Kabanata X
"BIBIDI babidi boo!" Sa paggalaw ng magic wand ng fairy godmother ni Gingerella, sumabog ang kulay blue na confetti sa entablado. Namatay ang ilaw, kasabay ng pagsara ng kurtina. Naiwan ang mga manonood na maghintay sa susunod na eksena.
Sana ganoon lang kadali. Sa totoong buhay, hindi matutupad ang hiling mo sa isang pitik lang ng magic wand, o sa isang pasada na bulalakaw sa kalangitan. Kailangan mong magpurisigi at hintayin ang resulta.
Ilang panahon pa ang hihintayin ni Raphael bago mawala ang nararamdamang hindi naman niya ginusto? Mawawala pa kaya?
Naputol ang pag-iisip niya nang may pumitik sa harap niya. "Tulala ka? Nahulog ka na ata sa gumaganap sa kanila, e. Sino do'n?" nakangising tanong ni Chamuel.
Liningon siya ni Raphael. Bumungad sa kanya ang maamong mukha ni Chamuel at ang ngiti nitong bumubuo ng araw niya. Ilang sentimetro lang ang layo ng mukha nila sa isa't isa kung kaya't hindi nakatakas sa kanya ang amoy ng strawberry shampoo ng kaibigan. Saglit na napatitig si Raphael sa kaibigan, bago umiwas ng tingin.
"Ikaw," sagot niya.
Isa sa mga paraan upang mawala ang nararamdaman mo para sa isang tao ay ang pag-amin sa kanila. Nagbabakasakali si Raphael na gumana iyon kahit hindi niya diretsuhang sabihin.
Humalakhak si Chamuel. "Loko. Anong ako? Seryoso kasi."
Napahawak sa sentinido si Raphael. Seryoso naman siya, e. Problema na ni Chamuel kung hindi siya naniwala.
"Manood ka na lang ng play. Kailangan mo pang i-record mga eksena ni Muriel, 'di ba?" Nagbukas na muli ang kurtina. Nakasuot na ng gown si Gingerella. Katabi niya ang karwahe ipininta at ginupit sa plywood, kasama ang mga kabayo nito. May mga daga rin siyang kasama. Hindi literal na daga, kundi mga taong nakasuot ng daga na costume.
"Buti hindi 'yan role ni Muriel," natatawang sabi ni Michael, nakatakip ang daliri sa labi habang nakasandal ang braso sa harang sa pagitan ng mga upuan. Nanood siya ng play ni Muriel para lang pagtawanan ito. Ngunit, hindi niya magawang matawa sa mga eksena nito dahil maayos ang pagkaarte niya. Saksi sila sa pagpupursigi ni Muriel na magawa ng maayos ang pagganap niya sa play. Ngayon, nakapresenta na sa kanila ang resulta.
Mahabang pasensya ang kailangan ni Raphael sa sarili kung aabangan niyang huminahon ang kaniyang puso sa tuwing kasama si Chamuel– ang resultang inaasam niya. Malabo sa ngayon, lalo na't mas lumalakas ang dating ni Chamuel kapag kumakanta at tumutugtog siya. Ang bagay na nagsimula lang dahil sa isang babae ay naging isang malaking parte na ng buhay nila ngayon.
Nagpadala lang si Raphael sa alon na sinimulan ni Chamuel. Wala siyang balak ituloy ang pagbabanda, ngunit nanatili siya dahil kapalit naman no'n ay makita ang bawat ngiti ng taong gusto niya.
Kailan pa ba ito nagsimula? Iyan lamang ang naitanong ni Raphael sa sarili. Sa pagdaan ng panahon, nahulog na lang siya nang hindi namamalayan. Wala ngang pinipiling oras at tao ang puso. Kung maari, mas pipiliin niyang huwag sa matalik na kaibigan.
"Nagconfess ka sa simbahan?" alinlangang tanong ni Chamuel.
Tumango si Raphael habang binibuklat ang pahina ng kanyang aklat. "Masama ba?"
Bukod sa pari sa kanilang simbahan, hindi na alam ni Raphael kung kanino ilalabas ang kaniyang tinatagong sikreto. Hindi naman siya nagkamali dahil kahit papaano, gumaan ang loob niya.
"'Di naman. Nakakapanibago lang kasi hindi ka naman relihyoso," ngumisi si Chamuel. "Nagbabagong buhay na?"
"Oo. Kaya sana ikaw din," asar ni Raphael. Humarap na siya sa study table niya nang makita ang pahina ng pag-aaralan niya.
Napanguso si Chamuel. "Mabait naman ako, e."
Umangat ang kilay ni Raphael at binalingan ng tingin ang kaibigan. "Kung mabait ka, nag-aaral ka sana ngayon. Pero ano inuna mo? 'Yang pagcompose ng kanta sa crush mong rineject ka na."
"Hoy! Sinong nagsabing para sa kanya 'to?!" angal niya.
"Para kanino pa ba?"
"Malay mo sa'yo," inosenteng ngumisi si Chamuel, tinaas-baba ang kilay.
Naramdaman muli ni Raphael ang pagkabog ng dibdib. Nakakabaliw. Hindi niya kontrolado. Paano kung mahalata ni Chamuel ang pagkabalisa niya? Ang pagkagulo ng kaniyang kalooban? Ang pag-init ng kaniyang mukha? Hindi. Tanga naman 'yan. Tingnan mo nga kung makangiti, akala mo hindi ginulo buhay ko.
"Ewan ko sa'yo. Mag-aaral na ako," Iyon ang balak ni Raphael, ngunit muling humirit si Chamuel.
"Pero pwede tulungan mo muna ako sa kantang 'to? Sa susunod na linggo pa naman ang exams natin, e," Linahad ni Chamuel ang notebook niyang naglalaman ng mga sinulat na kanta. Sa pahina na pinapakita niya, mga ideya sa kantang isusulat ang nakalagay.
"Cham–"
"Sige na. Uwu."
Matagal siyang tinitigan ni Raphael, bahagyang nakaawang ang labi, hindi maipinta ang mukha.
Humalagpak sa tawa si Chamuel. Bumuntong-hininga na lamang si Raphael at tumango. "Sige na nga," Kinuha niya ang notebook kay Chamuel. "Pero pagkatapos nito, mag-aaral tayong dalawa."
Sumaludo si Chamuel, nakangisi. "Opo, master!"
Napailing na lang si Raphael. Dumako ang mata niya sa draft na ginawa ni Chamuel. Buong akala niyang, kantang pag-ibig nanaman ang sinusulat nito, pero hindi. Kung hindi siya nagkakamali... "Kanta ito tungkol sa Diyos?" Kailan pa nahilig si Chamuel doon? Katulad niya, hindi rin ito relihiyoso.
Tumango si Chamuel. "Oo. May gaganapin kasing Youth Christ Concert sa bayan. Pwede raw tumugtog ang mga banda. Pwedeng tumugtog ng kantang sinulat mo tungkol sa Kanya, o hindi kaya mga kanta tungkol sa Kanya," kwento niya. "Pero... mas exciting kasi kapag tayo mismo ang nagsulat ng kanta. Parehas tayong hindi reliyohoso, kaya pwede tayong magsulat ng kanta tungkol doon. At malay mo, mas maging malapit na tayo sa Kanya pagkatapos nito? Nag-guilty na rin kasi ako na naiisip ko lang Siya kapag may kailangan ako, o hindi kaya nung sobra akong nasaktan sa pagreject sa'kin ni Ate Aries."
Tama si Chamuel. Hindi rin nalalayo ang karanasan niya sa matalik na kaibigan. Tinakbuhan niya lang Siya noong kailangan niya ng mapagsasabihan ng damdamin niya. Doon niya lang siya naalala, nung nahihirapan siya sa buhay. Pero nung mga panahong masaya siya? Asan ang Diyos sa kaniyang buhay? Naibaon sa limot dahil hindi naman niya kailangan. At nakakahiya mang aminin, mas naniwala siya sa mga konstelasyon sa langit at dumepende rito, kaysa sa Kanya.
Ilang oras ang kanilang ginugol sa pagsulat ng kanta. Pagsapit ng gabi, natapos na nila ang unang draft ng kanta. Pinauwi agad ni Raphael si Chamuel, nababahala na baka hanapin ulit sa kanya ang kaibigan. Bukod doon, mag-aaral pa siya. Iyon dapat ang gagawin niya, ngunit naramdaman niya ang pagbigat ng kaniyang mata, unti-unting nagsasarado hanggang sa magdilim ang paningin niya.
Sa pagtama ng sikat ng araw sa kaniyang mata, unti-unti siyang dumilat, nakapatong ang ulo sa nakabuklat na aklat sa study table. Napaayos siya ng upo. Halos mahulog ang puso niya sa napagtanto. Hindi siya nakapag-aral. Sa susunod na linggo pa naman ang exams, pero ibig sabihin rin noon ay maraming quiz na ibibigay sa linggong ito. Paano kung bumagsak siya? Yung ranggo niya? Ano nang ipagmamalaki niya sa mama niya?
Habang papasok sa paaralan, hawak niya ang kaniyang notebook, sinasaulo ang bawat pahina nito. Wala siyang pwedeng laktawan. Lahat na nakasulat dito ay may posibilidad na lumabas sa quiz at exams. Kung hindi niya lang inuna ang pagsulat ng kanta, baka nakapag-aral pa siya. Kung idaan ko na lang din kaya ito sa dasal, 'no? Natawa siya sa sarili.
"I-ensayo na natin yung kanta," salubong sa kanya ni Chamuel pagkapasok niya sa silid-aralan.
"Sa susunod na," linagpasan niya ito, hindi pa rin inaalis ang mata sa notebook. Hinarangan ulit siya ni Chamuel, pinatong ang music notebook sa notebook ni Raphael. Umangat ang tingin niya sa kaibigan, nakakunot ang noo. Inosenteng ngisi lang ang sinagot ni Chamuel sa kanya. Nakakainis na ngiti na 'yan, o.
"Mamayang uwian," tipid nitong sagot. Binalik niya ang notebook kay Chamuel bago dumaretso sa kaniyang upuan. Pagkarating talaga kay Chamuel, nahihirapan siyang tumanggi. Dati, iniisip niyang gano'n ang pakikitungo niya sa kaibigan dahil kapatid na ang turing niya rito. Gano'n naman talaga... sa una. Parang tinakwil ko na rin ang samahan namin dahil sa nararamdaman ko.
Bumagabag pa rin sa isip niya iyon buong magdamag. Kung kaya niya lang iwasan ang kaibigan, gagawin niya. Kaso alam niyang malulungkot si Chamuel kapag linayuan niya ito nang wala mang sinasabing dahilan. Masyado na ba siyang nahulog sa matalik na kaibigan na nasasaktan na rin siya kapag nakikita itong nahihirapan? Nakakapangilabot.
Alas-sais ng hapon. Nasa studio sina Raphael kasama ang buong banda. Hindi sumama ang kanilang manager, si Michael, dahil manager-in-name lang talaga siya. Si Muriel ang sumama sa kanilang pag-eensayo. Nagkaroon na ito ng oras para samahan sila sa kanilang tugtugan.
"Ehem," kunyaring umubo si Chamuel. Nasa harap siya ng tatlo niyang kabanda, naka-upo sa sofa sa gilid ng studio. "May i-aannounce pala muna ako."
"Ipapasok mo na ako bilang bokalista?!" Napatakip sa bibig si Muriel, umaktong nagulat.
Umiwas ng tingin si Chamuel. "Uhm... Hindi," sagot nito na kinabusangot naman ni Muriel.
"Magdidisband na tayo?!" si Vince, isa pang OA.
Nanlaki ang mata ni Chamuel. "Hindi! Ano ka ba?!"
"Sabihin mo na nga para wala nang sumisingit," naiinip na sabi ni Raphael. Sa katunayan, gusto na niyang umuwi at mag-aral. Iyon lang ang paraan para matahimik ang utak niyang nagsasabi na mag-aral na siya.
"Magpperform tayo sa Youth Christ Concert!" masayang anunsyo ni Chamuel, itinaas pa ang dalawang kamay, ngiting-ngiti. Nanatili lang ang tingin sa kaniya ng apat. "Tapos, tutugtugin natin yung ginawa naming kanta ni Raph! Pwede pa tayo gumawa bilang grupo dahil 3 kanta naman bawat banda!"
Napangiti si Vince. "Ayos. Hindi pa ako nakakatugtog sa ganyan."
"Yung i-eensayo ba natin ngayon, yung kantang sinulat niyo?" tanong ni Ian.
Tumango si Chamuel at ipinakita sa kanila ang notebook, ngiting-ngiti pa. Parang bata. Ano bang nagustuhan ko dito? Hindi namalayan ni Raphael na bahagyang umangat ang gilid ng kaniyang labi habang pinapanood ang bawat kilos ni Chamuel.
Simula nang aminin niya sa sarili niya ang pilit niyang binabaon, nagbago ng tuluyan ang tingin niya kay Chamuel. Mas napansin niya kung paano siya naapektuhan sa bawat galaw ng kaibigan, ang bawat pintig ng puso niya habang pinagmamasdan ito.
Lalo na kapag nakikita niya itong tumutugtog sa entablado... kasama siya. Ngayon niya lang ulit nakita si Chamuel na mukhang masaya sa kaniyang ginagawa. Abot-tainga ang ngiti nito habang tumutugtog ng gitara at kumakanta, nagniningning ang mga mata. Hindi niya namamalayan na nadadala nanaman siya sa agos ng kaniyang damdamin.
Nakakakiliti sa dibdib. Nakakagulo sa sistema. Ang kantang isinulat nilang dalawa ay tinutugtog na nila ngayon sa entablado— Sa Youth Christ Concert, sa harap ng mga kabataang nagsama-sama para ibahagi ang kanilang pagmamahal sa Kanya.
★★★
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro