Chapter 15 | The Journey of Seeking the Truth
VION
ᜋᜒᜆᜓᜎᜓᜑᜒᜌ ᜐᜒᜇᜒᜁᜐ᜔
KATOTOHANAN.
Ano kayang kayang gawin at isakripisyo ng tao para dito? Ang iba ay handang dungisan ng dugo ang mga kamay para makamtan ito. Ang makakapangyarihan naman ay handang magwaldas ng yaman maitago lang ito.
Sa bawat sulok ng ating mundo, ang katotohanan ay tila isang lihim na tinatago ng mga anino ng ating buhay, at ang tao, sa kanyang likas na pagkamausisa, ay handang magsagawa ng mga sakripisyo at pagsubok upang matuklasan ito.
Sa kaso ko na isang kalahating tao at kalahating Diyos ang paghahanap ng katotohanan ay nagtulak sa akin upang lumikha ng mga alamat at maglakbay sa di-nakikitang daigdig, ang mundo ng Santinakpan.
Pero ewan ko kung saang lupalop na kami ng daigdig ngayon ni Talas. Puro nalang puno at mahahabang damo ang nadadaanan namin. Hindi ito yung inaasahan kong sinasabi niyang Santinakpan. Hindi naman mala Encantadia.
"Yung totoo, naliligaw na tayo no?" hinihingal na tanong ko sa kanya habang hinahawi ang mga damong nadaraanan namin.
Iniiwas ko yung mga may putik na damo tsaka yung may mga tinik at matatalim. Gagi! Hindi naman ako nainform na magtetrek hiking pala kami. Ang buong akala ko kasi pupunta lang kami ng balete tas magsusummon siya ng portal dun gaya ng sa mga movie.
Kung alam ko lang na mamamatay pala ako sa pagod. Sana di nalang ako sumama. Sinuot ko pa tuloy yung puting sapatos na bago kong bili. Ngayon di na mahitsura.
"Talas! Haaa! Teka lang, time first muna. Pagod na ako," hinihingal kong reklamo sa kanya saka napasandal na sa puno.
Pabagsak kong nilagay sa lupa ang malaking bag na dala dala ko saka sumagap ng hangin. Kinuha ko ang tumbler ko at mabilis na lumagok doon ng tubig.
"San ba talaga punta natin? Pagod na pagod na ako. Kanina pa tayo lakad ng lakad. Ikot ng ikot tapos akyat ng akyat." reklamo ko pagkatapos kong makainom ng tubig.
Naupo na rin siya sa isang bato. Hindi man lang siya hinihingal habang ako dito parang nilublob na sa dagat sa sobrang pawis. Ang unfair talaga!
"Sa Salupungan," sagot niya sa sa akin.
"Ano yan? Akala ko ba sa mala Encantadia ang pupuntahan natin. Yung mundong pinagmulan mo. A-ano nga yun? San-san. Santakip? Santinakip?"
"Santinakpan," pagtatama naman niya sa sinabi ko habang pinaikot pa ang mga mata.
Napailing-iling naman siya saka pinitik ang mga daliri. May kung anong kumikinang na usok ang lumabasa sa daliri niya na kaagad na pumasok sa kanyang sentido.
"Kailangan ko pa talagang gamitin ang kapangyarihan ko at isalin sa wika ninyo ang aking sasabihin para maintindihan mo," umiiling iling niyang sabi.
"Salupungan o ang Divine Boundaries. Ang lugar kung saan nag iintersect ang mundo ng mortal at mundo ng Santinakpan. Gets mo?" tanong niya na ikinailing ko ulit.
Lumapit siya sa akin at kinuha ang ulam naming itlog na baon saka iyun pinakita sa akin.
"Ahhh poultry farm?"
Malalim na napabuntong hininga si Talas saka tamad lang akong tinapunan ng tingin habang binabalatan ang itlog na hawak.
"Batuhin kaya kita nito. Pultry farm amputa!" rinig kong bulong niya. Bubwelta na sana ako pabalik nang magsalita na siya.
"Try to imagine na ang itlog na hawak ko ang mundo o daigdig. Ang balat o shell nito. Ito ang mundo ng mortal kung saan ka nakatira," saad niya sabay pinakita ang balat ng itlog at sunod naman niyang hinati ang itlog.
"Ang nakikita mong dilaw ang mundo ng Santinakpan, kung saan ako nanggaling at kung saan nagmula ang iyung inang si Dalikmata. Ito ang Salupungan o ang Divine Boundaries," turo niya sa puting parte ng itlog.
"So? Anong meron diyan?" kuryuso kong tanong.
"Ang Salupungan ang lugar kung saan nagcocoexist ang dalawang mundo na nag ooverlap. Kumplikado siyang isipin. Isipin mo nalang ang isang Venn Diagram at ang gitna nun ang Salupungan. Nag-eexist ang dalawang mundo doon ngunit hindi nila nakikta ang isa't isa pero maaari nilang maramdaman ang presensya ng iba. Para siyang dalawang dimensyon na nag eexist sa isang lugar."
"Ibig sabihin, kahit nag-uugnay ang dalawang mundo ay mayroon parin itong hangganan sa isa't isa." dagdag niya.
"So parang protective layer ang boundary na naghihiwalay and at the same time nag uugnay sa mundo mg tao at ng Santinakpan?" tanong ko na ikinatango naman ni Talas.
"So ano nga meron diyan? Bat tayo pupunta diyan? Ito ba! Kanina pa ako tanong ng tanong." kamot ulo kong sabi.
Bumuntong hininga si Talas saka inikutan ako ng mata at tumayo.
"Nasa Salupongan ng Sierra Madre matatagpuan ang lawa ni Dayang Naragsakit. Kaya pupuntahan natin iyun para hingan siya ng tulong. Kaya sa ngayon magpatuloy na tayo dahil mahaba haba pa ang ating lalakbayin." saad niya at tumayo na saka nagpatuloy sa paglalakad.
"Ano ba yan!" kamot ulong reklamo ko habang sinusuot ang bag ko at sumunod na ng lakad sa kanya.
"Bakit di ka nalang mag anyong kalabaw tas pasakayin mo ako sa likuran mo para di na ako mapagod diba? Mindset ba," inis kong sabi.
Napatigil naman si Talas saka humarap sa akin na parang nakaisip ng ideya. Napahinga naman ako nang maluwag dahil dun.
"Salamat sa ideya," giit niya saka nag-anyong agila agad at lumipad sa himpapawid.
"Huy! Buang! Pano ako?" sigaw ko sa kanya habang nakatingala sa langit.
Hindi man lang ako nito pinansin at nagpatuloy lang sa paglipad sa ibabaw.
"Huyyy! Ikaw lang nakakaalam sa daan ng Salum.. salon... S-sabungan na iyan. Hoy Talaaaass!" sigaw ko sa kanya. "Bwesit matirador ka sanang kinginamooo,"
Madilim na ang langit kaya napagpasyahan naming magpahinga na at magtayo ng tent sa isang patag na lugar na nasa ilalim ng malalaking kahoy.
Mabuti naman at may konsensya tong isang to at nag-anyong liyon kaya nakasakay ako sa likuran niya. Habang abala ako sa pagpapatayo ng tent namin, si Talas naman ang gumagawa ng apoy.
"Hindi ba tayo maeengkanto dito Talas. Parang nakakatakot naman tong lugar na to ang lalaki ng mga puno," saad ko habang tinutusok ang mga steel tube sa tela at nagmasid masid lang sa paligid.
"Sa kalahi mo pa talaga ikaw matatakot? Andami na nating nakasagupang mga aswang," saad niyang habang nagsisindi ng posporo.
Nanlaki naman ang mata ko sa sinabi niya saka tinuro ang sarili ko.
"A-Ako? Engkanto din? Magsolo ka. Nananayo balahibo ko sayo, wag ka ngang hibang diyan," sabay himas ko sa braso ko.
"Tabi-tabi po," bulong ko habang nagpalinga-linga saka sinimulan agad na buohin ulit ang tent namin.
Ilang minuto rin ang ginugol ko sa pagtayo ng tent. Buti nalang at nakapag Boy Scout ako nung elementary. Kaya kahit papaano ay hindi ako nahirapan. Matapos kong ibaon sa lupa yung mga stick na pampatibay sa tent ay tumayo agad ako.
"Ayown! Pwede na," saad ko sabay pagpag ng dalawa kong palad.
"Hmmm... bango niyan ah," sambit ko nang lapitan ko si Talas na nag-iihaw ngayon ng isdang nahuli niya kanina doon sa ilog na nadaanan namin.
Actually di naman niya nahuli, kusang lumapit yung isda na parang inaalay nila ang sarili nila. Iba din talaga pag may kapangyarihan kang kontrolin ang mga hayop.
Try ko kaya next time yung hypnotization power ko kung uubra sa kanila.
"Luto na to?" tanong ko sa kanya sabay bukas ng takip sa kanin na niluto niya sa kawayan. Dalawa iyun at tig-iisa kami. Sapat na din yung laman nun para mabusog kami.
"Wag mo munang buksan. Yung singaw ang lumuluto diyan. Ibalik mo," suway niya kaya binalik ko din naman agad.
Naupo nalang ako sa kahoy na hinanda niya para maging upuan namin. Nanood nalang ako sa ginagawa niyang pag-iihaw ng isda.
"Talas! May alam ka ba kahit papaano sa tagna ng mama ko?" biglaang tanong ko sa kanya.
"Hindi pa ako isinilang nang kumalat sa buong Santinakpan ang patungkol sa tagna ng iyung ina ngunit nakakaranig ako ng mga patungkol rito kay Inang Makiling," sagot niya naman habang iniikot ang inihaw niyang isda.
"Bilang Diyosa ng mga mata na nakakakita ng hinaharap at kapalaran ng tao. Naging tungkulin na ng iyung ina na ihayag ang kapalaran ng mga tao, ng Santinakpan at mismo ng mga Diyos at Diyosa. Tuwing nangyayari ang pinakamalaking piging sa Kaluwalhatian, ang kaharian ni Bathala. Isa sa pinakainaabangan ng lahat ay ang tagna ng iyung ina. Ngunit sa isang piging mung saan tinatanong na ni Bathala ang kapalaran niya at ng Santinakpan. Biglaan na lamang nagliwanag ng sobra ang mga mata niya," pagkukwento ni Talas.
Mataman lang akong nakikinig sa kanya. Umaasa akong kahit papaano ay may makuha akong ideya tungkol sa tagna sa pamamagitan ng kwento niya. Gusto kong malaman kung bakit ganuon na lamang ito kaimportante.
"Labis na nanghina ang Diyosang si Dalikmata nun at hindi mapakali. Nilisan nito ang piging nang walang sinasabing kahit ano. Labis na nabastos at nabahala ang Bathala kaya sa galit ay isinumpa niya si Dalikmata."
"Isinumpa?" gulat kong tanong.
Tumigil rin sa ginagawa niya si Talas saka seryosong hinarap ako.
"Oo. Isang nakakapaminsalang sumpa. Minsan nang naranasan iyun ng Santinakpan nang tumakas ang iyung ina at nagkulong sa gubat. Agam agam pa rin sa lahat ang patungkol sa tagna na nakita ng iyung ina. May nagsabing maaaring ang katapusan ng Santinakpan ang nakita niya."
"O maaari ring isang dahilan nang katapusan ng Santinakpan. Kaya ayaw na ayaw ng Diyosa ng mga mata na malaman ito kahit pa ang Mapagpalang si Bathala," seryoso niyang sabi.
Nakatutok ang mga mata ko kay Talas habang patuloy niyang iniikot ang isda sa uling.
“Ang tagna ng iyong ina ay higit pa sa ordinaryong kapalaran. Isa itong napakahalagang kapalaran ng Santinakpan. Ang mga mata mo, Vion, ay naglalaman ng kapangyarihan na tumutukoy sa hinaharap at maaaring makapagbago ng lahat. Kung paano protektado ng iyong ina ang tagna nito, gayundin ang tungkulin mong pangalagaan ito,” wika ni Talas.
“Hindi natin alam kung anong panganib ang naghihintay sa iyo sa oras na pakawalan na ni Dayang Naragsakit ang nakatagong tagna sa iyong isipan. Ang kadiliman na nagtatago sa mga anino ay magiging saksi sa iyong laban para sa tagna,” dagdag niya.
“Sa sandaling ilabas niya ang tagna, marami ang maghahangad nito, mga pwersa ng kadiliman, maging ang mga Diyos mismo. Kaya, kinakailangan mong maging handa, malakas, at ganap na bihasa sa iyong kapangyarihan. Hindi mo maipapasa ang pagprotekta sa tagna sa sinuman kundi sa sarili mong kakayahan lamang.” seryoso niyang sinabi.
Kaya pagkatapos naming kumain ay seryoso nga siya sa sinabi niya kanina.
"Wala na tayong dapat pang sayangin na oras kaya dito pa lang ay magsasanay na tayo sa kapangyarihan mo," sabay hagis niya ng arnis sa akin na kaagad ko namang naisalo.
"Tarantado! Akala ko ba eme eme mo lang yun kanina. Jusko Talas gusto ko nang magpahinga. Layo kaya ng nilakad natin," reklamo ko pero napasigaw nalang ako sa gulat nang may magsiliparan ng mga bato papunta sa akin.
Nanlalaki ang mga mata kong napaiwas sa mga iyun. Mabuti nalang at mabilis ang reflexes ko kaya nagawa kong iwasan ang mga iyun. Ang iilan ay nagamitan ko pa ng arnis.
"Baliw ka ba?" gulat kong sigaw sa kanya pagkatapos nun.
Paano nalang kung di ko naiwasan ang mga iyun. Edi pork chop ang inabot ko!
"Napakahalaga pa sa iyung ina ang tagna niya. Pinangalaga niya ito sayo kaya dapat sapat ang iyung kapabilidad na pangalagaan ito."
"Oo na! Oo na! Alam ko naman iyun pero pagod pa ako gusto ko munang... pusang gala tangina mo talaga!" gulat ko uling sigaw nang umalsa ang isang bitak ng lupa at lumipad patungo sa akin.
Mabilis agad akong napatakbo paiwas dito. Wala na akong nagawa kundi ihanda ang sarili ko. Mukhang seryoso ata ang isang ito sa gagawin namin ngayon. Baka kasinglaki na ng kalabaw ang ibabato niya sa susunof o worst maging cheetah nalang ito at lapain ako.
Halos ilang oras na kaming nagsasanay pero di ko pa rin kayang palabasin ng kusa ang kapangyarihan ko. Halos gusto ko nang mahiga nalang sa lupa dahil sa pagod. Pero itong isang to mukhang wala atang kapaguran.
"Mamamatay siguro ako bago ko mapalabas yang kapangyarihan na yan. Hindi ba uso sa iyo magpahinga?" hinihingal kong tanong sa kanya habang hawak hawak ang tuhod ko at nakayuko lang.
Ilang vitamins ba nalaklak nito at ang daning energy sa katawan?
"Aray! Ano ba!" galit kong reklamo nang may kung anong malakas na humampas sa likuran ko.
Kumunot naman ang noo ni Talas na parang nagsasabi na hindi siya iyun. Habang himas himas ko ang likuran ko ay tumingin tingin naman siya sa paligid.
Nagulat na lamang ako nang magsisulputan sa tabi-tabi ang mga mahahabang ugat at gumapang ang mga iyun patungo sa akin.
"Talas! Masamang biro na to," kinakabahan kong sabi habang napapaatras.
Mabilis na sumulpot naman si Talas sa harapan ko at gamit ang mga tipak ng bato ay pinalipad niya iyun patungo sa direksyon ng mga ugat. Naputol ang mga ito nang matamaan ng matatalim na batong pinalipad niya.
"Ang gubat ang may gawa nito. Dito ka lang sa likuran ko," alerto niyang sabi nang magpatuloy ulit sa paggapang ang mga ugat.
Napakapit ako nang mahigpit sa may puno nang umalog ang lupa at nagsimulang magbitakan ang mga ito at lumabas mula roon ang mga matutulis na ugat ng puno.
Nanlaki ang mga mata ko nang mabilis na sumugod iyun patungo sa amin. Nagulat rin ako nang may mga ugat na nagsipuluputan sa paa at kamay. Nagpumiglas agad ako nang maramdaman kong nagsimula nang magsihigpitan ang mga iyun.
"Bushet ka! Bushet ka!" inis kong sabi habang pinagpapalo iyun ng arnis ko. Sinubukan ko pang hilahin ang paa ko pero mas lalo lang iyung humihigpit.
"Vion!" sigaw ni Talas nang makita ako. Abala siya sa pakikipaglaban dun sa mga ugat ng puno na parang mga ahas na na tinutuklaw siya.
"Ay putanginaaaa!" gulat na sigaw ko nang hilahin ako niti dahilan para madapa ako sa madahon na lupa saka hinila ulit ako nito na ikinalambitin ko sa ere.
"Vion!" Napalingon ulit si Talas sa akin. Isang malakas na wasiwas muna ang ginawa niya sa mga ugat na ikinabagsak ng mga naputol nitong parte sa lupa bago ito kumuha ng isang dahon sa gilid at gamit ang kapangyarihan niya sa kamay ay nagliwanag ito at naging makintab.
Kaagad niya iyung hinagis sa akin at nang masalo ko yun ay naramadaman ko kaagad na bakal ito. Isang kutsilyo! Mabilis ko agad na pinamputol iyun sa baging na naglambitin sa akin at gumulong agad pagkabagsak ko sa lupa.
"San galing ang mga to? Sabi ko na nga ba naengkanto tayo!" nag-aaalala kong sabi nang makalapit ako sa kanya at hinanda ang hawak kong patalim.
"Hindi ko rin alam. Wala akong ideya," naguguluhang sagot ni Talas habang binabantayan lang namin ang nagsisimula na namang magsigapangan na mga ugat.
"Baka nanuno sa punso na tayo nito ah. Nung umihi naman ako nagtabi-tabi ako. Ikaw ba?"
"Tadyakan ko pa sila eh," irap niyang sagot na ikinalaki ng mga mata ko.
"So sinipa mo sila kaya nila tayo ginaganito? Alam mo, pahamak ka talagang leche ka!" inis kong sigaw ko sa kanya.
"Aray ano ba! Hindi naman ako umihi kanina tsaka hindi to kayang gawin ng mga nuno sa punso. May mas makapangyarihan pa atang nasa likod nito."
Bago pa man makapagsalita ulit si Talas ay biglang umalog ang lupa. Nagsibalikan ang mga baging at ang ang mga ugat ng puno naman ay bumalik sa ilalim ng lupa.
Nagkatinginan kami ni Talas at bigla nalang nagbitak bitak ang lupang kinatatayuan namin.
"Takbo!" sigaw ni Talas.
Mabilis kaming tumalon papalayo dun sa lupa na tuluyan nang gumuho. Mabilis ang naging takbo namin at nararamdaman ko ang paggalaw ng lupa sa paa namin. Napalingon ako sa likuran ko at nagulat nang makita ang isang higanteng mukha.
"T-Talas!" kinikilabutan kobg sabi at napaupo sa lupa.
"Vion ano ba! Tumayo ka diyan. Tara na-" Bago pa man niya matapos ang sasabihin niya ay napatigil kaagad ito nang makita ang tinitignan ko.
Napatingin rin kami sa paligid at doon lang namin napansin na nakalutang na sa ere ang parte ng lupa kung nasaan kami dahil tanging mga tuktok ng bundok nalang ang nakikita ko.
Dun ko din napagtanto na nasa palad kami ng higante. Hindi isang gubat ang pinagpahingahan namin kanina kundi isang higante.
Nagulat kami nang simulan nang ikuyom ng higante ang palad nito. Madudurog kami kung sakaling hindi kami makakaalis kaagad. Mabilis akong pinatayo ni Talas at pinosisyon sa likuran niya. Kaagad siyang nag-anyong liyon at mabilis na tumakbo agad papalayo doon.
Nasa may palapulsuhan na kami nang higante nang magsitumbahan ang mga puno kaya mabilis na nag-anyong malaking ibon si Tals at kaagad akong kinarga gamit ang mga kuko nito.
Napapasigaw nalang ako sa tuwing makakasalubong kami ng punong matutumba na. Napahawak nalang ako sa dibdib ko sa ginhawa nang maiwasan namin iyun dahil sa pagtaas pa lalo ng lipad ni Vion.
"Talas!" gult kong sigaw nang makita ko ang kamay ng higante sa likuran niya.
At bago pa man makalingon si Talas ay nahampas na siya nito na ikinatilapon niya habang ako naman ay bumagsak sa lupa at kaagad na nawalan ng malay.
TALAS
"Vion?"
Nagising ako habang sapu-sapo ang noo kong dumurugo dahil sa pagkakahampas ng kung anong bagay kanina. Sinubukan kong tumayo habang nakaalalay ng hawak sa isang bato at nagpalinga-linga.
"Vion, nasan ka?" sigaw ko.
Napalingon ako sa unahan kung saan may nakikita akong nagliliwanag. Patakbo ko agad na tinungo ang pinagmulan ng liwanag na iyun.
Mula sa ere ay nasaksihan ko ang kung paano magliwanag ng napakalakas ang mata ni Vion habang nakalutang ito.
Lahat ng enerhiya sa paligid ay sinisipsip ng kanyang mata na itim na itim. Naging maputla ang kanyang balat at lumalabas na ang maiitim niyang ugat sa katawan.
Napaatras ako nang masaksihan iyun. Nililipad na ng hangin ang buhok ko dahil sa malakas na pwersang nakapaligid kay Vion. Napatabon ako ng mukha gamit ang braso dahil sa lakas ng hangin.
Hindi maaari...
"Ang sumpa kay Dalikmata!" bulong ko.
Phantom Curse.
SOONEST HUHU
MANIFESTATING KAYA
SISIPAGAN SA ABOT NG
MAKAKAYA HAHAHA
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro