Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 15

HINDI magkandaugaga ang mga pulis sa pagresponde. Kaniya-kaniya silang hanap sa kung saan na nagpunta si Hanz. Ni-report kaagad nila sa buong isla na may nakatakas na detainee para hindi ito tuluyang makaluwas at makalayo.

"Bakit niyo naman hinayaang makatakas iyon?! Napakaraming pulis sa istasyon, naisahan pa kayo?!" Halos umusok sa galit ang tatay ni Roxy habang kinakausap ang mga pulis sa presinto.

Wala namang magawa ang mag-ina nito kundi umiyak na lang habang naghihintay ng resulta.

Napabuntonghininga ang pulis na kausap."Matalino 'yung taong 'yun. Hindi rin namin alam kung paano niya nagawang makatakas."

"Trabaho niyong alamin! Nagpapagala-gala na 'yung taong 'yun at anumang oras pwede niyang saktan ang anak ko!"

Si Roxy na ang pumigil sa pagwawala ng tatay niya. "T-Tama na, 'Pa."

Nagtagumpay naman siya sa pagpapakalma sa tatay niya dahil bumuntonghininga na lamang ito at umupo na lang din sa isang tabi.

Samantala, hindi ako mapakali kaya tumayo ako at sumilip sa labas ng istasyon. Hindi pwedeng basta na lamang akong tumunganga dito at maghintay.

"Saan ka pupunta, Reo?" tanong ni Roxy sa akin.

"Kailangang may gawin ako. Hindi ako dapat makampante na malaya ang Hanz na 'yun!" Kinuyom ko ang mga kamao. Hindi ko na talaga kayang magtimpi.

"Pero delikado, Reo!"

Wala siyang nagawa dahil lumabas lang din ako nang walang paglingon man lang sa pinanggalingan. Sinuyod ko ng paningin ang kalsada. Wala namang ibang kahina-hinala. Puro mga sasakyan lamang ang mga naroon. Dumiretso na lang ulit ako sa paglalakad.

Wala akong dalang kahit ano para depensahan ang sarili ko, dala na rin siguro ng galit kaya wala akong takot na sumugod.

May tumatawag sa cellphone ko. Pero hindi ko sinagot. Pinatay ko agad iyon at saka ako nagpalinga-linga sa paligid. Saan ba maaaring pumunta ang isang iyon?

Mas binilisan ko pa ang paglalakad nang may ideyang pumasok sa isip ko. Alam ko na kung saan siya pupuntahan.

--

DUMIRETSO ako sa bahay nila Hanz. Alam kong halang ang kaluluwa ng isang 'yon pero naniniwala akong mahal niya ang pamilya niya. Hindi malabong magpaalam muna siya bago ang lahat.

At tama nga ako dahil pagdating ko ay naroon siya. Nag-eempake siya ng mga damit niya habang umiiyak ang kapatid at nanay niya.

"Anong ginagawa mo rito?" maangas na tanong niya. "Isusumbong mo 'ko sa mga pulis?" nakangisi niyang tanong sa 'kin.

Hindi ako sumagot. Tinitigan ko lamang siya. Ganoon din ang ginawa ko sa nanay niya at sa kapatid niyang si Maryknoll. Palipat-lipat ang paningin ko.

"Ilabas mo ang tapang mo, Reo. Lalaki sa lalaki, labanan mo 'ko." Ibaba niya ang gamit na kaninang hawak at saka siya dahan-dahang lumapit sa akin. "Kung matapang ka, tayong dalawa ang magtutuos at hindi ka magtatawag ng mga pulis."

"Sumuko ka na, Hanz. Harapin mo ang kaso na sinasampa sa 'yo."

Sumuntok siya. Pero inilagan ko lang iyon.

"Kuya! Tama na 'yan!" sigaw ni Maryknoll.

Pero parang bingi ang kuya niya at panay lamang ang sugod sa akin. Hindi nagtagal ay natamaan niya rin ako, hindi ko nailagan ang mabilis niyang pagsuntok.

"Please, kuya. Nagmamakaawa ako. Tama na!"

Lumapit si Maryknoll kay Hanz para pigilan ito. Naging dahilan iyon para mawala ito sa focus at masuntok ko, dahilan para matumba ito sa sahig.

"Reo! Tama na! Sinabi ko nang tumigil na kayo! Walang patutunguhan 'to!" Yakap ni Roxy ang kuya niya na nakahandusay na sa sahig.

Pero ikinagulat ko nang pagbangon ni Hanz ay bumunot ito ng baril sa tagiliran. Itinutok niya iyon sa akin. Wala naman akong nagawa kundi lumayo at itaas ang mga kamay.

"Isang putok ko nito, mabubura ka na sa mundo, Reo. Kung hindi lang dahil sa kapatid ko, matagal na kitang pinatay. Alam mo ba 'yun?! Hindi ko nga alam kung anong nagustuhan ng kapatid ko sa 'yo. Ano din bang nagustuhan ni Roxy sa 'yo?!"

"K-Kuya... hindi mo ipuputok iyan. M-Makinig ka sa 'kin. Hindi mo gugustuhing iputok iyan." Nagsusumamo si Roxy habang lumalapit sa kuya niya.

"Hanz, anak, tama na. Sumuko ka na sa mga pulis. Hindi na tama, anak. Sumuko ka na sa batas." Umiiyak na rin ang nanay ni Hanz habang sinasabi ang mga iyon.

Itinutok lalo ni Hanz sa akin ang baril at mas lalo pa sa aking lumapit. "Hindi! Matagal kong tinrabaho 'to! Matagal kong tinago si Roxy! Tapos guguluhin lang ng lalaking 'to ang lahat?! Nakaplano na ang future namin ni Roxy! Pero ginulo lang nitong Reo na 'to!"

"Sumuko ka na, Hanz," kalmado kong pagsasalita, nakataas pa rin ang mga kamay.

"At sino ka para manduhan ako?! Wala kang karapatan dahil hindi mo alam ang pinagdaanan namin ni Roxy habang natutulog siya. Mahal namin ang isa't isa! Dumating ka lang kaya nagkagulo ang lahat!"

Kalaunan ay narinig namin ang tunog ng pagresponde ng mga pulis. Padating na ang mga ito kaya agad na tumakbo si Hanz habang itinututok pa rin ang baril sa akin.

"Kuya Hanz!" sigaw ni Roxy.

"Nasaan na siya?!" tanong ng pulis. Itinuro ko naman na dumaan ito sa likod ng bahay. Agad silang tumalima, may ibang bumalik sa mga sasakyan para corner-in si Hanz sa kalsada. Ang iba naman ay humabol kay Hanz sa likod ng bahay.

"H-Huwag niyo pong sasaktan ang kuya ko..." Nagmakaawa si Maryknoll sa mga pulis na agresibo sa paghahabol kay Hanz.

"Huwag kang mag-alala. Hindi namin siya sasaktan, hija, kung di naman kinakailangan."

"P-Po? Ibig sabihin, posible pa rin siyang masaktan? Gawin niyo po lahat ng makakaya niyo para mahuli niyo na siya nang walang nasasaktan!" Halos lumuhod ito sa harap ng mga pulis.

Tumango na lang ang mga pulis.

"Tumatakbo na raw po ang suspect sa Del Pilar St. May dala itong armas." Nagsitakbuhan ang iba pang mga pulis palabas ng bahay.

Wala akong nagawa kundi sumunod na lang din. Hindi pwedeng basta maghintay na lang ako sa wala.

Dumiretso ako sa kalsada at nagpalinga-linga. Imposibleng makalayo ang Hanz na 'yun, wala siyang kahit anong sasakyan at maraming pulis na ang naghahabol sa kaniya.

"R-Reo..."

Agad akong lumingon sa likuran ko nang marinig iyon. Laking gulat ko nang makita si Maryknoll, umiiyak habang lumalapit sa akin.

"Anong ginagawa mo rito? Bumalik ka na sa loob."

"S-Sabihin mo sa mga pulis... h-huwag nilang saktan ang kuya ko. Please..." Halos lumuhod ito sa akin. "Pilitin niyong sumuko si Kuya, hindi siya manlalaban kung hindi niyo siya sasaktan. Ipangako mo, Reo. M-Mangako ka na hindi niyo sasaktan si Kuya."

Napaiwas ako ng tingin. "Hindi ko hawak ang sitwasyon ngayon, Maryknoll."

"Mangako ka!"

Tumango na lamang ako kahit alam ko sa sariling wala akong kayang gawin para makontrol ang mga pangyayari. Pilit ko siyang pinapabalik sa kanila pero ayaw niyang makinig. Panay ang sunod niya sa akin.

"Gusto kong makita na hindi niyo sasaktan ang kuya ko! Wala sa usapan natin na may masasaktan!" Tumakbo siya sa kalsada. Todo pigil lang naman ako sa kaniya dahil napakadelikado. Sunod-sunod ang pagpapaputok ng mga pulis ng baril. At kapag minalas kami, maaari kaming tamaan ng ligaw na bala.

"Bumalik ka na sa inyo, Maryknoll. Hindi makakatulong ang ginagawa mo." Hinawakan ko ang braso niya at pilit siyang inakay palayo.

Pero hinila lang niya ang braso. "Hindi! Ayoko! Kailangan kong makausap ang kuya ko! Kapag ako ang nakausap niya, susuko siya!"

Napabuntonghininga ako. Wala na rin akong nagawa nang tumakbo siya at sumugod papunta sa mga pulis na humahabol sa kuya niya.

"Maryknoll!" pagtawag ko.

May tumatawag sa cellphone ko pero hindi ko na 'yun magawang silipin at sagutin. Abala ako sa nangyayari. Kailangan nang mahuli si Hanz!

"Sumuko ka na!" sigaw ng isang pulis habang nakatutok ang baril kay Hanz. Na-corner na ang huli sa isang eskinita. May baril din ito sa kanang kamay at itinututok din sa mga pulis.

"Ibaba mo ang baril mo!"

Pero ayaw makinig ni Hanz. Palipat-lipat nitong itinututok ang baril. Butil-butil na ang pawis sa kaniyang noo na tumutulo hanggang sa leeg at dibdib niya. Hindi ko nga alam kung luha ba o pawis ang tumutulo mula sa mga mata niyang namumula na.

Nalilito na siya.

Hindi niya na alam kung saan itututok ang baril dahil kabi-kabila ay may mga pulis na nakabantay sa bawat galaw niya.

"Sumuko ka na! Hindi pa huli ang lahat para sundin ang batas!"

"Shut up!" sigaw ni Hanz. "S-Shut up! Hindi ko tinrabaho ang lahat para mauwi lang sa wala! Huwag niyo 'kong manduhan!"

Tumutulo man ang mga luha ay kakikitaan pa rin ng galit ang mga mata ni Hanz. Hindi ko maintindihan kung bakit may mga taong katulad niya. At kahit maintindihan ko man siya, hindi pa rin n'on maja-justify ang mga kasamaan niya. Kailangan niyang magbayad sa batas.

"Kuya!" Tumakbo si Maryknoll palapit sa kumpol ng mga pulis. Hindi nito nagawang makalapit sa kuya niya dahil pinigilan siya ng mga pulis. Pero nagkukumawala siya kaya walang nagawa ang isang pulis kundi mahigpit na ikawit ang braso niya sa mga balikat ni Maryknoll. Walang nagawa ang huli kundi magsumigaw at kumawala. Nasasaktan ito, sigurado iyon base sa paghiyaw nito at pagdaing.

"Maryknoll! Huwag niyong saktan ang kapatid ko!" Pinaputok ni Hanz ang baril sa isang pulis. Naalerto naman ang mga kasamahan nito at agad ding binaril si Hanz.

Natamaan ito sa dibdib. Tumulo ang pulang likido roon na para bang isang gripo ng tubig. Kumalat agad ang dugo pababa hanggang sa mga hita ni Hanz.

Nanlaki ang mga mata nito, hindi marahil akalain ang nangyari. Napaluhod agad ito sa lupa at padapang bumagsak sa sahig.

"Kuya!" pagsigaw ni Maryknoll. Buong lakas niya iyong ginawa hanggang sa nawalan siya ng malay.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro