Prologue
"Enro, daan naman muna tayo sa 7 eleven," pakiusap ko sa kaniya. Gutom na gutom na talaga ako, hindi ko na kaya.
"Bakit?" malamig at masungit na tugon niya.
Naunahan na ako ng tiyan ko sa pagsagot. Malakas na garulgol ang pinakawalan nito. Hindi na nagtanong pa si Enro. Sumakay na ako sa motor niya. Sumampa na rin siya at pinaandar ito.
Ngayon ay nasanay na ata ako sa pagkapit sa kanya. Hindi na ako natatakot o nahihiya. Parang may yakap akong unan dahil sa pagkakomportableng nararamdaman ko. Hindi ko na maipaliwanag ang kilig na nararamdaman ko.
Ang malamig na hangin, ang mga ilaw sa daan, at ang huni ng mga kuliglig na aking naririnig ay saksi sa gabing ito na kasama ko siya.
"Ano sa'yo?" tanong ko sa kanya 'pag tigil namin sa tapat ng 7 eleven. "Libre kita!" masayang alok ko.
Umiling lang siya.
Pumasok na lang ako sa loob para ibili ng makakain ang sarili ko. Wala na akong oras sa pag-iinarte niya. Kahit crush na crush ko siya ay nakakapagod din namang manuyo. Sobra na akong nagugutom at ang dami ng pinagdaanan ng katawan ko.
Kumuha ako ng isang siopao. Dalawa na pala para kay Enro. 'Yung asado ang kinuha ko. Kumuha rin ako ng maiinom. Isang boteng tubig na lang. Hati na lang kami ni Enro.
Pagkabayad ko ay lumabas agad ako para ibigay kay Enro ang siopao niya.
"Oh!" Abot ko ng siopao sa kanya. "Kainin mo ang siopao ko." Alam kong masamang pakinggan pero minsan gusto ko lang din siyang asarin.
Kinuha niya naman ang siopao at kinagatan agad. Wow, gusto niya ng siopao ko. Inabot ko rin sa kanya ang tubig. "Share na lang tayo d'yan sa tubig. Wala na akong pera e." Palusot ko pero gusto ko lang talaga siyang maka-share sa pag-inom sa iisang bote.
"Bibili na lang ako ng akin," sabi niya saka kumagat ulit sa siopao. Hay, napaka-kill joy talaga.
Maganda ang panahon, kahit malamig, parang siya. Wala ng mga tao sa daan. May iilang sasakyan na lang ang dumadaan. Ang tahimik, at ang dilim pero sa kabila ng lahat nang ito'y pakiramdam ko'y ligtas ako dahil kasama ko siya.
Tinignan ko si Enro, hindi ako makapaniwala na kasama ko na naman siya. Hindi ko naman talaga inaasahan ang lahat ng ito'y mangyayari sa buhay ko.
Bakit kami pinagtagpong muli at bakit sa ganitong pagkakataon pa?
Ito na ba ang panahon na nilaan para sa'min? Para ako naman?
"Mahanap na sana natin s'ya." Nabasag ang pangangarap ko nang bigla siyang umimik. Oo nga pala, hindi nga pala ako ang gusto.
Tinapik-tapik ko ang balikat niya at napatingin naman siya sa'kin. Binigyan ko siya ng isang matamis na ngiti kahit nadudurog na talaga ang puso ko sa kaloob-looban. "Mahahanap natin siya," malumanay na sabi ko.
Ngumiti naman ng madali si Enro. Napakatipid, pero kapag kay Kate naman kulang na lang ay mahalit ang bibig niya.
"Sige na!" pagputol ko ng katahimikan. "Ubusin mo na ang siopao ko." Siniko ko pa siya pagkasabi ko. Sinamaan niya naman ako ng tingin.
Napahinga na lang ako ng malalim at napatingin sa mga bituin. Sige na. Itutuloy ko na ito, kakayanin ko, para kay Enro.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro