Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Wakas

ANIM na taon palang si Raphael. May lumipat sa tapat ng kanilang bahay. Bagong gawa lang ang bahay na ito kumpara sa kanila na walong taon nang nakatayo. Binili lang ng kaniyang mga magulang ang bahay at lupa na ito mula sa dating may-ari, kung kaya't ang ilang gamit sa bahay ay pagmamay-ari ng dating nakatira.

Tahimik na nagbabasa ang batang Raphael ng illustration book. Binaba niya lang ito nang marinig ang pagkatok sa kanilang gate. Pinanood niya ang mama niyang tumungo sa pintuan para lumabas. Sumunod naman siya, hawak pa rin ang libro. Sumilip lang siya mula sa pinto, habang ang mama niya ay nasa tapat na ng gate kausap ang isang magandang babae. Sa tabi niya ay may batang lalaki, halos kaedad lang niya. Nakamulsa ito at linilibot ang tingin sa bahay nila. Nagtama ang tingin nila. Inangat nito ang kanang kamay at kumaway, malawak ang ngiti.

Napalingon ang mama ni Raphael sa kinakawayan nito. Nadatnan niya ang anak na nahihiyang nakasilip sa gilid ng pinto. "Raph! Halika rito!" natutuwang tawag ng mama niya at sinenyasan siyang lumapit. Humakbang si Raphael palabas ng bahay, yakap-yakap ang librong binabasa. Yumakap siya sa kanya mama nang makalapit rito. Nakangiti pa rin sa kaniya ang batang lalaki, kaya kinunutan niya lang ito ng noo. "Anak ko nga pala, si Raphael," pakilala ng mama niya. Binalingan siya ng tingin nito. "Raph, sila yung bagong kapit-bahay natin. Ito si Tita Charm, at ang bagong kaibigan mo naman ay si Chamuel."

Linahad ni Chamuel ang palad niya. "Hi, Raph! Ako si Cha!"

Humigpit ang kapit ni Raphael sa mama niya at tinitigan lamang ang nakalahad na kamay ni Chamuel. Marahang tumawa ang mama niya dahil sa pagiging mahiyain niya. "Raph... nakikipagkilala siya sa'yo, o?"

Umangat ang tingin ni Raphael sa mama niya, bago sa kamay ng batang nasa harap niya. Sa pagkakaturo sa kaniya ng mama niya, kapag may nakikipagkaibigan sa'yo, ilalahad nito ang palad niya at mag-aalok na makipagkamay. Dahan-dahan niyang linabas ang palad niya para tanggapin ang pakikipagkamay ni Chamuel. "Raph..." nahihiyang pakilala nito bago bumitaw.

Simula nung araw na iyon, magdamag nang bumisita si Chamuel sa bahay nila. Minsan ding sumasama ang ate nito sa kanila, pero naiiwan lang ito mag-isa dahil parang may sariling mundo ang dalawa. Magkaiba ang ugali ng dalawa, at iyon mismo ang dahilan kung bakit tugma sila sa isa't isa. Iyon ang unang beses na nagkaroon ng kaibigan si Raphael. May nakikilala naman siyang mga bata sa eskwela, pero niisa roon ay wala siyang kayang kausapin at kaibiganin. Tahimik siyang bata, kung kaya't siya dapat ang unang nilalapitan.

"Hi!" Lumapit sa kaniya ang isang batang babae. Chubby ito, hanggang balikat ang buhok, at nakapigtails. Mas humigpit ang kapit ni Raphael sa swing, inaakalang aagawin ito ng bata. Si Chamuel naman, bumaba agad sa swing niya at nagpakilala sa babae.

"Hello! Ako si Cha! Ikaw?" inosenteng ngumiti si Chamuel sa batang babae na ilang sentimetro ang tangkad sa kanya. Gumala rin ang mata niya sa pigurang nasa likod ng babae. May batang lalaki roon, mas maliit sa kanya. Nakasimangot ito at masama ang tingin sa kanya. Nginitian din ito ni Chamuel at nagpakilala. "Ikaw din! Anong pangalan mo? Ako si Cha, siya si Raph!"

"Muriel! Lagi rin kaming naglalaro rito!" masiglang sabi ng batang si Muriel. Binalingan naman niya ng tingin ang masungit na lalaki sa likod niya. "Ito si Michael. Mukha siyang nangangagat pero mabait 'yan!" pakilala niya sa kasama, kaya napahalakhak si Chamuel. Lalo lang sumimangot si Michael dahil hindi niya nagustuhan ang sinabi ng kaibigan.

Sa ilalim ng konstelasyong Balatik, naitanim sa kanilang buhay ang binhi ng kanilang pagkakaibigan, isang koneksyon na unti-unting lalalim at magbubunga sa paglipas ng panahon. Hindi nila inaakalang hanggang sa pagtungtong ng kabataan ay sila-sila pa rin ang magkakasama, na malakas pa rin ang kapit nila sa isa't isa. Minsan nilang inakalang magkakawatak-watak sila matapos ng ilang panahon, makakakilala ng bagong kaibigan, at unti-unting malilimutan ang isa't isa. Iyon na nga ang nangyari nang mailagay sila sa iba't ibang seksyon. Lumaki sila, nagbago ang mga kagustuhan at ugali, at nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan. Sa huli ay bumagsak pa rin sila sa isa't isa.

Alam ni Chamuel kung gaano katatag ang kanilang pagkakaibigan, ngunit hindi pa rin niya mapigilang mabahala na baka siya ang maging sanhi ng kanilang pagkawatak-watak. Ilang araw na siyang hindi pinapansin ni Raphael. Sinusubukan niya namang kausapin at humingi ng tawad ngunit mas lalo lang itong lumalayo. Hindi niya pa alam ang gagawin dahil iniisip nila Michael na siya ang may sala. Hindi naman sila nagkakamali.

Tinigil na rin niya ang pagbabanda. Nawalan na siya ng gana dahil hindi na parte si Raphael nito. Bukod doon ay naging abala na rin si Vince at Ian sa finals nila. Ganoon din sila, lalong-lalo na si Raphael na tutok na tutok sa pag-aaral. Hindi na niya napagtuonan ng pansin ang mga kaibigan makabawi lang sa bumabang marka noong nakaraang eksaminasyon.

"Wala ba tayong magagawa para sa kanya? Siya yung laging andiyan para sa'tin kapag may problema tayo, ta's kapag siya na ang may pinagdaraaanan, wala tayong magawa," malungkot na sabi ni Muriel. Nakatanaw sila kay Raphael mula sa labas ng silid-aralan. Mag-isa lang ito sa loob at tutok na tutok sa inaaral. Nag-aalala na nga sila dahil baka pati sa bahay, hindi ito kumakain. Kung hindi pa nila binibilhan ng tinapay sa canteen, baka gutom itong pumasok sa susunod na klase.

Napakamot ng batok si Chamuel. "Ganyan talaga siya, e. Sinasarili. Hindi rin nagsasabi. Pero mas mukha namang gumaan ang awra niya ngayon kumpara noon, 'di ba?"

Tumango-tango si Muriel. "Tama ka. Kapag may problema siya noon, ramdam na ramdam mo talagang problemado. Pero ngayon... parang mas umaliwalas ang itsura niya?"

"Wala na raw kasing nanggugulo na Chamuel at Muriel sa buhay niya," singit ni Michael na kanina'y nanahimik lang sa tabi at umiinom ng orange juice niya sa straw.

Palihim na napangiti si Raphael. Kahit nasa labas ng silid-aralan ang mga kaibigan ay rinig na rinig niya pa rin ang mga boses nito. Sa katotohanan, kinailangan lang niyang iwasan ang mga ito hindi lang dahil sa pag-aaral niya, kung hindi para mas mabigyan kontrol ang nararamdaman niya para kay Chamuel. Nanahimik na ang puso niya kahit papaano. Hindi na katulad ng dati na ginugulo ang sistema niya na para bang gustong makawala. Hindi na rin ito bumabagabag sa kaniyang isip na isa rin sa naging dahilan ng pagkababa ng kaniyang grado. Bukod doon, kagaya ng sinabi sa kaniya ng nakausap na binata sa parke, iasa niya ang ibang alalahanin sa Kanya. Nakatulong ito ng lubos sa buhay niya. Gumaan ang loob niya. Tumahimik ang isip niya. Kahit papaano, sigurado siyang magiging maayos din ang lahat.

Unti-unti na niyang tinatanggap ang sarili niya, at ang pagkagusto niya sa kaibigan na kapwa lalaki. Gaya rin ng ipinangako niya sa sarili niya, ibabaon na niya ito sa limot. Hindi magiging madali. Ilang taon pa ang pagdadaanan niya para lang magbunga ang pagsisikap niyang mawala ito. May posibilidad din na kailanman ay hindi ito mawawala. Tanggap na niya. Ang tanging magagawa lang niya ay masaktan nang palihim. Alam naman niyang hindi masusuklian ang damdamin niya.

"Sorry..." Nanatili ang tingin ni Raphael sa sahig. Katatapos lang ng kanilang eksaminasyon. Tinawag niya ang mga kaibigan at sinabing mag-usap sila sa hardin ng paaralan.

Tahimik lang ang tatlo, nagkatinginan dahil sa biglaang paghingi ng tawad ni Raphael. Ang bumasag sa katahimikan ay ang paghalakhak ni Muriel. Lumapit siya kay Raphael at tinapik ang braso nito, nakangiti. "Ano ka ba? Naiintindihan namin kahit hindi ka pa magsabi."

"Kasalanan ni Chamuel, 'no?" paninisi ni Michael at binalingan ng tingin ang kaibigan.

Umiling si Raphael. "Wala siyang kasalanan. Ako pa nga dapat ang humingi ng tawad sa kanya kasi bigla na lang akong umalis sa banda."

"Naiintindihan ko, Raph. Hindi mo naman kailangan akuin ang sala ko. Ako ang may kasalanan," pag-amin ni Chamuel.

Umiling ulit si Raphael. "Hindi. Ako nga—"

Pinutol siya ni Chamuel. "Ako nga! Huwag ka nang makulit!"

Nagkatinginan silang apat ang nagtawanan. Sa isang tingin lang nila ay nawala na ang tensyon sa pagitan nila. Hindi na nakipagtalo si Raphael dahil alam niyang ipagpipilitang akuin ni Chamuel ang kasalanan niya sa mga kaibigan. Ngayong kasama na niya ulit ito, napagtanto niya kung gaano niya namiss makipagtawanan kasama ang mga ito.

Parang kailan lang ay mga bata palang sila sa parke, pinapakilala ang pangalan sa isa't isa. Hindi nila alam na bumubuo na pala sila ng samahang panghabang buhay, kagaya ng samahan ng bawat tala na Kaniyang linikha sa kalawakan. Sama-samang pinagdaraanan ang bawat pagsubok, dinadamayan ang isa't isa sa mga problemang hinaharap, at handang intindihin at tanggapin ang isa't isa sa bawat pagkakataon. Lahat ng tala ay may sari-sariling kwento, bawat isa'y bumubuo ng konstelasyon ng kwento na kahalina-halinang pagmasdan at pakinggan— nagbibigay inspirasyon sa mga mundong saksi sa mga kwentong ito.

★★★

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro