Chapter 04
tw : suicide
~•~
ANG MALAKAS na sikat ng araw ang naging dahilan para imulat ko ang aking mga mata. Ilang beses kong kinusot ang mga iyon ko bago ko mapagtanto ang kalagayan.
Nakahiga ako ngayon sa sofa at katabi si...
"Roxy..." marahan kong paggising dito.
Hindi nito iminulat ang mga mata pero kumilos ito at ipinulupot ang braso sa bewang ko. "Dito ka lang, please. N-Natatakot ako..."
Salubong ang mga kilay nito at napakahaba ng pagkakanguso. Hindi ko alam kung matatawa ako o ano sa hitsura niya. Mukhang siyang sanggol na inosenteng-inosente. Mukha siyang baby na hindi mahanap ang dibdib ng ina kaya nagmamaktol.
Dahan-dahan kong tinanggal ang braso niya sa bewang ko. Nag-inat na rin ako ng ilang beses matapos tumayo.
Muli akong napatingin kay Roxy at saka bumuntonghininga. Matapos iyon ay nilakihan ko ang pagkakabukas ng bintana para maarawan din si Roxy at kapagkuwa'y magising na rin.
Dahil hindi namin nailigpit ang kinainan namin kagabi dahil nag-brownout ay iyon na muna ang inasikaso ko. Habang nililinis ang lamesa ay panay ang tingin ko sa tulog pa ring si Roxy. Paano kaya natitiis ng mga magulang niya na iwan siyang mag-isa rito?
Masiyado pa siyang bata para sarilinin ang iba't ibang bagay. Kung di siguro ako nakitira dito baka nagpapasasa pa rin siya sa kalungkutan ng pag-iisa. Pero sino ba naman ako para husgahan siya at sabihing hindi siya masayang mag-isa? Malay ko ba kung mas gusto niyang mag-isa.
Dinala ko ang mga pinggan sa lababo at saka hinugasan. Nagsalang na rin ako ng sinaing sa stove at m-in-icrowave ang mga natirang ulam. Hindi naman sila napanis kaya okay pang initin.
Bawat minuto ay sini-silip ko rin si Roxy sa sofa. Tulog na tulog pa rin ito na akala mo ay mantika. Hindi naman siya napuyat pero bakit ganoon? O baka naman ganoon lang talaga siya matulog.
Sa gitna ng paghuhugas ay nagulat na lamang ako nang may yumakap sa akin mula sa likuran. "Ang sipag naman ng asawa ko."
Kinilabutan ako sa bulong na iyon ni Roxy dahilan para awtomatiko kong tanggalin ang mga braso niya sa akin.
"Joke lang! Ito naman masiyadong seryoso sa buhay," natatawang sambit ni Roxy at saka humikab.
Hindi ako umimik at pinagpatuloy na lamang ang paghuhugas. Nakita ko naman sa peripheral vision ko si Roxy na panay ang simangot sa tapat ng salamin.
"Ang pangit ko pala. Todo harap ako sa 'yo ngayon, hindi pa nga pala ako nakakapag-ayos o nag-toothbrush man lang."
Nangiti ako sa sinabi niyang iyon pero di ko pinahalata. Patuloy lang akong naghugas ng pinggan. Minadali ko na itong tapusin at saka inasikaso naman ang niluluto. Nagprito ako ng itlog at hotdog na nakita ko sa ref nila.
"Pasensya na di ako nakapag-paalam sa pagkuha sa ref niyo," paumanhin ko.
"Sus, tagarito ka na rin. Feel free!"
Tipid ko siyang nginitian saka ako dumiretso pagluluto. Ipinatong ko ang mga naluto sa lamesa at saka inalabas na ang ininit na ulam sa microwave. Ito 'yung tira kagabi na kare-kare. Ayoko namang masayang lalo at paborito kong ulam.
"Tama ba ang nakita ko? Ang isang masungit na Reo Afable ay ngumiti sa akin?" namamanghang sambit ni Roxy at saka tinakpan ang bibig.
Ngumiwi ako at saka biniling ang nilulutong hotdog.
"Kumusta naman ang tulog mo kagabi? Maayos naman ba?" tanong ni Roxy.
Natigilan ako sa tanong niyang iyon. Naihinto ko ang pagluluto. Ang pagtulog ko. Maayos ang naging pagtulog ko. Hindi ako nagkaroon ng masamang panaginip!
"Hoy, 'yung niluluto mo nasusunog na!" Dali-dali kong inahon ang hotdog matapos magulat sa sigaw na iyon ni Roxy.
Hinubad ko ang apron at walang sabi-sabing umakyat papunta sa kwarto ko. Hindi ko alam kung nagmukha ba akong wirdo o ano pero kailangan ko 'tong ipaalam sa kaibigan ko.
"Hello, 'tol," sagot sa kabilang linya ni Jester.
"Hindi ako nanaginip ng masama. Gumana siya. Nakatulog ako kagabi katabi si Roxy at paggising ko ay ni hindi ko naalalang nananaginip ako ng masama sa sobrang ganda ng gising ko!"
"Woah! So okay na, diyan ka na titira talaga?"
"E-Ewan ko!" Hindi ko mapigilang mapangiti. Sobra akong natutuwa na nakahanap ako ng temporaryang lunas sa kalagayan ko. "Subukan ko ulit ng isa pang beses, kapag gumana ulit hindi na ako aalis pa."
"Segurista talaga ang gago. Pero gusto ko lang ipaalala sa 'yo na hindi ka dapat habambuhay nakaasa kay Roxy sa paggaling at pagpapawala ng nightmares mo. Kailangang magpatingin ka na rin sa eksperto. Mas makakasiguro tayo kapag sa kanila ka nagpa-konsulta."
"Yes, Mom," natatawa kong sambit.
Matapos ko ibaba ang linya ay bumalik ulit ako sa baba para kumain na. Sakto namang naghahanda na si Roxy ng dining table.
"Oh, kain ka na!"
Tipid akong ngumiti at umupo na kaharap niya. Sinimulan ko nang sumubo pero hindi ko maipagpatuloy dahil ang lagkit ng pagkakatitig sa akin ni Roxy. "May problema ba?" tanong ko.
"Kanina ko pa napapansing panay ang ngiti mo sa 'kin. Ano bang meron?"
Hindi ako umimik at sumubo na lamang ng pagkain. Napapangiti ako pero gustong-gusto kong itago. Hindi ko maitatangging good mood ako at dahil 'yun kay Roxy. Siya ang naging dahilan kaya mapayapa akong nakatulog ako kagabi.
"Thanks," sinsero kong pagsasalita.
"Para saan naman?" Inihinto ni Roxy ang pagkain at mataman akong pinakatitigan. Hindi ko alam kung anong pumapasok sa isip niya dahil bigla siyang ngumisi bigla.
"Salamat dahil pinatuloy mo ako rito sa inyo. At saka salamat din dahil naging mabait ka sa akin kahit ilang beses na kitang nasungitan."
Natawa naman si Roxy sa sinabi kong 'yun. "You're welcome, Afable. Gan'to talaga ako magkagusto sa isang tao kaya masanay ka na."
"Pero ngayon pa lang nililinaw ko na na wala kang aasahan sa akin at hindi kita gusto, maliwanag ba?"
Napahawak sa dibdib niya si Roxy at saka umaktong animo'y sobrang nasaktan. "Aray naman, huwag mo namang ipagduldulan sa akin na rejected ako. Ouch."
Natawa ako sa sinabi niyang iyon. "Friends?" tanong ko at saka inilahad ang kamay ko.
Inabot naman iyon ni Roxy. "Friends... for now."
Sinamaan ko siya ng tingin na nginisian lang niya. Wala talagang balak sumuko ang isang 'to. Napabuntonghininga ako.
"May gagawin ka na ngayon? May work ka?" tanong ni Roxy sa gitna ng kawalan.
"Wala naman, day off ko. Ikaw, may gagawin ka?"
"Sisimba akong church, sama ka?"
"Relihiyosa ka pala?" gulat kong tanong.
"Judgemental talaga 'tong si crush. Hindi naman porke liberated ako, takot na ako sa simbahan. Tara na, bilisan mo na kumain diyan at maliligo pa tayo."
Nagmamadali ko namang tinapos ang pagkain saka ako naghanda para sa pagligo.
---
KANINA pa ako nakatingin dito kay Roxy na sobrang taimtim manalangin. Ilang minuto na siyang nakapikit at akala ko ay tulog na.
"Huwag mo 'kong titigan, Afable."
Napaayos naman ako ng upo at nag-concentrate na lamang sa sinasabi ng pari. Paano naman niya nalamang nakatingin ako sa kaniya eh nakapikit naman siya? Hays.
"May third eye ako kaya nalaman kong nakatitig ka sa 'kin."
Aba, at nahulaan pa ang iniisip ko.
Nang oras na para sa pagkanta ng Ama Namin ay hinawakan niya ang kamay kong nasa gilid ko't nakataas. Animo'y nakuryente ako sa pagkagulat kaya't napakislot ako. Dinig ko naman ang bahagyang pagtawa ni Roxy habang umaawit.
Nang matapos ang misa ay lumapit si Roxy sa pari at nagbigay ng sobre. Noong una ay ayaw iyong tanggapin ng pari pero dahil sa pamimilit ni Roxy ay tinanggap na rin iyon. Ngiting-ngiti si Roxy habang nakikipag-diskusyon sa pari tungkol sa buhay.
Ibang-iba siya sa Roxy na kilala ko. O baka hindi ko lang talaga siya kilala?
May mga bagay na akala ko ay hindi niya ginagawa pero heto't kasama ko siyang gawin. May mga bagay na animo'y imposibleng gawin niya pero napagtanto kong posible pala. May mga bagay na inakala kong siya pero hindi pala siya.
Umiling ako nang maraming beses.
"Tara na?"
Tumango ako sa tanong na iyon ni Roxy at saka siya sinundan palabas ng simbahan. May nasalubong kaming batang palaboy at imbes na lagpasan ay ikinagulat ko nang ngitian at kausapin ito ng kasama ko.
"Hi!" bati ni Roxy.
"Hello po!" masiglang bati din naman ng bata pabalik. Ngumiti din ito kay Roxy at saka inilahad ang mga palad.
Walang alinlangang nagpatong ng barya roon si Roxy. Ganun din naman ang ginawa ko.
"Bumili kang pagkain mo, ah. Huwag kang papagutom. Pagbalik ni Ate, ililibre kita ng ice cream."
Animo'y kumislap ang mga mata ng bata matapos iyong marinig kay Roxy. Hindi nito mapigilang mapangiti nang malawak. Hinawakan naman ito ni Roxy sa ulo at saka bahagyang ginulo ang buhok.
---
"ANG BORING NAMAN!" reklamo ni Roxy matapos naming makarating sa bahay. "May gagawin ka ba ngayon?"
"Mag-aayos ako ng kwarto."
"Tulungan na kita!"
Agad akong umiling. "Huwag na, Roxy."
"Ihh! Sige na!"
Napabuntonghininga ako. Ang kulit talaga. "Okay. Pero sasabihin ko lang sa 'yo ang mga pwede mong gawin."
Ngiting-ngiting tumango si Roxy at saka sumunod sa akin papunta sa kwarto ko. Naiilang kong binuksan ang pinto ng kwarto. Hindi talaga ako sanay magpapasok ng babae sa sarili kong kwarto. Pero bahay naman niya ito kaya sino ba naman ako para tumanggi?
"Paki-ayos na lang ng mga gamit ko diyan sa mesa. Ako na ang bahala sa mga damit ko."
Tumango si Roxy sa sinabi kong iyon at saka tumalima. "Tapos na!"
Agad kong nilingon ito at saka nanlaki ang mga mata ko. Pinaglihi ba siya kay Flash at napakabilis niyang maglinis?
"Pwede ka nang bumaba kung tapos ka na diyan."
"Ihh! Gusto nga kitang tulungan!"
"Okay lang, Roxy. Kaya ko na."
Hindi nakinig si Roxy at lumapit lang sa kabinet ko. Hindi ko na lang siya pinigilan pa. Napakakulit pa rin tulad noon. Iyon ang isa sa mga bagay na hindi nagbago sa perception ko sa kaniya.
"Naayos mo na pala 'tong picture frame ng family picture ninyo?"
Agad akong lumingon matapos marinig iyon. Nanlaki ang mga mata ko nang makitang hawak ni Roxy ang family picture namin. Awtomatiko ding nagsalubong ang mga kilay ko matapos humupa ng pagkagulat. "Sinabi kong huwag ka nang tumulong maglinis, 'di ba?! Hindi mo ba naiintindihan?"
Nabigla si Roxy sa sigaw kong iyon, maging ako. Napabuntonghininga ako habang pinagmamasdan ang mukha niya. Mamasa-masa na naman ang mga mata niya, bagay na hindi ko gustong makita mula sa kaniya.
"Look, I'm sorry. Hindi ko sinasadyang sigawan ka—" Pero hindi ko na naituloy ang pagsasalita nang lumabas siya agad sa kwartong iyon. Hindi na ako nagkaroon pa ng pagkakataong magpaliwanag.
---
INABOT na ng gabi ang pag-aayos ko ng kwarto. Ang akala ko ay lumabas ng mansion si Roxy dahil wala akong naririnig na kahit ano mula rito sa baba. Pero laking gulat ko nang makita siya sa dining table, mag-isa niyang tinutungga ang canned beer.
Pinagpatuloy ko ang paglalakad. At nang makagawa ako ng kaluskos ay napunta sa akin ang atensyon ni Roxy. Nagkatinginan kami. Halatang natigilan siya pero kapagkuwa'y umiwas ng tingin.
"Umiinom ka?" tanong ko.
"Depende."
Napakunot naman ang noo ko.
"Depende kung bulag ka," sagot naman ni Roxy. Natawa rin siya nang bahagya sa sagot kahit pahindik-hindik na.
"Lasing ka na ba?" tanong ko ulit.
Pero imbes na sumagot ay tinawanan niya lang ako ulit. Kinuha ko na lamang ang lata sa kamay niya dahil mukhang napaparami na ang inom niya. Puro empty can na sa mesa at halata namang siya lang ang umubos ng lahat ng 'yun.
"Ano ba, Afable?! Bakit mo ba 'ko pinapakelaman?"
"Lasing ka na, Roxy. May pasok pa tayo bukas."
"Hindi ako lasing!" Inagaw niya sa akin ang latang hawak ko. Ewan ko kung dahil sa kalasingan niya o ano pero biglang ang lakas niya ngayon.
"Tara na, dadalhin na kita sa kwarto mo." Sinubukan ko siyang buhatin pero nagpupumiglas lang siya.
"Huwag ka ngang umastang mabait sa 'kin ngayon! Akala ko ba tinataboy mo 'ko?! Bakit ngayon ang bait-bait mo na naman?! Nililito mo 'ko, Afable, alam mo ba 'yun?"
"Lasing ka na, Roxy."
"Edi lasing kung lasing! At least hindi ako bait-baitan! Dahil ano? Dahil nakatira ka sa 'kin ngayon kaya ang bait mo bigla? Akala ko ba tinataboy mo 'ko kanina? Sinigawan mo pa nga 'ko, e!"
Napabuntonghininga ako. "I'm sorry."
"Wala na 'yang sorry mo! Nasaktan mo na 'ko."
"Anong gusto mong gawin ko?"
Ngumisi siya. Naningkit lalo ang mga mata niya dahil doon. "Samahan mo 'ko uminom."
"May pasok pa tayo bukas, Roxy."
Umirap siya. "Edi hindi ko tatanggapin 'yung sorry mo."
Napabuntonghininga ako kasabay ng paghilot sa sentido. Wala na akong nagawa kundi pumayag. Umupo na rin ako at kumuha ng isang lata ng beer. "Pag naubos ko na 'tong isang beer, matutulog ka na."
Tumango na lang si Roxy, wala nang kakayahan pang magsalita. Hindi ko na rin siya hinayaang kumuha ng isa pang lata. Uubusin lang namin ang mga hawak namin at after n'on ay matutulog na kami.
"Ayaw na ayaw ko talaga sa lahat, tinataboy ako," bigla-biglang imik ni Roxy. Hindi na malinaw ang pagsasalita niya. Hinayaan ko na lang para mailabas niya lahat ng sama ng loob niya. "Pero ewan ko ba kung bakit gustong-gusto pa rin kita kahit ilang beses mo na 'kong pinagtatabuyan."
Hindi ko siya matingnan sa mga mata. Dinig sa boses niya ang pagkikimkim ng sama ng loob, hindi ko rin naman siya masisisi kung bakit niya nararamdaman iyon. Marami na rin akong sinabi at ginawa sa kaniya na hindi ko napag-isipan kung masasaktan siya o ano.
Nagkaroon ng mahabang katahimikan.
Ilang segundo iyon.
Hanggang sa magdesisyon si Roxy na basagin iyon. "Simula bata pa ako, mag-isa na lang ako. Pinagtatabuyan ako sa mga kamag-anak, sa mga yaya, kahit kailan hindi ako inalagaan ng parents ko." Naglabas siya ng pekeng tawa. "Nakakatawa 'no? My parents always say na ginagawa nila ang lahat sa ibang bansa para maalagaan ako, pero at the same time wala naman nag-aalaga sa 'kin. How ironic."
Hindi ko magawang umimik.
"Hindi ko sinasabi 'to, Afable, para maawa ka sa 'kin. Sinasabi ko 'to dahil alam kong maiintindihan mo 'ko. Alam kong halos pareho tayo ng pinagdadaanan."
Napaiwas ako ng tingin. Tumagos sa akin ang mga iyon. Alam kong may ideya na siya sa mga pinagdaanan ko, pero hindi niya pa siguro alam ang ibang detalye.
"Bata pa ako nang magpakamatay si Papa sa harap ko mismo..."
Kita kong natigilan si Roxy. Sa hitsura niya, mukha siyang nahimasmasan mula sa pagkalasing. Hindi niya marahil inaasahan na magsasalita ako tungkol dito.
Lumagok ako mula sa canned beer. "Naaalala ko, naka-live si Papa no'n sa FaceLook. Ang daming taong nakapanood ng live na 'yun habang nagbibigti si Papa. Pero ni isa sa kanila, walang tumulong. Wala ni isang pumunta sa bahay para tulungan akong ibaba si Papa. Kahit si M-Mama..."
Ikinagulat ko nang biglang yumakap sa akin si Roxy. Pero mas nabigla ako nang lumuwag ang pagkakayakap niya. Buti na lamang at nasalo ko siya kundi ay mauumpog siya sa lamesa.
Nakatulog na si Roxy. May luha pang pumatak sa kaliwang mata niya. Hindi ko na rin napansin ang pagpatak ng sarili kong mga luha. Pinunas ko ang mga iyon kasabay ng pagpunas din ng mga luha ni Roxy.
Tama ka, Roxy. Naiintindihan kita. Pareho tayong mag-isa. Pero hindi na ngayon dahil sasamahan na kita... palagi.
Pangako ko iyan.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro