Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 14 | The God's Intervention

ANG liwanag ng Tubig ng Kapalaran ay naglalabas ng kumikislap na sinag, nagbubukas ng isang pinto sa isang di-nakikitang daigdig. Si Lakpati at Mapulon ay nakatayo sa tabi ng sagradong lawa, nakatingin sa sinaunang tubig na nagpapakita ng mga pangyayari sa loob ng karagatan ng kaisipan ni Vion.

"Mapulon, tingnan mo ang nangyayari sa loob ng tubig." sabi ni Lakpati na puno ng pag-aalala.

"Nasa loob sila ng dagat ng kamalayan ni Vion at tila sinusubukang buksan ang ikinubling alaala na naglalaman ng Tagna ni Dalikmata. Ano ang mangyayari Mapulon kung matuklasan nila ito?"

"Hindi ko rin batid ngunit natitiyak akong ang Tagna ni Dalikmata ay magdudulot ng malaking kaguluhan. Hindi lang sa mga masasamang nilalang na naghahangad nito ngunit sa pagitan rin nating mga Diyos," nag-aalala na ring sagot ni Mapulon.

"Nakita natin kung paano nagalit si Dumakulem noon, halos sumikò sa mundo ng mga mortal para lamang makuha si Vion. Ang kanyang galit ay nagdulot ng matinding panganib sa mundo ng mortal."

"Hindi natin maaring hayaan na magpatuloy ang ganito. Ang Tagna ay hindi nararapat mabunyag. Kapag nalaman nila ito at susubukang pigilan, lalo lamang itong magpapasidhi ng kaguluhan. Ang muling pagsilang ng Tagna ay magdadala ng higit pang gulo, hindi lamang sa kalipunan ng mga Diyos kundi pati na rin sa mundo ng mga tao."

"Mas mainam na hayaang ang tadhana at kaganapan na lamang ang magsalin sa landas. Ngunit ilang buwan nang hindi nagpapakita si Dalikmata. Inasa niya rin sa atin ang tungkol sa Tagna kaya nararapat lamang na mayroon tayong gawin."

Ang Diyos ng Panahon at Kalusugan ay dumukot ng kakarampot na putik galing sa Sagradong Lawa.

"Kinakailangan agad nating mapigilan ang kanilang gagawin" wika ni Mapulon.

Sa isang ihip niya lang sa minoldeng putik ay nagkaroon agad ito ng buhay.

"Ipapadala ko itong mga Berberoka upang pumasok sa kamalayan ni Vion at hadlangan sila."

"Ngunit hindi ba mapapahamak ang anak ni Dalikmata niyan?" nag-aalalang tanong ng Diyosa ng Ani at Pagsibol.

"Isa lamang itong huwad na nilalang na yari sa putik at binubuhay lamang ng aking kapangyarihan. Wala silang kakayahang maminsala. Tanging paghadlang lamang ang gagawin nila" giit ni Mapulon habang tinitignan ang apat na Berberoka na nakatampisaw na sa tubig.

Sa bisa ng kapangyarihan ni Mapulon ay kaagad na nakapasok ito sa dagat ng kamalayan ni Vion sa pamamagitan lamang ng Sagradong Lawa.

"Umaasa akong tama ang iyong naging desisyon, Mapulon. Ang mga Diyos ay dapat na mapanatili ang balanse, at ang pag-aaway ay hindi makakatulong sa sinuman. Hayaang ang kapalaran ang magsalita at magtakda ng landas."

"Oo, Lakpati. Huwag nating kalimutan ang tunay na layunin natin—ang pangangalaga sa kaayusan ng lahat. Hayaang ang kapalaran ang magtakda ng tamang oras para sa lahat ng ito.

Habang ang mga alon ay nagiging tahimik, nagbigay ng huling sulyap ang Tubig ng Kapalaran sa mga Diyos, at muling lumihis ang pangitain, naglaho sa kalawakan ng misteryo.

VION
ᜋᜒᜆᜓᜎᜓᜑᜒᜌ ᜐᜒᜇᜒᜁᜐ᜔

"Ngayong alam na natin ang dahilan. Maaari na tayong lumabas. Habang ligtas pa ang katawan mo," yaya sa akin ni Talas.

Nakatingin lamang ako sa puting bola na pinupuluputan ng itim na sinulid. Naririyan sa loob ang magpapatunay kung totoo ba o hindi ang sinabi nung babae.

"Paano ang nakakulong kong ala-ala Talas. Iyan nalang ang paraan para malaman ko ang totoo," wika ko sa kanya.

"Wala akong kaalaman na putulin ang mga sinulid na iyan. Hindi ko rin gagawin dahil baka mapinsala nito ang iba mo pang memorya at tuluyan mo ng makalimutan ang lahat. Napakadelikado ang pagpapalaya ng memorya mo Vion. Ayokong ipahamak ka.".

"Paano na yung sinabi nung babae. Wala na bang pag-asa na malaman ko yung totoo?" tanong ko sa kanya.

"May alam akong makakatulong. Naikwento dati ni Inang Makiling ang tungkol sa diwatang may kakayahang magbalik ng mga nawawala."

"Si Dayang Naragsakit. Isa siyang diwata na katulad ko ay naging katuwang rin ng isang Diyosa, ang Diyosa ng mga nawawalang bagay si Anagolay."

"Kaya niyang ibalik ang nawawala mong memorya gaya ng pagbabalik niya ng mga nawawalang bagay ng mga mangingisda sa lawa niya. Ngunit matagal na panahon na siyang hindi nakikita at hindi lumalabas sa lawa niya."

"Kung ganun hindi pa rin siya makakatulong," sagot ko.

"Susubukan natin siyang tawagin. Sa ngayon kailangan na nating lumabas bago pa may masamang mangyari."

Hinawakan kaagad ni Talas ang kamay ko ngunit hindi pa man kami nakakalangoy ay biglaan nalang lumindol.

Nanlaki ang mata ko sa gulat at napatingin sa paligid.

Anong nangyayari?

"Mga Berberoka," seryosong sabi ni Talas at nang lumingon ako kung saan siya nakatingin ay tumambad kaagad sa akin ang nakakatakot nitong mukha.

Shit naman! Pati ba naman sa tubig may ganito.

"Teka! Paano sila nakapasok sa isip ko?" takang tanong ko kay Talas.

"Hindi ko rin alam. Walang kakayahan ang mga Berberoka na pumasok sa isip ng isang tao. Mukhang may mas makapangyarihan ang nasa likod nito at pinadala sila," sagot niya sa akin habang hinahanda ang sarili.

Kaagad na nagliwanag ang buong katawan ni Talas at bigla na lamang siyang nag-anyong isang higanteng buwaya.

Napaatras pa ako sa gulat dahil sa ginawa niya.

"Kumapit ka sa likuran ko. Ako nang bahala sa kanila."

Tumango lang ako sa sinabi na Talas at kaagad na kumapit sa nagagaspang at bukol bukol nitong likuran.

Napangiwi ako nang mapatingin ako sa itsura ng sinasabi niyang Berberoka.

Napakalaki ng mga ito. Mukhang tinriple pa ang pagiging buwaya ni Talas at tila gawa sa lumot at putik ang katawan ng mga ito.

Kahit nasa tubig ay amoy na amoy na parin ang masangsang nitong baho tulad ng nabubulok na halaman. Ang mga mata nila ay pulang-pula lalo na ang kanilang mga kamay ay malalaki at matutulis. Ang katawan naman nito ay natatakpan ng mga damong tubig na parang bahagi na ng balat nito.

"Kapit Vion!" sigaw ni Talas nang magsimula nang umatake ang mga Berberoka.

Mabilis na gumalaw ang buntot ni Talas at kaagad na sinalubulong ang naunang dalawa habang lumangoy naman palayo yung dalawa at umikot para pumuwesto sa likuran namin.

Gamit ang mga matatalas na ngipin ay kaagad na sinunggaban ni Talas ang isa saka umikot at hinampas ito gamit ang buntot niya.

Tumilapon naman kaagad ito saka mabilis na sumunod din ng atake ang isa. Ang mga matatalas nitong kuko ay sinubukang kalmut kalmutin si Talas habang matulin ang paglangoy nito sa palagid namin.

Hindi naman nasasaktan si Talas dahil sa kapal ng balat niya ang inaalala niya lang ay kung paano ako huwag matamaan ng mga kalmot nito kaya naman sinusubukan niyang iharang ang katawan niya sa akin.

"Dito ka lang muna," giit niya saka inatake ulit ang mga Berberoka.

Nang makalapit na si Talas sa mga ito ay kaagad siyang nagpalit anyo na isang maliit na isda.

Nalingat ang mga Berberoka at pinaghahanap tuloy siya. Kaagad na sumulpot ulit si Talas sa harapan ng mukha ng mga ito at nag-anyong oktupos saka binugahan ng maiitim na likido ang mga mukha nito.

Saka nag-anyong buwaya ulit siya at pinaghahamapas ito ng buntot niya.

Napalingon ako sa dalawa pang Berberoka na mabilis na lumangoy patungo dun sa puting bilog mung saan nakakulong ang nawawala kong ala-ala.

Anong plano nila? Sisirain pa bila ang nakakulong kung ala-ala?

Kung ganun hindi pwede! Iyun nalang ang pag-asa ko upang malaman ang buong katotohanan.

Mabilis kong sinipa ang paa ko sa tubig at lumangoy patungo sa kanila.

"Hoy mga mukhang marinated na Guso!" sigaw ko sa kanila.

Napatigil naman ang mga ito at nilingon ako. Napaatras pa ako kunti dahil sa mga nanlilisik nitong mapupulang mata.

Okay! Heto na naman tayo sa pagiging bida bidang walang back up plan bago sumugod. Nasa akin na tuloy ngayon ang atensyon nila. Well at least di na nila natuloy yung pagpunta sa nakakulong kong ala-ala. Eyyable pa rin ang ginawa ko kahit papaano.

Jusko! Sumusugod na sila sakin. Paano ba itrigger tong kapangyarihan ko. Sana kasi may on and off button nalang to para naman magamit ko kahit kailan.

Nagpalinga-linga ako sa paligid. Napatingin ako kay Talas na abala pa rin sa pakikipaglaban sa dalawang Berberoka.

"It's a prank!" hilaw kong ngiti sa dalawang Berberoka sa harapan ko saka lumangoy na ng mabilis papalayo sa kanila.

"Waahhh bat ang bibilis niyong lumangoy," nagpapanic na sigaw ko nang makitang halos maabutan na nila ako kaya mas lalo ko pang binilisan ang paglangoy ko.

Nakabuntot lang sila sa akin at halos maabot na ng isa ang paa ko nang bigla itong tumilapon dahil sa pagbangga ng isang pating.

Patuloy lang ako sa paglangoy at naghanap ng matataguan. Nagpunta ako doon sa maraming kumpol na sinulid.

Pwede na sigurong magtago dito.

Sumilip ako at nakitang may papalapit na Berberoka sa pwesto ko. Dahan dahan ang naging paglangoy nito na tila hinahanap ata ako. Suminghot singhot pa ito sa tubig saka nagpalinga linga.

As if naman maaamoy niya ako, sa baho niyang yan. Amoy nilagang nastock sa ref ng isang taon. Baka sarili niya lang ang naaamoy niya.

Okay! Binabawi ko na dahil nakatingin na siya sa akin ngayon! Putaaa!

"Tigilan mo na ako!" sigaw ko at saka lumayo papalayo dito.

Mabilis ang naging paglangoy ko pero naabutan pa rin ako nito at nahawakan sa paa at nang hilahin niya ako paharap sa kanya.

Mabilis na nagliwanag ang mga mata ko. Napangisi ako dahil dun. Medyo napapikit pa ang Berberoka sa pagkasilaw at nang buksan ulit nito ang mga mata ay parang wala lang nangyari.

"Eh? Di ka tinatablan?" tanong ko dito na parang naiintindihan ba ako.

Umangil ito kaya naman mabilis na akong lumayo papalayo nang mabitawan nito ang paa ko.

"Nagtrigger nga ang power ko. Pero pang flashlight lang ata. Bat di tinatablan tong halimaw na gusong to," nagpapanic kong sabi.

Paano ko ba pipigilan tong sang to?

Napatingin ako sa mga sinulid. Pwede ko siyang itrap sa mga yun. Pero baka pag ginalaw ko yun ay maglalaho na ang mga iyun sa memorya ko.

Napatingin ako sa isang sinulid na may memorya ko nung highschool na nadapa sa harap ng crush ko.

Jusko! Bat ba nakita ko na nama to. Isa ito sa mga nakakahiyang bagay na gusto ko nalang kalimutan.

Kalimutan?

Tama! Kung may iririsk man akong mga sinulid dito na maaaring makalimutan ko. Yun nalang sigurong mga embarrassing moments ko sa buhay.

Dali-dali agad kong kinuha ito saka naghanap pa ng sinulid na pwede kong gamitin.

Ito! Yung nag-antay ako ng sukli kahit sakto lang naman ang binayad ko. Ito rin! Yung akala ko feeding program kaya nakipila ako tas para lang pala yun sa mga kinder kaya pala kami lang nina Josiah ang matatanda dun.

Halos marami na rin ang nakuha ko. Hinarap ko kaagad ang Berberokang lumalangoy na ng mabilis papunta sa akin.

"Lika boi," ngisi kong tawag dito saka hinanda na ang mga sinulid na hawak ko.

Mabilis ko agad na hinagis dito ang mga sinulid na ikinasabog nito. Kaagad na napasuong doon ang Berberoka dahilan para mapatigil ito sa mga sinulid na kumapit sa katawan nito.

Okay! Plan failed. Akala ko mabubuhol siya dun. Bat ko ba nakalimutang malaslime pala ang katawan nito. Oo dumulas lang siya palabas sa mga sinulid pucha!

Nang sugurin ulit ako ng mga ito ay kinuha na ako ni Talas at pinasakay sa likuran niya saka lumangoy papalayo sa mga ito.

"Bat ganun hindi sila tinatablan ng kapangyarihan ko?" nagtataka kong tanong.

"Dahil wala silang pag-iisip. Huwad lamang sila na gawa sa putik. Napatunayan ko iyun dahil hindi sila nasusugatan," sagot ni Talas.

"Mukhang may nagpadala sa kanila. Isang makapangyarihan na kayang magbigay buhay ng panandalian," dagdag niya.

"Ano nang gagawin natin?"

"Si Junos nalang ang pag-asa natin. Kung hindi ka niya magigising. Pareho tayong mapapahamak dito."

𓁹𓁹𓁹

Halos maglilimang minuto na simula nang pumasok sina Talas sa kaisipan ni Vion. Medyo pressured si Junos ngayon dahil nakasalalay sa kanya ang kaligtasan nila. Kaya todong pagbabantay ang ginawa niya. Ni isang segundo ay hindi niya nilingat ang tingin sa katawan ni Vion na ngayon ay tila tulog lang na nakaupo sa loob ng planggana.

Kanina pa niya pinag-aaralan ang mapang ibinigay sa kanya ni Talas. Ito raw ang paraan para magising si Vion sa oras na maubos na ang sampung minutong nilaan nila.

Kailangan lamang niyang basagin ang pabilog na asin at abong nakapaligid kay Vion. Ngunit kailangang nasa tamang anggulo ang paglalagay ng gitla. Sa direksyon kung saan ang mundo ng espiritu at mundo ng tao ay nagtatagpo.

Hindi dapat siya magkamali dahil maaari daw niyang mapahamak si Vion at posibleng maipit ito at si Takas sa dimensyon n pinasokun ng mga ito sa oras na mali ang napili niyang anggulo ng bilog na babasagin

Habang sinusuri ni Junos ang mga linya ng mapa gamit ang kanyang daliri, naalala niya ang mga tagubilin ni Talas.

"Mahalaga ang anggulo," sabi ni Talas. "Isipin mong parang kompas ang bilog. Dapat gawin ang hiwa sa punto kung saan nagtatagpo ang mundo ng espiritu at tao."

"Bakit hindi mo na lang ituro sa akin kung saan? Baka mapahamak ko pa kayo," nag-aalala niyang sabi kay Talas.

Napatingin siya kay Vion na ngayon ay malalim nang nakatulog sa loob ng tubig.

"Hindi ko rin alam. Walang katiyakan 'yon. Para lang itong araw na gumagalaw mula Silangan hanggang Kanluran. Naniniwala ako sa 'yo, Janus. Malalaman mo rin 'yon."

Napatingin si Junos sa oras sa relo niya. Sampung minuto lang sila dapat, at kapag dumating na ang oras na iyon, kailangan na niyang basagin ang bilog. Limang minuto na lang ang natitira kaya kailangan na niyang kumilos, kailangan niyang mahanap ang anggulong iyon.

"Pagsasanib ng dimensyon ng espiritu at mga tao?" tanong niya sa sarili.

Gulat siyang napaatras nang may biglang sumulpot na itim na usok at saka pumalibot-libot iyon kay Vion.

"Ito na ata ang sinasabi ni Talas na kailangan kong bantayan na huwag makalapit sa katawan ni Vion," naisip niya.

Hanggat nasa loob ng bilog ang katawan ni Vion, hindi magagambala ng masasamang espiritu ang katawan nito. Ang gagawin lang ng mga ito ay basagin ang bilog upang mawala ang bisa ng proteksyon. Kaya naman patalon siyang dumapa kaagad sa bandang bilog na tila inihipan ng hangin. Dumukot siya ng asin sa dala niyang cellophane at binudbod iyon doon upang hindi masira ang bilog.

Sunod-sunod agad na nagsilabasan ang mga itim na usok. Kakaiba ang mga boses nito. May umiiyak, may naghihinagpis, at may tila baliw na tumatawa habang paikot-ikot ito sa labas ng bilog at tila takam na takam kay Vion.

Ginamit ni Junos ang bilis niya para punan ng asin ang mga iniihipan ng hangin na bahagi ng bilog.

Napaisip sya na kung paano na lang kung hindi siya tikbalang? Naitiyak niyang napahamak na niya sina Vion dahil halos magkasabay nang gawin ng mga espirito na basagin ang bilog sa iba't ibang bahagi sa pamamagitan ng paglikha ng hangin.

Dalawang minuto na lang. Paano niya mahahanap ang sinasabing anggulo kung abala siya sa mga lintik na espiritong ito?

Patuloy lang si Junos sa paghabol upang lagyan ng asin ang mga bahagi na halos pumutol na sa hugis ng bilog. Sabay-sabay na ginagawa iyon ng espirito sa iba't ibang bahagi kaya hindi siya makakuha ng oras kung paano hanapin ang anggulo.

Habang tumatagal rin ay dumarami na rin ang mga espirito kaya mas lalong nagiging mahirap para kay Junos na habulin ang mga bahagi ng bilog na sinusubukan nilang sirain.

Halos singbilis na ng pagikot ng isang buhawi ang galaw ni Junos sa paghahabol ng mga parteng kailangan niyang lagyan ng asin. Hindi na makita ni kahit kisap mata ang galaw niya sa sobrang bilis.

Habang ginagawa iyun ay napagtanto niya na iisa lang ng nilalabasang lagusan ang mga espirito. Sa direksyon lang na iyon. Kung ganun, iyon na ata ang anggulo na hinahanap niya.

Mas lalo siyang napressure nang makitang gumagalaw ang ulo ni Vion. Mukhang hindi lang sa labas may nangyayari, pati rin sa loob ng kamalayan kung nasaan ang mga ito .

Kailangan na niyang gisingin sila agad. Kinuha niya sa bulsa ang punyal na gagamitin niya sa paghiwa sa bilog.

Patuloy lang siya sa pag-ikot sa bilog at nilalagyan ng asin ang mga parteng malapit nang masira habang tumetyempo sa anggulo na kailangan niyang basagin.

Dalawampung segundo na lang!

Patuloy pa rin si Junos sa paglalagay ng asin paikot kay Vion at sa huling mga segundo, kaagad niyang pinosisyon ang talim ng punyal sa anggulo ng bilog na kailangan niyang basagin.

Sa huling pagkakataon, binudburan niya ng asin ang bahaging malapit nang sirain ng espiritu at pagbalik niya sa anggulo na kailangan niyang sirain, pinatatag niya ang kanyang kamay at ginawa ang hiwa, dama niya ang pagkapit ng asin at abo sa ilalim ng punyal na gamit niya.

Nang mabasag ang bilog, biglang umihip ang hangin sa paligid, at sa isang iglap ay kaagad ding nawala na parang bula ang mga espiritu.

Hininhingal si Junos pagkatapos nun. Kinakabahan siyang huminga nang malalim, hinihintay ang anumang senyales na tama ang ginawa niya.

Unti-unti, gumalaw si Vion. Kumurap ang mga mata nito at unti-unting bumukas. Napahinga ng maluwag si Junos dahil kanina pa siya nagpipigil ng hininga habang nag-aantay ng resulta sa nagawa niya. Nagtagumpay siya!

Nang tuluyan nang bumalik ang malay ni Vion ay napaubo ito saka sumagap ng hangin at sumandal sa planggana.

Sunod na lumabas si Talas na basang basa at napaubo rin habang nakaluhod sa lupa. Nag-angat ito ng tingin kay Junos at tumango bilang pasasalamat sa ginawa niya.

Isang anino agad ang nagkubli sa gilid. Aninong hindi nila namalayan ay lumabas rin sa kamalayan ni Vion kasama sila.

Nakatingin lang ito sa kay Vion at Talas na walang kamalay malay na may nadala palang ibang nilalang sa paglabas nila.

Abangan...

Chapter 15: The Rage of Dumakulem

Chapter 16: The Crying Lake of Dayang Naragsakit

Chapter 17: The River Spirit's Tragic Fate

Chapter 18: The Sunken Throne of Aman Sinaya

Chapter 19: The Sinister Surge of Aswangs

Chapter 20: Vion, The Guardian of the Night

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro