kyle!" Tumatawa pa rin siya.
Nginisihan lang siya ng binata.
"Nakow. Iyan ang laging sinasabi ninyong mga babae," nakaw-tingin ni Tatay Mong sa kanila habang nanunukso ang ngiti. "Korni daw pero pagkatamis-tamis naman ng ngiti! Parang kinikiliti!"
"Hindi, no!" natatawang lingon niya rito bago binalikan ng tingin ang natatawang si Kyle.
Pagkatapos magtanong-tanong pa, bumalik silang dalawa sa kotse.
"Saan mo gusto magtanghalian?" tanong agad ni Kyle.
Gulat na napalingon siya rito. Katatapos lang ni Joan isuot ang seatbelt. "Tanghalian? Nag-ihaw-ihaw na tayo, a?"
"Tanghalian na sa 'yo 'yon?" buhay nito sa makina ng kotse. "Ni walang kanin?"
"Kyle, malaki na ang babayaran ko."
"Prft. Bakit ba bayarin ang 'lagi mong iniisip?"
"Bakit ka rin ba libre nang libre sa akin?" Gusto niyang matawa rito. "Napagkakamalan tuloy tayong nagliligawan."
"Ayaw mo bang napagkakamalan tayo? Gusto mo bang totohanan na?" maluwag nitong ngiti, pero nasa daan ang tingin. Dahan-dahan nitong inaatras ang sasakyan habang pasilip-silip sa rearview mirror.
"Itigil mo na nga 'yan," palo niya sa braso nito. Nahiya siya nang mapagtanto ang nagawa. Hindi naman sila close kung makapalo rito. "Sorry."
He worried, glanced at her. "Sorry?"
"Pinalo ko ang braso mo, e."
Mahina itong natawa. "Ano ang ipinagso-sorry mo ro'n?"
"Pero seryoso, itigil mo na ang kalilibre sa akin. Wala akong pambayad."
"Joan, hindi naman utang iyon, e. Isipin mo na lang na inililibre kita dahil tumutulong ka naman kina Rita at Nanay sa bahay. Kaya huwag mong intindihin ang bayad."
Ibinalik ni Joan sa harap ang tingin. Matamlay siyang tumugon. "Hmm. Sabi mo, e."
Inihinto muna ni Kyle ang sasakyan nang maiharap na ito sa main road. "Saan mo gustong mananghalian?"
Nanatili siyang walang-sigla. "Wala akong alam na kainan. Hindi naman ako palalabas."
Hindi nga rin sigurado ni Joan kung gusto pa niyang kumain. Kahit alukin pa kasi ng dalawang-daang piso ang mga kapitbahay niya, wala sa mga ito ang nakapagbigay ng impormasyon na kailangan nila. Wala pa rin silang kaide-ideya kung bakit nawala bigla si Kuya Kobi o kung saan nito naisipang magpunta.
Pinausad na ni Kyle ang sasakyan. "Gusto mo bang sumaglit tayo sa tabing-dagat?"
Napatingin siya sa vaquero. "Tabing-dagat?"
Binagtas na ng kanilang kotse ang sementadong daan.
"Oo. May malapit na beach dito. May kainan din doon. Puwede tayong bumili ng pagkain, 'tapos pumuwesto tayo sa ilalim ng mga puno ng niyog, sa may buhanginan."
"Umuwi na lang siguro tayo." Joan returned her eyes on the road. "Baka kasi, hinintay tayo nina Rita at ipinaghanda ng pagkain. Hindi naman tayo nakapagsabi sa kanila na hindi ako sasabay na magtanghalian sa kanila."
"Gusto mo na umuwi? Bukas na lang ba uli natin itutuloy ang paghahanap sa kuya mo?"
Malungkot siyang tumango-tango.
Napatitig saglit si Kyle sa kaniya. May awa sa mga mata at sa mapang-unawang ngiti nito.
"Iyo ako buong araw, madam," anito kaya natigilan si Joan. "Kaya huwag kang mag-alala. Walang problema kung buong araw kitang samahan para hanapin ang kapatid mo o para magtanong-tanong. Ite-text ko na lang din sina Rita. Sasabihin kong hindi tayo makakasabay sa kanila sa panananghalian."
She sighed in surrender. "Sige."
Nilingon niya si Kyle pagkatapos. Tinitigan. Gusto niyang bigyan ng kapanatagan ang sarili sa pamamagitan ng paghahanap ng katotohanan sa mga mata nito. Pero ano ba ang alam niya sa pagbasa sa kilos ng ibang tao? Sa pagsilip sa totoong nararamdaman at totoong tumatakbo sa isip nito?
Joan wanted to make smart choices, but with her limited experience and exposure to life, how could she even trust herself to do that?
She never felt so alone as this, so unprotected, so afraid. Nangangapa siya sa dilim. Wala ang kaniyang Kuya Kobi para magsabi sa kaniya kung sino ang delikadong samahan at kung sino ang ayos lang makasalamuha. Wala ang kaniyang Kuya Kobi para sabihin kung dapat ba siyang lumabas ng bahay o magtago.
"Sa tingin mo kaya, may posibilidad na mapadpad sa tabing-dagat ang kuya ko?"
Pagod siya sa loob-loob nang sumandal sa kinauupuan. Lalo tuloy siyang nanliit sa sarili.
Bakit ang bilis niyang panghinaan ng loob? Hindi naman siya ganito nitong nakaraan? Sumugod pa nga siya sa mansiyon ng mga Dela Fuente. Nakipagtalo siya sa honcho ng hacienda. Nakipag-usap siya sa alkalde ng kanilang bayan. Naglakas-loob pa siyang magtrabaho sa sabungan kahit walang masyadong alam sa pagkikristo.
Bakit biglang humina ang loob niya sa pagkakataong ito?
Is it really like this when you've been strong for too long? You wear yourself out and start to just . . . crumble?
"Bakit hindi?" Nasa daan na uli ang tingin ni Kyle, hinihintay na lang nitong matapos tumawid ang isang lalaki. "Lahat ng lugar dito sa Pilipinas, ipalagay nating puwedeng puntahan ni Kobi. Hindi tayo titigil hanggang hindi natin siya nahahanap."
At pinausad na nito ang sasakyan. Tinatahak nito ang direksiyon papunta sa tabing-dagat.
"Paano kung sinasadya niyang magtago?" she wondered. "Mahahanap pa ba natin siya kapag gano'n?"
Inihilig ni Joan ang ulo para humarap sa katabing bintana. Mabagal na nilagpasan ng kanilang sasakyan ang hanay ng mga puno.
"Bakit naman magtatago ang kapatid mo?"
"Iniisip ko lang ang lahat ng posibilidad."
Wala nang naisagot doon si Kyle.
Nang marating ang beach, pumila sila ni Kyle sa isang eatery na gawa sa sawali. Mistulan itong kubo sa kalagitnaan ng nagtataasang mga puno ng niyog. Buhangin na nahaluan ng kaunting damo ang sahig dito. Lumubog sa buhangin ang mga daliri at paa ni Joan kahit nakatsinelas na siya.
Um-order sila ni Kyle ng pagkaing puwedeng i-take out. Bitbit ang mga bote ng mineral water at energy drink, at ang mga pagkaing naka-styrofoam, pumuwesto sila sa isa sa mga table set na nagkalat sa malawak na taniman ng mga puno ng niyog.
Presko sa pinuwestuhan nila. Sumisirit sa pagitan ng mahahabang dahon ng niyog ang sinag ng araw. Kumakaway din ang anino ng mga dahong lumililim sa parteng ito ng dalampasigan.
On their far right, the beach stretched to no end. Hindi matanaw ni Joan kung gaano ito kahaba o kung hanggang saan ang dulo ng pampang at ng payapang karagatan. The small waves swung back and forth, like a cradle rocking gently, a sliding window opening and shutting slowly. Asul na asul ang kalangitan. Few white fluffy clouds cruised the sky, reflecting on the crystal clear waters.
"Tara," yaya ni Kyle pero hindi maalis-alis ni Joan ang tingin sa beach. "Ngayon ka lang ba nakapasyal dito?" Abala na ang binata sa pagbubukas ng sariling styrofoam na lalagyan ng pagkain.
Tumango-tango siya bilang sagot habang nasa malayo pa rin ang tingin.
"Hindi ka man lang ipinasyal noon ni Kobi? O ng mga magulang ninyo?" angat ni Kyle ng tingin sa kaniya.
"Siguro, ipinasyal nila kami rito ni Kuya pero masyado pa akong bata para maalala. Noong highschool naman, ibang beach ang pinuntahan namin ng mga kaklase ko. Hindi rito."
May pag-aalangan sa ngiti ni Kyle. "O, kumain ka na. Kahit saglit lang, alisin mo muna sa isip mo ang pag-aalala kay Kobi."
Nangingiting sinunod niya ito. She should eat, dahil kakailanganin niya ng lakas para makapagpatuloy sa paghahanap sa kaniyang kapatid.
"Kapag hindi natin nakita ang kuya, tiyak kong magagalit ang señor."
His face lightly crumpled. "Bakit kailangan mo pang alalahanin ang galit ng señor? Hindi mo naman ginusto ang mga nangyari."
"Iisipin siguro niya na nag-aksaya lang tayo ng pera at oras para sa wala."
"Wala lang naman ang pera sa mga Dela Fuente. Kaya huwag mo nang isipin 'yon." Determinasyon ang nagbigay ng intensidad sa mga mata nito. When Joan happened to glance at them, she cowered. "Huwag kang panghinaan ng loob. Pakiusap."
She forced a small smile. For some reason, Kyle wasn't being effective. Alam niyang sinusubukan nitong pagaanin ang kaniyang loob, kaya lang wala talaga. Nothing was working to really cheer her up.
"Iyan. Ngumiti ka rin uli," ngiti ni Kyle bago nagulat. "Oo nga pala! Tatawagan ko lang si Rita. Sasabihan kong huwag na tayong hintayin."
Tumayo ito at lumayo-layo saglit. Nag-dial si Kyle sa maliit nitong de-keypad na cell phone at itinapat iyon sa tainga nito.
Naalala tuloy ni Joan noong bago nila simulan ang pagtatanong-tanong. Ipinarinig sa kaniya ni Kyle ang ringback tone daw ng cell phone nito. She was amazed to hear a set of robot-like tones playing a song. Nagulat siya nang maputol agad ang ringback tone nang sagutin ni Señor Ernesto ang tawag. Hindi niya malaman kung ano ang gagawin. 'Buti at si Kyle na ang nagkusang kunin ang cell phone para kausapin ang amo nito.
Sunod niyang naalala ang kaniyang kuya. Dumoble ang pag-aalala sa kaniyang dibdib.
***
LUMUBOG na ang araw nang makabalik sina Joan at Kyle sa baluwarte ng mga Dela Fuente. Inihatid muna ng binata si Joan kina Rita bago sumadya sa mansiyon.
Samantala, abala si Ernesto sa legal requirements para sa derby kaya halos buong araw siyang nakaupo sa office room. Doon na rin siya pinuntahan ng kaniyang kanang-kamay.
Bumati si Kyle sa kaniya. Pinaupo naman muna niya ito sa visitor's chair. Hinayaan siya nitong tapusin muna niya ang panibagong forms na pini-fill-up-an. Kaunti na lang ang aasikasuhin niya, pero hindi rin siya nakatiis. Mahirap kasing mag-concentrate kapag alam niyang may kasama siyang ibang tao sa silid na pinanonood siya. Napilitan tuloy si Ernesto na isantabi ang fill-up forms at unahin si Kyle.
"Kyle," tuwid ni Ernesto ng upo, "ano na ang balita sa paghahanap sa kapatid ng Joan na 'yan?"
"Wala sa mga taga-Nilabanan ang may ideya kung kailan umalis si Kobi at kung saan niya balak pumunta," walang-gatol at seryoso nitong wika.
Inihilig niya ang ulo. He leaned his arms and elbows on the desk. "Now, isn't that weird? Sino-sino ba ang mga pinagtanungan n'yo?" Mas naningkit ang kaniyang mga mata. 'At nagtanong ba talaga kayo o nag-date lang kayo ng Joan na 'yon?'
"Mga kapitbahay nila Joan. 'Yong tsismosa sa kanila na 'laging alam ang mga nangyayari, wala ring naibigay na impormasyon."
"Have you told them about the money? Ipinagdiinan mo ba na may matatanggap silang pera kapag nag-istorya sila ng nalalaman nila?"
"Siyempre, señor, inalok ko 'yon. Pero wala talaga, e."
Kumapa si Kyle sa bulsa at inilapag sa dulo ng desk ang gusot na puting sobre. Alam niyang iyon mismo ang sobreng pinaglagyan niya ng isang libong piso na inabot bilang gas money kay Kyle kaninang madaling-araw.
"Itabi mo 'yan. Ipagpapatuloy n'yo pa rin naman ang paghahanap bukas kaya kakailanganin n'yo 'yang pera," aniya rito.
Itiniklop ni Kyle ang sobre bago ibinalik sa bulsa ng pantalon nito.
"People can't just vanish on thin air," sandal ni Ernesto sa swivel chair. He rubbed his chin as his eyes mused blankly at the part of the ceiling on the far end of the room. "Kumusta pala ang mga napagtanungan ninyo? May palagay ka bang, nagsususpetsa silang may kinalaman ang mga Dela Fuente sa pagkawala ni Kobi?"
"Sa totoo lang, hindi malaking bagay sa kanila na nawawala si Kobi. Marahil, iniisip nilang masyado nang matanda si Kobi para alalahanin pa kapag nawala dahil kaya naman niya ang sarili niya."
"At ang tungkol sa mga Dela Fuente?"
"Iyong matanda sa ihawan—si Tatay Mong—siya lang ang nakapansin na napadadalas ang pagbisita namin nitong nakaraan kay Kobi."
"Napadadalas? Hindi ba't isang beses ko lang kayo pinapunta ro'n? Iyon ay para sabihan si Kobi na pumunta sa hacienda."
"Marahil, kasama sa nasaksihan niya 'yong pagsundo ko kay Kobi noon dahil gusto mong kausapin dahil nagkagulo sa sabungan, 'di ba? 'Tapos, personal pa kayong sumadya roon para kausapin si Joan."
He remembered. "Oo nga pala. . . ."
Nakaabang pa rin ang mga mata ni Kyle sa kaniya.
"Sa tingin mo, nagsususpetsa siya sa atin?"
"Hindi naman. Nakabiruan pa nga namin siya ni Joan kanina."
'A . . . kabiruan lang pala nila ang mag-iihaw na iyon kanina. Kaya pala ang saya ng tawanan nila. . . .' Ernesto picked up his ballpen again and took another paper on his desk. "Si Joan. Kumusta?"
Napatitig sa kaniya si Kyle. Ilang segundo itong hindi nakasagot at hindi siya sanay sa ganoong reaksiyon mula sa kaniyang kanang-kamay kaya nag-angat siya ng matiim na tingin dito.
"Ayos lang ho, señor," sagot nito dahil sa nang-uusig niyang tingin.
"Wala kayong napala ngayong araw at sa tingin mo, maayos lang siya?" Malumanay pero may bigat sa kaniyang tanong.
"Sinubukan kong pagaanin ang loob niya. Mukhang tumalab naman."
"Gumaan ang loob niya noong dalhin mo sa beach?"
Nanlaki ang mga mata nito. "S-Señor! Paanong—"
"Fuck it, Kyle," he spoke relaxedly, as if bored, as he began working on the documents again. "Sobrang obvious namang may gusto ka sa babaeng iyon. Kaya nga kahit kailangang kasa-kasama ko ang kanang-kamay ko sa mga trabaho rito, ipinaubaya na kita sa pagtulong sa Joan na 'yon."
"Akala ko, dahil ako ang pinagkakatiwalaan mo kaya—"
"I don't really care about this stupid search for Kobi. Matanda na ang tao na 'yon at nasa matuwid nang pag-iisip kaya bakit kailangan pa nating hanapin? Puwede naman itong idulog ni Joan sa police station, kung tutuosin. Kung hindi lang talaga dahil kay Papa . . ." Napailing siya. 'Hindi ako mag-aabalang ipahanap ang Kobi na 'yon.'
Kyle remained silent. He was shocked earlier but he quickly moved on from it. Sumeryoso na ang ekspresyon sa mukha nito.
Ernesto stole another glance at Kyle. "Ikaw ang in-assign ko dahil halatang gusto mo ang babaeng iyon. Ibig sabihin, gagawin at gagawin mo ang lahat, matapos lang ang problemang ito.
"So, in return, do me a favor. Siguraduhin mong hindi madadawit ang mga Dela Fuente sa problema ng babaeng 'yan. Iyon lang ang concern ko. At—" diin niya para pigilan ang tangka ni Kyle na sumagot. Akala yata nito ay tapos na siyang magsalita. "At, binibigyan ko lang kayo ng dalawang linggo para hanapin ang Kobi na 'yan. Dalawang linggo lang dahil kailangan mo nang ituloy ang trabaho mo rito sa hacienda."
Magalang itong tumango. "Opo, señor."
His eyes lingered on Kyle. 'Hay, ang kawawa kong tauhan. Patay na patay na talaga sa babaeng iyon.'
Napailing siya dahil sa labis na panghihinayang bago itinuloy ang pagsagot sa forms. "Sige. Maaari ka nang umalis."
Tumindig ito at magalang na tumango. "Salamat, Señor Ernesto."
Pag-alis ng kaniyang kanang-kamay sa office room ay muling napuno ng katahimikan ang silid.
After a careful thought, Ernesto figured that maybe he should also get Joan's feedback about this search. Dahil dito, nagpasya siyang bibisitahin sa susunod na araw ang babae para personal na makausap.
•••
PINAGSOLTADA
Baluarte Dela Fuente 1
Copyright: 2024
R-18, General Fiction, Sexy Romance, Drama, Action, Mystery
Facebook Page: Anamarie S.S. / ANAtheCowgirl
Wattpad: ANAtheCowgirl
Twitter: anathecowgirlwp
Instagram/Threads: anathecowgirl
Email: [email protected]
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro