Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata VI


"TANGGAPIN natin ang tadhanang binigay sa atin ng mga bituin dahil ito ang buhay na inilaan para sa atin. Wala na tayong magagawa pa kung ang nasa kalangitan mismo ang gumawa ng daang tatahakin natin."

Nakahilata si Michael sa higaan, pinakikinggan ang isa sa mga sinesend na bidyo ni Raphael sa group chat nila. Kung may isang bagay man na hindi nagustihan ni Michael kay Raphael, iyon ay ang pagbibigay kahulugan nito sa mga tala. Hindi rito nakasalalay ang direksyon ng buhay niya, kung hindi sa sarili niya. Ngunit, kung totoo ngang ang mga tala ang magdedesisyon, talaga bang nakatadhana nang hindi niya makakausap ang papa niya? O baka naman, hindi pa ngayon ang tamang panahon?

"Paano mo ba masasabi na tamang panahon na para umibig?" Nakatanaw si Chamuel sa bintana, pinagmamasdan ang bughaw na langit at mga ibong lumilipad, habang ang braso ay nakasandal sa pasamano ng bintana sa kanilang silid-aralan.

Lumukot ang mukha ni Michael, pinipigilan ang sarili na itulak si Chamuel sa bintana dahil sa kakornihan ng sinabi. Ganoon din ang naging reaksyon ni Raphael at Muriel.

"Ewan. Pero ito ata yung tamang panahon para tapusin ang pagkakaibigan natin. Wala akong kaibigan na korni," Tumawa sina Muriel sa sinabi ni Michael. Sumang-ayon si Raphael, sinundan pa ito. "Tama. Simula ngayon, kaming tatlo na lang. Hindi namin kailangan ng korni sa grupo."

Hindi maipinta ang reaksyon ni Chamuel. Pinagtaksilan siya ng tatlo niyang kaibigan dahil lang gusto na niyang umibig. "Grabe talaga kayo! Parang walang pinagsamahan, ah? At kung makareact kayo, parang hindi pa kayo nagkakagusto sa kahit na sino!"

Sabay na umiwas ng tingin si Muriel at Raphael. Ang isa, sinimulang laruin ang hawak na script, habang ay isa naman ay napatingin sa mga kuko at kinutkot ang balat sa gilid nito. Sa tanang ng kanilang pagkakaibigan, marami nang hinangaan na gwapong lalaki si Muriel. Habang si Raphael, wala pa ring balak amininin sa kanila kung sino ang napupusuan. Si Michael, hindi interesado sa ganoong bagay. Gusto niyang sabihing studies first, ngunit walang maniniwala sa kanya kapag nakita ang mga marka niya.

Kung andiyan ang papa niya, matuturuan siya nito sa pag-aaral. Iyon ang dati nilang gawain, kaya nakakapasok pa siya noon sa honors. Ngayong umalis ang papa niya, nawala na rin ang kagustuhan niyang magpursigi sa pag-aaral.

"Ikaw, Michael? Hindi ka pa ata nagkakagusto kahit kailan. Sa tingin mo, kailan ang tamang panahon?" Binalingan siya ni Chamuel, nakalahad ang kamao sa harap niya, nagpapanggap na isa itong mikropono. Seryoso pa ang tingin nito sa kanya na akala mo ay isang newsreporter na nag-iinterbyu ng artista.

Tamang panahon. Sino ba ang makakapagsabi kung aling panahon ang tama sa mali? Ang mga tala sa kalangitan? O siya mismo na may kapangyarihang magdesisyon sa buhay niya?

Nag-ikbit balikat si Michael. "Malay ko."

Wala siyang kasiguraduhan. Sa katotohanan, maari niyang kausapin ang papa niya sa telepono, o hindi kaya bigyan ng mensahe sa selpon. Binigay sa kaniya ng papa niya ang contact number nito, ngunit ang tanging ginawa niya lang ay titigan ang papel kung saan ito nakasulat. Pinangunahan siya ng takot. Paano kung hindi pala talaga iyon pagmamay-ari ng papa niya? Paano kung totoo ngang wala nang pakialam sa kaniya ito?

Humigpit ang pagkakahawak niya sa telepono sa kanilang paaralan, ang papel na hawak ay halos malukot na rin. Punong-puno ng boses ng estudyante ang paligid niya, ang mga yapak nito na naririnig niya. Ngunit, ang binigyan pansin niya lang ay ang pagtunog ng telepono, hinihintay na may sumagot sa kabilang linya.

Ngayon. Iyon ang kasagutan niya sa tanong ni Chamuel. Wala nang ibang tamang panahon na kausapin ang papa niya kung hindi ngayon.

"Hello po?"

Nanlamig ang katawan ni Michael. Boses ng batang babae. Linoko lang ba siya ng papa niya? O... Umiling siya. Hindi niya matatanggap iyon. Naniniwala rin siyang hindi iyon magagawa ng papa niya sa kanila.

"Ella? Sino 'yan?" tanong ng isang lalaki, malambing ang boses. Narinig niya ang mga yapak nito palapit, at ang pagkagulo ng tunog na senyales na kinuha nito ang selpon mula sa bata.

Pamilyar sa kanya ang boses. Sobrang pamilyar. Imposibleng hindi niya makabisado ang boses na minsang gano'n din ang tono ng pagsasalita sa kanya, na nagturo sa kanya ng mga paksang hindi niya maunawaan. Tanging iyon lang ang kailangan niya para mabigyan ng sagot ang lahat ng katanungan niya.

Nanginginig ang mga kamay, binaba niya ang telepono. Hindi na niya hinintay pang marinig ang boses ng ama. Huminga siya ng malalim, humuhugot ng lakas ng loob para pigilan ang tuluyang pagbagsak ng mga emosyong kinikimkim niya. Nangingitngit siya sa galit, sa sama ng loob.

"Kaya pala..." tinakpan niya ang kaniyang labi para itago ang malungkot na ngiti. Halo-halong emosyon ang bumugso sa kaniyang puso. Nakakasuka. Ang unang taong tiningala niya, kaya palang gawin iyon. Pinagtaksilan na sila ng mama niya, wala pa siyang kaalam-alam.

Dinala siya ng paa niya sa hardin. Walang katao-tao. Lahat ng estudyante, nagkaklase. Tanging siya lang ang nagkalakas ng loob na hindi sumipot. Wala siya gana para maglakad patungo sa silid-aralan nila. Kailangan niya munang huminga at makapag-isip-isip. Sumandal siya sa katawan ng puno, sumilong sa ilalim ng mga dahon nito. Tirik na tirik ang araw. Ramdam niya ang init ng damo at ng kahoy na sinasandalan niya, pati na rin ang mga mata na nakatanaw sa kanya kung saan.

Pinasadahan niya ng tingin ang ikatlong palapag ng junior high school building, hanggang sa makarating ito sa bandang gitna kung nasaan ang silid-aralan niya. Nagtama ang mata nila ni Raphael, nakatanaw sa kanya mula sa itaas. Lumingon ito saglit sa katabi at tinuro ang direksyon niya. Ilang segundo ang lumipas, lumitaw sa likod niya si Chamuel at si Muriel, nakikisilip. Nang madatnan siya, kumaway si Chamuel sa kanya, kasabay ng pagtama ng eraser sa pisngi niya. Sa kabilang dulo, nakita niya si Ma'am Loreta na patungo sa bintana, kaya agad siyang umusog ng pwesto, doon sa hindi tanaw mula sa itaas. Sermon ang aabutin niya kapag nahuli siya. Sapat na yung natanggap niya sa bahay.

Pagkasimula ng lunch break, dumaretso agad ang tatlo sa hardin para harapin siya. "Ba't hindi mo naman sinabi na tatambay ka rito? E'di sana sinamahan ka namin!" Kung hindi mula kay Ma'am Loreta o sa mama niya, magmumula kay Muriel ang sermon. "O alone time ba gusto mo kaya hindi mo sinabi?"

Irita niya itong tinignan. "Hindi pa ba halata?"

"Galit ka pa, concerned lang naman kami," pabalang na sabi ni Muriel. "Napagalitan pa nga kami kasi—"

Pinutol niya ang sasabihin ni Muriel. "Ba't kasi kayo tumayo at tumingin sa bintana? May klase kayo. Ta's ngayon ako sisihin mo." Kung hindi ba naman tanga, 'no?

Kumawala ng pekeng tawa si Chamuel. "Oo nga naman. Pero no show ka kasi kanina, nag-alala kami. Kaya nung sinabi ni Raph na andito ka, tingin agad kami. Kung wala nga lang ako sa third floor, baka tumalon na ako palabas ng bintana." biro pa nito.

Inalis ni Raphael ang pagkakasabit ng isang bag sa balikat niya at linahad ito kay Michael. "Bag mo nga pala. HIndi pa uwian pero... mukha kasing masama pakiramdam mo."

Saglit siyang tinitigan ni Michael. Hindi niya maaninag ng maayos ang mukha nito dahil sa sikat ng araw, idagdag pa ang ngiti nitong tinalo pa ang araw sa kaliwanagan. Hinablot niya ang bag niya mula rito, bago tumango. Tumayo siya at inayos ang sarili. "Uwi na muna ako."

Ngunit, bago pa siya makaalis, hinawakan ni Muriel ang bag niya para pigilan siya. Liningon niya ito, nakaangat ang kilay. "Ano?"

"Sigurado kang hindi mo kami kailangan?" matamis ang ngiti ni Muriel, tinaas-baba ang kilay.

Suminghal si Michael. "Ano? Magc-cutting kayo? E'di bumaba grade niyo niyan? Ako ayos lang, mababa na naman. E, kayo?"

Umiwas ng tingin ni Raphael. Naisipan niyang sumama at damayan si Michael, ngunit inaalala niya pa rin ang markang makukuha niya. Salungat naman ito kanila Chamuel at Muriel.

"Ayos lang 'yan! Dalawang subject lang naman!" sabi ni Chamuel at naglakad na sa tabi ni Michael, nakangisi.

Umiling si Michael. "H'wag nga kayo. Bumalik na kayo sa klase, madadamay pa kayo sa'kin. At kung sasama kayo, walang mageexcuse kung bakit absent ako."

Sa huli, nasunod ang kagustuhan ni Michael. Lumabas siya ng paaralan, mag-isa. Hindi sa gate, mahuhuli siya ng guwardiya. Inakyat niya ang bakod sa gilid at doon lumabas. Hinayaan niya munang mauna sina Raphael pabalik sa loob dahil baka sundan pa siya. Sila rin ang mapapahamak.

Nagpalit siya ng t-shirt. Mahuhuli siyang tumakas sa klase kapag nanatili siyang naka-uniporme. Kung saan-saan lang siya dinala ng kaniyang paa, hanggang sa makarating siya sa parke na lagi nilang pinagtatambayan mula pagkabata. Kahit dito, marami siyang ala-ala kasama ang papa niya, habang ang mama naman niya ay binabantayan sila sa gilid, nakangiti. Umupo siya sa swing at hinayaan ang sarili na dalhin nito. Pumikit siya at dinama ang simoy ng hangin.

Hindi na maibabalik ang dati. Siguro nga, nakatadhana nang mawasak ang pamilya niya para lang sa pagkabuo at kasiyahan ng ibang pamilya. Nakakagalit.

Nang makarating sa bahay, naabutan niya ang mama niyang naghahanda sa hapagkainan. Halos abutin na siya ng gabi sa parke, nalunod sa dami ng iniisip. Walang imik ang mama niya, kaya ganoon din ang kaniyang ginawa. Naiintindihan na niya kung bakit pinili nitong manahimik.

"Yung mga kaibigan mo, hinihintay ka sa kwarto," malamig ang tono ng mama niya. Napatingin si Michael sa kaniyang pintuan. Sa ibaba nito, may tatlong pares ng sapatos. Kanina, hindi niya ito napansin dahil dire-diretso lang siya patungo sa loob. "Kanina pa sila. Saan ka nanggaling?"

"Diyan lang." tipid niyang sagot.

Hinampas ng mama niya ang palad sa mesa. "Magsabi ka ng totoo. Kinita mo ba ang lalaking 'yon?!"

"Kilala niyo ba si Ella?"

Napatigil ang mama niya bago siya iduro, nanliliksik ang mata. "Nakipagkita ka nga?!"

Yinukom niya ang kaniyang kamao. "'Ma, sagutin niyo ako. Iyon ba ang dahilan kung bakit niya tayo iniwan? Dahil kay Ella?" nanikip ang lalamunan niya. Kumirot ang dibdib, kinikmkim ang kalungkutan at galit.

"H'wag mo na akong tanungin pa! Umakyat ka na sa kwarto mo!" giit ng mama niya, tinuro ang direksyon ng kwarto niya. Sapat na iyon para kumpirmahin ang konklusyon na bumuo sa isip niya. Iyon nga ang dahilan.

Mabibigat ang hakbang niya patungo sa kwarto niya. Pagbukas, sumalubong sa kaniya si Chamuel at Muriel na nakatayo ng matuwid, nakalagay ang dalawang kamay sa likod. Habang si Raphael, naka-upo sa study chair niya at naka-earphones. Pabagsak niyang sinara ang pinto bago ihagis ang sarili sa kama.

Nakahiga siya paharap habang tulala sa kawalan. Hindi niya namalayan, bumugso na ang luha niya mula sa kaniyang mata, nag-uunahan. Bahagyang bumaba ang gilid ng kama niya. Umupo roon si Chamuel, bago humiga sa tabi niya at yinakap. Sumunod naman si Muriel sa kabilang dulo. Si Raphael, linagay sa speaker ang pinakikinggan, MAPA ng SB19. Sa lahat pa talaga ng kanta, ano?

★★★

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro