Kabanata XI
"MASAYA pala sa pakiramdam ang tumugtog sa ganitong klaseng concert, 'no? Yung mga audience, sobrang passionate," Halo-halong emosyon ang naramdaman ni Chamuel habang nasa harap ng entablado kanina. Katatapos lang ng kanilang banda. Tatlong kanta, isang sinulat nila at dalawang Kristyanong kanta na napili nilang tugtugin.
Dahan-dahang tumango si Raphael. Audience? Passionate? Ang tanging nakikita lang ng mata niya kanina ay ang matalik niyang kaibigan. Nahihibang na talaga siya. Ganito ba talaga kapag nahulog ka na sa isang tao?
"Uy? Tulala ka riyan? Iniisip mo yung lalaking tumawag sa'yo kanina?" siniko siya ni Chamuel, maloko ang ngisi.
Nagsalubong ang kilay ni Raphael. May tumawag ba sa kanya kanina? Hindi niya napansin. Masyado sigurong nakatuon ang atensyon niya sa kaibigan. "Meron ba?"
"Oo! Cute ka nga raw! Wala naman sinabing pangalan, pero ikaw lang nakablue na t-shirt sa'min!" singit ni Vince, nakangiting nang-aasar.
Kinantyawan pa siya ng dalawa. Umiling na lang siya at hindi sila pinansin. Inayos niya ang mga gamit niya sa isa sulok. Andoon din ang gamit ng kabanda niya. Hindi naman sila mababahalang mawawala ito dahil andoon si Michael para magbantay.
"Labas muna ako. Magpapahangin," Akmang susunod sa kanya si Chamuel nang lumabas na siya at sinaraduhan ito ng pinto.
Sinalubong siya ng malamig na simoy ng hangin. Kalulubog lang ng araw, kasabay ng pagsikat ng buwan sa ibabaw. Maingay ang paligid. Rinig na rinig ang tugutugan ng banda sa entablado at ang mga kabataan nakikisabay dito.
Napagdesisyonan niyang magpakalayo-layo roon at tumungo sa malapit na park. Gumabay sa kanya ang mga street lights na nakahilera sa daan. Mas gusto niya rito. Tahimik. Payapa. Walang manggugulo sa kanya. Wala.
Napatigil siya sa paglalakad. Ilang metro ang layo sa kanya, may natanaw siyang lalaking nagsusuka sa lupa. Pansin na pansin pa ang lalaki dahil nasa ilalim siya ng poste ng street light. Nakatutok sa kanya ang ilaw na parang isang spotlight.
Nag-alinlangan si Raphael kung tutulungan niya ito o lalagpasan lang. Hahayaan na lang sana niya nang tumigil ito sa pagsuka at umangat ang tingin. Nagtama ang mata nila. Napaayos ng tayo ang lalaki. May katangkaran ito, magulo ang buhok pero kita pa rin ang maamong mukha.
"Ayos ka lang, kuya?" si Raphael na ang unang nagsalita. Akmang lalapit na sana siya para tingnan ang kalagayan ng binata nang iharap nito ang isang palad niya para sensyasan siyang tumigil.
"Diyan ka lang. Ayos lang ako," sabi nito. Kinuha nito ang panyo sa bulsa at dinampi sa bibig. Nakasuot ito ng white na t-shirt, may logo ng isang Youth Christ organization. Paniguradong nanggaling din ito sa concert kanina at napanood siyang magperform. Ang ipinagtataka niya lang ay anong ginagawa ng isang binatang galing concert sa park at nagsusuka?
"Sigurado ka? Mukhang hindi ka ata natunawan?" may bakas na ng pag-aalala ang tono ni Raphael. Humakbang siya palapit.
"Teka! Diyan ka nga lang!" pag-uulit ng binata.
Tinaas ni Raphael ang dalawang kamay niya at humakbang paatras.
"'Wag ka ring aalis!" habol pa niya.
Nag-angat ang kilay ni Raphael, t'saka tumango. Ayaw siyang palapitin, pero ayaw ding paalisin? Ano ba talaga ang gusto ng binatang nasa harap niya? Hindi na siya nakipagtalo at nanatili sa kinatatayuan. Nang mapansing may upuan sa malapit, nagpaalam siya sa binata na uupo muna siya roon. Huminga siya ng malalim. Nagyon lang siya nakapagpahinga. Mula pagkagising hanggang kanina, ang pagbabanda ang inatupag niya. Nakakapagod din pala. Ngunit, si Chamuel, napapansin niyang walang bahid ng pagod. Hindi rin nagrereklamo. Nakangiti lang habang nag-eensayo at tumutugtog. Napailing-iling siya. Si Chamuel nanaman.
Pinanood niya ang binata maglakad patungo sa kinauupuan niya. Kinawayan siya nito, nakangiti. "Hi! Ikaw yung gitarista kanina, 'di ba?"
"Nakilala mo ako?" tinuro ni Raphael ang sarili. Kung may mapapansin sa entablado, hindi ba't dapat si Chamuel, Vince, at Ian iyon? Hindi hamak na mas may dating ang presensya nila kaysa sa kanya.
"Oo! Ang cute mo, e,"
Natigilan si Raphael. "Ha?"
"Ha?" Panggagaya sa kanya ng binata.
Marahang natawa si Raphael. Siya? Tinawag na cute ng kapwa niya lalaki? Napailing na lamang siya. Kung hindi siya nagkakamali, may sinabi sa kanya si Chamuel na may sumigaw kanina sa concert at tinawag siyang cute. Lalaki rin. Baka iisa lang ang lalaking iyon at ang lalaking nasa harap niya.
"Umupo ka nga rito. Masama pakiramdam mo pero nakatayo ka pa rin," sabi niya at binalingan ng tingin ang tabi niyang bakante. Sumunod naman ang lalaki. Sumandal ito at tiningala ang langit. Nakaramdam ulit siya ng hilo kaya binaba na niya ang tingin niya. Napalingon siya kay Raphael ng magsalita ito. "Ayos ka na?"
"Nahimasmasan na kahit papaano. Naparami rin kasi ng kain, e," sagot ng binata.
Bumalot ang katahimikan sa pagitan nila. Ang pagsayaw ng mga dahon at huni ng mga kuliglig lang ang tanging naririnig. Isama na rin ang kantahan ng banda at ng mga kabataan hindi kalayuan sa kanila. Mahina na lang ito dahil ilang metro na ang layo nila mula roon. Isa sa dahilan kung bakit hindi gusto ni Raphael na lapitan ang binatang katabi ay dahil inaasahan na niya ang sinaryong ito. Parehas silang walang masabi sa isa't isa.
"Bakit ka pala mag-isa rito? Hindi mo kasama mga kabanda mo?" binasag ng binata ang katahimikan.
"Ando'n pa sila. Iniwan ko muna kasi gusto kong mapag-isa," sagot ni Raphael. Buon akala niya ay magiging mag-isa lang siya sa parke ngayon. Hindi niya inaasahan na sasamahan siya ng isang lalaking hindi niya naman kilala.
"Ah... Ayaw mo ba ako rito? Baka hindi ka makapag-isip-isip kapag andito ako, e," may halong biro ang tono ng binata.
Agad namang umiling si Raphael. "Hindi. Ayos lang. Gusto ko lang talagang... layuan yung isa do'n," pag-amin niya.
"Hmm?" Bahagyang humarap sa kanya ang binata. Pinanood nito kung paano tumingin sa sahig si Raphael, habang pinaglalaruan ang ilang daliri sa kamay. Hindi niya mapigilang tanungin ang sarili kung sino sa kabanda ang gusto nitong layuan. Kung huhulaan niya... "Iyong... Bokalista niyo bang nag-gitara rin?"
Napalingon sa kanya si Raphael. Tumpak. "Paano mo nasabi?"
Humawak siya saglit sa batok. "Medyo nakakahiya aminin pero... nasayo lang kasi mata ko buong performance, kaya napansin ko na nasa kanya lang din yung tingin mo."
Umawang ang labi ni Raphael. Ganoon ba siya kahalata? O sadiyang napansin lang ng binatang nasa harap niya dahil sa kanya lang ito nakatingin? Kahit yung inamin ng binata ay hindi siya makapaniwala. "Bago 'yon... ano bang ginawa ko na nakakuha ng atensyon mo?" tanong niya. Sa lahat ng gigs ng banda nila, madalang lang na may lumapit sa kanya at may makapansin sa kanya, kahit nasa harap na siya at tumutugtog ng gitara. Hindi naman kasi siya ganoon kagaling, hindi rin gano'n kalakas ang dating kumpara sa mga kasama niya.
Kunyaring napaubo ang binata. "Cute ka nga," mahinang sabi nito. "Ta's ano... nakakatuwa kang panooring tumugtog ng gitara. Mukhang passionate ka, hindi dahil sa pagtugtog pero... dahil siguro doon sa bokalista niyo," dagdag pa nito.
Napabuntong-hininga siya. Halata ba talaga siya? Paano kung kagaya ng binatang ito, napapansin na rin ng mga tao sa paligid nila? Hindi bale na. Kahit mapansin pa nila, hinding-hindi makukuha ni Chamuel ang mensahe ng kanyang mga galaw at tingin. Manhind 'yon, e.
"Matalik na kaibigan ko 'yon... Si Chamuel, yung bokalista namin," panimula niya. Bahagyang umakyat ang dulo ng kaniyang labi, iniisip ang kaibigan niya habang nakatanaw sa mga halaman sa parke. Hindi niya namalayan na naikwento na niya ang i-storya nilang dalawa ni Chamuel sa binatang kasama niya, pati na rin ang tinatagong nararamdaman niya para rito. Kung kanina'y nakangiti pa siya, ngayon ay pinipigilan na niya ang pagtulo ng luha niya dahil sa sitwasyon niya ngayon. Nagkagusto siya sa taong hindi dapat. Ang mas mabigat pa niyang kasalanan ay sa kapwa lalaki pa. Hindi naman siya takot mahusgahan ng ibang tao, pero natatakot siya sa magiging reaksyon ng kaniyang mama at mga kaibigan.
Nanatiling tahimik ang binata. Hindi siya sigurado kung bibigyan niya ba ng advice si Raphael, dadamayan sa pinagdaraanan, o subukang pagaanin ang loob nito. Sa huli, hinayaan niya lang na ilabas ni Raphael ang saloobin nito habang siya'y nakikinig sa mga salita nito.
"Rai! Andiyan ka lang pala!"
Sabay silang napatingin sa bagong dating na lalaki. Agad na umiwas ng tingin si Raphael at tumalikod para itago ang namumugtong mata nito. Napansin naman ito ni Rye kaya tumayo na ito at nagpaalam kay Raphael. Sasalubungin na lang niya ang kaibigan para hindi na makalapit sa kanila at mapansin ang pag-iyak nito. Pasimpleng tumango si Raphael, pinupunasan pa rin ang luha. Narinig niya ang mga yapak ng paa na unti-unting humihina, senyales na naglakad na sila paalis.
Sumilip siya saglit para tingnan kung wala na ang dalawa sa paligid. Nang makumpirmang mag-isa na lang siya sa parke, umayos na siya ng upo at napahilamos sa mukha. Ngayon lang siya dinalaw ng hiya. Ang dami niyang kinwento sa isang lalaking wala namang kamalay-malay sa buhay niya. Hindi man lang niya tinanong kung ayos lang magkwento, basta na lang lumabas sa labi niya ang mga salita. Matagal na niya sigurong gustong ilabas ang mga iyon. Habang nagk-kwento siya, ang dami niya ring napagtanto sa sarili at sa paraan ng pakikitungo niya kay Chamuel. Iba nga talaga ang tingin niya rito kumpara sa iba niyang kaibigan.
Dumako ang tingin niya sa covered court kung saan ginanap ang Youth Christ concert. Kumpara kanina na maliwanag ito at punong-puno ng buhay, tumahimik na ito at halos wala nang kailaw-ilawa. Napatagal ang kwentuhan nila ng binata kanina na hindi na niya napansin ang oras. Nagbahagi rin ng kwento ang lalaki kanina, na kung hindi siya nagkakamali ay Rai ang pangalan. Hindi niya inaasahan na habang pabalik sa mga kabanda, may baon siyang kwento ng isang binatang hindi naman ganoon kalapit sa kanya, ngunit ang aral na napulot niya mula rito ay dadalhin niya habang hinaharap ang mga problema niya.
"Alam mo... marami tayong haharapin na problema sa buhay. Mabigat ito. Mararamdaman natin na parang pasan-pasan natin ang mundo. Iisipin natin na hindi natin kakayanin, na hindi natin malalagpasan. Pero... ang hindi natin napapansin ay andiyan ang Diyos para tulungan tayo," ngumiti ito at tinuro ang kalangitan. "Ibigay natin sa kanya ang bahagi ng ating pasanin. Hindi tayo mag-isa dahil andiyan Siya para sa'tin."
"Ito naman... hindi naman gano'n kabigat ang problema ko," natatawang sabi ni Raphael.
Umiling si Rai, nakangiti pa rin. "Kung hindi siya mabigat, hindi ka ganyan kaproblemado ngayon. Dapat, hindi ka binabagabag nito buong magdamag," hinawakan nito ang kamay niya, masinsinan siyang tinignan sa mata. "At isa pa, wala naman sa bigat ng problema 'yan. Iba-iba tayo ng kapasidad na kayang dalhin. Basta't nabibigatan ka na sa dinadala mo, at kung hindi mo kayang sabihin sa ibang tao, walang masama na i-asa sa Diyos ang parte nito para kahit papaano ay gumaan ang pakiramdam mo. Tandaan mo lang na hindi ka nag-iisa, hm? Kaya huwag mo sanang sarilihin ang lahat."
Napatigil siya sa pagmumuni-muni nang marinig niya ang pagtawag ng isang pamilyar na boses. Hindi kalayuan, naaninag niya ang isang pamilyar ng pigura, may bitbit na gitara sa likod. Sa likod nito ay isang babae na may hawak na bag, at isang lalaki na may nakasukbit din na gitara sa likod. Sina Chamuel, Muriel, at Michael, sama-samang naglalakad patungo sa kaniya. Tama. Hindi nga siya nag-iisa. Ngunit, wala siyang planong sabihin sa kanila ang nararamdaman niya para kay Chamuel. Hangga't maaari, ibabaon niya ito sa ilalim ng kaniyang puso, walang niisang makahahalungkat muli nito kailanman.
★★★
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro