Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

19

"Sino 'yon?" tanong ni Ken nang medyo mahimasmasan siya mula sa malakas na putok. "Tumawag ka ng pulis?" galit na galit niyang tanong sa akin sabay tutok ulit ng baril.

Hindi ko na talaga malaman ang gagawin ko. Wala naman akong ginagawang masama para maparusahan nang ganito.

Papakalmahin ko na sana si Ken ngunit may dumating kasama ng mga pulis.

"Anak, tama na," sabi ng isang tinig pagkapasok ng silid.

Gulat na gulat si Ken na humarap sa kaniyang ina. "Ma? Dinala n'yo rito ang mga pulis? Bakit ma?" galit na galit na tanong niya sa kaniyang ina ngunit nakikita kong may mga luhang pumapatak sa kan'yang mga mata. "Ma, magkakampi tayo 'di ba?"

"Oo, anak," tugon niya, "ngunit sobra na ito! Ayos na si mama, hindi mo na ito kailangang gawin para sa akin," umiiyak na sabi ni Manang Ising. "Tara nang umuwi."

"Ibaba mo ang iyong baril!" utos naman ng isang pulis kay Ken habang nakatutok ang baril nito dito.

Ngunit hindi n'ya ito pinansin at nagpatuloy lamang siya sa pagkausap ng kaniyang ina. "Ma, hindi na ako makakauwi pagkatapos nito." Itinutok niya naman ngayon ang baril kay Enro.

Napapikit na lang ako. Hindi ko na kaya pang makita ang mga susunod na mangyayari.

Sa aking pagpikit ay, nakarinig ako ng isang malakas na pagputok ng baril. Kasabay naman nito ang hindi mapigilang pagtulo ng aking mga luha.

Sino? Sino na naman ang nawala? Bakit lagi na lang nawawala ang mga taong mahal ko? Hindi na ba ako p'wedeng maging masaya?

Pagmulat ko ay aking nakita ang duguang braso ni Ken. Hindi na niya ito magalaw pa kaya nawala ang pagkakatutok ng kaniyang baril kay Enro. Napatingin naman ako sa pulis na nakatutok ng baril sa kaniya. Mukhang hindi ito magdadalawang-isip na barilin ulit si Ken kapag kumilos pa ito ng masama.

"Tama na! Parang awa n'yo na! 'Wag n'yong papatayin ang anak ko!" pagmamakaawa ni Manang Ising sa mga pulis. Lalo naman akong nanghina at naantig sa sitwasyon ng mag-ina. Gusto lang naman nila ng hustisya ngunit siguro'y walang nakinig sa kanila noon kaya ngayon ay humantong pa ito sa ganito.

Patuloy pa rin ang pagmamakaawa ni Manang Ising habang si Ken ay wala na ata sa katinuan. Desedido na talaga siya na wakasan ang buhay ni Enro. Ginamit niya ang kaliwa niyang kamay sa paghawak ng baril at pinutok ito. Kasabay nito ang pagbaril ulit sa kan'ya ng pulis. Bumaksak siya sa sahig habang si Enro naman ay nadaplisan sa kanyang kaliwang balikat.

Ang bilis ng pangyayari. Nabibingi na ako sa lahat ng ingay at iyak na naririnig ko.

Agad na kinuha ng mga pulis ang katawan ni Ken na wala na atang buhay. Patuloy naman si Manang Ising sa paghagulhol habang sumusunod sa mga pulis.

Si Enro ay nakatali pa rin ang mga paa sa silya. Tulala siya at walang ekspresyon. Nilapitan ko siya at tahimik na kinalagan. Tumayo lang siya at tumigin sa akin. Wala siyang sinabi at tanging mga mata lang namin ang nagkaroon ng komunikasyon. Hinawakan niya ang aking ulo at pagkahawak niya rito ay naglakad na siya palayo. Gusto ko siyang sundan at dalhin sa ospital ngunit napako ang aking mga paa sa sahig hanggang sa nagdilim na ang aking paligid.


...


Pagkalipas ng ilang araw, bali-balita na ngayon sa lahat ng channel ang balita tungkol sa kumpirmadong pagkamatay ni Kate Velasquez, na siya ngang natagpuang sunog at walang buhay sa abandonadong building ilang araw na ang nakakaraan.

Si Kate nga ang babaeng iyon.

Nagkamali si Enro sa kaniyang mga hinuha. Siguro ay hindi n'ya lang talaga matanggap na mamamatay na lang ng ganoon ang kaniyang kasintahan, ang taong minahal niya ng kaniyang buong puso.

Labis ang pagdadalamhati ng mga magulang ni Kate sa nangyari sa kanilang anak. Lahat ng tao ay nalulungkot sa nangyari sa kan'ya. Ngunit sa kabilang banda, wala man lang nakisimpatsa sa pagkamatay ni Ken dahil sa tingin ng lahat ay isa siyang masamang tao.

Naniniwala naman ako na nadala lamang si Ken ng galit at emosyon dahil sa pagmamahal niya sa kaniyang ina. Hindi ko siya makakalimutan dahil naging mabuting kaibigan din naman siya sa'kin kahit sa maiksing panahon lamang.

"Affy," tawag sa'kin ni Mang Ben sabay abot ng mga biskwit, "magmeryenda ka muna," alok niya saka tumabi sa akin.

"Napakabuting bata ni Ken," panimula niya. Tumango naman ako bilang pagsang-ayon sa sinabi niya.

"Hindi ko makakalimutan 'yong araw ng College Night ninyo, sobrang excited ni Ken na makasayaw ka pero nagulat ako noong umuwi agad siya dito. Tinanong ko siya kung bakit, sabi niya kasama mo na daw ang taong mahal mo at dahil doon ay mas masaya raw siya."

Napahawak naman ako sa aking dibdib at hindi makapaniwala sa aking narinig. Ginawa 'yon ni Ken para sa akin? Ano ka ba naman Ken? Lalo mo naman akong pinapaiyak!

Bigla namang napatawa si Mang Ben. "Pasensya na," sabi niya,"naalala ko rin kasi noong gusto kang ipagluto ni Ken dahil baka raw nagtampo ka dahil sa hindi niya pagsipot doon sa College Night pero noong tikman niya ang luto niya, nagtae siya bigla kaya lalo lamang siyang hindi nakapasok sa school at hindi ka na niya nadalhan ng luto niya."

Nagulat naman ako at napatawa rin habang sumisinghot at umiiyak. "Nakakatuwa po talaga si Ken," nakangiting sabi ko kay Mang Ben. "Mamimiss ko po siya."

"Oo nga e, ako rin. Sobra ko siyang mamimiss." tugon niya. "Kaya ikaw Affy, alagaan mo ang sarili mo. Sigurado ako na ayaw ni Ken ng masasaktan ka! Sige ka, 'pag 'yon bumangon!" biro sa akin ni Mang Ben. Tumango naman ako at tumawa. Mas masaya siguro kung nandito si Ken, pero wala na nga talaga siya. Sana mapatawad siya sa lahat ng mga nagawa niyang kasalanan at maging masaya na siya ngayon kung nasaan man siya.

Pagkatapos ng ilang oras na kwentuhan kasama sina Mang Ben at Manang Ising ay namaalam na ako sa kanila. Isang linggo na ang nakakalipas nang mailibing si Ken. Hindi na nag-imbita pa ang mag-asawa at sila na lamang dalawa ang naghatid kay Ken sa huli niyang hantungan. Minabuti kong bumisita sa kaniyang mga magulang upang kamustahin man lang sila. Hindi ako nagsisisi na ginawa ko ito dahil lalo ko pa siyang nakilala kahit na wala na siya. Masakit, pero kailangang tanggapin.

Si Silso naman ay nakakulong pa rin dahil sa sangkutan nila ni Ken na pagpaslang kay Kate. Si Simon naman ay nakawala na sa kulungan. Totoo nga ang sabi ni Enro na malakas ang mga kuneksyon nito sa mga pulis kahit marami din itong mga ilegal na gawain.

Hindi rin naman nakaligtas sa batas ang mag-asawang Velasquez. May naglabas sa media ng mga kasamaang ginawa nila sa kanilang mga naging kasambahay noon lalong-lalo na kay Manang Ising kaya habang nakaburol si Kate, hinaharap naman ng mag-asawa ang mga kaso laban sa kanila.

Sa kabila naman ng pagtakbo ng mga pangyayari, tila nanatili pa rin ako sa iisang lugar, may hinahanap at nawawala.

Wala kasing nakakalaam kung nasaan si Enro. Pinaghahanap na siya ng mga kamag-anak niya at umuwi pa ang kan'yang kuya mula sa ibang bansa para lang tumulong sa paghahanap sa kaniya.

Sobra na ang pag-aalala ko sa kanya. Siguro'y labis na ang sakit na nararamdaman niya ngayon tapos nag-iisa pa siya. Alam kong kahit matatag siya ay hindi niya kayang mag-isa, lalo na ngayon na wala na talaga si Kate.

Pero nandito naman ako para sa kaniya. Ang dami kong gustong sabihin sa kan'ya. Kahit bilang kaibigan lang, sana lapitan niya muli ako at tanggapin ang tulong ko.

Nasaan ka na ba, Enro? Umuwi ka na.


Flashback: Pagkatapos ng burol ng ama ni Affy at ng mga magulang ni Enro

Pagpasok ko ng gate ng school, agad kong pinakita ang permit na hawak ko sa guard. Kinuha ito ni Liana para sa akin upang makapasok ako sa school nila ni Enro dahil nais ko sanang bisitahin  man lang siya. Pinapasok na siya ngayon sa school pero alam kong hindi pa siya handa. Ako nga na nawalan ng tatay ay hindi na makapag-isip nang ayos noong mga nakaraang araw, paano pa kaya siya na nawalan ng parehas na magulang?

Pagkarating ko sa building niya, nakita ko agad si Enro na patakbong lumabas ng room niya. Mukhang umiiyak siya kaya sinundan ko siya.

Natagpuan ko siya sa garden, nakaubob at patuloy lamang sa pag-iyak. Gusto ko siyang lapitan at patahanin pero hindi ko kaya. Sino ba naman ako para gawin 'yon?

Nakita ko naman si Kate na papalapit kung nasaan ako.

"Ate Kate," mahinahong tawag ko sa kanya, "mukhang kailangan ka ni Enro ngayon," sabi ko sa kan'ya sabay turo kung nasaan si Enro. Pagkasabi ko niyon ay tumalikod na ako at naglakad palayo.

Ang sakit na makita siyang nagkakaganon pero wala man lang akong magawa. Dapat ay ako na lamang ang lumapit sa kan'ya. Dapat ako na lamang 'yong yumakap sa kan'ya. Dapat ako ang nakapitan niya noong mga panahong iyon.

Pero ayos lang, alam kong hindi ko mapapantayan ang sayang naramdaman niya sa piling ni Kate at alam kong hindi rin niya pinagsisisihan na minahal niya ito.

Ako rin, hindi ako nagsisisi na ginawa ko ang lahat ng iyon para kay Enro. Pinasok ko ang mga bagay na alam kong delikado para sa kanya.

Pero ngayon, nasaan na siya?

Nakalimutan niya na ba ang lahat ng pinagsamahan namin?

'Wag naman sana dahil ako, habang buhay kong dadalhin ang saya na naranasan ko noong mga panahong nakasama ko siya.

End of flashback

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro