Chapter 18
AGAD akong tumalon sa tubig para sagipin kung sinuman ang nalulunod. Nahirapan akong makakita sa ilalim ng tubig dahil madilim na. Pero sa pamamagitan ng mga bula ay natagpuan ko rin ang mismong kinaroroonan ng nalulunod.
Agad ko itong niyakap sa likod at dinala sa mababaw na bahagi ng dagat.
"R-Roxy!" Hindi ko maintindihan kung paanong nangyaring napunta siya rito sa dagat. At kung bakit naisipan niyang lumangoy kahit gabi na. "Hindi ka marunong lumangoy! Anong pumasok sa isip mo?!"
Tinulak niya ako nang malakas. "A-Anong ginagawa mo rito? Ba't di mo na lang ako hinayaang malunod?!"
"Nababaliw ka na ba?!" Niyakap ko siya pero agad naman siyang nagkumawala at muli akong tinulak.
Tinalikuran niya ako para umalis na pero pinigilan ko siya.
"Ano bang gusto mong mangyari, Reo? Hayaan mo na lang ako! Umalis ka na!"
Tinitigan ko ang mga mata niya. Nawala ang kinang sa mga iyon. Hindi na niya ako matingnan katulad ng dati. Kasalanan ko ang lahat. Hindi ko naipaliwanag sa kaniya kung anong mga dapat niyang malaman tungkol sa 'kin.
"Bakit 'di mo na lang ako hayaang malunod?! Para mamatay na lang ako! Bakit kasi hindi pa ako natuluyang namatay sa aksidente noon?"
"R-Roxy... huwag mong sabihin 'yan."
Tumulo ang mga luha niya na marahas niyang pinunas. "Ang buong akala ko, totoong hinanap mo 'ko dahil mahal mo talaga ako. Pero sabi nga ni Maryknoll, hindi 'to fairytale. Kailangan kong magising sa katotohanan na oo nga pala, ako nga lang pala ang nagkagusto at nagmahal sa 'ting dalawa."
Umiling ako. "Hinanap kita dahil naniniwala akong buhay ka pa. D-Di ko kayang mawala ka."
Tumawa siya nang malakas. "Gasgas na 'yan, Afable. Wala ka nang maloloko sa mga linyahan mo na 'yan."
"M-Maniwala ka..." Doon na nagsituluan ang mga luha ko. "M-Mahal kita..."
"Mahal mo 'ko dahil kailangan mo 'ko. Tama ako, 'di ba? Hinanap mo 'ko para sa pagkawala ng mga bangungot mo na 'yan! Kaya pala pumayag ka kaagad na tumira sa bahay ko dati, 'yun ay dahil alam mo na may mapapala ka sa 'kin."
Hindi ko alam kung paano ko ipapaliwanag ang sarili ko. Sarado na ang isip niya para sa mga paliwanag.
Kung kanina puro galit ang makikita sa mga mata niya, napalitan iyon ng disappointment at matinding pagkalungkot. Sunod-sunod na nagsipatakan ang mga luha niya. "A-Alam mong ayaw ko sa mga manggagamit, Reo. Pero kagaya ka rin pala nila..."
"Hindi totoo 'yan, Roxy." Niyakap ko muli siya. Pero pilit siyang kumalas mula sa mga braso ko.
"At ang masakit pa, Reo... noong mga panahong kailangan ko ng karamay, nandoon ka kasama ng kapatid ng taong kinamumuhian ko. Hindi ko alam kung anong mararamdaman ko, kingina." Muli, marahas niyang pinunas ang mga luha.
Hindi ako makasagot. Napatungo na lamang ako habang dinidiligan ng mga luha ko ang mga buhangin.
"Galit na galit ako noong araw na 'yun, Reo. Galit ako kay Hanz at mas lalong galit ako sa sitwasyon dahil hindi ko nakuha 'yung hustisya na gusto ko! 'Yung pagkamatay niya... kulang pa 'yun! Kulang na kulang! Dahil ang gusto ko, mabulok siya sa kulungan! Gusto kong makitang nagdudusa siya at nagsisisi sa mga ginawa niya sa 'kin. Galit na galit ako! Gusto ko ng taong masasandalan. Pero nasaan ka? Nandoon ka kay Maryknoll. Out of all people, Reo. 'Yung kapatid pa talaga ni Hanz ang mas pinili mong damayan kesa sa 'kin."
"I'm sorry, Roxy..." Napaiwas ako ng tingin.
"Naiintindihan ko naman 'yung sitwasyon ni Maryknoll. Pinilit kong intindihin kung bakit kailangang nandoon ka kasama niya kesa sa 'kin. Pero ikaw ba, inintindi mo ba 'yung sitwasyon ko? Tumawag ka man lang ba para malaman kung anong kalagayan ko? Hindi, Reo. Ako pa nga ang tumatawag sa 'yo kahit ilang beses mo 'kong hindi sinagot. At noong isang beses na sinagot mo 'yung tawag, si Maryknoll pa ang nasa isip mo at hindi ako! Ngayon mo sabihing mahal mo 'ko, Reo."
"T-Totoong mahal kita, Roxy. At alam ko ring may naging pagkukulang ako sa 'yo. S-Sorry..."
Tumawa nang peke ang kausap ko. "Wala ka man lang ibang sasabihin kundi sorry? Nakakasawa na, e."
"'Yung mga bangungot ko... totoong ikaw ang nakapagpawala n'on. P-Pero..." Napahinto ako dahil sa paghagulgol. "P-Pero hiniling ko sa Diyos noon na kahit hindi na ako gumaling pa, basta mahanap lang kita. Wala akong pake sa bangungot kong 'to dahil buong buhay ko 'tong naranasan at sanay na 'ko. Pero ang 'di ka makita at makasama, Roxy, 'yun ang di ko kaya."
"Sa tingin mo kaya pa kitang paniwalaan?" tanong ni Roxy. "Manggagamit ka, Reo. Nakakasuka ka at wala kang pinagkaiba kay Hanz."
Iniwan niya ako matapos iyon. Ni hindi niya hinayaang pigilin ko siya dahil tuloy-tuloy siyang naglakad. Hindi man lang siya lumingon sa akin.
Naiwan akong panay ang pagluha habang nakaluhod na sa buhanginan.
Unti-unting natakpan ng mga ulap ang liwanag ng buwan. Dumilim ang paligid at bumuhos ang ulan. Gayunpaman, wala akong pakialam. Nanatili lamang ako sa pagkakaluhod.
--
"ANONG nangyari sa 'yo, tol?"
Pagmulat ko ng mga mata ay maliwanag na. Pinagmasdan ko ang paligid at napabalikwas ako ng bangon nang mapagtantong nandito pa rin ako sa beach area. Dito na ako nakatulog.
"J-Jester?"
"Oo, 'tol, ako 'to. Ano bang nangyari sa 'yo? Bakit dito ka natulog? Nakasalubong ko kanina sa Real si Roxy noong pasakay ako ng bangka papunta dito sa Polillo. Ano bang nangyari? Bakit umalis agad 'yun ng Polillo? Ang akala ko magsasabay na kayo pabalik ng Maynila."
Napaiwas ako ng tingin. "Si Roxy..."
"Ano? Mag-breakfast ka nga muna para may energy ka."
"K-Kailangan kong makita si Roxy." Tumayo ako nang bigla-bigla. Hindi ko inalintana ang mga buhangin sa katawan ko, ni hindi ko iyon pinagpag.
"T-Teka, Reo, saan ka pupunta? Lumuwas na si Roxy, for sure sa Maynila ang punta n'on."
Hindi na ako nag-aksaya pa ng oras. Pumunta ako sa port ng Polillo at sumakay sa lantsa. Kailangan kong makausap si Roxy at ipaliwanag sa kaniya lahat-lahat.
Hindi lumipas ang isang oras at bumiyahe na ang lantsa. Sa wakas ay nakaalis na rin ako ng Polillo. Sa oras na babalik ako rito sa Polillo, pinapangako kong magkaayos na kami ni Roxy.
"Kung anuman ang nangyayari sa inyo ni Roxy, lagi mong tatandaan na nandito lang ako, 'tol. Maloko lang ako madalas pero pwede mo 'kong sandalan." Tinapik ni Jester ang mga balikat ko.
Kadarating lang ni Jester sa Polillo pero sinama ko na ulit siya paalis ng isla.
"S-Salamat, Jester."
Ngumiti siya nang hindi labas ang mga ngipin at saka nakipag-fist bump sa 'kin. Matapos iyon ay hindi na kami pareho nagsalita. Natulala na lamang ako habang pinagmamasdan ang kumikinang na karagatan.
Hindi malakas ang alon at sakto lamang para gumewang ang lantsa paminsan-minsan.
Ipinikit ko ang mga mata ko para umidlip, umaasang pagmulat ng mga mata ko ay si Roxy na ang gigising sa akin.
Pero hindi 'yun nangyari dahil wala pang isang oras ay sa bus naman kami sumakay. Ito na talaga ang huling sasakyan ko papuntang Maynila at umaasa akong sa muling pagmulat ng mga mga ko, si Roxy na ang makikita ko.
--
"NANDITO na raw tayo, 'tol." Kinalabit ako ni Jester.
Pupungas-pungas naman akong bumangon at saka bumaba ng bus. Nandito na ulit ako sa maingay at magulong Maynila. Isang taon din ako sa Polillo kaya kahit papaano ay nanibago ako. Maraming ipinagbago magmula nang umalis ako.
Isa na sa mga pagbabagong iyon ay ang tirahan ni Jester. Hindi na pala siya nakatira sa tiyahin niya. May sarili na siyang bahay, ni hindi ko man lang alam dahil abala ako sa paghahanap kay Roxy noon.
Pinapasok niya ako at inalok ng mga pagkain dahil hindi ako kumain buong biyahe. Baka raw kako nagutom ako.
Pero umiling lang ako, tulala pa rin.
"Ano bang gusto mo?" tanong ni Jester.
"Gusto kong makausap si Roxy," agad kong sagot nang blangko ang ekspresyon.
Bumuntonghininga ang kausap ko. "Sige, 'tol, sasamahan kita mamaya sa bahay nila Roxy. Pero kumain ka muna at magpahinga. Pagod ka sa biyahe, e."
Kinuha ko ang pagkaing inaalok ni Jester at walang gana iyong sinubo.
--
"TAO po!" sigaw ni Jester sa tapat ng mansion nila Roxy. "Tao po!"
Pero nakailang tawag na siya ay wala pa ring sumasagot. Pinagpatuloy na lang niya ulit ang pagtawag.
"Sino po sila?" sa wakas ay may sumagot. Boses iyon ng nanay ni Roxy. Pinagbuksan kami nito ng gate. Pero nang makita niya ako ay nagbago ang ekspresyon niya. Animo'y natigilan siya nang makita ako.
"P-Pwede ko po bang makausap si Roxy?" tanong ko.
"W-Wala siya dito, Reo. Bumalik na lang kayo sa ibang ar--"
"Please... saglit lang po, Mrs. Damian." Lumuhod ako sa harap nito. "Saksi po kayo noon kung gaano ko kamahal ang anak niyo. Pagbigyan niyo po ako, please. Kailangan ko siyang makausap."
Napaiwas siya ng tingin. "P-Pasensya na talaga, Reo. Umalis ang anak ko at hindi ko alam kung anong oras pa makakabalik." Sinarahan niya ang gate kahit pa nagpupumilit akong pumasok.
"Roxy! Kausapin mo naman ako, please!" sigaw ko. Halos mapaos ako sa ilang beses na pagtawag sa pangalan niya. "Maniwala ka naman sa 'kin! M-Mahal kita!" Napaluhod ako at napaluha. Humagulgol ako.
Hindi ko na alam kung anong klaseng paliwanag ang pwede kong ibigay kay Roxy.
"Tayo na, Reo. Bumalik na lang tayo sa ibang araw," pag-aaya ni Jester.
Pero umiling ako at hindi nagpatinag. "Lalabas si Roxy. Hindi niya ako hahayaan dito sa labas ng gate nila."
Ilang beses akong inaya ni Jester na umalis na. Pero ilang beses din akong tumanggi at sinabing siya na lang ang umalis. Halos isang oras na akong nakaluhod sa lupa.
Bumabaon ang mga maliliit na bato sa lupa sa tuhod ko.
Lumipas ang dalawang oras. Hindi pa rin ako nagpatinag sa pagluhod. Pinangako ko sa sarili ko na hindi ako aalis hangga't hindi nagpapakita si Roxy. Nawalan na ng pakiramdam ang mga tuhod ko. Pulos dugo na rin ang lupa dahil sa paggasgas ng tuhod ko doon.
Pero hindi ko iyon alintana. Ang importante ay makausap ko si Roxy.
Lumikha ng tunog ang gate na kaharap ko. Natigilan ako at nabuhayan ng pag-asa. Hindi nga ako nagkamali dahil maya-maya ay bumukas ang gate at iniluwa nito si Roxy.
Pumapatak ang mga luha nito habang nakatitig sa akin.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro