Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 13

NAKATULOG din agad si Roxy matapos ang ilang minuto. Para bang naramdaman nito ang pagdating ko sa ospital kaya't nagising ito mula sa napakahabang pagkakatulog. Pero lumipas na ang isang araw ay hindi na nagising pang muli si Roxy. Hindi naman na iyon mahalaga, ang importante ay alam naming buhay siya at hindi totoong namatay tulad ng sinabi ni Hanz.

"Hindi ako makapaniwala, 'tol. Buhay talaga si Roxy..." Hindi matanggal ang pagkakatitig ni Jester sa kamang kinahihigaan ni Roxy. "Naniniwala na talaga akong malakas ang kutob mo."

Natawa na lang ako. "Loko ka, Jester. Buti nakapunta ka rito sa isla. Paano ang pasok mo?"

"Siyempre, nagpaalam muna ako. May pinagsamahan din naman kami kahit papano nito ni Roxy."

Pinagmasdan ko ang kinahihigaan ni Roxy. Kung anu-ano ang nakakabit sa kaniya, sinong mag-aakala na dito pala siya dinala ni Hanz. Siguro nakatunog siya na may nakakaalam na ng pinagtataguan niya sa bundok, kaya naghanap siya ng panibagong pagtataguan. Hindi ko lubos maisip kung paano niya nagawang gawin 'to.

"Natahimik ka?"

Bumuntonghininga ako. "Masaya lang ako na nahanap ko na si Roxy..."

"Masaya ka ba dahil may gamot na sa mga bangungot mo ngayong nandito na siya ulit?"

Napakunot ang noo ko. "Anong sinasabi mo? Iniisip mo ba na kaya ko siya hinahanap para mawala 'yung mga bangungot ko? Gano'n ba?"

"Reo..."

"Hindi 'to tungkol sa mga bangungot ko, 'tol. Hinanap ko si Roxy dahil alam kong buhay siya. Walang kinalaman ang bangungot ko sa paghahanap ko sa kaniya."

"Mahal mo na ba siya?"

Umiwas ako ng tingin.

"Bakit pag tinatanong kita kung mahal mo siya, hindi ka makasagot? Sa dami ng pinagdaanan mo sa paghahanap sa kaniya, hindi ka pa rin ba sigurado kung anong nararamdaman mo para sa kaniya?"

Napalunok ako. Hindi ko pa rin matingnan si Jester sa mga mata.

"Reo... kumusta?" Nabigla ako sa pagdating ni Maryknoll. May dala itong mga prutas.

"M-Maryknoll... kanina ka pa ba diyan?" tanong ko.

"Ngayon lang. Bakit? Para ka namang nakakita ng multo diyan." Natawa siya. Kapagkuwa'y dumako ang paningin niya sa katabi ko. "May bagong mukha, ah. Sino siya?"

Si Jester na ang nagkusang maglahad ng palad. "Jester nga pala. Best friend ako ni Reo."

Napatango na lang si Maryknoll.

"Ikaw... 'yung kapatid ni Hanz?" curious na tanong ni Jester. Siniko ko pa siya.

"Kilala mo ang kuya ko? Well... sa ginawa niya kay Roxy sigurado akong kilala na siya ng buong bayan. Sana lang hindi magbago 'yung tingin mo sa 'kin kahit nalaman mong kapatid ako ng kriminal." Makahulugan ang naging tingin at ngiti ni Maryknoll bago siya magpaalam.

--

NAGISING kinabukasan si Roxy. Sobrang saya ng mga magulang niya dahil maayos na nilang nakakausap ang anak. Hindi nga lang nila ito pinupuwersa dahil nanghihina pa rin ito.

"R-Reo..." halos pabulong na pagtawag ni Roxy sa akin.

"May kailangan ka ba?"

Dahan-dahang kumurba ang mga labi niya hanggang sa sumilay ang mga ngiti roon. "S-Salamat."

Kumunot ang noo ko. "Para sa'n?"

"A-Alam ko... hindi ka sumuko. H-Hinanap mo ako kahit a-anong mangyari."

Hinaplos ko ang noo niya papunta sa buhok niya. "Shh... hindi mo kailangang magpasalamat sa 'kin."

"M-Magpapagaling ako agad para bumalik tayo sa dati." Halos hindi niya matapos ang pangungusap na iyon. Naghahabol siya ng hininga.

Hinawakan ko ang mga kamay niya. Di maiwasang pumatak ng luha ko nang makita kong dumadaloy din ang mga luha niya sa pisngi. "Shh... huwag kang mag-alala. Magkasama na tayo ngayon. Sisiguraduhin kong babalik ulit tayo sa dati. Pangako 'yan, Roxy."

Nakatulog ulit siya matapos iyon.

--

"MARAHIL ay umalis na ng isla si Hanz. Pero huwag po kayong mag-alala. Ginagawa po namin ang lahat para mahuli ang kriminal na iyon. Hindi biro ang ginawa ng Hanz na 'yun. Sisiguraduhin naming mabibigay namin ang hustisya para kay Roxy Damian."

Nagpasalamat si Mrs. Damian sa mga pulis. Hindi pa rin makampante ang mag-asawa dahil malaya pa ring nakakagala ang Hanz na 'yun. Hindi namin alam kung ano pa ang mga kaya niyang gawin. Sigurado akong hindi siya susuko nang basta-basta lang.

"May mga pulis na pong nakaantabay sa ospital para po sa kaligtasan ng iyong anak. Magpapadala pa po kami ng karagdagang proteksyon kung kinakailangan."

"Maraming salamat po sa inyo."

Nagpaalam na ang mga pulis matapos iyon.

"Natatakot pa rin ako para sa kaligtasan ng anak ko. Hindi ako matatahimik hangga't di pa rin nakakulong ang Hanz na 'yun."

"Huwag po kayong mag-alala, Tita. Hindi po ako aalis sa tabi ni Roxy. Sisiguraduhin ko pong walang sinuman ang makakapanakit sa kaniya."

Agad naman akong niyakap ng matandang babae. "M-Maraming salamat sa iyo. Hindi ko alam kung paano namin mababayaran ang kabutihan mo sa anak namin."

"Hindi niyo po kailangang magbayad. Sapat na po sa akin na nakikita kong ligtas si Roxy."

--

NAGDAAN ang mga araw at patuloy lang ang paggaling ni Roxy. Mas sumisigla siya sa bawat gising niya. Sa ngayon ay malaya na siyang nakakatawa dahil sa mga biro ni Jester. Patuloy ang mga therapy niya. Para kasing napalarisado ang mga binti niya at hindi niya mailakad.

"Promise me, Reo. Kapag nakalabas na ako ng ospital, pupunta tayo sa pinakasikat na lugar dito sa isla."

"Kayo lang?" napapakamot na tanong ni Jester. "Isama niyo naman ako."

Natawa si Roxy dahil doon. "Alam mo ikaw, Jester, 'yung jowa mo ang atupagin mo. We need our alone time din naman ni Reo."

"Correction, single ako ngayon. Sa tagal mong natulog nakadalawa na akong girlfriend."

"Grabe! Chickboy ka kasi!"

Nagtawanan silang dalawa. Samantalang ako, natutulala na lamang nang wala sa oras.

"Alam kong maganda ako, Reo, pero huwag ka namang matulala sa 'kin. Baka matunaw ako niyan."

Napailing ako habang nagpipigil ng ngiti. Hindi pa rin talaga siya nagbabago.

"Maganda ka sa lagay na 'yan? Hindi ka pa nga naliligo." Hindi maawat sa pang-aasar si Jester.

Agad namang binato ni Roxy ng balat ng saging si Jester. "Sobra ka! Hoy, kahit one hundred years akong di maligo maganda pa rin ako!"

Nagtawanan kaming tatlo. At nang huminto ay saka ko nagawang ilabas ang kanina ko pa kinikimkim. "Hindi pa rin ako makapaniwalang kasama na kita."

"Grabe, ilang araw ka na rito tapos di ka pa rin makapaniwala?" natatawang tanong ni Jester. "Gusto mo ba sapakin kita para malaman mo na di 'to panaginip?"

Ngumiwi ako. "Lumayas ka na nga!"

"Gusto mo lang solohin si Roxy, e!" pang-aasar pa ni Jester kahit paalis na ito ng kwarto.

Napailing na lamang ako sa kakulitan ng isang 'yun.

"Ano bang mga na-miss ko habang tulog ako? Kumusta? Siguro kagaya ni Jester, nakarami ka na rin ng girlfriend." Nang-aasar ang tono ni Roxy.

"Wala akong naging girlfriend, Roxy."

Natigilan siya nang sabihin ko iyon. "Sorry, Reo. Dahil sa paghahanap mo sa 'kin, ninakawan kita ng normal na buhay. Tumigil ka nga rin ata sa pag-aaral. Hindi mo naman kailangang gawin 'yun."

"Ginusto ko. At wala akong pinagsisisihan dahil nandito ka na ngayon sa harap ko."

Pumatak ang mga luha ni Roxy. Bumaling siya para yakapin ako kaya't tumalima ako at mahigpit siyang niyakap. Tipong ayaw ko na siyang pakawalan pa.

"Salamat, Reo. Hindi ko alam kung anong bagay ang nagawa ko sa 'yo at nag-sacrifice ka talaga ng buhay mo para sa 'kin."

--

NAGPATULOY ang paggaling ni Roxy at hindi kalaunan ay pinayagan na siyang makalabas ng ospital. Sa sobrang tuwa niya, gusto niya agad tuparin ko ang pinangako ko sa kaniyang bakasyon namin sa pinakasikat na beach dito sa isla. Hindi ko naman na siya natanggihan. 'Yun nga lang, hindi pwedeng kami lang. Kailangan kasama namin ang parents ni Roxy at iba pang guards para masiguro ang kaligtasan namin.

"Na-miss ko 'to! Ang boring sa hospital! Para akong mababaliw do'n." Nagtatakbo si Roxy sa pampang. Tinatangay ng malakas na hangin ang buhok niya. Kapagkuwa'y humarap siya sa akin at ngumiti. "Salamat, Reo."

"Nag-promise ako sa 'yo. Alanganaman na di ko tuparin." Hindi ko rin mapigilan ang pagngiti.

Hindi ko napaghandaan ang biglaan niyang pagtalon para yumakap sa akin. Nanlaki ang mga mata ko lalo pa nang dumagundong ang dibdib ko. 'Yung mga kamay ni Roxy... para akong kinukuryente sa likod ko. Di ko maipaliwanag. Ang alam ko lang, gusto kong magtagal pa ang pagkakayakap namin sa isa't isa.

Pero hindi 'yun natupad dahil kumalas din si Roxy at tumingin sa mga mata ko. Ilang segundo din iyon. Kung hindi lang kami tinawag nila Mrs. Damian ay baka hindi pa rin napuputol ang pagkakatitig namin sa isa't isa.

"Mukhang hinahanap na nila tayo," ako na nagkusang magsalita.

Ngumiti lang si Roxy at nauna na sa paglalakad. Kita ko ang pamumula ng mga pisngi niya.

"Kinikilig ka ba?" pang-aasar ko.

Agad naman siyang umirap. "Ang yabang mo, ha. Tingin mo ba gusto pa rin kita kahit inabot na ng taon bago ako nagising?"

Nagkibit-balikat ako. "Depende."

"Depende?"

"Depende kung may lalaking dumalaw sa panaginip mo at siya na ang nagustuhan mo."

Malakas na tumawa si Roxy, may kasama pang hampas sa braso ko. "Palabiro ka na ngayon, ha. Samantalang dati ang sungit-sungit mo pa sa 'kin."

"Dahil hindi pa naman kita gusto n'on."

"So ngayon gusto mo na 'ko?" nang-aasar na tanong ni Roxy.

"You're still doubting? Sa lahat ng pinagdaanan ko para hanapin ka?" natatawa kong pagbabalik ng tanong.

"Stop it, Afable. Hindi ako sanay na gan'to ka!" Pinalo niya ang braso ko habang nagtatawa at namumula ang mukha.

Natawa na lamang kami pareho.

--

INABOT na kami ng gabi sa beach resort. Balak pa sana ni Roxy mag-swimming kanina kaso di siya pinayagan dahil mapapagod daw siya masiyado. Nagtampisaw na lang kaming dalawa sa pampang na hinahampas ng mga alon. Kahit nga ganoon lang ang ginawa namin, nanghina pa rin si Roxy at kinailangan niyang magpahinga.

At ngayon ngang gabi pagkatapos naming kumain ay pinagmasdan na lang muna namin ang mga bituin.

"Naalala mo noong gabing sinabi ko na gusto kong maging bituin?" tanong ni Roxy sa akin.

Napatitig ako sa kaniya kaya nagkasalubong ang paningin namin. Lumungkot ang mga mata niya.

"Nakipagkita noon si Hanz sa akin. Pumayag ako dahil sabi ko tatapusin ko na lahat ng mayroon kami. Gusto ko na talagang makawala sa kaniya. Pero sinira niya lang ang tiwala ko... ganoon naman ang lagi niyang ginagawa. Palagi na lang niyang sinisira ang tiwala ko. Iyon ang ayaw na ayaw ko sa lahat, e. 'Yung mga taong manloloko at mga taong manggagamit." Pumatak ang mga luha niya na agad niyang pinunasan. "Nakipag-break ako sa kaniya noon dahil wala siyang ibang ginawa kundi gamitin ako for his own good. Hindi talaga niya ako minahal, kinailangan niya lang ako. At ayoko ng gano'n. Ayoko na ginagamit niya lang ang pangalan ng pamilya ko para sa mga kliyente niya at trabaho niya. Kaya noong nakipag-break ako, takot na takot siya para sa career niya. Dahil alam niyang hindi na niya ako pwedeng magamit pa. Ayoko talaga sa mga taong manggagamit." Idiniin niya ang huling pangungusap.

Niyakap ko siya at pinatahan. "I promise, Roxy. Hindi kita sasaktan tulad ng ginawa sa 'yo ni Hanz."

"Roxy! Reo!" dinig naming sunod-sunod na pagtawag nila Mrs. Damian sa loob ng cottage. Agad kaming tumalima at pumanhik papunta rito.

"Bakit po?" agad kong tanong. Si Roxy ay naguguluhan din.

"Nadakip na ng kapulisan si Hanz!"

Napatakip sa bibig niya si Roxy habang pumapatak ang mga luha niya. "Thank God!"

Agad akong napayakap kay Roxy. "Ligtas ka na. Wala nang taong magtatangka pang manakit sa 'yo. Sisiguraduhin ko iyon. Hindi ako papayag, Roxy." Ibinulong ko sa kaniya iyon.

"I love you, Reo."

Nagkatitigan kaming dalawa. Pero hindi na ako nagdalawang-isip pa sa pagsagot sa kaniya. "I love you too, Roxy."

Ngayon, siguradong-sigurado na ako sa nararamdaman ko sa kaniya. Wala nang pwedeng humadlang pa sa amin. 

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro