Chapter 3
Ding dong. Ding dong.
Sabay na napatingin sa direksyon ng pinto sina Mary at Joseph nang marining ang doorbell mula sa labas. Tatayo sana si Joseph pero pinigilan niya ito sa paghawak mula sa kanang bisig nito. "Ako na," aniya saka tumayo at naglakad patungo sa pinto. Bukas naman ang pinto, ang screen door lang ang naka-lock.
"Mer!" masayang tawag ni Tita Mati mula sa labas, kasama nito si Tito Pear ang binabaeng kuya ni Tita Mati na laging nakasuot ng makukulay na maxi dress at may turban lagi sa ulo. Ina at tiyo sila ni Novel, isa sa mga unang nakasundo niya rito sa subdivision. "Anak, nandito na nga pala ang pina-order niyong breakfast."
Kumunot ang noo niya, nagtataka man, pero binuksan pa rin niya ang screen door. Naalala niyang may binanggit si Joseph na nag-order ito ng pagkain pero hindi nito binanggit kung kanino at kung saan bibili si Spel.
"Tita Mati—"
"Magandang umaga, Mer," nakangiting bati rin ni Tito Pear pero lumagpas ang tingin sa kanya, parang may sinisilip ito sa loob. "Ang sabi sa amin ni Gospel ay umuwi na raw ang asawa mo."
Bigla siyang inihit ng ubo. 'Gospel Grace Trinidad!' Nagdesisyon na naman ito nang hindi sinasangguni sa kanya.
"Wilson," pasimpleng pagsiko ni Tita Mati sa kapatid nito. Ibinalik ng ginang ang tingin sa kanya pagkatapos at ngumiti. "Ah, nga pala, inahatid lang namin itong mga pagkain." Hawak ni Tito Pear ang isang large brown paper bag na may logo ng Matildas. Ang home cook meals and catering business nila Tita Mati. "Dinamihan na namin at ayon na nga't nabanggit ni Gospel na nauwi ang asawa mo."
"Pa welcome na namin, hija," dagdag ni Tito Pear.
Kahit itago pa ng dalawa ay halata talaga na gusto ng mga itong makita ang sinasabing 'asawa' di umano niya. Pero ano namang ipapakita niya? Hindi niya naman totoong asawa si Joseph at wala pa silang pormal na kasunduan.
'Kaya bawal ka munang makita rito, Hosep!'
Ngumiti siya sa dalawa. "Salamat po rito, Tita Mati." Kinuha niya ang paper bag sa kamay ni Tito Pear. "Tito Pear."
"Ah—" Nagkatinginan ang dalawa.
"Bayad na po ba 'to?"
Bumalik ang tingin ng dalawa sa kanya. "Ah, bayad na iyan," sagot ni Tita Mati, napakamot pa sa dulo ng isang kilay nito. "Inabot sa'min ni Spel ang bayad."
"Binayaran na ng asawa mo," dagdag ni Tito Pear.
"Ah. Oh, sige po." Dahan-dahan na niyang sinara ang screen door. Halata sa mukha ng dalawa na gusto siyang pigilan pero mabilis ang mga kamay niyang naisara at na-i-lock ang screendoor. Nakikita pa naman din niya ang dalawa mura sa screen. "Nagpapahinga pa po ang asawa ko." Napangiwi siya sa isip. 'Patay ka talaga sa kasinungalingan mong iyan, Mer! Ah, ewan.' "Dadalaw na lang po ako sa bahay niyo Tita Mati—"
"Isama mo ang asawa mo," mabilis na agap nito.
"Tamang-tama marami kaming stock ng kape ngayon," segunda pa ni Tito Pear. "Pampakalma habang sumasagap ng chismis." Sinabayan pa ng tawa nito pagkatapos.
Pilit man ang tawa niya pero sinikap niyang hindi mahalata ng dalawa. "Sige po, Tito Pear. Tita Mati, salamat po sa pag-deliver." Kinapa niya ang door knob, humakbang muna patalikod para maisara nang hindi nadadabog ang pinto. Nang magawa iyon ay doon lang siya nakahinga nang maluwag. "Stress," nausal na lamang niya.
"Ahm, who are they?"
Marahas na naibaling niya ang mukha kay Joseph. He looked innocently curious and with that face, he looked younger than his usual age. Napansin niya kasing napaka-manly ng dating ni Joseph. Sa tindig ang tangkad palang kasi nito ay parang kaya siya nitong protektahan sa kahit anong bagay na tatama at ibabato sa kanya.
"Mary," he snapped.
Napakurap siya. 'Mer! What just happened? I don't know, stop asking. Ayoko nang mag-isip at naguguluhan ako lalo.' Wala pa ngang bente-kwatro oras pero ay nagugulo na ng estranghero na ito ang buhay niya.
"Aalis ka ba ngayon?"
He looked dejected. "Pinapaalis mo na ako?"
"No. I mean." 'Teka, paano ba?' "Aalis ka ba ngayon? Nabanggit mong may negosyo ka. Hindi ka ba magtatrabaho? O magsu-supervice sa mga tao mo?"
"Mamaya," sagot ni Joseph pero bakas ang pagkalito sa mukha nito. He couldn't seem to put a sense in her words.
"May sasakyan ka ba?"
"Motor. It's outside—"
"Good, isuot mo lang lagi ang helmet mo. Saka mo na hubarin kapag nasa loob ka ng bahay. Hindi puwedeng may makakita sa'yo sa labas."
"Bakit?"
Marahas siyang bumuntonghininga. "Joseph," she paused.
"Yes, Mary." May sumilip na pilyong ngiti sa mukha nito.
'Focus, Mary! Pero bakit ba kasi lagi siyang masaya?'
"Basta. Bawal muna." May gigil na inabot niya rito ang paper bag na tinanggap naman nito. Iniwan niya ito at naglakad patungo sa kusina—sa four-seater wooden dining table and chairs. Ramdam niya ang pagsunod nito sa kanya. "Wala ka na munang mukha rito sa subdivision hanggat hindi pa tayo nagkakasundo."
Tumayo siya sa kaliwang side ng mesa at tumapat naman ito ng tayo sa kanya mula sa kanan na parte ng mesa. Inilapag nito ang paper bag sa gitna nila pagkatapos.
He chuckled. "Are we fighting?" Sinilip nito ang laman ng paper bag pagkatapos. "Technically, we are." Saka isa-isang inilabas ang laman nun. Dalawang bento box at tatlong transparent tupperware na may lamang ulam. "Mukhang masarap ang mga ito."
"Masarap talaga ang luto nila Tita Mati at Tito Pear." Amoy pa lang ang natatakam na si Mary.
"Why don't we eat while we talk about our life together—I mean, our future plans." Natigilan si Joseph. Kahit siya ay naikiling ang ulo sa kanyang kanan. 'It sound different o ako lang?' "Let's settle to the first one for now." Napakamot ito sa noo bago ibinalik ang tingin sa kanya. "Wait. Don't move."
"Huh?"
Mabilis na tumawid ito sa side niya para ipaghila siya ng silya. Sa ginawa nito ay hindi niya napigilan na sundan ito ng tingin.
"Sit here." She was hesitant to sit but chose not to argue anymore. "Do you mind if I make myself comfortable inside your home?"
"Bakit?"
"Kukuha ako ng baso at tubig."
"Ako na—" Hinawakan nito ang magkabilang balikat niya sa pagtatangka niyang tumayo. Dahil doon ay naglabanan sila ng tingin. "Mr. Joseph Benavidez, hindi ako imbalido at unang-una pamamahay ko 'to." Inalis niya ang mga kamay nito sa kanyang balikat at tumayo. "Ikaw ang maupo roon dahil bisita kitang bigla na lang dumating sa bahay ko na hindi ko naman iniimbita."
Iniwan niya ito at tinungo ang lagayan niya ng baso malapit lang din sa kung saan nakalagay ang metallic gray two-door fridge. May katabi iyong upright chiller kung saan nakalagay ang mga nagawa na niyang mga cake na for delivery ngayon.
"I can't marry my childhood best friend," basag ni Joseph bigla. Hawak na niya ang dalawang baso sa mga kamay, hindi muna niya ito nilingon. "And she's in love with someone else."
Nilingun niya si Joseph. "Bakit feeling ko ay may gusto ka sa kanya?"
His forehead creased. "Manghuhula ka ba?"
"Hindi. Pero sa tuno ng pananalita mo kasi e parang nagdadamdam ka. Did she beg you to help her?"
"It was a mutual decision."
"Mutual? E bakit ikaw lang ang gumagawa ng paraan? May balak ka bang magpabaril sa tabi ni Dr. Jose Rizal? O hindi kaya, pangarap mo talagang maihanay sa mga santo na pinuprusisyon tuwing Holy Week." Tinawanan lang siya nito. "Seryoso ako, huwag mo akong tawanan, Hosep."
"Seryoso naman nitong si Marya."
Napamaang at namilog ang mga mata niya. "Feeling close ka, alam mo ba?"
"Aren't we passed that?"
"Wala pang twenty-four hours."
"According to William Butler Yeats, there are no strangers here; only friends you haven't yet met."
"And your point, Joseph?"
"It means we're destined to be friends, Mary." He smiled. "And we should eat before you throw those drinking glasses at me."
"MER, sorry!"
Pinaningkitan ni Mary ng mata ang pinsan niyang si Beth habang nag-vi-videocall sila. Katatapos lang niyang maipa-deliver sa mga clients niya ang mga cakes ng mga ito at nagpapahinga na lang muna siya sa kwarto niya. Nakaupo sa kama at nakasandal ang likuran niya sa maraming unan na isinandal niya sa pader. Mamaya na niya i-tse-check ang mga pending orders niya kapag nakabawi na siya ng lakas.
Mukhang wala ang pinsan sa bahay dahil nasa loob ito ng umaandar na sasakyan. Nahagip pa ng camera ang mukha ng asawa nitong si Zac na naka-focus sa pagmamaneho.
"Hindi ko talaga alam na nakikinig pala si Julie noong nag-usap tayo sa cellphone doon kina Mama," dagdag kwento nito. "Nang i-chika nga ni Mama ang nangyari kanina kaya nagulat ako. Sabi ko, saan nakuha ni Auntie Ame ang tungkol sa pagbubuntis mo e tayo lang naman ang may alam nun?"
"Alam ko rin," tumatawang singit ni Zac.
"Pero 'di ka naman tsismoso, mahal. Itong pinsan namin na malaki ang inferiority complex kay Mer ang mema. Naku! Kapag nakita ko talaga iyang si Julie sa compound natin e hahatakin ko talaga ang buhok hanggang doon sa highway."
Kahit na-e-stress ay natawa pa rin siya. "Kumalma ka, makaanak ka pa riyan nang wala sa oras." Her cousin is already eight months pregnant. "At saka, alam na nila. Hindi ko na rin maitatago pa." Naging malungkot ang ngiti niya sa pagkakataon na iyon.
"'Tangina naman kasi iyong walangyang gago na iyon."
"Huwag na natin siyang pag-usapan. Bin-lock na nga ako."
"Kapal, ha? Masaya siya ta's ikaw ngayon ang humaharap ng mga problema."
"Kasalanan ko rin naman."
"Wala kang kasalanan, nagmahal ka lang. Iyon nga lang, sa gago pa. Pumutok sana ang itlog nun at nang hindi na dumami."
"Mahal, tama na iyan, blood pressure mo."
Natawa ulit siya sa pagsingit ng asawa ni Beth. "Naku, sinasabi ko sa'yo, Mer. Lagi kong pinagdadasal na walang mamana ang anak mo sa kanya. Mag-aklas na ang genes ng mga Evangelista at bugbugin lahat ng genes ng gagong iyon."
"Alam mo, gusto ko nga rin na magmana na lang sa akin ang anak ko. Kaso, puwede ba iyon?"
Nag-focus ang camera ni Beth sa asawa nito. "It's not impossible. We have dominant and recessive relationships in genes. Hopefully, Mer's genes will be dominant over the other. If both are recessive, unfortunately, the other will also have a share."
"Talino, 'no? 'Di ko talaga alam bakit nagkagusto 'to sa'kin ang asawa ko."
Zac is a biology and Natural Science professor at USJ-R. Lagi talaga itong may handang scientific answer. Masarap din itong kausap kasi hindi ito killjoy. Sumasabay pa nga sa kanila ni Beth.
"At least, masaya naman kayo pareho."
And she admired her cousin's married life. Mas matanda si Beth ng pitong taon sa kanya pero hindi siya nag-a-ate rito dahil ayaw ng pinsan niya na ginagalang niya ito. 'Nakaka-gurs daw.' Twenty-nine ang pinsan niya nang makilala nito si Zac sa isang simbahan. Tandang-tanda pa niya dahil sobrang nakakahiya talaga ang pagkikita ng dalawa.
Ito kasing pinsan niya ay pumasok sa isa sa mga confession rooms doon hindi para mangumpisal pero para magreklamo sa Panginoon kung bakit wala pa rin daw itong boyfriend lalo na't palagpas na ito ng trenta.
Nagkataon na pumasok sa confession booth si Zac dahil inutusan ito ng kuya nitong pari na kunin ang naiwan nitong water bottle kaso hindi na ito nakalabas sa confession booth dahil sa pagrereklamo ni Beth.
And the rest was a beautiful history.
There will always be a little envy in her heart, but she always chooses to be happy for her cousin. Dahil deserve naman talaga nito. Nag-iisang anak lang siya at si Beth ang naging ate niya dahil only child lang din si Beth. As her little sister, her only wish for Beth is to be genuinely happy.
Pero naisip niya, baka nga siguro hindi para sa lahat ang pagpapakasal o pag-aasawa. Sa panahon ngayon parang ang hirap na makahanap ng taong magmamahal sa'yo ng totoo. Araw-araw may nababasa siyang naghihiwalay dahil sa infidelity. Saka, sino pa ang magmamahal sa katulad niyang disgrasyada? She doubted if a man will still accept her and her child.
Okay lang din naman sa kanya ang maging single mother. Sa awa ng Dios ay malaki naman ang kinikita niya sa pagbe-bake at pag-a-upload ng videos ng baking niya sa TikTok. Kahit papaano, blessing sa kanya na nakakapagtrabaho siya sa bahay lang.
"Mer."
Bigla siyang natauhan. Napakurap siya pagkatapos. She didn't realize that her mind drifted away for a few seconds. Ngayon ay may nakikita na siyang pag-aalala sa mukha ng pinsan niya.
She smiled to assure Beth. "I'm fine. Huwag kang mag-alala sa akin."
"Pinasa sa'kin ni Mama ang screenshot ng GC ng mga gurs niyang pinsan. Nakita ko iyong mukha ng Joseph na tinutukoy niya at ang negatrons na comment nila Auntie Alma at Auntie Ame. Grrrr. Mukha talaga silang alpaca sa DP nila."
Hindi napigilan ni Mary ang matawa ng malakas. "Hoy!" Napahawak tuloy siya sa kanyang tiyan. Pati tawa ni Zac ay naririnig niya sa background.
"Pero, ibang Joseph ang nakita ko. Sino iyon? Gwapo ah. Mukhang prinsipe ng Egpyt."
"Long story—"
"Ma-traffic sa Mandaue, sige lang ituloy mo lang."
Natawa siyang lalo. "Well." Sinimulan niyang ikuwento ang lahat kay Beth. Simula noong umaga hanggang sa makaalis ng bahay si Joseph. Manghang-mangha ito sa kwento niya at panay ang tawa. Halatang nakuha agad ni Joseph ang interes ng pinsan niya. "At ngayon nga e, gusto ni Hosep na ituloy namin ang pagpapanggap para hindi matuloy ang kasal nila ng childhood best friend niya—"
"Na lihim niyang sinisinta," dugtong ni Beth.
"Na feeling ko oo dahil hindi niya naman in-deny."
"Another Joseph pero itong Joseph the second ay just Joseph naman."
Tumango siya. "Just Joseph, walang second name." Ang Joseph na nauna ay may second name.
"Willing talaga siyang maging instant daddy?"
"For a period of time. Iyon din naman ang sinabi ko sa kanya. Hanggang sa makahanap lang ako ng tamang oras at maging okay si Papa."
"Sabagay, kilala naman natin si Tito. Ang laki ng expectations niya sa'yo. Kaya kapag nalaman niya ang totoo ay baka mapaano pa siya. Of course, ayaw naman natin iyong mangyari."
Mary couldn't help but sighed. "Iyon nga ang inaalala ko, Beth. Kapag pumayag ako, hindi ba mas magiging komplikado ang lahat. Mag-e-expect lalo si Papa sa akin."
"Ayon sa GC ng mga gurs nating auntie, itong sina Auntie Alma at Auntie Ame ang sumusulsol sa mga magulang mo na ipakasal nga kayo agad. Sorry, Mer, sasabihin ko talaga 'to sa'yo. Sanay naman na tayo na binabash ng mga pamilya nating feeling naka VIP sa langit. Pero kaya pinu-push nila ang kasal ay dahil malaking kahihiyan daw sa pamilya kapag nalaman ng taga sa atin na nabuntis ka na hindi pa kasal. Kilala mo namang tradisyunal itong mga Auntie natin na feeling sila lang ang anak ng Dios."
Malungkot pero may simpatyang ngumiti si Beth sa kanya.
"Ayaw niya maging instant daddy forever?"
Namilog ang mga mata niya sa pagkagulat. "Hindi iyon puwede."
"Sabi ko nga."
"Pero..."
"Pero, ano?"
"Pero puwede namang i-delay ang kasal. May ilang buwan pa naman bago mahalata ang tiyan ko. May suhestiyon si Gospel sa akin."
"Teka, iyong bakla?"
Natawa siya bigla. "Hindi siya bakla."
Beth chuckled. "Okay, baklang babae katulad ko. Sige, spill."
"It's not final yet, pero sasabihin ko sa'yo kapag napag-usapan na namin ni Hosep—"
"Alam mo, kanina ka pa sa pagtawag mo sa kanyang Hosep. Wala pang twenty-four hours pero may pet name ka na sa kanya. Sabagay, kung single lang din ako, mine ko na agad."
Narinig ni Mary ang malakas na pagtikhim ni Zac. Ngiting aso ngayon ang pinsan niya.
"Sorry, Mahal. Alam mo namang, sa'yo lang ako willing magkasala." Natawa ulit si Mary. Cute talaga ng relationship ng mag-asawa, parang barkada lang. "Anyway, so ano nga ang magandang balita ni Gospel? Ah, oo nga pala, pag-uusapan niyo pa ni Hosep." Mary's foreahead creased, may panunukso sa ngiti ng pinsan niya. "Oh, so sa'yo pa rin uuwi si Hosep mamaya?" Lalong nagkaroon ng malisya ang tingin at ngiti ng pinsan.
"Elisabeth!" she hissed. "It's not what you think."
Tawang-tawa ito. "Joke lang, ito naman. Huwag kang ma-stress. Ay wait, mas tamang ma-stress ka sa Hosep mo para maging kamukha niya ang anak mo. Tama, 'di ba may paniniwalang ganoon. Tingnan mo si Julie, kamukha niya si Auntie Ame."
"Malamang, mag-ina sila."
"Ay, kaya pala. Kala ko e, magkapitbahay lang sila."
Ang lakas ng tawa nila ni Zac. "Beth!" saway na niya sa pinsan. Naku, nagda-drive pa man din ang asawa nito.
"Hindi ba adopted si Julie? Ay wait, baka sina Auntie Ame at Auntie Alma ang adopted. Posible iyon, hindi kasi natin ka skin tone"
Sumasakit na ang tiyan niya kakatawa. "Tama na."
"But anyway, habang nag-iisip kami nitong mahal ko kung paano namin mapapa-DNA test ang mga iyon, balitaan mo na lang ako sa susunod na kabanata ng iyong namumuong sama ng loob kay Hosep. May kasabihan pa naman na, a way to man's heart is through his blood pressure. Galitin mo para mag-init sa'yo."
"Hoy!"
MADILIM na sa labas ng bintana nang magising si Mary. Nagising yata siya dahil sa tunog ng pagpupukpok sa ibaba, parang galing sa kusina. Bumangon siya at tiningnan ang oras sa cellphone na nilapag niya sa bedside table. Namilog ang mga mata niya nang mapansing 7:10 PM na sa screen.
Nagpasya na siyang bumangon ng tuluyan at maghahanda pa siya dinner at baka gutom na si Joseph pag-uwi nito. Dapat ay iidlip lang siya pero natuloy sa mahimbing ng tulog ang insist niyang idlip.
Pababa na siya nang matigilan siya. May bumalik sa isip niya na parang iba ang dating sa kanya. 'Mer, bakit mo ipagluluto ng dinner si Hosep?' Tuluyan na siyang nagising. 'Mer, kumalma ka. Hindi mo siya asawa.'
Iyon pa rin ang iniisip niya hanggang sa makababa siya. Maliit naman ang bahay kaya agad niyang nakita si Joseph na inaayos ang cupboard sa itaas ng sink counter. Lumuwag na ang hinges nun at hindi naman niya maabot kaya hinayaan na lang muna niya. Nakapatong si Joseph sa wooden chair na hinila nito mula sa mesa at mukha rin namang tapos na ito dahil sinisipat at tinitesting na lang nito ang pagbukas-sarado ng cabinet door.
Dapat ay magpapatulong siya kay Gospel para ayusin iyon pero lagi niyang nakakalimutan sa sobrang busy niya.
"Ahem," tikhim niya.
"Mer," nakangiting lingun nito sa kanya mula sa balikat nito. "Did I wake you up?"
"Ang ingay mo," pagtataray niya.
He chuckled. "I'm not sorry though. I need to fix this before this cabinet door falls off. Katapat pa naman ng sink." Tuluyan na itong bumaba mula sa silya. "And you're welcome," proud nitong dagdag.
"Hindi pa ako nag-ta-thank-you."
"Sasabihin mo rin naman."
"Desisyon ka talaga, ano?"
"Only when I know I'm right." Sinundan niya ang pagliligpit ni Joseph ng mga tools nito mula sa tool box nito. "Let me know if there are still things you want me to fix. I'll be happy to do it for you." Kahit naka-sideview ay nagawa pa siya nitong ngitian. "I have many skills," he added, nakaharap na sa kanya.
She couldn't help but cross her arms over her chest. "A man with many skills. Hmm."
Natawa ito sa naging komento niya. "I'm quite competitive in nature."
"Halata naman."
"I'll take that as a compliment. Hungry? Dumaan ako ng Jollibee–"
"At anong in-order mo?"
"Dumaan lang ako pero hindi naman ako bumili," seryoso nitong sagot. Pero nang kunot ng noo lang ang nakuha nitong sagot sa kanya ay tawang-tawa ito.
"Hindi nakakatuwa, Hosep."
"Sayang naman." He was suppressing his smile and laugh this time.
Marahas siyang bumuntonghininga. "Nakapag-isip na ako," pag-iiba niya.
"Anong pinag-isipan mo?"
"Tungkol sa plano mong canonazation para sa sarili mo," mataray pa rin niyang sagot. Pero bakit imbes na mainis ay lalo lang natutuwa si Joseph kapag nagtataray siya?
"I appreciate your kindness, Mary. Matagal pa naman ako magiging santo pero salamat sa pagtulong mo para matupad ang pinapangarap kong martyrdom." Dinala nito ang kanang kamay sa may bandang puso nito at inilapat ang palad doon.
"Ganyan ka ba talaga sa kahit kanino, feeling close?"
"Dapat ba feeling far?"
Naikuyom ni Mary ang mga kamay, nanggigil siya kay Joseph. Gusto niya itong paluin ng walis tambo—iyong hawakan na kahoy ang ipampapalo niya rito.
"Alam mo—"
"Actually, hindi ko pa alam."
"Joseph!"
"Yes, my Mary?"
"Gusto mo bang magtulungan tayo o hindi?!"
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro