Kabanata IV
MAALIWALAS ang simoy ng hangin sa hardin ng kanilang paaralan. Ang mga ibon sa kalangitan ay nagliliparan, habang ang mga tala ay unti-unti nang nagpapakita sa paglubog ng araw. Ang buwan naman ay sumisilip, hinihintay ang oras ng kaniyang pagliwanag.
Simula nang ipagkatiwala sa kanila ni Ma'am Loreta ang hardin bilang pasrusa, ginawa na nila itong tambayan tuwing uwian. Napamahal na sila sa mga halamang dinidligan nila rito araw-araw, binibisita at kinakamusta kahit tapos na ang oras ng kanilang parusa. Nakaksalubong pa nila ang Garden Club at mga estudyanteng nagboluntaryo para pangalagaan ito. Iba ang pakiramdam na binbiga ng mga halaman. Pinapagaan nito ang loob mo, nakakalimutan panandalian ang mga bagay na hinaharap. Isa itong pahinga sa magulong mundo.
Kay Michael, paraan niya ito para hindi agad umuwi nang maaga. Pagkatapos nang nangyari kahapon, mas lalo lang nasira ang mood niya. Kahit papaano, naiibsan naman ito habang pinagmamasdan mga dahon sa paligid, kasabay ng pagtagpo ng kahel at asul sa kalangitan. Siya ang may sala. Inaamin niya iyon. Ngunit, ayaw niyang harapin ang problemang ito. Hangga't maaari, gusto niyang takasan, iparamdam sa kanyang mama ang kinahinatnan niya matapos ipagpilitan nitong palayasin ang papa niya sa bahay.
Nagrerebelde siya. Maari pa itong lumala, ngunit pinipigilan niya lang ang sarili niya. Kumakapit pa siya sa kaniyang katinuan, umiiwas sa mga tuksong maging pariwara na lang dahil wala na namang saysay ang kinabukasan niya. Para saan pa? Kung wala na ang papa niyang nagsabing tutulungan siya sa pangarap niyang lumipad sa kalangitan? Ang maging piloto. Lumipad sa itaas, tanging mga ulap, buwan, at tala lamang ang namamataan. Nakakapanghingalay.
Bumaba ang tingin niya sa kaniyang mga kaibigan, nakangiti habang dinidiligan ang bawat halaman, kinakamusta rin ang kalagayan nito. Nakaupo siya sa isang bench, nakalagay sa ilalim ng puno. Nagpapahinga na siya dahil tapos na niya ang parteng didiligan niya. Naging mabilis siya dahil hindi siya kagaya ng tatlo na sobra-sobra ang pagbibigay atensyon sa halaman na akala mo'y anak nila ito. Ginawa niya lang ang kailangan, kung ano ang sapat. Ngunit, bakit sa pag-aaral niya, hindi niya nagawa? Kulang siya, kulang na kulang.
Nawala ang kaniyang mga alalahanin nang biglang may magbasa sa mukha niya ng tubig. Hinilamos niya ang mukha niya. Nang mahimasmasan, matalim niyang linibot ang tingin. Hindi kalayuan, nadatnan niya si Chamuel, tawa nang tawa habang hawak ang isang hose na ginagamit niya pandilig kanina.
Alinlangang ngumiti si Raphael sa gilid, habang si Muriel ang humalagpak na rin sa tawa. Tumayo siya sa kinauupuan at dumaretso kay Chamuel, akmang aagawin ang hose, kaso tinapat lang ulit ito ni Chamuel sa kaniya kaya mas lalo siyang nabasa. Tuamwa na rin si Raphael sa nangyari kahit na sinusuway niya si Chamuel.
Lumambot ang ekspresyon niya at saka napailing. "Lakas ng trip niyo. Kapag ako nagkasakit, kayo ang mag-aalaga sa'kin," dinuro niya isa-isa ang mga kaibigan niya, mas may diin nung tumapat ito kay Chamuel. Inosente itong ngumiti sa kanya na parang walang ginawang kalokohan. Pasimpleng bumaba ang tingin ni Michael sa hose. Hindi na gano'n kahigpit ang hawak dito ni Chamuel. Nang makakuha ng tiyempo, hinablot niya ito at hinarap kay Chamuel. Ngiting tagumpay naman siya nang makitang maligo sa tubig si Chamuel.
"Hoy! Sinabi ko bang maglaro kayo ng tubig?! Mga walang-hiya kayo!" Sabay-sabay silang naglingunan nang marinig ang sigaw ni Ma'am Loreta. Nakasalubong ang kilay nito at nakaduro sa kanila, halos umusok na rin ang tenga dahil sa inis. "Mga kabataan talaga!" dagdag niya pa habang padabog na naglakad patungo sa apat.
Nagkatinginan silang apat. Ngumisi si Chamuel at sinenyasan silang tumakbo pagkabilang ng tatlo. Naestatwa si Raphael sa kinatatayuan, hindi alam kung hihingi ba ng paumanhin o susunod sa tatlo niyang kaibigan. Kapag tinakbuhan nila ito, paniguradong bukas sila sesermonan. Nagmamadaling hinablot nila Michael ang gamit nila at sabay-sabay na tumakbo, nangunguna si Chamuel. Ngunit, natigilan ito nang makitang nakatayo pa rin si Raphael doon. Kinuha ni Michael ang bag ni Raphael, habang si Chamuel ay hinawakan ang palapulsuhan ni Raphael at hinatak siya palayo. Magkahawak silang tumakbo habang hinahabol ni Ma'am Loreta na hinihingal na.
Nang makarating sila sa labas ng gate ng paaralan, sabay-sabay silang tumawa. Basang-basa pa si Michael at Chamuel, kaya ramdam nila ang lamig na bumabalot sa paligid. Halos lumubog na ang araw sa kalangitan, nangingibabaw na ang kadiliman at mga nagniningning na tala.
"Bitawan mo ako." Inagaw ni Raphael ang kamay niya mula kay Chamuel, masama ang tingin dito. "Loko ka. Galit na galit si Ma'am! Nagsorry na lang dapat tayo!" sermon niya. Nanatili ang ngiti sa labi ni Chamuel habang pinupunasan ang sarili gamit ang bimpo. Akmang aalisin niya na rin ang kaniyang polo nang biglang sumigaw si Raphael.
"Hoy! Nasa labas tayo!" Nahampas siya ni Raphael nang wala sa oras, kumakabog ang dibdib dahil sa balak gawin ng kaibigan. "Gusto mo bang mareport?! Loko ka talaga!"
Humalakhak si Muriel. "May CR naman diyan. Do'n na kayo magpalit ni Michael. Panigurado, may extra t-shirt kayo... 'di ba?"
Nagkatinginan ang dalawang magkaibigan na parang naging basang sisiw. Meron nga ba? Binuksan ni Michael ang bag niya. Nanlumo siya nang makitang hindi niya dinala ang extra white t-shirt niya na madalas naman niyang dinadala. Minamalas na ata siya. Hindi kagaya ni Chamuel na nagyayabang na inilabas ang extra t-shirt niya sa bag.
"Syempre, boy scout ako!" ngisi niya at nag-pogi sign pa. Inirapan siya ni Michael. Siya na nga ang biktima, siya pa ang walang pampalit. "Ito, meron pa akong isa," binato sa kanya ni Chamuel ang isa pang t-shirt na agad naman niyang sinalo. "Wala bang thank you?" asar nito.
Suminghal si Michael. "Kapal ng mukha, ah? Ikaw nambasa sa'kin, ta's magpapasalamat pa ako?"
Napahalkhak si Chamuel bago tumungo kay Michael at inakbayan ito. Tinulak agad siya ni Michael palayo dahil hindi komportable sa pakiramdam na basa ka na nga, may isa pang basa na didikit sa'yo. Hindi nagpatinag si Chamuel, at hindi rin sumuko si Michael sa pag-iwas sa pag-akbay nito. Inunahan na niya si Chamuel sa CR, makatakas lang dito. Sumunod naman sa kanya si Chamuel dahil ayaw nitong maiwan mag-isa. Samantala, nanonood lang sa likod sina Raphael at Muriel, natutuwang panoorin ang dalawang magkasalungat ang ugali.
Lumabas sa cubicle si Michael matapos niyang magpalit ng damit. Mabuti na lang, hindi gaanong nabasa ang pantalon niya dahil baka masakal na niya si Chamuel kapag nangyari iyon. Sapat nang t-shirt lang ang nadamay.
Sumunod naman si Chamuel, inaayos pa ang t-shirt at pumoporma sa salamin habang patungo kay Michael. "Ayos ka na?" Binalingan niya ng tingin si Michael sa salamin, binuksan ang gripo at naghugas.
Nagsalubong ang kilay ni Michael. "Hindi. Gusto pa kitang sakalin ng hose."
Nag-echo sa CR ang tawa ni Chamuel. "Sorry na. Para kasing ang dilim ng mood mo. May problema ba? Kung meron, ilibre kita ng orange juice. Zesto pa, yung favorite mo."
Umiling si Michael. "Wala. Madilim lang ang mood, may problema agad?"
Hangga't maari, hindi niya gustong ipaalam sa mga kaibigan niya ang problema niya. Kinakahiya niya ito. Sa kanilang tatlo, siya lang ang halos hindi nakapasa sa exams. Pasimple niya pang tinakpan yung scores niya nung nagpakita sila ng kanila. Si Raphael ang nakakakuha ng pinakamataas na marka, ngunit may isang subject na tinaasan siya ni Muriel– sa MAPEH. Matalino rin naman si Muriel, tamad lang mag-aral kaya nasa gitna ang grado niya. Si Chamuel, pasado kahit ilang puntos na lang bago bumagsak. At siya? Bagsak na bagsak.
"Dahil ba sa exams...?" alinlangang tanong ni Chamuel. Parang hangin lang ang kausap niya dahil wala siyang sagot na natanggap. Marahang tinapik ni Chamuel ang braso niya. "Ayos ang 'yan, bro. Marami pa naman tayong exams sa susunod na mga buwan. Pwede ka pang bumawi!" positibong sabi niya.
Irita siyang tinigan ni Michael. "Wala nga kasi. Assumero." Lumakad na siya palabas ng CR. Naiwan si Chamuel sa loob, nanikip ang dibdib habang pinapanood ang kaibigan na umalis. Kahit alam niyang may mga panahon na gano'n makitungo si Michael sa kanilang tatlo, hindi pa rin siya nasasasanay.
"Una na ako," paalam ni Michael. Linagpasan niya sina Raphael, hindi man lang sila nilingon. Diretso ang lakad niya habang nakasabit ang isang strap ng bag sa kanang balikat. Bumalik sa isip niya ang imahe ni Chamuel, tila nasaktan sa mga salita niya. Binaliwala niya na lang iyon. Madali naman talagang masaktan si Chamuel, kahit sa mga maliit na bagay lang. Lalaking-lalaki ang dating ngunit malambot ang puso. Siya? Hindi niya iiyakan ang mga gano'ng bagay. Yung grades niya, kahit gaano pa siya kaapektado roon, hindi niya iyon iiyakan. Nararapat naman sa kaniya ang nakuha niya. Hindi siya nag-aral ng mabuti, e.
"Michael," Bumungad sa kanya ang tawag ng kanyang mama pagkabukas ng pinto. "Bakit ngayon ka lang? Gabi na. Kaya ang baba ng grades mo, e. Kung saan-saan ka nagpupupunta," sermon nito. Nakaupo ang mama niya sa sofa, nakabukas ang telebisyon ngunit nasa kanya ang atensyon.
Linabanan ni Michael ang kagustuhang umirap. Hahaba lang ang dada ng kanyang mama kapag nahuli siya. Hinayaan niya lang magsalita ito, kahit niisa ay walang pumasok sa tenga niya. Ang tanging naririnig niya lang ay ratatatatatata hanggang sa makapunta siya sa kusina at hinanda ang pagkain niya. Gutom na siya. Kung hindi, baka nanatili pa siya sa paaralan at nakipagkwentuhan sa mga kaibigan. Ubos na ang baon niya kaya wala siyang ibang magagawa kung hindi sa bahay kumain.
"Anong balak mo sa grades mo, ha?" Sinundan siya ng mama niya sa hapagkainan. Wala nang nakikisabay na mga linya sa telenovela sa sermon ng mama niya, kaya mas nahihirapan siyang magpanggap na walang naririnig. "Kung quiz, ayos pa. Pero exam 'yon, Michael. Exam! Hanggang kelan ka ba magiging pariwara?!"
"Kapag bumalik siguro si papa," sagot niya sa kanyang isip.
Ang tanging hiling lang naman niya sa mga tala ay maging buo ulit ang pamilya niya. Kaya't nang gabing iyon, lubos ang pasasalamat niya sa bawat bituin nang mapagtantong tinupad ng mga ito at kaisa-isang hiling niya— kahit panandalian lamang.
★★★
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro