Paubaya
Coffee Time!
Basa mo sa pangalan ng coffeehouse na malapit lamang sa iyong pinagta-trabahuan. Binasa mo ang mensahe galing sa iyong katrabaho na si Scott bago tuluyang pumasok ng coffeehouse.
Agad natuon ang iyong pansin sa counter nang tumunog ang maliit na kampanilya sa pintuan, hudyat na may bagong dating. Halata sa iyong mukha ang pagkalito nang hindi makita ang baristang matagal mo nang gusto.
"Alas tres na, ah."
Wala kang nagawa kun'di ang pumila. Maliban sa treinta minutos mong pahinga ay may isasagawa ka pang plano na mukhang hindi matutuloy.
"Bakit dismayado ang mukha ng kaibigan ko?" Tanong ni Noah sabay kindat sa 'yo.
"Nasaan pala si Stell?" Diretso mong tanong habang nakatingin sa naka-display na mga cake.
"Aray naman, Arabica! Si Stell na naman ang hinahanap mo—nandito naman ako."
Narinig mo ang binulong ni Noah, pero pinili mong huwag pagtuonan ng pansin. Sa sobrang tagal ng inyong samahan ay nasanay ka na sa mga banat niya. Muntik ka nang mahulog sa kanyang patibong noon, mabuti na lang at naiwasan mo.
Dahil si Noah na mismo ang nagsabi na walang kahulugan ang mga banat niya sa 'yo.
"Dalawang cappuccino—absent ba siya ngayon?" Tanong mo muli bago itinuro ang nag-iisang slice ng carrot cake.
"Bakit dalawa ang inorder—"
"Teka nga, ikaw ang may-ari ng coffeehouse. Nasaan ba ang mga barista mo?"
"Barista rin ako, oy!" Inilahad ni Noah ang iyong resibo pagkatapos mong magbayad. "Alis! Si Stell na lang palagi ang hinahanap mo sa coffeehouse."
"Nasaan nga?"
"Nagbibihis sa loob—gusto mong silipan?"
Kagat ang iyong pang-ibabang labi ay mapang-akit mong kinindatan si Noah bago tinungo ang paborito mong puwesto sa coffeehouse. Pagkatapos mong mag-reply kay Scott ay napansin mo ang sticky note sa plorera ng bulaklak.
"Nandito nga siya!"
Pinigilan mong hindi sumigaw sa loob ng coffeehouse nang mabasa ang mensahe. Unang buwan mo palang sa trabaho noon ay sa coffeehouse ka na ni Noah tumatambay tuwing alas tres. Si Stell ang palagi mong nadadatnan na barista at 'di kalaunan ay nalaman mo na alas tres pala nagsisimula ang kanyang trabaho.
Ilang beses kayong nagpalitan ng 'Hi' at 'Goodbye'pati na ang mga ngiti na kay tamis. Pakiramdam mo'y bumabalik ka sa High School hanggang sa may sunod-sunod na sticky note sa paborito mong puwesto.
Arabica,
Hi! Alam mo bang paborito ko ang pangalan mo—este ang kapeng Arabica pala.
Halos mapunit ang iyong labi nang mabasa ang unang mensahe. Ang nakakatuwa sa kaganapan na iyon ay nahuli mong nakatitig sa iyong direksyon si Stell kahit may kostumer sa kanyang harapan. Nang mapansin niyang nakatingin ka rin sa kanyang direksyon ay agad nag-iwas ng tingin si Stell habang namumula ang pisngi.
At doon nagsimula ang hinala mo na baka kay Stell galing ang mga sticky note.
"Stell's here?"
Nabalik ka na lamang sa realidad nang pitikin ni Scott ang iyong noo. Bilang ganti ay hinampas mo siya sa balikat.
"Ready?"
"Ready!"
Ibinaling mo kay Scott ang iyong pansin nang makita mong parating si Stell. Sobra ang pagpipigil mong hindi siya tingnan habang inilapag ang inorder mong cappuccino at cake at nagwagi ka naman.
"Sorry to keep you waiting, babe. May tinapos pa kasi akong portfolio sa opisina."
"I understand, babe. Hati tayo sa carrot cake, isa na lang kasi—thank you pala, Stell!"
"M-May boyfriend ka na pala?"
Hindi mo napigilan ang sarili na mag-angat ng tingin. Gusto mong umatras sa plano at ipakilala bilang kaibigan si Scott—na may gusto rin kay Stell.
Pero huli na ang lahat nang kunin ni Stell ang sticky note na idinikit mo muli sa plorera ng bulaklak bago umalis. Sinundan mo siya ng tingin hanggang sa tuluyan siyang makalabas ng coffeehouse. May pag-alala sa iyong mukha nang ibaling mo ang tingin kay Scott na halatang nagulat sa naging reaksyon ng barista.
"Sigurado ako na sa kanya galing ang sticky notes, girl."
"Sigurado ako, pero mas sigurado na ako ngayon."
"Ang harsh—paano ka naman nakakasigurado?"
"Iyong sticky note kanina,"
Arabica,
Gusto kong malaman mo na gustong-gusto kita. Hindi ang kapeng arabica kun'di ang Arabica na palaging nakaupo sa puwesto na 'to.
"Kung hindi sa kanya ang sticky note—bakit niya kinuha?"
Sumenyas sa' yo si Scott na sundan si Stell, na siyang agaran mong ginawa. Lalabas ka na sana nang may kamay na pumigil sa 'yo. Gusto mong umangal nang mapagtanto mong si Noah ang nasa iyong harapan.
"Ara!"
"Pwede bang mamaya na—"
"Hindi pwede. Kailangan ko itong masabi sa 'yo bago ka magtapat kay Stell."
Kumunot ang iyong noo habang nakatitig sa malumanay na mga mata ni Noah. "Huwag mo akong tingnan nang ganyan. Kinakabahan ako dahil—"
"Gusto kita, Ara!"
Naglaho ang ngiti sa 'yong labi at para bang nabibingi ka sa iyong narinig. Seryeoso ang kanyang mukha at ramdam mo ang sinseridad sa kanyang boses.
Walang banat-banat sa pagkakataon na 'to.
"Noah. . ."
"Pero gusto mo Stell," May inilahad siyang isang pad ng sticky notes sa 'yo. "Sinabi ko ito para palayain kita at ang puso ko. Oo na, nagpapaubaya ang isang Noah Ajero—at kay Stell pala galing ang mga sticky notes 'yan."
"Noah naman!"
"Get your barista, Arabica!"
Sa huling pagkakataon ay yinakap mo ang iyong kaibigan bago tumakbo palabas ng Coffee Time. Wala kang sinayang na oras sa paghahanap at hindi ka naman binigo ng tadhana nang makita mo siyang nakatambay sa Rizal Park.
"Stellvester!"
"Arabica?"
"Sabi ng menu mayroon kayong doppio, affogato, ristretto, macchiato, espresso, americano, at cappuccino. E, bakit walang ikaw at ako?"
"A-Ano?"
"Bingi ka ba?"
"Oo. Baka. Hindi—"
Hindi mo siya pinatapos sa pagsasalita nang tuluyan kang makalapit sa kanya at niyakap siya nang mahigpit. Walang makakatumbas sa naramdaman mong saya nang marinig mo ang kasunod niyang sinabi.
"Hindi ako bingi para hindi malaman na bakla si Scott. Hindi ako bulag para hindi malaman na may gusto si Noah sa 'yo. Mas lalong hindi ako pipi para hindi masabi na gusto ko ang nag-iisang kape sa aking buhay."
"Gusto rin kita, Stell, matagal na."
All Rights Reserved 2022
Written by HopelessWings
Cover made on Canva
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro