Chapter 20
HER POV (Before leaving the Philippines...)
BUMUNTONGHININGA ako habang pinagmamasdan ang dress na suot ko noong pumunta kami sa beach ni Reo. Napailing na lang ako at tiniklop iyon. Dali-dali kong ipinasok ang dress sa loob ng maleta.
May nadinig akong katok sa pinto ng kwarto. "Anak... may naghahanap sa 'yo. Gusto ka raw niya makausap."
Binuksan ko ang pinto. "Si Reo na naman po ba 'yan? Pakisabi umalis na siya."
Umiling si Mom.
Napakunot naman ang noo ko. Sino kayang gusto pang kumausap sa 'kin bukod sa Reo na 'yun?
Bumaba ako ng hagdan at saka ako natigilan nang makita si Jester. Nakaupo ito sa sofa at nang madinig ang pagbaba ko ay tumingin ito sa akin. Tipid itong ngumiti.
"What brought you here?" tanong ko rito.
"English agad? Di ako nakapag-ready."
Napairap na lang ako sa inis. "Sabihin mo na kung akong kailangan mo dahil hindi ako tulad mo na maraming oras."
Bahagya itong tumawa. Maya-maya ay naging seryoso ang hitsura nito. "Hindi mo naman ako siguro papaalisin, 'no? Si Reo lang naman ang ayaw mo makausap."
"Pero kung tungkol kay Reo ang pag-uusapan natin, pwede ka nang umalis." Tinalikuran ko siya at nagsimula ako sa paglalakad paakyat ng hagdan.
"Hindi ko alam kung bakit hindi mo mapaniwalaan si Reo na mahal ka niya."
Napahinto ako sa paglalakad matapos iyong marinig.
"Sinakripisyo niya ang lahat, buong buhay niya para sa 'yo. Kahit mukha na siyang tanga na naniniwalang buhay ka kahit alam ng lahat na patay ka na, hindi siya sumuko. Hindi pa ba pagmamahal 'yun, Roxy?"
Napangisi ako. "Gusto mong mahalin ko siya dahil may utang na loob ako sa kaniya? Gano'n ba, Jester?"
Umiling naman ang kausap ko. "Hindi mo ba siya mahal? Pwede mong sabihin 'yan kay Reo at maniniwala siya. Pero ako, Roxy, hindi ako naniniwalang wala ka nang nararamdaman para sa kaibigan ko. Alam nating dalawa 'yan."
Napaiwas ako ng tingin at saka napalunok. "Wala kang alam sa nararamdaman ko... hindi mo alam kung ga'no kasakit ang magamit. Hindi mo alam kung gaano kasakit malaman na kaya ka lang pala gusto makasama ng mga tao dahil may mapapala sila sa 'yo. Buong buhay ko 'yun ang pinaranas sa 'kin ng lahat."
"Naniniwala ka talaga kay Maryknoll na kaya ka lang hinanap ni Reo dahil sa mga bangungot niya?" Lalong lumawak ang pagkakangisi ni Jester. "May gusto siya kay Reo kaya gagawin niya ang lahat para mapaghiwalay kayong dalawa."
Hindi ako makaimik. Gusto kong magtakip ng tainga. Ayokong pakinggan kung anong mga sinasabi niya. Tumulo na lamang ang luha ko habang sinasalubong ang pagkakatitig niya.
"Mahal ka ni Reo."
Umiling ako at pinunasan ang mga luha ko. "Sinasabi mo lang 'yan para sa kapakanan ng kaibigan mo."
"Paniwalaan mo kung anong gusto mong paniwalaan. Pero sinasabi ko sa 'yo, hindi kayang magmahal ni Reo pero kinaya niya para sa 'yo."
Naguguluhan akong tumingin sa kaniya. "Anong ibig mong sabihin?"
"Dahil sa mga pinagdaanan niya sa pamilya, pinangako niya sa sarili niyang hindi siya magmamahal kahit anong mangyari. Pero dahil sa 'yo, sinira niya ang pangako niya sa sarili niya. At alam mo ba, kinausap niya 'yung nanay niyang doktor, para ipagamot ka noong nag-aagaw buhay ka sa ospital. Pinangako niya rin sa sarili niyang hindi niya kakausapin ang nanay niya kahit kailan, pero para sa 'yo sumira na naman siya ng pangako. Ginawa niya ang mga iyan dahil mahal ka niya, Roxy."
Napaiwas ako ng tingin. Parang ayokong pakinggan ang mga sinasabi niya dahil nadudurog ang puso ko. Ni hindi ko alam ang tungkol sa mga bagay na iyon.
"Hindi niya noon masabing mahal ka niya dahil natatakot siya... sa mga nangyari sa magulang niya, ang akala ko nga hindi na niya magagawang magmahal. Pero wala, e..." Nagkibit-balikat siya. "...dumating ka sa buhay niya."
Tumulo lamang ang mga luha ko.
"Sinasabi ko 'tong mga 'to hindi dahil kaibigan ko si Reo, pero dahil alam ko ang totoo. At ayaw kong may magsisi sa inyong dalawa dahil hindi niyo pinaglaban 'yung pag-ibig na para sa inyo."
Hindi ako makatingin sa mga mata niya. "Aalis na ako, Jester. Pupunta na akong ibang bansa para doon na manirahan."
Natigilan siya nang marinig iyon.
"Gustuhin ko mang bumalik kay Reo... h-hindi ko magawa. Kailangan kong kalimutan ang lahat ng mga nangyari para gumaling sa mga trauma na dinulot ni Hanz. At magagawa ko lang 'yun kung aalis ako dito at magsisimula ng panibago."
"P-Pero si Reo..."
Napahagulgol ako at napaluhod sa harap ni Jester. "Oo, m-mahal ko pa siya. Mahal na mahal ko pa rin siya! Kahit pilitin ko ang sarili kong magalit sa kaniya, hindi ko magawa dahil mahal na mahal ko siya." Nagsipatakan ang mga luha ko sa sahig. "Pero nakikiusap ako, Jester. H-Huwag mo nang sabihin 'to sa kaniya, dahil ayokong umasa siya na babalik pa kami sa dati. Hindi na 'yun mangyayari dahil hindi ko alam kung makakabalik pa ako ng Pilipinas."
"Hindi mo ba naisip na baka unfair 'to para sa kaniya? Kung nakikita mo lang kung gaano ngayon nahihirapan si Reo."
Tumango ako nang maraming beses habang panay patak ang luha. "A-Alam ko... pero ito lang ang naiisip kong paraan para makalimutan niya na ako agad. Hindi ko na siya makikita pa ulit. At ayokong paasahin siya sa wala, Jester. Please, nagmamakaawa ako, tulungan mo siyang kalimutan ako. P-Please..." Tumingala ako kay Jester.
Napaiwas na lang siya ng tingin habang namamasa ang mga mata.
"Pilitin mo siyang magmahal ng ibang tao. Mas gugustuhin ko pang malaman na masaya siya dito kasama ng iba kesa maging malungkot siya habambuhay sa paghihintay sa 'kin. Deserve ni Reo maging masaya."
--
ISANG oras pa ang hihintayin bago ang flight ko at narito na ako sa airport. Maya-maya ay nakarinig ako ng mga sigawan. Mukhang may nagkakagulo.
"Sir, bawal po kayo rito. Authorized personnel lang po ang pwedeng dumiretso diyan." May sumisigaw na gwardya.
"May hinahanap ako, e. S-Si Roxy! Kailangan ko siyang makausap."
"Lumabas na lang po kayo, sir. Wala na pong ibang pasahero diyan dahil kanina pa po nakalipad ang eroplano."
"H-Hindi! Kailangan ko siyang makita!"
Boses iyon ni Reo. Agad akong tumayo at nagtago sa hindi kalayuan. Sumilip lamang ako sa kanila. Nagpupumilit si Reo kahit hinaharangan na siya ng gwardiya.
"Makinig na lang po kayo, sir, kung ayaw niyo pong makaladkad palabas ng airport."
Kinaladkad si Reo ng mga gwardya habang nagkukumawala pa rin ito. Napatakip ako sa bibig habang pinipigilan ang hagulgol. Gusto kong lumapit sa kaniya pero pinilit ko ang sariling manatili sa kinatatayuan.
"Roxy!"
Ilang beses niyang tinawag ang pangalan ko. At bawat pagtawag niya sa 'kin, para akong tinutusok ng kutsilyo sa dibdib. Hindi ko siya matingnan habang sinisigaw niya ang pangalan ko sa labas ng airport.
Baka hindi ako makapagpigil na lumapit sa kaniya. Naglalaban ang isip at puso ko kung anong dapat kong gawin. Pero pinili kong bumalik na lang sa kaninang kinauupuan.
"Anak... kanina ka pa namin hinahanap ng Daddy mo. Saan ka ba galing?" Natigilan pa si Mom nang mapagmasdan ang mukha ko nang maayos. "Umiiyak ka ba?"
"M-Mommy..." Yumakap ako rito at humagulgol sa balikat nito. "Ayoko pong umalis."
"Pero kailangan, anak. Hindi ka tuluyang papakawalan ng nakaraan kung nandito ka. Patuloy mo lang maaalala ang lahat ng mga nangyari. Kailangan mong makalimot, iyon ang sabi ng doktor, 'di ba?"
Talagang wala na ba akong ibang pagpipilian?
Nang mga oras na iyon...
...ipinangako ko sa sarili kong babalik ako.
Para kay Reo.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro