Chapter 08
NAPAKAHABA ng oras pero hindi ko sinubukang matulog, natatakot ako. Baka managinip ako sa gitna ng biyahe at mawirduhan sa akin ang ilang mga pasahero. Kaya kahit inaantok ay pinanatili kong mulat ang mga mata. Inabala ko na lamang ang sarili sa paggamit ng cellphone.
Napatitig ako sa numero ni Roxy. Bumuntonghininga ako at saka sinubukang tawagan iyon. Kahit pa alam kong walang sasagot doon ay ginawa ko pa rin. Sinasabi ng puso ko na gawin iyon, naniniwala pa rin ito na sasagutin ni Roxy ang mga tawag ko.
Alam kong buhay siya, hindi pwedeng mamatay siya nang ganoon na lang. Wala akong nakitang katawan niya kaya't hindi ako maniniwala.
Ilang beses kong sinubukang tawagan siya pero ilang beses din akong bumuntonghininga nang walang mapala. Hindi raw ma-reach ng network ang cellphone number ng tinatawagan ko.
Ilang oras pa ang hinintay ko bago tumigil ang bus na sinasakyan kasama rin ang iba pang mga pasahero.
"Nasa Real, Quezon na po tayo," anunsyo ng konduktor. Tiningnan ko naman ang map sa internet at medyo malayo pa ang Polillo. Sasakay pa ng bangka nang halos dalawang oras.
Kinuha ko ang mga gamit ko at dahan-dahang bumaba sa bus. Umupo ako sa waiting shed doon at naghintay ng ilang minuto bago ako pumila sa pagbili ng ticket sa bangka. Isang oras din ang lumipas bago ako nakasakay ng bangka. Gayunpaman ay hindi pa rin ito umandar.
Tumingin ako sa orasan ko at nabuntonghininga nang makitang alas kwatro na ng umaga. Hindi pa ako natutulog. Siguro babawi na lamang ako ng pagtulog pag nasa Polillo na ako. Ayokong magmukhang wirdo dito sa harap ng ibang pasahero kapag inatake ako ng bangungot.
May nakita akong babaeng panay linga. Maputi rin ito at kung titingnan ay mukhang turista. Napansin kong wala nang ibang available na upuan kaya inayos ko ang bagahe ko sa upuan. "Miss, dito ka na."
Nanlaki ang mga mata ng babae nang tawagin ko ngunit kapagkuwa'y humupa rin at binigyan ako ng matamis na ngiti. "Salamat."
Ngumiti rin ako rito at saka muli nang pinagtuunan ng pansin ang cellphone.
"Naglayas ka sa inyo?" tanong ng babae.
Napakunot naman ang noo ko nang marinig iyon. "Paano mo naman nasabi?"
Tumawa ito na siyang nagpakunot ng noo ko. "Itinatanong ko nga. At saka ang lungkot kasi ng mga mata mo. Mukha ka talagang lumayas... o baka naman pinalayas?"
Umiling ako at saka umiwas ng tingin. "May kikitain akong tao sa Polillo. Ikaw, turista ka 'no?"
Muling tumawa ang babae na siyang ipinagtaka ko. "Taga-Polillo talaga ako, nag-aaral lang ako ng college sa Maynila pero taga-Polillo ako."
Tumango ako. "Mukha ka kasing turista."
"Hindi 'no. By the way, sino ba iyang kikitain mo? Hindi naman gaanong malaki ang Polillo, malay mo kilala ko pala."
"Isa siyang Damian."
Hinawakan ng kausap ko ang baba at animo'y nag-isip ng malalim. Kapagkuwa'y umiling ito at mapagpaumanhing tumingin sa akin. "Hindi ko kilala, e. Pero parang pamilyar. Huwag kang mag-alala, pagdating natin sa Polillo, ipagtatanong natin baka may kilalang Damian ang mga kakilala ko."
Tumango na lamang ako at saka nagpasalamat dito. Hindi na ito nagsalita pa at nang tingnan ko ay tulog na. Gusto ko ring umidlip pero hindi ko ginawa sa takot na baka managinip na naman nang masama. Ilang buwan ko na namang ininda ang pananaginip ng masama dahil wala na si Roxy sa tabi ko para pakalmahin ako.
Hindi ko alam kung anong hiwaga ang naroon at si Roxy lang ang kaisa-isang tao na kayang patigilin ang pag-atake ng masasama kong panaginip.
Lumiwanag na sa labas ng bangka at pinaandar na rin ito sa wakas. Napatingin ako sa orasan ko at nakitang alas singko na ng umaga. Isang oras na pala ang nakalipas ulit mula nang sumakay ako rito sa bangkang ito. Ngayon ay maghihintay pa ako ng dalawang oras para sa pag-pondo ng bangka sa port ng Polillo.
Binuksan ko ang bag ko at kinuha doon ang dalawang picture frame. Niyakap ko ang mga ito habang inaabala ang sarili sa panonood ng mga malalaking alon.
Bumubula ang tubig-dagat sa pagtama ng ibabang parte ng bangka. Asul na asul ang kulay nito at nakakamanghang pagmasdan mula rito sa pwesto ko. Ilang minuto pa ang lumipas at lumaki nang lumaki ang mga alon. Hindi ko maiwasang mahilo dahil sa paggewang ng bangka.
"Kuya, pwede bang palit tayo ng pwesto? Gusto ko kasi sa may bintana. Nasusuka kasi ako."
Ikinagulat ko ang tanong na iyon ng katabi. Agad naman akong tumayo at nakipag-palit sa kaniya. Medyo nahirapan pa kaming dalawa sa pagkilos dahil sa paggewang nang sobra ng sinasakyan naming bangka.
Agad na idinungaw ng babae ang ulo sa bintana ng bangka. Dinig kong dumuwal siya. Inalalayan ko naman siya at marahang hinagod ang bandang likuran.
Nang matapos siyang sumuka ay nginitian niya ako pero hindi ko siya matingnan nang maayos dahil anumang oras ay masusuka na rin ako. Mabuti naman at napigilan ko.
"Kuya, sino po bang kikitain ninyo? Kaanu-ano niyo po siya?"
Napabaling ako sa babae na tulalang itinanong iyon. Nahihilo pa rin ata siya at balak lamang i-distract ang sarili sa nararamdaman sa pamamagitan ng pagtatanong sa akin. "Kinu-kuya mo ako, ilang taon ka na ba? Baka magkasing-edad lang tayo."
"Twenty years old ako, kuya."
"Oh, same age lang pala tayo, eh. Huwag mo na akong i-kuya pa," agad kong sambit.
Tipid naman niya akong nginitian saka siya nagsalita. "Kung hindi kuya ang itatawag ko sa inyo, ano pala? Ano ba ang pangalan mo?"
"Rey, tawagin mo na lang akong Rey." Ewan ko kung bakit iyon ang sinabi kong pangalan. Siguro dahil alam ko namang hindi ako magtatagal sa Polillo at maghihiwalay din kami nitong babae oras na makarating kami sa isla.
"Ako po si Maryknoll, Maryknoll Delgado po." Nakipagkamay ito sa akin na siya ko namang tinanggap.
Nagsalubong ang mga kilay ko nang may maalala sa pangalan niya, partikular na sa apelyido. Kapagkuwa'y umiling na lamang ako at hindi na inisip pa ang taong iyon.
Nakatulog ulit si Maryknoll kaya wala akong nagawa kundi abalahin at libangin ang sarili sa panonood ng medyo kalmado nang mga alon. Humupa na rin ang sobra-sobrang paggewang ng bangka naming sinasakyan.
Nagpalinga-linga ako sa ibang pasahero. Kokonti lamang ang mga gising tulad ko. Halos lahat ay tulog na. Tumingin ako sa orasan ko at nakita kong alas-sais na ng umaga. Ang bilis lang ng oras. Kahit pa inaantok ay pinanatili kong mulat pa rin ang mga mata. Naisip kong kaunti na lamang at makakarating na ako sa Polillo. Kaunti na lamang at mahahanap ko na si Roxy.
Naglaro na lamang ako ng kung anu-anong makita kong application sa cellphone ko para libangin ang sarili. Mabilis na dumaan ang mga minuto habang ako ay panay paglilibang sa telepono. Pagtingin ko sa orasan ay 6:30 na ng umaga. Nakikita ko na rin sa labas ng bintana ang berdeng isla. Malapit na kami sa Polillo.
Sa sobrang sabik ay hindi ko sinasadyang matapik si Maryknoll na mukhang antok pa rin. Tinawanan lamang niya ako nang makita ang itsura ko. "Ang ganda 'no? Ganiyan kaganda ang isla namin. Hindi mo pagsisisihan ang pagpunta rito. Gusto mo samahan pa kita sa paggagala eh, tamang tama at nagbabakasyon din ako dahil sembreak namin. Ano, okay ka ba roon, Rey?"
"H-Ha?" tanong ko. Hindi ko kasi masiyadong narinig ang mga sinasabi niya. Isa pa ay abala ako sa pagmamasid ng natatanaw nang isla. Hindi ko maiwasang mapanganga sa ganda ng nakikita. Napakaganda ng berde na kabundukan na makikita mula rito, ilang kilometro mula sa mismong isla.
"Kung magpapasama ka kako sa paggagala sa buong isla. Mukha lang maliit ang isla ng Polillo pero kapag nandiyan ka na, sobrang lawak pala na hindi kakayanin ng isang araw para malibot mo lahat."
Wala akong nagawa kundi tumango. Wala ako sa wisyong mag-isip ng kung anu-ano. Panay lamang ang pagpigil ko ng hininga sa nakikitang isla na palapit na nang palapit sa bangkang sinasakyan namin.
Malakas na pagtunog o sirena ang narinig mula sa bangkang sinasakyan ko. Lumiko ito at itinapat ang harapan sa port ng Polillo Island. Nakakatuwa ang mga taong maliliit sa paningin ko dahil sa distansya nila mula sa bangka. Hindi nagtagal at pumondo na rin ang bangka. Tiningnan ko ang orasan at nakitang alas siyete na ng umaga.
Dali-daling tumayo si Maryknoll habang hawak ang camera niya. May sinasabi siya na hindi ko maintindihan pero sa tingin ko ay parang nagba-vlog siya. Napailing na lang ako dahil nakakatuwa ang hitsura niya habang kausap ang sariling camera.
Pumila na kami para sa pagbaba ng bangka. Kaniya-kaniyang siksikan ang mga tao at mukhang nagmamadali. Ako naman ay dahan-dahan lang ang paglalakad. Nasa unahan ko si Maryknoll na panay pa rin ang kausap sa camera.
Nang saktong nakatawid na kami sa kahoy na tulay papunta sa port ay may biglang tumulak sa akin dahilan para maitulak ko rin ang nasa unahan ko.
"Ang camera ko!" hiyaw ni Maryknoll.
Nanlaki ang mga mata ko habang tinitingnan ang sira na niyang camera na nasa sahig. Agad kong pinulot iyon at saka ako humingi ng paumanhin. Inabot ko iyon sa kaniya habang siya ay masama ang pagkakatingin sa akin. "Sorry talaga, Maryknoll."
"Hindi, okay lang. Hindi mo sinasadya, 'di ba?" Pilit ako nitong nginitian na siyang nagpakonsensya sa akin.
"Ako na ang bahala sa pagpapa-ayos ng camera mo, hindi ko talaga sinasadya. May bigla kasing tumulak sa akin kanina."
Umirap na lamang si Maryknoll at saka may tinawagan. "Yes, Kuya. Narito na ako, actually may kasama ako. Ano? Isama ko siya? Hays, sige na nga."
"Sorry." Ngumiti ako at naglabas ng peace sign na siyang nagpairap sa kaharap ko.
"Sasakay tayo ng traysikel, ang sabi ni Kuya sumama ka raw papunta sa bahay."
Nanlaki ang mga mata ko. "H-Ha? Bakit daw? Huwag mong sabihing sinumbong mo ako sa kuya mo? Hindi ko naman kayo tatakasan, babayaran ko iyang nasira mong camera."
"Gagi, hindi! Gusto niya lang personal na magpasalamat dahil binantayan at inintindi mo raw ako sa biyahe."
"Ah, iyon ba? Wala 'yun. Sabihin mo walang anuman, kailangan ko na kasing umalis dahil nagmamadali ako." Akma na sana akong maglalakad paalis pero hinawakan niya ako sa kwelyo.
"Nasira mo ang camera ko, 'di ba?"
Wala akong nagawa kundi sumama sa kaniya sa pagsakay ng traysikel. Hawak pa rin niya ang kwelyo ko na animo'y tatakas ako. Traysikel na de-padyak o habal-habal ang sinakyan namin. Sa ganitong paraan ay mas mabagal kong napapagmasdan ang paligid.
May arko kaming dinaanan na may ibon sa taas. Sementado iyon at kapag dadaan ka sa ibaba at titingala ay makakita ka ng painting. Napaawang na naman ang labi ko sa napagmasdan.
"Tariktik ang tawag namin diyan. Ibon ang Tariktik at endemic iyon dito sa isla ng Polillo."
Napatango na lamang ako at saka inalis ang kamay niya sa kwelyo ko. Nagtagumpay naman ako at agad na inayos ang gusot nang kwelyo.
"Iyan namang nasa kanan mo ang simbahan, siyempre. At ito naman ang plaza." Itinuro niya ang court na may mga naglalaro pa yata ng basketball. Sa parteng ito ay mukhang industriyalisado. Hindi tulad ng inaasahan kong isla na puro puno lamang.
Lumiko kami sa daang kaharap ng sinabi ni Maryknoll na munisipyo. "Sa Atulayan mo po kami ibaba."
"Atulayan?" tanong ko.
"Baranggay iyon kung saan kami nakatira. Medyo malapit lang iyon dito kaya huwag ka nang mainip pa."
Tumango na lamang ako. Mukhang tama naman ang sinabi ni Maryknoll dahil makalipas ng ilang minuto ay huminto rin ang sinasakyan naming traysikel sa mataas na bahay.
Nagbayad si Maryknoll sa drayber, ganun din ang ginawa ko. Agad na may sumalubong sa amin nang makababa kami ng sasakyan. Kinuha ko ang pareho naming gamit ni Maryknoll para hindi na siya mabigatan pa. Mukhang abala rin siya sa pakikipag-usap sa nanay yata niya kaya ako na ang nag-abalang magbuhat ng mga bagahe niya.
"Magandang umaga po, Mrs. Delgado." Nagmano ako sa babaeng medyo may edad na pero bakas pa rin ang kagandahan lalo na kapag ngumingiti ito.
"Magandang umaga rin naman, hijo. Siya na ba ang boyfriend mo? Huwag kang tatanggi dahil kung hindi ay papaligawan na kita kay Dante diyan sa kanto. Alam mo namang gustong-gusto ko ang batang iyon para sa'yo."
"'Ma! Hindi namin gusto ni Dante ang isa't isa. Mahiya ka naman doon sa tao at lagi mong dinidiga sa akin."
Nagpamewang ang ina ni Maryknoll saka kami salitang tiningnan ng anak niya. "So hindi mo nga siya boyfriend?" Itinuro ako nito.
"Boyfriend ko po."
Nanlaki ang mga mata ko at agad na binalingan si Maryknoll. Anong sinasabi ng isang 'to? Balak ko pa sanang kumontra pero pinanlakihan lang ako ng mata ni Maryknoll at itinuro ang nasa bag niyang sirang camera.
Wala akong nagawa kundi bumuntonghininga habang hindi makaimik. Na-blackmail ako. At ano ang naisipan niya para ipakilala ako bilang boyfriend niya? Tss.
"Kung gayon ay ihanda na ang pagkakatay ng baboy, ikakasal na ang anak ko." Tumawa si Mrs. Delgado saka ako hinaplos sa buhok. Pumasok na kami ni Maryknoll sa loob ng bahay. Agad naman akong pinaupo ni Mrs. Delgado sa sofa nila. Pinainom niya ako ng ininit dahil nahilo raw ako sa biyahe.
Sa labas ng bahay ay biglang dumagundong ang tunog ng motorsiklo. Agad na tumakbo palabas si Maryknoll. "Kuya!"
Napatingin ako sa tinawag niyang kuya. Bumaba ito sa motorsiklo at dahan-dahang tinanggal ang helmet. Nagsalubong naman ang mga kilay ko nang makilala kung sino iyon.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro