Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 16

HINIHINTAY ni Vel sa parking si Santillan. Hindi pa siya pumasok sa sasakyan dahil nakalimutang ibigay sa kanya ni Santillan ang susi nang magpaalam itong magbanyo muna. Kakatapos lang ng scheduled checkup niya sa OB niya at pauwi na sila.

"Ang tagal naman umuhi ng 'sang 'yon," reklamo na niya. Napatingin siya sa direksyon kung saan siya lumabas kanina. "Inilabas ba niya lahat ng reproductive system niya? Tsk!"

Mayamaya pa ay may dumaan sa harapan niya na magkasintahan. Malaki ang ngiti ng babae habang hawak-hawak ang malaking bouquet ng mga bulaklak. Yumakap ang isang braso ng lalaki sa baywang ng babae at hinalikan pa ito sa sintido.

Vel's lips twitched.

Requirement bang maging sweet sa parking lot? May nahimigan siyang inis sa naisip niyang 'yon. Walangya! Mag-a-apat na buwan na akong nililigawan ni Santillan ni bulaklak wala akong natanggap. Napatuwid siya ng tayo. At, bakit ka naman naghahanap ng mga bulaklak ngayon, Maria Novela Martinez? Kailan ka pa nahilig sa mga ganyang ka ek-ekan sa buhay?

"Vel!"

Napalingon siya sa sumigaw. Lalo lang siyang nainis sa nakangiting mukha ni Santillan. Hindi niya talaga maipaliwanag basta naiinis siya. Gusto niyang bugbugin si Santillan.

Bumakas naman ang pagtataka sa mukha nito dahil sa hindi niya maipintang mukha. Walang kangiti-ngiti si Vel at magkasalubong pa ang mga kilay.

Santillan chuckled. "Let me guess. Galit ka na naman sa'kin?"

"Umalis na tayo. Gutom na ako."



KANINA pa ni Word ninanakawan ng tingin si Vel habang nagda-drive. Pauwi na sila. Ayaw nitong dalhin niya ito sa isang restaurant para kumain ng lunch. Mas gusto raw nito ang luto ni Tita Mati.

Naikiling niya ang ulo at napaisip.

Okay pa naman kami kanina. Tumatawa pa nga siya sa mga biro ko. Noong magbanyo ako... at naghintay siya sa parking lot... galit na siya. Shit! Ano na naman kayang nagawa ko?

Sinulyapan na naman niya ito saglit.

Seryoso at wala pa ring kangiti-ngiti ang mukha nito habang kumakain ng yema. Hawak nito ang maliit na lalagyan ng yema at mukhang gigil na gigil na ngumunguya.

"Vel, galit ka ba sa'kin?" basag niya.

"Hindi," pabagsak nitong sagot sa kanya.

Naitipik ni Word ang mga daliri sa manibela at napalunok siya. Fuck! Hindi na niya kailangang manghula. Alam niyang may nagawa na naman siyang mali. Kailan ba ako tumama?

"Sige na, sabihin mo na," may lambing sa boses na sabi niya. "Para namang 'tong just now sa'kin." Sinamahan pa niya ng tawa.

Sa mga normal na pagkakataon ay aasarin at bibiruin pa niya ito lalo pero sa ilang buwan na magkasama sila ay alam na niya ang bawat kahulugan ng mga ekspresyon ng mukha ni Vel. At ang ganyang mukha, ay delubyo ang hatid sa kanya kapag sinagad pa niya.

"Wala nga." Parang batang naglapat ang mga labi ni Vel. Lalo lamang nagsalubong ang mga kilay nito habang nakatingin pa rin sa harapan nila.

"Wala? Oh, bakit nakabusangot ka na naman?" kalmado niyang tanong. Nag-red-signal kaya inihinto niya ang sasakyan at ibinaling ang tingin kay Vel. "Alam kong galit ka sa'kin araw-araw pero hindi ka galit kaninang umaga. Now, tell me, ano na namang problema natin?" seryoso na niyang tanong.

Bumuga ito ng hangin bago ibinaling ang tingin sa kanya. "Gutom lang ako, okay? Mainit lang talaga ulo ko kapag gutom ako. Huwag kang paranoid."

Mataas ang pasensiya niya kay Vel. Kahit pa noong hindi pa ito buntis. Aba'y, tinalo pa ni Vel ang naglilihing buntis noong hindi pa nito dinadala ang anak nila. Ngayon, mas lumala yata ang mood swings nito. Pakiramdam niya ay nalalagasan siya ng buhok araw-araw sa tuwing nagbabago bigla ang timpla ng mood nito.

Word sighed in defeat. "Fine. Hindi ka nga galit sa'kin."

"Hindi nga!"

"Okay, sabi mo eh."

Ibinalik na niya ang tingin sa harapan. Malapit nang mag-green signal nang may humabol pang tumatakbong lalaki na may daladalang malaking bouquet ng mga bulaklak at teddy bear sa pedestrian lane.

Naikiling niya ang ulo at napasulyap kay Vel. Kunot na kunot ang noo nito - nandidilim ang uri ng tingin at dumidiin ang mga kamay sa garapon ng yema.

Hay nako, Maria Novela. Nanggigil akong halikan ka sa inis.




"PAANO ba nanliligaw ang mga characters mong lalaki, Spel?"

"Nanliligaw?" ulit ni Spel habang ngumunguya ng gummy bears. "Uso pa ba 'yon ngayon? Halos ng mga characters na in demand ngayon ay mga demanding at possessive. Halos sila na ang nagdedesiyon para sa babae."

Kumunot ang noo ni Vel. "Ganyan mga isinusulat mo?"

"Minsan." Nilunok muna nito ang kinakain. "Pero strong independent woman ang mga babae ko. They just don't get swayed by these dominant alpha male's possessiveness. Pero kung panliligaw ang itinatanong mo. Most of my female lead's demands are: genuine effort at isang sakong bigas na may kasama nang one month supply ng grocery." Tumawa ito pagkatapos.

"Gaga!"

"Alam mo kung bakit ganyan ko sila isinusulat? Para matututo ang mga mambabasa na mag-demand nang tama. Aba'y sa panahon na 'to, hindi na sapat ang bulaklak at chocolates lang. Dapat kaya ka na ring buhayin ng mga regalo ng mga nanliligaw sa'yo."

"Kaya pala doon sa isang istorya mong nabasa ko. Semento at graba ang ibinigay ng bidang lalaki sa babae."

Tawang-tawa si Spel. "Tumpak!"

"Kaso 'yong nagbigay ng bulaklak ang nakatuluyan."

"Ayon lang, true love wins over practical things."

"So, anong sense?"

"Nonsense," ngisi pa ni Spel. "But anyway, highway, kahit ano at paano ka pa ligawan ng tao kung genuine naman ay i-thrust mo na ang feelings."

"Gaga! Thrust ka riyan."

Humagikhik si Spel. "Isang bagay lang ba dapat ang ita-thrust? Aray -" Napaigik ito nang hampasin niya ng unan sa likod ng ulo. Tinawanan lang siya nito at inayos ang nagulong mahabang buhok. "Bakit ba? Nakukulangan ka ba sa panliligaw ni Word? Ano pa bang gusto mo sa kanya? Ialay niya ang sarili niya na parang lechon?"

"Wala," kaila pa niya. "Wala akong gusto sa kanya."

"Ay sus! Kilala kita, Vel. Hindi ka magtatanong sa'kin ng mga ganyan na walang dahilan. Sige na," tinapik nito ang isang hita niya, "sabihin mo na sa'kin ang tunay na isinisigaw ng 'yong damdamin."

Pinaningkitan niya ng mga mata si Spel. "Wala na akong tiwala sa'yo."

Napamaang ito. "Wow!" At natawa pagkatapos. "Grabe, naman! Hoy, sobra 'to? Talaga? Kailan pa? I mean, hindi talaga ako aware na ganyan na pala nararamdaman mo Vel -" Hinampas ulit niya ito ng unan sa ulo. Lumakas lang lalo ang tawa ni Spel. "Vel, sorry. Sorry na Vel... Nagawa ko lang naman 'yon dahil nagkaroon ng crisis sa Spain. Haha!"

"Ewan ko sa'yo!" singhal niya rito, pero hindi niya pa rin napigilan ang matawa. Gaga talaga! "Baliw ka na."

"Girl, matagal na. Nagkukunwari na lang akong normal."

"Kaya pa ba?"

"Malapit nang hindi."

"Shuta!"

Ang lakas ng tawa nilang dalawa. Abot na yata sa ibaba ng bahay at sa labas. Inis siya kanina pero tawang-tawa na siya ngayon kay Gospel Grace.

Walangya talaga 'tong babaeng 'to!




"I MEAN, 'di ko talaga alam kung saan ako nagkukulang, pare," kwento ni Word kay Nicholas. Nasa osipina niya ito ngayon. "I already did everything. Nag-e-effort ako. Pinagluluto ko siya lagi. Inaalagaan. Pinag-go-grocery. At binabago ko ang sarili ko. Hindi sa binibilangan ko si Vel, inu-enumerate ko lang sa'yo para mas maintindihan mo."

"Word, kahit hindi mo isa-isahin ay hindi naman ako bulag."

Natawa si Word. "Walangya, pare, gusto ko lang naman mapasaya si Vel kahit na laging bumabalik sa'kin mga ginagawa ko. Pero lahat na lang yata ng gagawin ko ay naiinis siya."

"Isipin mo kung anong kulang sa mga ibinibigay mo. Maybe you miss something."

Naglapat ang mga labi ni Word at napa-isip. "Nabigay ko na lahat."

"Sigurado ka?"

Kumunot lalo ang noo niya. "Hindi na yata ngayon."

Natawa si Nicholas sa kanya. "See? Ni hindi mo pa nga yata siya nabibigyan ng mga bulaklak. Ilang buwan ka na bang nanliligaw?"

"Mag-a-apat na buwan na. Shit! Balak yata ni Vel na gawing siyam na buwan ang panliligaw ko."

"Kahit isang taon pa."

"Yawa! Akala ko ba kampi ka sa'kin, Nicholas?"

Nicholas simply shrugged his shoulders. "Masaya pala na makitang naghihirap sa panliligaw ang isang Word Santillan."

Napamaang si Word. "Wow!" Umayos siya ng upo at naisandal ang likod sa back rest ng swivel chair. "Anyway, sanay naman na ako sa pantatraydor mo sa'kin." Ngumisi siya pagkatapos. "Pero maging loyal ka munang kaibigan sa'kin ngayon. Help me out."

"Did you already give her flowers?"

Naikiling ni Word ang ulo sa kaliwa. "Hindi," kaswal niyang sagot.

Kumunot ang noo ni Nicholas. "Why?"

"Eh, hindi naman mahilig sa mga bulaklak si Vel. Ihahampas lang niya sa'kin 'yon. She's not one of those women I've dated before na masaya na sa mga regalo kong bulaklak at tsokolate. Practical 'yang si Novela. Pera lang nagpapasaya sa isang 'yon."

Natawa sa kanya si Nicholas. "At dahil lang hindi kapareho ni Vel ang mga babae mo noon ay hindi mo na bibigyan ng mga bulaklak? Giving flowers to a woman is an expression of love and admiration. Hindi porke't hindi niya dini-demand o hindi siya mahilig doon ay hindi mo na bibigyan. Word, it's a universal language. Ma-a-appreciate 'yon ng taong pagbibigyan mo kung nakikita niyang galing sa puso mo ang pagbibigay."

May naalala si Word bigla.

Kanina sa parking lot nakita niyang nakatingin si Vel sa magkasintahan na dumaan. Hindi niya nakita ang mga mukha pero napansin niya ang malaking bouquet ng bulaklak na hawak ng babae.

Pangalawa ay ang inis na reaksyon ni Vel nang may dumaan na lalaki sa harapan ng sasakyan na may daladalang bulaklak at teddy bear.

Naniningkit ang mga mata.

Hindi kaya?

"Word!" pukaw ni Nicholas sa kanya. "Hoy, Word, nakikinig ka pa ba sa'kin?"

Itinaas niya ang isang kamay nang hindi ibinabaling ang tingin kay Nicholas. "I think, I got my answer."

"Answer sa ano?"

Nakangiting ibinaling niya sa pagkakataon na 'yon ang mukha kay Nicholas. "Sagot kung bakit galit na galit sa'kin si Vel kanina."



PAGLABAS ni Vel ng gate ay wala siyang nakitang Santillan.

"Walangya! Saan na ba 'yon?" In-denial niya ang numero ni Santillan sa cell phone na hawak. Nag-ring lang 'yon pero hindi siya sinasagot. "Palalabasin ako ng bahay pero wala naman pala," naiinis niyang himutok.

Nasa tapat lang naman ang bahay nito pero hindi niya alam kung nakauwi na si Santillan. Walang bukas na ilaw sa bahay nito kahit alas otso na ng gabi, so baka nga hindi pa nakauwi.

Finally, he picked up her call. "Hoy Santillan! Saan ka ba? Inaabala mo pagtatrabaho ko -"

Natigilan siya dahil kanta ang naging sagot nito. "I know my hidden looks can be deceiving. But how obvious should a boy be?" Iniba pa nito ang lyrics ng Push the Button. "I was taken by the early conversation piece... And I really like the way that you hate me."

Biglang bumukas ang maliit na pintuan ng gate ng bahay ni Santillan. Nakangiti ito sa kanya, hawak sa isang kamay ang cell phone na nakadikit sa isang tainga nito at ang isang kamay ay nasa likod nito - parang may itinatago.

"I've been waiting patiently for you to come and get it," kanta pa rin ni Santillan. "I wonder if you know that you can say it and I'm with it. I knew I had my mind made up from the very beginning... Catch this opportunity so you and me could feel it 'cos..."

Nagsimula itong maglakad palapit sa kanya.

"If you're ready for me, Vel. You'd better push the button and let me know. Before I get the wrong idea and go. You're gonna miss the romance that I control."

Kagat ang ibabang labi na pigil ni Santillan ang ngiti habang nakatayo sa harapan niya. Pinaningkitan lang niya ito ng mga mata.

"Ano namang pauso 'to Santillan?" basag niya rito.

He chuckled saka inilabas mula sa likuran nito ang isang bugkos ng iba't ibang klase ng mga bulaklak. Tinaasan niya ito ng isang kilay.

"At para saan naman 'yan?"

"Para sa'yo, siyempre."

"Ang tagal mo nang nanliligaw ngayon ka pa magbibigay ng mga bulaklak?"

"Better late, than never."

Pilit nitong ipinahawak sa kanya ang bouquet. Pigil niya ang mapangiti. Oo na, nagagandahan ako sa bulaklak pero naiinis pa rin ako! Galit pa rin ako kay Word Santillan. Itinago na lamang niya ang ngiti sa likod ng mga bulaklak.

"Oh, wala bang thank you man lang?" nakangisi nitong basag mayamaya.

"Thank you," pabagsak niyang sagot.

Natawa lang ito sa kanya. "You're welcome."

"May utang ka pang sayaw sa'kin."

"Huwag kang mag-alala, gagawin ko rin 'yan. Sayang ang torrid kiss na kapalit."

"Gago!"

Hindi niya alam kung bakit ramdam niya ang biglang pag-iinit ng mga pisngi niya. Buti na lang hindi gaano maliwanag kaya hindi makikita ni Santillan ang reaksyon niya. Shuta, Maria Novela Martinez! Anong nangyayari sa'yo? Hindi ka ganyan noon.

"But for now, iba muna nanakawin ko."

"An -"

Namilog ang mga mata niya nang bigla siyang halikan ni Santillan sa mga labi. Mabilis lang 'yon pero may tunog pa ang paghalik nito sa kanya. Tangina!

"Santillan!" singhal niya rito.

Mabilis itong nakalayo sa kanya at nakangising inilagay ang mga kamay sa likod. "Have a good evening, Vel." Kinindatan pa siya nito bago siya talikuran at tumakbo pabalik sa bahay nito.

"Anak nang - " Napamaang siya nang lumabas ulit ito ng gate para bigyan siya ng flying kiss. Kating-kati siyang ibato rito ang suot na tsinelas pero hirap siyang kunin. "Hoy, Santillan!"

"Goodnight, Vel!" ulit nito bago tuluyang isinarado ang pinto ng gate nito.

"Gago talaga!" Natawa na lang siya pagkatapos. Naibaba niya ang tingin sa bugkos ng mga bulaklak na hawak niya. "Hmm?" May napansin siyang maliit na card na kasama no'n. Kinuha niya at binasa.

Mahal kong Novela,

Hindi ka naman nagsabi na sawa ka na pala sa isang sakong bigas. Mga bugkos na mga bulaklak naman ang ibibigay ko. Tinanggalan ko na ng tinik dahil seloso ako. Gusto ko ako lang ang tinik sa buhay mo. XD

Nagmamahal,

Asawa mo sa hinaharap - literal na nakatira sa harapan ng iyong bahay <3

Nakagat niya ang labi sa pagpipigil ng tawa.

"Baliw ka talaga, Santillan!"

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro