Chapter 12
"AKALA ko basta-basta mo na lang ako ipapamigay sa 'sang 'yon?" parang batang nakangusong sabi pa niya nang pumasok ang mama niya sa kwarto. Lumapit ito at naupo sa gilid ng kama niya. "Alam ko na may favoritism ka sa Santillan na 'yon. Kilala kita, Matilda."
Natawa ang mama niya. "Gusto ko ang batang 'yon pero ikaw ang anak ko. Aba'y 'di naman ako ganoon ka tradisyonal na ina para ipilit sa inyong dalawa ang kasal. Galing na ako roon." Napatitig siya sa ina. May sumilip na mainit na ngiti sa mukha nito sa pagkakataon na 'yon. "At bilang ina mo, ayaw ko na maulit ang pagkakamali namin ng 'yong ama sa'yo."
Tipid lang siyang tumango rito.
Pero napangiti pa rin siya.
"At saka," tinapik nito ang binti niya mula sa kumot, "matanda ka na, Vel. Aksidente man o hindi ay alam ko na alam mo na rin ang mabuti sa hindi."
"Ma..."
"Hmmm?"
Naglapat ang mga labi niya. "Paano kung 'di ako maging mabuting ina tulad mo?"
"Anak, wala namang makapagtuturo sa atin kung paano maging mabuting ina. Kusa na lang 'yon nating nararamdaman at alam na agad natin paano 'yon gagawin. At huwag kang mag-alala. Nandito naman ako para gabayan ka. Magpakasal man kayo o hindi ni Word. Nandito ako." Lumapad lalo ang ngiti nito.
"Salamat," ngiting balik niya.
"Pero pag-isipan mo pa rin. Pakiramdaman mo pa rin si Word." Umasim ang mukha niya sa sinabi ng ina. Natawa ito sa reaksyon niya. "Iba pa rin ang may buong pamilya, anak. Pero kung bubuo man kayo ng pamilya siguraduhin n'yo munang mahal n'yo ang isa't isa at hindi lang dahil sa responsibilidad at kagustuhan n'yong maging buo. At alam ko na ayaw mo," medyo lumakas ang tapik nito sa binti niya, "pero bigyan mo pa rin ng chance 'yong si Word dahil personal na 'yong humingi sa'kin ng pahintulot na ligawan ka nang pormal."
"Maaaa!" she dreadfully groaned. "Sa tingin n'yo ba magtitino pa 'yon? Noong araw ngang ipapaalam ko sa kanya na buntis ako ay may kahalikan pa 'yon sa opisina niya."
"Aba'y baka wala na ngayon."
"Hindi ka nga sure riyan."
Natawa ulit ang ina niya. Naiinis talaga siya kapag naalala niya ang tagpo na 'yon. Gusto niyang sunugin ang TADHANA kasama ang dalawa.
"Pero baka wala na talaga," ulit nito. "Pinagsabihan ko na 'yon. Kapag may narinig pa akong may ibang babae siya habang nanliligaw siya sa'yo ay ako na mismo ang kokontra sa panliligaw niya sa'yo. Hindi ko ipagkakait na makita niya ang anak n'yo pero 'di ko siya hahayaang ipilit pa niya ang sarili sa inyong mag-ina." Titig na titig siya sa ina niya. "Kung wala siyang balak magbago ay wala rin tayong balak mag-adjust sa kanya." Werpa naman nitong si Matilda.
"Pwede ko ba i-suggest na huwag na tayong mag-adjust kay Santillan habang maaga?"
Tumawa ito, tatawa rin sana siya kaso bago pa niya magawa 'yon ay ang sama na ng tingin ni Matilda sa kanya.
"Pinal na ang desisyon ko. Bigyan mo ng pagkakataon si Word dahil siya ang ama at siya rin mismo ang lumapit sa atin para makiusap. Kung ibang lalaki 'yon ay baka matagal na 'yong sumakabilang palda pero lalaki akong hinarap ni Word –"
"Dapat ba baklang hinarap ka ni Word?"
Mabilis niyang itinakip sa mukha ang unan nang makita ang panlilisik ng mga mata ni Matilda.
"Maria Novela Martinez!"
Parang yumanig ang buong bahay sa pagtawag nito sa buong pangalan niya. Tang na tuta 'yan! Akala niya ay immune na siya sa mga nakakamatay na tingin ng nanay niya. Joke lang pala.
"Oo na! Oo na!" nakangiwing sagot niya na hindi ibinababa ang unan sa mukha. "Bibigyan ko nang chance si Santillan."
Kahit hindi niya silipin ay ramdam na ramdam niya ang waging ngiti ng nanay niya. Walangya! Dinaan pa siya sa mga mabulaklak na mga salita isa lang din pala ang goal nitong si Matilda. Ang maging manugang si Word Santillan!
Ibinaba niya ang unan. "Pero ipangako mo muna sa magiging apo mo na hindi mo na ako pipilitin kapag 'di talaga kami magkasundo ni Santillan." Ibinaba niya rin ang kumot para makita nito ang tiyan niyang busog pa lang tignan kahit 'di naman halata sa maluwag niyang T-shirt.
"Oo na! Pangako ko sa'yo at sa magiging apo ko. 'Di na kita pakikialaman pa."
"Deal!"
Naglabanan sila ng tingin.
"Pero binabalaan kita Vel, huwag kang mandaya. Baka galitin mo lang lalo 'yong si Word para tigilan ka."
Bakit ba halos lahat ng nanay alam na alam mga kademunyuhang naiisip ng mga anak nila? Papunta nga siya sa idea na 'yon. Pero iisipin pa nga lang niya ay alam na agad ni Matilda Martinez.
"Kilala kita, Novela," banta pa nito, naniningkit ang mga mata.
"Wala!" kaila pa niya. "Mabait ako."
"Wala akong tiwala sa kabaitan mong bata ka. Umayos ka."
"Aba'y magtiwala ka, Matilda, anak mo ako."
"Ikaw –" Nanggigil na 'tong nanay niya sa kanya. Kamuntik na siyang hampasin pero naalala nitong buntis siya kaya nanigas sa ere ang kamay. "Kung 'di ka lang buntis kanina ko pa kinurot 'yang singit mo." Ibinaba na nito ang kamay.
"Hindi ka mangungurot. Manghahampas ka!"
"Papunta na roon!"
Naiinis na tumawa siya. Nababaliw na yata siya. "Lumabas ka na nga, Ma. Ang ingay mo."
"Lalabas na talaga ako at nanggigil na ako sa'yo. Matulog kang maaga kung wala kang pasok ngayon. Alagaan mo 'yang sarili mo dahil sa'yo kumukuha ng sustansiya ang anak mo. Huwag puro sitsirya kainin mo at soft drinks. Puro ka pa milk tea nitong nakaraang araw."
"Oo na! Oo na!"
Yes na lang para matapos na.
"MA, anong ulam?" Humikab siya, iniangat niya ang food cover sa mesa. Kumunot ang noo niya. Walang ulam. "Ma, 'di pa kayo nagluluto?" Tanghali na. Gumigising talaga siya ng tanghali para kumain saka matutulog ulit.
Pumasok sa kusina si Tito Pear na may hawak pang sandok at may suot na rainbow na apron.
"Kumain na kami ng mama mo kanina alas onse," sagot ng Tito Pear niya.
Gusto niyang magdabog. "Paano ako?" Tinatamad siyang magluto. Gusto niya lang kumain. Dati naman ay ganoon ang setup. Magluluto ang mama niya nang para sa lahat. Bakit biglang good for two na lang? "At saka na saan si Mama?"
"May nakalimutang bilhin ang mama mo. Pumunta ng merkado."
"Tito, wala na talagang ulam? Kahit kanin? Sawsawan ko na lang patis –"
"Huwag ka rito kumain. Doon ka kumain kina Word."
Namilog ang mga mata niya. "Na disown na pala ako sa pamilyang 'to? Bilis ah." Pinaningkitan niya ng mga mata ang tito niya. "Mga traydor!" akusa pa niya rito.
Hindi man lang natibag ang Tito Pear niya. Hirap talaga kapag galing militar. Kahit anong lambot ni Tito Pear ay lumalabas pa rin pagkalalaki nito minsan.
"Dumaan dito si Word kanina, nag-grocery para sa'yo."
Inunguso nito ang tatlong malalaking eco bag na punong-puno ng grocery items. May nakalabas pang isang lata ng fiesta biscuits at isang sakong bigas. Napakurap siya roon. Pang-isang buwang supply na ba 'yan? Tangina! Este – tang na orange! Nangako na talaga siyang 'di magmumura sa isip at bibig.
"At sabihin ko raw sa'yo na pumunta ka ng bahay niya kapag nagutom ka. Ipagluluto ka raw niya."
"Wow! So ako pa pupunta?"
Bahagyang natawa na sa kanya ang tiyuhin. "Gusto mong ihatid pa kita roon, hija?"
"Magluluto na lang ako –"
"Ay hindi ka magluluto rito, Maria Novela Martinez. Magluluto kami ng nanay mo para sa order ng isang kliyente namin mamayang gabi. Ayaw ko na nagkakalat ka roon."
Bumuga siya ng hangin, pinagkrus ang mga braso sa dibdib, at sandaling nag-isip. Ipagluluto raw siya ni Santillan? Okay! Masarap naman 'yon magluto. Pwede pa siyang mag-demand. Mag-de-demand siya hanggang sa ito ang sumuko.
"Okay!" Tinalikuran na niya ang tiyo. "Mas masarap naman 'yon magluto kaysa sa inyo," pahabol niyang asar.
"Hoy Novela!"
Hindi na niya pinansin ang tiyo niya at lumabas na siya ng bahay.
Actually, kagabi pa niya iniisip kung paanong atake ang gagawin niya. Pansin niyang puro na lang galit ang nararamdaman niya kapag kausap si Santillan. Siya ang hina-highblood at hindi si Santillan. Kaya iibahin niya naman ang strategy niya. Kakalmahan lang niya. Hindi siya laging mag-re-react. Hahayaan niya lang si Santillan sa mga gusto nito. At ipapakita niya talagang 'di siya magiging perfect wife dahil sama lang ng loob ang ibibigay niya rito.
Napangisi siya.
Talino mo talaga, Vel.
Pagkarating niya sa harap ng bahay ni Santillan. Kalmado pa niyang pinindot ang door bell pero nang walang sumagot pinanggigilan na niyang pindutin hanggang sa manakit ang hintuturo niya. Ang init-init ng sikat ng araw tapos paghihintayin siya rito sa labas?!
"Lumabas ka riyan Santillan!" sigaw niya.
Bigla namang bumukas ang pinto sa gilid ng gate nito. Humahangos na humarap sa kanya si Santillan at may suot pang itim na apron. May ngiti at amoy masarap – este – amoy pagkain na masarap.
Walangya!
"Sorry, may niluluto ako. Pasok, Vel." Tumabi ito para makapasok siya. Masama ang tingin niya rito nang lagpasan niya ito. Tinawanan lang siya ng hudyo. "Gutom ka na ba?" Isinirado nito ang pinto at sinundan siya.
"Pupunta ba ako rito kung 'di ako gutom? Malamang, gutom ako kasi walang pagkain sa bahay."
Hindi siya madalas sa bahay ni Santillan. Kapag lang may handaan o fiesta sa kanila. Pero lagi talaga siyang namamangha sa ganda ng bahay nito. Hindi lang siya umaamin at baka kumapal pa atay ng 'sang 'yon.
For a man, he's very tidy. Matagal na niyang napansin na adik sa kalinisan 'tong si Santillan. Lagi pang mabango ang bahay. Siguro pati kwarto nito ay sobrang linis. May isang katulong ito, pero 'di raw stay-in, ang chismis sa kanya ng marites niyang nanay ay katiwala raw ng mga magulang nito na naglilinis sa bahay tatlong beses sa isang linggo.
Oh, 'di wow!
Ang laki talaga ng bahay nito para sa isang tao. Kasya buong pamilya rito kung sakali. Saka halatang burgis ang may-ari. From interior, exterior, fixture and furniture ay halatang may quality kaya malamang mamahalin.
Isinuot niya ang isa sa mga pambahay na tsinelas sa pinto nito. Kakahiya naman magkalat. Baka paglinisin pa siya ni Sir Santillan.
"Hindi naman mortal sin sa'yo ang mapasukan 'tong bahay mo ng alikabok mula sa labas, ano?" basag niya mayamaya.
Natawa ito. "Linisin ko na lang." Mula sa likod ay pinihit siya nito mula sa direksyon ng kusina nito. "I've prepared a lot kasi 'di ko alam ang gusto mo. Pili ka na lang."
"Ang effort mo akala mo naman makakain ko 'yang lahat," matabang niyang sagot. "Nag-aaksayang ka lang ingredients, Santillan. Sana itinulog mo na lang."
He chuckled, "Tatlo naman tayong kakain."
Kumunot ang noo niya. "Sino ang ikatlo?"
Ramdam niya ang mainit na hininga nito sa bandang tainga niya. Inilapit kasi nito ang mukha nito roon. "Syempre ang baby natin."
Hindi niya alam kung kikilabutan siya o hindi e. Pero 'di niya rin ma-explain kung bakit nanakit ang panga niya kakapigil ng ngiti. Alam niyang mukha siyang na frozen na isda sa pridgeder sa hitsura niya. Pangit ng histura. Mukha pang malansa.
Nagsisimula na akong mainis sa sarili ko. 'Di naman ako ganito noon.
Tinapik nito ng dalawang beses ang balikat niya bago siya iniwan. Binalikan nito ang kung ano mang niluluto nito roon sa kalan. May exhaust naman pala bakit dumikit pa rin ang amoy ng ulam dito? Kusinera ka rin, Vel. Baka alam mong dumidikit talaga ng amoy ng ulam kahit naka exhaust. Oh, 'di mali ako.
Kung gaano kalaki ang sala ay mas malaki ang kusina nito. Parang kusina ng mga burgis na mga artista sa Hollywood. In-fuse lang ang kusina ni Chef Gordon at sosyalin na bar. May island counter na may gas range, may bar counter rin na may wine rack. Pero mukhang pwede ring mag-chop ng kung ano sa likod ng bar counter or mag-mix ng kung anong drinks.
Puno ang wine rack ng kung anu-anong wine na 'di niya mabasa ang mga pangalan. May ibang alcoholic bottle din naman na walang label. Nakabaliktad ang mga wine glasses mula sa mounted rack ng parang mababang frame ng bar counter. At mukhang pwedeng i-adjust ang lighting doon. Doon siya pumwesto e kaya naisilip niya mula sa likod na kompleto rin ang mga gamit doon.
Syempre, alam niyang trained barista si Santillan at nag-training din ito maging bartender. Lahat na lang yata ng puwedeng pag-aralan sa kusina ay inaral nitong si Santillan.
Iginala niya ang tingin sa paligid habang nakaupo na sa isa sa mga bar stool nito, nakasandal pa ang mga braso sa bar counter.
Kompleto talaga ang gamit mula sa nakahilirang cupboards, kitchen equipment and appliances na hindi basta-basta ang brand. Pansin din niyang minimalist ang interior ng buong buhay ni Santillan. Pati nga kusina nito, hindi messy tignan kahit alam niyang madami itong gamit. Nakatago lang.
"So, ilang babae na ang nadala mo rito sa bahay mo?" basag niya.
"Excluding the people here in our subdivision and my mother ay kayo lang," he chuckled. "I don't bring them here."
"Ah, gets ko kung bakit."
"Bakit?"
"Takot kang mahanap ka ng mga nilalandi mo kapag hiniwalayan mo na sila kaya hino-hotel mo lang. Mga damobs n'yong ganyan e. Galawang pakboy."
"For a hybrid woman, nangingibabaw pa rin pagkababae mo kaysa pagkalalaki ." Tumawa ito at hinarap siya. "Bakit ba lagi n'yong inuungkat ang nakaraan naming mga lalaki? Tapos kapag nagsasabi kaming totoo ay nagagalit kayo. At kapag nanahimik naman kami ay magagalit pa rin kayo. Ano ba talaga?"
"Kasi guilty ka kaya ka ganyan reaksyon mo."
"Hindi ako guilty. At wala na akong dapat itago pa dahil matagal mo nang hinusgahan ang buong pagkatao ko." He devilishly smirked. "Sa mata ni Maria Novela Martinez magkasinglebel kami ng kawalangyaan ni Barabas. Kaya Word Santillan, adjust." Tumawa pa ito bago pinatay ang kalan.
"Hindi ko pa rin lubos maisip kung bakit nagpapakahirap ka sa'kin? Kung tutuusin, puwede mo na lang akong ignorahin at ipagpatuloy ang mga karantadohan mo."
Dinala nito ang mga inihanda nitong pagkain sa mesa sa likod ng bar counter. Nasilip niyang doon ito nagpi-plating.
He smiled without looking at her. "You're a good catch, Vel."
"Anong good catch ka riyan? Ano ako isda?"
"Hindi masamang asawahin," he chuckled, sabay lapag ng isang plato sa harap niya na may lamang pagkain na for breakfast. "Okay lang ba sa'yo ang for breakfast na pagkain kahit tanghali na?" Ang laki ng plato walangya. Punong-puno pa. "Tita Mati said you're a heavy eater kaya dinamihan ko na. Pero ngayon lang 'yan dahil kailangan din nating i-motinor ang diet mo. Hindi kita hahayaang kumain nang kumain –"
Tinaasan niya ito ng kilay. "Bakit natatakot kang tumaba ako?"
"Hindi po, madam. Dahil baka mahirapan ka sa panganganak dahil naging matigas 'yang ulo mo." Naglapag ulit ito ng ibang putahe. May fresh orange juice pa itong isinama at isang basong tubig. "You can eat all you want but with moderation."
Natatakam siya roon sa waffle na may whipped cream at honey syrup. Ang lagkit na ng tingin niya roon.
"Bakit ang daming mong alam?"
"I already told you that I did my research." Inabot nito sa kanya ang pair of utensils. "Pero alam ko na magagalit ka lang sa'kin kapag pagbabawalan kita kaya ako na ang mag-a-adjust para makain mo pa rin ang mga gusto mo na hindi sumusobra."
"Naks! May sarili akong diet chef."
He chuckled, "Pero lalagyan pa rin natin 'yang laman ang katawan mo. Masyado kang payat noong nakaraang buwan. Ngayon ka lang nagkakalaman. Mas bagay sa'yo na matambok ang pisngi."
Itinusok niya ang tinidor sa hotdog. "Magsasalita 'yong mga girlfriend mong 'di na yata kumakain?"
Malakas talaga siyang kumain. Matakaw pa. Natutulog pa nga siya pagkatapos kumain pero 'di siya tumataba nang malala. Noong isang buwan lang na sobrang stress siya kaya nawalan siya ng gana. Pero iba 'tong pagbubuntis niya dahil nanaba talaga siya. Hindi lang niya ramdam. Kitang-kita pa niya sa salamin!
"They prefer their body that way. Sino ba naman ako para pagsabihan silang kumain naman sila? I think it would be offensive to them."
Umikot ito para maupo sa bar stool katabi niya.
"At hindi nakaka offend kapag sa'kin, ganoon?"
Natawa ito. "You're different, Vel. Kapag ikaw, okay lang kahit laiitin kita dahil lalaiitin mo lang din naman ako, so pantay lang tayo. Hindi pa rin tayo magkakabati kahit sapian pa ako ng pitong anghel sa langit." Kinagatan nito ang tuna sandwich na gawa rin nito.
"Ayaw mo ng treseng demonyo?"
Nabilaukan ito at inihit ng ubo. "Walangya!" Naubos agad nito ang laman ng tubig sa baso.
"Suggestion lang naman." Pigil niya ang ngiti.
"Papatayan mo na yata ako."
"Hindi naman uobra sa'yo 'yon. Ikaw ang may hawak ng pinakamataas na ranggo ng mga demunyo. Lagpas pa kay Satanas."
Tawang-tawa ito kahit naluluha. "Nakakahiya naman kay Satanas. Nahiya pa akong palitan siya roon, 'no?"
"Try mo mikapag-heart-to-heart-talk sa kanya baka ma promote ka na this year?"
Nagsimula na siyang kumain dahil gutom na gutom na rin talaga siya. Unfortunately, Santillan's cooking never disappoints. Kaya daming na scam na mga babae nitong gago.
"Okay pa naman ako rito sa earth. Masaya pa naman akong minamahal mo ako nang pagkamuhi at matinding galit."
"Sige, enjoy ka lang."
Nakasandal ang isang siko sa counter na nakatingin ito sa kanya, naka support ang kamay nito sa ulo nito.
"Masarap?"
Umiling siya. "Oo."
Natawa ito. "Ang ironic ah."
"Ikaw na mag-adjust."
Inilapit pa nito nang husto sa kanya ang orange juice. "Kumusta morning sickness mo? Malala pa rin?"
"Malapit ko nang mailabas buong reproductive system ko. Salamat sa pagtatanong," sarkastik niyang sagot.
Natawa na naman ito. "Huwag naman lahat. Mawawalan ng bahay ang baby natin."
Bakit ba iba ang nararamdaman niya kapag binabanggit ni Santillan ang salitang baby natin? Walangya 'yan. Dapat normal lang, Vel. Walang malisya. Shit.
"Huwag mo akong chinichika at kumakain ako."
"Nagtatanong lang naman ako."
Nilunon niya muna ang kinakain.
"Nagigising ako nang maaga dahil pakiramdam ko hinahalukay ang tiyan ko. Nagsusuka ako at kasalanan mo lahat ng 'to. Huwag ka na magtaka kung ibubunton ko sa'yo lahat ng inis ko dahil na i-normalize ko na sa buhay ko na isisi sa'yo lahat ng mga paghihirap ko sa pagbubuntis ko."
Naiinis siya sa ngiti nito. Gwapo. Kaya nakakainis! Ayaw niyang naiisip niyang gwapo si Santillan. Gusto lang niyang kamuhian ito.
"At huwag kang ngiti nang ngiti," she snapped.
Lalo lang lumapad ang ngiti nito. Pakshet! "Bakit? Ano bang mayroon sa ngiti ko?"
"Umiinit ang ulo ko."
Tinawanan lang ulit siya nito. "God, Vel, lahat na lang nang gawin ko nagagalit ka. Baka hanaphanapin mo na 'to kapag nawala ako bigla."
"Kailan ka ba mawawala?"
"In your dreams," he chuckled.
"Tsk." She made a face. "Puro ka banta 'di mo naman ginagawa." Itinabi na niya ang kinainan dahil naubos na niya 'yon. Sinunod niya ang waffle.
"Hindi halatang gutom ka, ah."
"Dalawa kaming kumakain huwag kang judgmental."
Kinamay na niya ang piniraso niyang waffle at isinawsaw 'yon sa syrup at isinubo 'yon sa harap ni Santillan. Wala siyang class, be it. Ganoon naman talaga siya. Ugaling tambay. Malayo sa mga babae nitong si Santillan na manghihina na hindi gumagamit ng spoon and fork.
Pero imbes na pandidiri ang makita sa mukha nito ay parang amaze na amaze pa itong mukha siyang taga stone age na kumakain sa harap nito.
"Masarap, 'no?" nakangiting ulit na tanong na naman nito.
Tumango siya. "Hindi."
He chuckled, "Bibigyan kitang tip, Vel." Kumuha ito ng tissue mula sa lalagyan nito. "Actually, hindi ka na rin talaga lugi sa'kin."
Natigilan siya nang punasan nito ang gilid ng labi niya gamit nun. Hutek 'yan! Naramdaman niya bigla ang pagsikdo ng puso niya. Shit. Ano 'yon?
"Malakas kang kumain," he continued. "Masarap akong magluto. Malaki-laki na rin savings ko sa banko. May bahay at sasakyan na rin ako." He cleared his throat and smiled. Sakto namang inangat nito ang mukha sa kanya kaya direkta siyang nakatingin dito. "At gwapo. I think is an understatement. I believe is the apt word for saying that I'm also a good catch."
Matagal niyang tinitigan si Santillan.
Inisa-isa niyang i-absorbed ang mga sinabi nito at baka siya lang talaga nag-lo-loading. Natawa naman ito dahil 'di pa rin siya kumikibo.
"Tagalogin ko ba para maintindihan mo?" he chuckled.
She raised a hand. "No. I can manage." Inubos na lang niya ang waffle. Masarap kasi talaga kaya nababawasan ang inis niya rito kay Santillan dahil nabubudol siya sa mga luto nito. Naiintindihan niya at isa lang masasabi niya rito. Hambogero!
Umayos ito ng upo sa tabi niya nang hindi iniiwas ang tingin sa kanya. "Vel, first kiss mo ko, 'di ba?"
Kumunot ang noo niya rito. "Ano na namang naiisip mo Santillan?" Wala siyang tiwala sa tanong na 'yan. Parang may gustong patunayan.
Walangyang pilyong ngiti 'yan. 'Yan na nga ang sinasabi niya.
"Seryoso, kahit babae wala ka pang nahahalikan?"
"Mawawala ba ang kurapsyon sa Pilipinas kapag nanghalik ako ng mga tao?" pabalong niyang sagot.
"Hindi naman. Pero ang hina mong nilalang." Tawang-tawa ito. "Akala ko pa naman matinik ka sa mga chiks."
"Sa mga manok, oo. Ginagawa ko silang lechon manok. Bakit ba?!"
"Wala naman."
She squinted her eyes at him. "Nakakapagduda kapag ikaw ang nagsabi."
"Kailan ka ba hindi nagduda sa'kin?"
Napaisip siya. Wala siyang maalala. So, she just shrugged her shoulders and nodded. "Sabagay –" Napasinghap siya nang bigla nitong hinatak palapit dito ang upuan niya. "Anak nang – " Gustong-gusto niya itong murahin pero napigilan niya. "Anong problema mo?!" singhal niya.
Sumilip ulit ang isang pilyong ngiti sa mukha nito. "They say if you enjoyed kissing someone you'll enjoy their company as well."
"Sino na naman 'yang mga they na 'yan?"
"Could be anyone."
Nagulat siya nang bigla na lang siya nitong halikan sa mga labi. Nalunon niya ang singhap. Tangina! Hinawakan niya ang mga balikat nito para itulak ito pero dikit na dikit ang isang kamay nito sa batok niya habang nakalingkis sa baywang niya ang isang braso.
Santillan!!!
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro