Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 29

Tawang-tawa si Vel, hindi niya alam kung matata-touch ba siya o itatawa na lang niya lahat ng mga pasabog ni Santillan. She didn't expect a proposal from him today or even one of these days. 'Langya, kailan ba naging normal ang relasyon nila? Kung iisipin niyang mabuti, they always broke the rules of a normal relationship. Kung ano lang mapagkasunduan nila ay 'yon na 'yon.

Pero in all fairness naman sa lalaking 'to, kaya rin naman palang mag-surprise proposal.

"Tangina mo," mura niya kay Santillan.

"Pagmamahal ang gusto ko, Vel. Hindi pagmumura mo."

"Pasasakal na 'yan! Este - Ikakasal na 'yan!" sigaw ng mga staff ni Santillan, naghalo na ang tawa at kilig ng mga customers na nandoon. "Ikakasal na 'yan! Ikakasal na 'yan!" sigaw na rin ng halos lahat sa loob.

Naigala ni Vel ang tingin sa paligid, lahat ay masaya sa kanilang dalawa ni Santillan, may iba kinukunan pa sila ng video at picture. Nagulat pa siya nang makita si Gospel katabi ni Nicholas. Nandoon din ang Mama niya at si Tito Pear na nagyayakapan at nag-iiyakan. Parang tanga naman 'tong pamilya ko. Present din ang mga magulang ni Santillan. Nasa may cashier counter silang lahat, nakatingin sa kanila.

Aba't, well informed ang lahat, maliban lang sa akin.

Natawa naman si Vel nang pasimpleng iyayakap ni Gospel ang mga braso kay Nicholas pero biglang tumingin dito si Nicholas kaya si Tina na lang ang niyakap nito na katabi lang din nito.

Loka-loka talaga 'tong babaeng 'to.

Ibinalik ni Vel ang atensyon kay Santillan at hinila ito patayo. "May kasama ba 'tong sampung milyon?" Ibinigay niya rito ang kamay niya. "Kung oo, sige, pakakasal ako sa'yo."

Tumatawang hinawakan ni Santillan ang kamay niya at isinuot sa palasingsingan niya ang mamahaling engagement ring.

"Life insurance, health insurance, death insurance ko sa St. Peters, credit loans -"

"Hindi kasama utang mo."

"Kasama 'yon." Hinalikan siya nito sa labi, his lips lingered on her lips for a few seconds before putting a gap between them to meet her eyes. "Lahat nang mayroon ako ay sa'yo. Mukha ka pa namang pera."

"Inaamin ko na mukha akong pera pero hindi kasama roon ang mga utang mo."

He chuckled saka siya nito niyakap. "I love you," he said instead, suppressing his smile. Nagpapa-cute pa sa kanya ang walangya.

Pigil na pigil naman niya ang mapangiti nang sobra.

Maria Novela na marupok, kilig yarn dae?

"Masama ang panahon pero ngayon mo pa naisipang mag-propose sa'kin?"

Sumilay ang isang pilyong ngiti sa labi nito. "Masama rin naman ang panahon," he leaned closer near her ear, "nang mabuo natin si Baby Book -" Marahas na sinuntok niya ang harapan ng kaliwang braso nito. He groaned in pain, himas-himas ang nasaktang parte ng braso na lumayo ito sa kanya. "'Langya, Vel... ang sakit mo talagang manuntok... shit."

Proud na ngumiti siya rito at itinaas ang kamay kung saan nakasuot ang singsing na binigay nito sa kanya.

"I'll give you the chance to take this off kung hindi mo kayang panindigan ako -"

Parang batang kumunot ang noo nito, may nguso pa. "Sinong may sabing babawiin ko 'yan? Ang dami ko nang hirap sa'yo, aatras pa ba ako? Hindi na nga ako makatulog na wala ka sa tabi ko -"

Siya naman ang napakunot ang noo. "Para kang tanga riyan. Kilabutan ka nga sa mga pinagsasabi mo."

Ngumisi ito saka muli siyang niyakap. Kapag talaga niyayakap siya ni Santillan ay laging may ingat - may takot na baka matamaan ang tiyan niya. She always find that gesture sweet and thoughtful of him. Kaya hindi na rin siya nag-inarte at gumati na rin siya ng kayap dito.

"Pasalamat ka at mahal kita," dagdag niya.

He chuckled. "Salamat po."

Natawa si Vel. "Gage!"

"Alam mong masunurin akong tao."

"Hindi ka na walking red flag?"

"Colorblind ka naman yata."

Natawa silang pareho.

"Adik!" aniya.

Tinawanan lang ulit siya ni Santillan saka hinalikan ang ulo niya. "I love you, Vel," he whispered.

"I love you, too."

Mahigpit niya itong niyakap at kahit hindi niya makita ang mukha nito ay ramdam niya ang pagngiti ni Santillan.





LUMIPAT sila sa itaas para mag-celebrate, tumila na rin ang ulan sa labas pero mapula-pula pa rin ang langit. Halos hindi rin nila namalayan ang oras dahil nag-enjoy sila nang sobra sa pagkukwentuhan at tawanan. Maagang nagsara ang TADHANA kaya pati mga staff ni Santillan ay kasama nila sa pag-se-celebrate.

Inaya niya si Gospel na mag-banyo, may restroom naman sa second floor. Past 9:30 p.m. na rin sa relo niya, bandang alas diez ay babalikan niya si Santillan para ipaalala na uuwi na sila ng alas diez. Hindi naman daw ito iinon nang madami at magda-drive pa ito. True to his words, pansin din naman niyang hindi.

Paglabas niya sa isa mga cubicle ay naghihintay na pala sa kanya si Gospel.

"Bestie, napag-usapan n'yo na ba ang date ng kasal?" basag nito. "Anong motif? Saka saang simbahan? Ako ang maid of honor, 'di ba? So si Nicholas ang partner ko kasi siya malamang ang best man ni Santillan. Omg! Omg! I'm so kinikilig. Alam mo ba -"

Binusalan ni Vel ng tissue ang bibig ni Gospel. Tawang-tawa siya sa repleksyon nilang dalawa sa salamin.

"Mweeel!" sigaw nito sabay buga ng tissue.

"Ang ingay mo." Naglagay siya ng handsoap liquid sa kamay at itinuon niya ang kamay sa sensor ng faucet, lumabas ang tubig at nagsimula siyang maghugas ng kamay. "Kaka-propose lang ng tao, gusto mo agad ikasal kami."

"Vel, nakalimutan mo na ba ang sinabi niyang ikakasal kayo bago matapos ang taon. Malaki paniniwala ko kay Santillan na totohanin niya 'yon." Tumatawang isinandal nito ang likod sa sink counter sa tabi niya. "At um-oo ka na rin kaya wala ka nang kawala pa."

"Saya ka?"

Gospel grinned.

"Girl, sinasabi ko sa'yo, 'yan ang tinatawag kong character development. At alam ko rin kung gaano mo 'to pinag-isipan. And I can clearly see na mahal na mahal n'yo ang isa't isa. Take note, mamsh, unang mura mo pa lang sa isang Word Santillan ay alam ko nang sa simbahan aabot ang mura na 'yon." Dalawang kamay ang inilapat ni Gospel sa dibdib. "Acccccckkkkk!" Humagikhik ito pagkatapos.

Tawang-tawa siya kaartehan ng kaibigan.

Baliw talaga!

Vel dried her hands with the hand drier saka ginaya ang posisyon ni Gospel.

"Alam mo ba, Bes," dagdag ni Gospel. "Naisip ko rin kanina habang nagpo-propose si Word sa'yo. If Baby Book ang combination ng Word at Novela. Naisip ko rin 'yong magiging amin ni Nicholas." Halatang-halata ang kilig ni Gospel, namumula pa ang pisngi. "Nicholas Adam and Gospel Grace," iniangat pa nito ang dalawang kamay sa ere na para bang bumubuo ng rainbow, "Amen," saka pinagdaop ang mga kamay. "Baby Amen."

Hinila niya ang buhok ni Gospel.

"Gaga!" Tawang-tawa si Vel.

"Bakit ba?" Nag-e-echo ang tawa nilang dalawa sa banyo. "Pareho namang banal ang mga pangalan namin, so, naisip ko, Amen. Naks, 'di ba?"

"Alam mo, hindi na ako magtataka kung sa impyerno ang bagsak mo."

"Ramdam ko rin."

Nagkatinginan silang dalawa, tawang-tawa, but it was only a brief moment dahil bigla silang natahimik na dalawa pagkatapos.

"Pero feeling ko may iba ka pang inaalala?" basag ni Gospel, seryoso sa pagkakataon na 'yon.

Napabuga si Vel ng hangin. "Meron nga," mahinang pag-amin niya. "Pero hindi ko alam paano ko kukumpruntahen ang bagay na 'yon." Bumaba ang tingin niya sa kanyang mga kamay, hawak ng kanang kamay niya ang kaliwa, hinahaplos ng kanang hinlalaki ang singsing niya sa kaliwang palasingsingan.

"Tungkol sa babaeng kausap mo kanina?"

Napaangat si Vel ng tingin kay Gospel. "Nakita mo?"

Tumango si Gospel. "Hindi naman ako lumayo e. Kaya nakita ko rin 'yong babae. Siya ba 'yong binanggit mo sa'kin na kasama nila Nicholas noong birthday surprise nila kay Word?"

Vel nodded. "Siya nga... at ex-girlfriend siya ni Santillan."

"May sinabi siya sa'yo?"

"Meron... kaso... hindi ko alam paano i-explain 'to sa'yo. Siguro kapag nahanapan ko na ng lusot ang inaalala ko ay mas madali na sa'kin i-kwento sa'yo lahat." Malungkot ang ngiti na ibinigay ni Vel kay Gospel. "Kaya, pasensiya muna kung hindi ko pa masasabi sa'yo ang lahat."

"Gage! Ito naman parang just now. Madami rin naman akong itinatago sa'yo. Don't worry, the betrayal is mutual." Tumawa pa ito pagkatapos.

Pinaningkitan niya naman ng tingin ang kaibigan. "Ikaw, napakatraydor mo talaga."

"Kaya nga tayo nagtagal kasi nagpaplastikan lang tayo since from the start." Natawa si Vel sa sinabi ni Gospel. "At saka, kung ano man 'yan, kapag kailangan mo ng backup, here lang ako for you."

Napangiti muli si Vel. "Salamat."

"At mas mabuti na rin na kausapin mo na lang nang diretso si Word tungkol doon. Lahat ng sagot, na kay Word malamang. Maganda pa rin sa feeling na ikasal na hindi nag-o-overthink."

"Sobra." Muli silang natawa sa isa't isa. Pero bigla rin siyang may naalala. "Ah, nga pala kanina, hindi ba nakita ni Santillan si Charlotte?"

Napaisip si Gospel. "Sa tingin ko, hindi. Nakaalis na 'yong babae nang dumating ang kotse ni Word. Unless ikukwento ng mga staff niya sa kanya. Imposible naman na i-kwento ni Nico e magkasama ang dalawa. Ang parents mo at parents ni Word nasa itaas lang din naman."

Tumango-tango si Vel. "Sabagay."

"Saka huwag kang mag-alala, ilang beses mo nang isinumpa, binugbog, at hinusgahan ang pagkatao ni Word. Hindi 'yon magagalit sa'yo kapag sinabunutan mo ang ex-girlfriend niya."

"Gage! Mag-aaksaya pa akong effort."

Tawang-tawa si Gospel. "Ang sinasabi ko, hanapan mo na nang sagot ang mga problema mo at nang maalok mo na sa'kin ang role na maid of honor."

"Simula noong malaman mo na buntis ako, bukang bibig mo na lagi ang pagiging maid of honor. Wala ka na bang ibang pangarap sa buhay?"

Ngumisi si Gospel. "Maging Mrs. Nicholas Adam Gutierrez." Hindi mapigilan ni Vel ang matawa. Nawala naman ang ngisi ni Gospel. "Pero s'yempre, sad girl ako ngayon dahil hindi naman ako gusto ni Nicholas romantically. Kaya nakapag-decide na ako."

"Nakapag-decide na ano?"

"Na gayuma ang sagot."

"Gaga!"

"Uuwi ulit akong Siquijor para mang-hoard."

Tawang-tawa sila pagkatapos.

"Baliw!" aniya.

"Kapag hindi pa rin umobra, lalasingin ko na lang siya. Charot! Bad 'yon. Sige, idadaan ko na lamang sa pagluhod."

"Pagluhod sa kanya?"

"Gaga! S'yempre sa Dios! Luluhod sa simbahan, ganern. Utak mo may ubo."

"Wala akong sinasabing ganyan ah."

"Although, puwede rin 'yon."

Tawang-tawa si Vel. "Ewan ko sa'yo."

"Hahaha!"





MAGKAHAWAK ang kamay na naglibot-libot sina Vel at Word sa baby's department ng SM. Tingin-tingin lang muna ang ginagawa nila, saka na sila bibili kapag natapos ang pinapaayos ni Santillan na kuwarto ni Book. Sinisimulan pa lang 'yon na i-renovate ngayong linggo.

Pini-picture-an lang muna ni Vel ang mga bagay na kailangan niya para sa baby's room, lalo na ang presyo ng bawat bagay. Hindi naman niya tinipid si Book, iche-check lang muna niya if maganda ang quality no'n. May ibang mahal kaya na mabilis masira.

"Mahal," basag ni Santillan, "may naisip ka nang date sa kasal natin?"

"Next year na lang."

Kunot na kunot ang noo nito nang ibaling ang tingin sa kanya. Tinignan niya lang si Santillan saglit bago itinuon ang atensyon sa mga crib na puwedeng unisex. Ayaw niyang mag-gender reveal. Gusto niyang ma-surprise kung ano ang gender ni Book pagkapanganak niya kaya if bibili man sila ng mga gamit ni Book, neutral colors, pang-unisex.

"Mas maganda 'yong kasal na tayo bago mo ipanganak si Book."

"Ayaw kong ma-stress, alam kong pagsusuotin ako nila Mama ng wedding gown. Alam mo ba kung gaano ka stressful 'yon sa'kin? Ta's ang daming iisipin, reception, simbahan, pagkain, kung sino ang nasa entourage. Kung ako lang din, gusto ko nga 'yong simple lang."

May nakita siyang magandang crib, mukhang maganda ang brand. Hinila niya si Santillan sa direksyon ng crib.

"Tignan mo, maganda, 'no?" tanong niya kay Santillan, nakangiti siya sa crib. Binitiwan niya ang kamay ni Santillan para ma-check nang malaya ang crib. Ang cute din ng mga hanging toys, maaliw talaga si Book kapag malinaw na itong nakakakita.

"Vel," parang ubos na pasensiya ni Santillan sa pagtawag nito sa kanya.

She ignored him, tinignan niya ang presyo. Naningkit ang mga mata niya. "Medyo mahal, pero mukhang matibay naman. Ano sa tingin mo, mahal?" Pag-angat niya ng mukha ay parang tangang nakatingin sa kanya si Santillan. "Na paano ka riyan?"

Naglapat ang mga labi nito, halatang nagpipigil ng ngiti, at ilang beses na kumurap. Hindi niya lang alam kung para saan ang bahagyang pamumula ng mga pisngi nito.

"Hoy, Santillan!" pukaw niya rito.

Bigla nitong itinakip ang isang kamao sa labi saka natawa.

"Adik ka ba?" may asar niyang tanong na.

"Teka lang," anito, tawa pa rin nang tawa, "nagulat lang ako."

"Nagulat saan?"

Ibinaba nito ang mga kamay, magkalapat pa rin ang mga labi, halata pa rin niyang nagpipigil ito ng ngiti.

"Magsalita ka nga nang maayos, sasapakin kita riyan e."

He chuckled. "Tinawag mo akong mahal."

Namilog ang mga mata, tatlong beses na napakurap, bago naikiling ang ulo sa kanan niya.

"Oo nga, tinawag nga kitang mahal, so anong nakakatawa?" aniya. Yumakap ito sa kanya mula sa likod. "Santillan!" mahinang saway niya rito, pinagtitinginan na sila ng mga sales lady. "May mga tao."

"Vel, ulitin mo ang tinawag mo sa'kin kanina."

"Yawa ka."

Tawang-tawa ito. "Mahal mo naman 'tong yawa na 'to e. Pumayag ka na ngang maging reyna ko. Nako, kapag tayo kinasal, lalong mag-iinit ang impyerno sa ating dalawa."

"Sa demonyo mo pa naman."

"At least,hindi na magiging malungkot ang araw ko sa ilalim." Hinalikan nito ang sintido niya. "Nandiyan ka na e."

Natawa siya. "Corny mo." Lumayo na ito sa kanya. "Tignan mo nga if matibay."

Lumapit na ang isa sa mga sales lady. "Nako, ma'am, matibay po 'yan. Kasing tibay po ng kilig ni sir kanina sa inyo." Ngiting-ngiti ang babae sa kanilang dalawa. "Saka po naka 10% discount pa po 'yan if bibilhin n'yo ngayon."

"Galing mo ring mambudol e," sabi niya sa sales lady.

Natawa ang babae. "Mambubudol po nang totoo. Hindi na po kayo lugi sa brand na 'to, matibay po 'to, puwedeng-puwede pa pong magamit ng second baby if first baby n'yo po 'yan ang nasa tiyan n'yo."

Kumunot ang noo ni Vel. Maluwag na maluwag ang sweatshirt niyang suot, paano nalaman ng babae na buntis siya?

"Paano mo -"

"Hindi naman po kayo bibili kung hindi para sa baby n'yo, 'di ba?"

"Paano kung judgmental ka lang at ipangreregalo namin talaga 'to?"

Natawa ang babae. "Ah, at least, para sa baby pa rin."

Natutuwa siya sa babae, magkasingwangis ang kakapalan ng mukha sa kaibigan niyang si Gospel.

"Gusto mo ba?" Nakababa ang tingin ni Santillan sa kanya.

"Maganda."

Ibinaling ni Santillan ang tingin sa babae. "We'll buy it."

Hinawakan niya sa braso si Santillan. "Hoy!" Bumaba ulit ang tingin nito sa kanya. "Hindi pa tayo bibili, 'di ba? Saan mo ilalagay 'yan?"

"Ilagay muna natin sa kuwarto, malaki pa naman space roon. Saka mamili na rin tayo ng iba para sulit. Siguro mga damit ni Book at mga lampin o 'di kaya mga feeding bottles niya." Ngumiti ito sa kanya at muling ibinalik ang atensyon sa babae. "We want a new one of this kind, thank you."

"Sige po, sir." May sinanyasan itong lalaki na naka uniform din. "Roland, isang bago nito."

Kinausap ulit ni Vel si Santillan. "Ikaw, desisyon ka talaga lagi."

He chuckled. "Kailan ba hindi?"

"Miss, I also like that one." Napatingin si Vel sa kanyang tabi nang marining ang boses ng isang ginang. "If you could get me one as well, I'd appreciate it, thank you." Isang magandang ginang ang bumungad sa kanya, mukhang Chinese, at halatang mayaman din.

"Sige po, ma'am," sagot ng sales lady.

Ang weird, parang may kamukha ang babae pero hindi niya sigurado kung sino. Iniangat niya ang mukha kay Santillan.

"Santil -"

Hindi niya naituloy ang sasabihin dahil pinutol siya ni Santillan.

"Vel, saglit lang, kailangan ko lang..." He gulped. "Kailangan ko lang magbanyo." Ngumiti ito sa kanya. "Babalik din ako."

"S-Sige..."

"Excuse me."

Akmang aalis ito nang matamaan ng kamay ni Santillan ang hawak na mamahaling handbag ng matanda. Napatingin ang ginang kay Santillan, pati rin ang huli. Pero hindi masilip ni Vel ang ekspresyon ng mukha ni Santillan, but his shoulders seemed distress.

"I'm sorry," hinging paumanhin ni Santillan sa matanda.

The old woman smiled. "It's fine, hijo."

Agad na umalis si Santillan nang hindi siya nililingon. Ang bigat din ng mga paa nito habang naglalakad pero kapansinpasin ang pagmamadali sa bawat hakbang nito. Hindi niya tuloy maiwasang sundan ng tingin ito.

Okay lang kaya 'yon?

Ibinalik ni Vel ang tingin sa matandang babae. Sa tingin niya ay magkasing-edad lang din ang ginang sa mama niya at sa mama ni Santillan. Pero kasi may kakaiba sa reaksyon nito kanina at kung hindi siya dinadaya ng mga mata niya... he looked at the old woman with such painful eyes.

Nagitla siya nang mapatingin ang ginang sa kanya.

"Yes, hija?" nakangiting tanong nito.

Tipid siyang ngumiti. "Wala po," sagot niya. "Pasensiya na po." Ngumiti lang ulit ito sa kanya. "Para po sa apo n'yo?" pag-iiba niya.

Tumango ang ginang. "Oo, ireregalo ko sa anak ko. Kabuwanan na kasi ng asawa niya sa susunod na buwan."

Tumango-tango si Vel. "Sigurado ho akong magugustuhan niya 'yan."

"Sana nga." Ngumiti ulit ito. "Nga pala, asawa mo ba 'yong kasama mo kanina?"

"Opo, magbabanyo lang 'yon."

"Ah," iniwas ng matanda ang tingin at tila ba nahulog sa malalim na pag-iisip, "pamilyar kasi ang mukha niya. Hindi ko lamang maalala kung saan ko siya nakita." Ibinalik nito ang tingin sa kanya at muling ngumiti sa kanya. "But don't mind me, hija."

"Okay lang po. Wala hong problema."

"Salamat."

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro