Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata VII


"NAGKA-CRUSH na ba kayo?" tanong ni Chamuel habang nakatanaw sa poster ni Michael ng isang member ng rock band. Binaliwala ng mga kaibigan niya iyon, mas piniling pagtuunan ng pansin ang pagtulong kay Michael sa school works.

Ngumuso si Chamuel, salubong ang kilay at yinakap ng mas mahigpit ang unan ni Michael sa kama. Nakaupo siya roon habang pinapanood sina Raphael na turuan si Michael. Hindi siya sumama dahil wala pa siya sa mood para gawin iyon. Ang tanging nasa isip niya lang ay yung narinig nila kanina mula sa mama ni Michael. Sinusubukan niyang ilihis ang atensyon niya roon, kung kaya't kung ano-ano ang mga tinatanong niya sa mga kaibigan.

Ang pagmamahal ay hindi permanente. Hindi naman sa lahat ng oras, ikaw pa rin ang pipiliin ng puso. May pagkakataon na hindi nila kayang panindigan ang kanilang pinangakong pagmamahal, kagaya na lang ng nangyari sa magulang ni Michael. Naiintriga siya, ngunit wala sa lugar kung tatanungin niya ang kaibigan tungkol doon. Parehas lang silang mast-stress. Mas mainam pang magbasa na lang siya ng romance book.

"My Crush is a Renowned Guitarist Who is a Secret Mafia Boss"

Tinitigan niya ang unang pahina ng hawak na libro. Habang science book at inaabala nina Michael, ito ang kanya.

"Paano kaya kung mafia boss yung crush ko? Matatanggap niyo pa ba ako?" tanong niya ulit. Liningon siya ni Raphael. Humablot ito ng unan sa kama ni Michael at hinampas ito sa kanya. Sapul sa mukha. "Raph naman!" Itinaas niya rin ang hawak na unan at hinampas ito sa mukha ni Raphael. Humalakhak si Chamuel nang makitang ang sama ng tingin ni Raphael sa kanya.

"Likot niyo. Pagbuhulin ko kayong dalawa, e," iritang sabi ni Michael sa kanila. Nagpeace sign si Chamuel bago hampasin din sa mukha si Michael. Tumawa si Muriel na katabi niya. "Tch. Umuwi na nga kayo."

"Ay? Nagpaalam na kami sa magulang namin na mags-sleepover kami ngayon," nagmaang-maangan si Muriel, nang-aasar na nakangisi kay Michael.

Irita siyang inirapan nito. "Bahala kayo."

Umayos ng upo si Chamuel. "Pero seryoso nga. Nagkacrush na kayo? Bukod kay Muriel, wala pa talaga akong naririnig sa inyong dalawa," Tukoy niya kay Raphael at Michael.

Hinampas ulit siya ni Raphael ng unan. "Ba't ka ba interesado? Baka ikaw, meron."

Malawak na ngumiti si Chamuel, kumislap ang mga mata. "Buti natanong mo. Meron nga!"

Dahan-dahang binaba ni Raphael ang unan, tila natigilan sa nalaman. Habang si Muriel, biglang napatayo at interesadong tinignan si Chamuel, nasasabik na marinig kung sino iyon. Si Michael, tahimik lang sa gilid pero nais ding malaman kung sino ang malas na babae. Kaya pagkapasok nila kinaumagahan, ang unang pakay nila ay silipin ang mistreyosong babae na ito. Nasa iisang palapag lang ang kanilang silid-aralan at ng hinahangaan ni Chamuel, ngunit nasa kabilang dulo ito dahil mas mataas ang baitang nito kumpara sa kanila.

"Grade 10? Sa tingin mo papatulan ka ng mas matanda sa'yo?" bulong ni Raphael. Nakatayo sila malapit sa silid-aralan ng babae, nakasandal sa railings ng koridor. Pasimple nilang sinusulyapan ang mga lumalabas mula roon, hinuhulaan kung sino ang babaeng tinutukoy ni Chamuel. Kanina pa sila pinagtitinginan, nagmumukhang ewan dahil tinitingnan nila ang bawat mukha na dumaraan na akala mo'y checkpoint sila.

Pinakita ni Chamuel ang kanyang nakakasilaw na ngiti at tinuro ang sarili. "Syempre! Ako pa? Kapag nakita niya mukha ko, I do agad masasabi niya!"

Lumukot ang mukha ni Michael at umiling. "Una na ako. Baka mabato ko pa si Chamuel mula sa third floor kapag gumawa siya ng kalokohan dahil lang sa babae niya," liningon niya si Muriel. "Ikaw? Hindi ka ba magp-practice sa play?"

"Chismis muna. Hehe," sagot ni Muriel. Isang buwan ang oras na inilaan sa kanila para mag-ensayo sa play. Gaganapin ito sa foundation day sa ika-apat na araw ng Pebrero.

Tumango si Michael. Nakakrus ang braso, naglakad na siya paalis at sinuot ang earphones para walang kumausap sa kanya.

May isang babaeng lumabas sa silid-aralan na pinaghihintayan nila. Nakasalamin ito, ngunit kapansin-pansin pa rin ang tinataglay niyang ganda. Mapungay ang kanyang bilugang mata, matangos ang ilong, mapula ang may manipis na labi, at morena. Diretso at makintab ang kulay itim na buhok nito na hanggang bewang, para bang lumabas sa isang shampoo commercial.

Umawang ang labi ni Chamuel habang pinapanood itong maglakad patungo sa kanila. Kumabog ang kaniyang puso. Dug Dug. Dug Dug. Dug Dug. Binilang niya pa ito, mapakalma lang ang sarili.

Tumigil ang babae sa harap nila, bago matamis na ngumiti. "Hi! Grade 9 students kayo, 'di ba? President ako ng klase namin. May maitutulong ba kami sa inyo? Kanina ko pa kasi kayo napapansin na sumusulyap sa classroom namin."

Siniko ni Raphael si Chamuel, inaasahan na siya ang sasagot, pero wala itong sinambit na salita. Binalingan niya ito ng tingin at nakita ang namumulang tenga ng kaibigan.

Dahil wala pang sumasagot, si Muriel na ang nagsalita. "Ay, ate! Yung kaibigan ko kasi—"

"Ang ganda niyo po!" biglang sigaw ni Chamuel. Tumahimik ang paligid. Ang atensyon ng mga estudyante ay napunta sa kanya. Kalaunan, napalitan ito ng kantyawan, inaasar silang dalawa. Iilan doon ay kaklase nila. Ang crush naman niya, may ngiti pa rin sa labi pero nakakunot na ang noo, tila nawirduhan sa inasta ni Chamuel.

Napatakip ng mukha si Raphael. Sising-sisi siya na hindi pa siya sumunod kay Michael nung umalis ito. Gusto niya kasing makita ang babaeng nagustuhan ni Chamuel, pero dapat mas pinahalagahan niya ang dignidad niya. Si Muriel, nakisama sa kantyawan, hinahampas pa ang kanang braso ni Raphael.

"Aries! Ganda mo naman!"

"Nasa mas bata ang true love!"

"Binata na ang Keith namin!"

"Ingat ka Keith, Barrinuevo 'yan!"

Umakyat ang dugo sa mukha ni Chamuel. Ramdam niya ang pag-init nito at ang kaguluhan ng mga paro-paro sa kanyang tiyan. Huli na nang takpan niya ang mukha niya at tumakbo paalis. Nasaksihan na ng lahat ang kahihiyang ginawa niya.

Linipat ni Raphael ang tingin niya sa babae at kay Chamuel. "Sorry," sabi niya sa babae bago sumunod kay Chamuel. Umalis na rin si Muriel, ngunit kumaway muna bilang paalam. Pagkaalis, lumabas ang malakas na tawa sa kaniyang labi, inaalala ang kahihiyan ng kaibigan, pati na rin ang ekspresyon ng babaeng nagugustuhan nito.

Dumeretso si Chamuel sa upuan niya at sinubsob ang mukha sa lamesa. Nakatakip pa rin ang palad niya rito. Inangat ni Michael ang tingin niya, tinaasan sila ng kilay at bahagyang ngumisi. Kahit hindi pa nila nak-kwento, may ideya na siya kung ano ang naganap. Narinig niya rin kanina ang kantyawan ng mga estudyante. Malakas ito kaya nakaabot sa silid-aralan nila.

Buong araw, hindi pa rin nahihimasmasan si Chamuel. Tuwing breaktime, bigla na lang siyang napapatulala sa kawalan, mamumula ang pisngi, at sasampalin ang sarili. Mukha na siyang nahihibang, ngunit sanay na nanaman ang mga kaibigan niya rito kaya hindi na siya masyadong binigyan pansin.

"Maganda ba?" kuryosong tanong ni Michael habang nakatambay sila sa parke malapit sa mga bahay nila. Naka-upo sila sa picnic table na naroon, kumakain sila ng popsicle. Orange flavor ang kaniya, strawberry kay Muriel, chocolate kay Chmuel, at vanilla kay Raphael.

Agad na tumango si Chamuel. Hindi lang isa, kung hindi marami. "Sobra! Kung nakita mo lang, baka naging crush mo rin!"

Umirap si Michael. "H'wag mo akong itulad sa'yo. Hindi ako interesado sa mga ganyan," dumako ang tingin niya kay Raphael, napansin ang pagiging tahimik nito habang kumakain ng popsicle. Hindi naman talaga madaldal si Raphael, pero hindi rin siya ganoon katahimik. "Ikaw, Raph? Nakita mo, ah? Nahulog ka ba?"

Nag-ikbit balikat ito. "Maganda siya ngumiti, parang lumiwanag yung paligid. Kaso hindi naman ako nahulog. Gaya mo, hindi rin talaga ako interesado."

"Tama ka riyan! Parang may dumaan na anghel, alam mo 'yon? Naalala ko rin sa kaniya yung crush ko noon. Sobrang nakagagaan ng loob kapag nakikita mong ngumiti!" pahayag ni Muriel.

Malawak na ngumisi si Chamuel at hinarap si Muriel. "Dumaan na anghel? Siya yung anghel, Muriel! Sa sobrang ganda niya, hindi na ako magtataka kung umamin siya sa'kin at sinabing anghel siya!"

"Kababasa mo 'yan ng romance pocketbook mo. Ta's ano title? My Girlfriend is an Angel Sent by Heaven?" komento ni Raphael sabay kagat sa popsicle.

Lumiwanag ang mata ni Chamuel at binalingan siya ng tingin. "Uy! Paano mo nalaman?! May ganyan nga akong libro!"

"Nakita kong binabasa mo. Ilang buwan na pero iyon pa rin hawak mo. Hindi mo pa rin tapos?" Inalala ni Raphael ang mga pagkakataong nakita niya si Chamuel na binabasa ang librong iyon mula nung tumambay ito sa bahay niya, hanggang sa paaralan, pati nung nagpahinga sila sa pagdidilig ng hardin ay iyon ang binabasa.

"Tapos ko na. Inulit-ulit ka lang. Hindi ko na nga mabilang, e. Memoryado ko na nga rin yung mga nangyari at mga linya nila," pagmamayabang niya. Napatigil siya. "Teka, pwede ko gamitin 'yon sa pagkuha ng loob ni Ate Aries! Pamatayan mga galawan at linyahan nung bidang lalaki roon, e. Paniguradong gagana 'yon!"

Punong-puno ng determinasyon ang puso ni Chamuel. Kahit man nahihiya siyang harapin ang kaniyang crush, hindi niya ito hahayaang maging sagabal sa pagpapakita niya ng kaniyang nararamdaman dito. Kahit pa abutin niya ang mga tala para lang makuha ang puso nito, gagawin niya.

★★★

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro