14
Namumula-mula pa rin ang pisngi ko dahil sa sinabi ni Enro. Cute daw ako? Gaanong kasarap sa tenga 'yon? Napakapaasa talaga nito, kakainis.
"Pagkatapos mong gayatin iyan ay isunod mo ito," utos naman sa'kin ni mama sabay abot ng hotdog.
Napakamot naman ako ng ulo at napatingin kay Enro na walang ginagawa. Nanonood lang siya ng tv sa salas. "Bakit ba ako lang nagawa dito," bulong ko.
"'Wag ka nang magreklamo. Bisita s'ya," bulong naman din ni mama sa akin.
Napahinga na lang ako nang malalim at nagpatuloy sa paggagayat. May balak pa atang mag-overnight itong bisita namin. Mukhang wala siyang balak umuwi e. Ang lakas pa din kasi ng ulan at nakakatakot makipagsapalaran dito. Naisip din namin ni mama na sa motor lang sasakay si Enro at napakadelikado niyon lalo na't madulas ang kalsada nang dahil nga sa bagyo.
Pasalamat siya at mabait kami ng nanay ko, ipagluluto pa talaga namin siya ng spaghetti kahit hindi naman niya birthday. Well, ito kasi ang specialty ko e. Gusto kong magmagaling na naman sa kan'ya para kahit papaano ay magkapoints naman ako.
"Hindi ba talaga kayo n'yang si Enro," bigla namang tanong ni mama habang hinuhugasan ang nilaga niyang pasta.
"Luh, ma. Kung p'wede lang talagang angkinin 'yan," sagot ko naman, "pero taken na e."
"Sayang bagay sana kayo." I know ma, I know. "Dora and boots." Napasingkit na lang ako ng mata nang dahil sa sinabi n'ya. Ang corny, grabe.
Pinagpatuloy ko na lang ang pagluluto habang si Enro ay nanonood pa rin ng tv. Wala talaga s'yang balak tumulong ano? Feeling VIP talaga e. Sige, payag na ako basta akin siya ngayon. Rawr. Biro lang, I respect him. Nirerespeto ko sila ni Kate ng sobra sobra kahit na masakit.
"Luto na po, master," nakapamewang na sabi ko sa kan'ya.
Tumayo naman agad siya at pumunta sa kusina. Walang sabi-sabi'y kumuha na agad siya ng plato at sumandok ng spaghetti. Gutom na gutom ka be?
"Sige Enro, kain lang," sabi naman ni mama sa son-in-law niya. "Oh are pa ang juice."
Tumango naman si Enro at nagpasalamat. Kitang-kita ko na sa unang subo n'ya ay nagustuhan n'ya ang luto ko. Hindi n'ya ito maitatanggi dahil bumulos pa talaga siya pagkaubos n'ya ng unang sinandok n'ya. Well, well, well, dapat pala ay nilagyan ko na iyan ng gayuma para effective agad. Char.
"Sarap ba?" tanong ko.
Lumunok muna siya bago sumagot sa'kin. "Sakto lang."
Ngumiti naman si mama at hinayaan na kaming dalawa. Tumabi naman agad ako kay Enro at tinanong siya kung ano na ang plano.
"Wala." Marahas naman akong napahilamos ng mga kamay ko sa aking mukha. So, nakikikain lang talaga siya dito? Mga galawan mo talaga Enro, so unpredictable.
"Anong wala?"
"Pahinga ka na lang muna. Ako na bahala," sabi niya habang patuloy sa pagkain. 'Pag 'to nabulunan, CPR ko agad.
"Anong pahinga? Ayos lang kasi sa'kin," sabi ko saka nagkamot ng ulo.
Uminom siya ng juice at tumingin sa akin. "Sige, magreport ka," seryosong sabi niya. "Anong nalaman mo tungkol kay Ken?" Nagsimula na naman siya sa pagkain.
Oo nga pala, wala naman sigurong kinalaman ang pagtatago ni Ken ng personalidad niya sa pagkawala ni Kate 'di ba? So, wala dapat akong ikatakot.
Umayos muna ako ng upo bago magsalita. "Si Ken," hay grabe, hindi pa rin talaga ako makapaniwala, "anak siya nina Manang Ising at Mang Ben."
Napabitaw siya sa hawak n'yang tinidor at nanlaki ang kan'yang mga mata. "Tunay?" tanong n'ya.
Tumango naman ako habang nakakagat-labi.
Ipinaliwanag ko naman sa kan'ya ang dahilan ni Ken at mukhang nakumbinsi naman din siya nito.
"Bantayan mo pa rin siya," ani niya. "Ang isang sikreto ay hindi lamang nag-iisa." Pagkasabi n'ya nito ay tumayo na siya dala-dala ang kaniyang plato at baso, at dinala ito sa lababo.
"Ako na!" habol ko naman sa kan'ya.
Ang isang sikreto ay hindi lamang nag-iisa.
Ano pa kaya ang p'wedeng itago ni Ken mula sa amin?
Bigla namang nag-vibrate ang phone ko dahil sa isang text.
Liana 🌸
I hope you're having a great time.
Nanlaki naman ang mga mata ko dahil sa nabasa ko. Anong ibig sabihin n'ya? Kinalibutan naman tuloy ako.
Liana 🌸
Bakit? Anong ibig mong sabihin?
Nag-eenjoy ka ngayon at wala si Kate ano? Tapos kasama mo pa si Enro.
Anong kalokohan 'yang sinasabi mo, Liana?
Napakasaya mo siguro ngayon dahil hindi n'yo mahanap si Kate? Masosolo mo na si Enro. Hinihiling mo na rin siguro na hindi na nga siya mahanap.
Masaya rin ako para sa'yo, Affy.
Have fun, my Affy. Ingat lang kayo, maybe Kate is looking at you right now. 😘
Nabitawan ko ang phone ko nang dahil sa takot. Naramdaman ko ang panlalambot ng aking mga binti at dahil doon ay unti-unti akong napaupo sa malamig sahig. Pinipilit kong tawagin si mama pero hindi ako makapagsalita. Hindi ko alam kung bakit ako takot na takot. Hindi ko alam kung paano nasasabi sa akin ni Liana ang lahat ng iyon. Hindi ko na alam kung sino ang dapat kong pagkatiwalaan.
"Affy?" Nakita ko ang pagkagulat sa kaniyang mga mata at dali-dali n'ya naman akong nilapitan. Umupo siya at hinawakan ang aking balikat. "Anong nangyayari sa'yo?"
Inabot ko ang aking phone at ipinakita ko sa kan'ya ang message ni Liana.
Napakunot ang kaniyang noo nang dahil sa kaniyang nabasa. Agad n'ya namang pinindot ang call at hinintay niyang magring ito. Nakailang ring na ngunit wala namang sumasagot mula sa kabilang linya. Lalo naman akong natakot at kinabahan dahil dito.
"Hindi 'to si Liana," seryosong sabi niya. "Ayos ka lang ba?" Tumango naman ako bilang tugon.
Nabigla naman ako nang bigla niya akong buhatin papunta sa kama. Dahan-dahan niya rin akong ibinaba dito. "Magpahinga ka na muna. Tatawagan ko lang sina tita at itatanong kung nawawala ba ang phone ni Liana."
Palabas na siya ng aking kwarto ngunit bigla kong hinawakan ang t-shirt niya. "Enro," mahinang saad ko, "gusto ko lang maging malinaw sa'yo na kahit gusto kita ay hindi ko magagawang agawin ka kay Kate."
Tumango naman siya sa'kin at bumitaw na ako mula sa pagkakahawak. "'Wag kang lalabas, mas delikado," bilin ko.
Bigla ko na lang naalala ang pag-uusap namin ni Liana noon. 'Wag mong sabihing may kinalaman siya sa pagkawala ni Kate? Tinotoo n'ya ba ang sinabi n'yang pag-kidnap dito? Pero kaibigan ko siya at alam kong hindi siya ganoong klase ng tao. Masama siyang magloko minsan pero naniniwala akong hindi siya masamang tao.
Sana totoo itong kutob ko. Sana hindi mula kay Liana ang mga mensaheng iyon dahil kung mula ang mga ito sa kan'ya, baka hindi na ako matutong magtiwala pa sa kahit kanino.
...
Nakatulog ako mula sa pagkakahiga kanina. Agad naman akong bumangon para hanapin kung nasa bahay pa rin ba si Enro. Napangiti naman ako nang matagpuan ko siyang natutulog sa sofa sa sala. Mukhang pagod na pagod siya.
Kumuha naman ako ng kumot mula sa kwarto at ikinumot ito sa kan'ya. Dahan-dahan akong umupo sa harapan niya para hindi siya magising. Tinitigan ko ang napaka-amo niyang mukha at hinawi ang buhok niyang tumataklob dito. Hay, sana nga ay akin ka na lang pero hindi talaga p'wede e.
"Masaya ka na ba, Affy?" napalingon naman ako sa nagsalita. Halos mawalan ako ng hininga nang makita ko si Kate na nakaupo sa aking likuran. Napakalapit n'ya sa akin. Sunog ang kan'yang mukha at punit-punit ang kan'yang damit. Nagkalat ang dugo sa kaniyang katawan at hindi kanais-nais ang amoy na nanggagaling sa kan'ya. May hawak pa siyang kutsilyo at laking gulat ko nang itutok niya ito sa aking leeg.
"Die with me," nakakapangilabot na sabi niya saka dahan-dahang ibinabaon ang kutsilyo sa akin.
"Gising," narinig kong sabi ni Enro ngunit wala na siya rito.
Gising?
Bigla namang lumiwanag ang lahat. Naramdaman ko na nakayakap na sa akin si Kate at hindi na nakakatakot ang kaniyang itsura. Naka-dress siya na kulay pink at napakabango pa niya, amoy rose, napakahalimuyak talaga nito.
Hinawi niya ang buhok kong napapatakip sa aking tenga at nilapit niya ang bibig niya dito. "Save him." Nagtayuan lahat ng aking balahibo nang narinig ko ang kaniyang malambing na boses.
Bigla ko namang naramdaman ang sakit sa aking likod at naramdamang kong may tumutulo na palang dugo mula rito.
May sumaksak sa akin.
Sinubukan kong tignan kung sino ito ngunit bumaksak na ako sa sahig at napapikit. Ito na ba ang katapusan ko? Hindi ako papayag, napakarami ko pang pangarap sa buhay. Ang dami ko ng pinagdaanan, ngayon pa ba ako mamamatay?
Sinubukan kong sumigaw ng malakas. "Hindi ako mamatay!"
Bigla namang naglaho ang lahat, ang sakit, ang taong sumaksak sa akin, at si Kate. Namalayan ko na lang na nasa kama na ulit ako.
"Ha?" sabi ng pinakamasungit na lalaking nakilala ko na tila nagtataka ata sa mga pinagsasasabi ko.
"D'yos ko! Panaginip lang pala lahat ng iyon!" mangiyak-ngiyak kong sabi at napayakap kay Enro. "Binangungot ako!" humahagulhol na sabi ko sa kan'ya. Wala naman siyang reaksyon at masama pa ang tingin sa akin. Napabitaw naman ako sa pagkakayakp sa kanya saka nagpunas ng aking mga luha, at kumakayat na sipon.
Umayos siya ng upo at tumikhim. "Hindi raw mula kay Liana 'yong mga texts. Nawawala raw ang phone niya. Nawala daw iyon pagkasakay niya ng jeep." Napahinga naman ako ng malalim nang dahil sinabi niya.
"Sino naman kaya ang kumuha ng phone n'ya?" tanong ko. "Sigurado akong kung sino man iyon ay may alam din siya tungkol sa pagkawala ni Kate."
Tumango naman si Enro. "Ngunit mahihirapan naman tayong alamin kung sino siya."
Sabay kaming napabuntong hininga. Lalo lang naging kumplikado ang lahat. Magpahanap ka na Kate, please. Ayoko ng mahirapan si Enro.
"May spaghetti pa ba? tanong naman niya.
...
"Wala ka bang balita sa mga bullies ni Kate dati? Hindi ba baka sila ang may pakana ng lahat ng ito?" tanong ko kay Enro habang kumakain ng spaghetti. Kumakain din naman siya kasabay ko. Hindi pa rin nawawala ang pagbuhos ng ulan sa labas ngunit kahit na ganito ay ang init pa rin ng pakiramdam ko. Hindi ito dahil sa pagnanasa ko Enro kung 'di dahil sa kalinga na nararamdaman ko mula sa kan'ya. Masasabi ko na nag-improve ang pagsasama namin mula noong unang araw. Kung noon ay mukhang wala siyang pake, ngayon naman ay mukha na talaga kaming partners in crime.
"Iyon nga rin ang naisip ko nung una kaya sila ang unang inimbistigahan ko. Ngunit nasa ibang bansa na sila ngayon dahil nga hindi sila tinitigilan ng mga magulang ni Kate noong nandito sila sa Pinas."
"Hhmmm," saad ko habang tumatango-tango. Ang hirap naman nito. Sino pa ba ang p'wedeng paghinalaan sa pagkawala ni Kate?
Bigla namang tumunog ang phone ni Enro at ni-check n'ya naman agad ito.
Nagulat ako nang bigla siyang mapatayo at nanlaki pa talaga ang kaniyang mga mata. "Si Kate!" malakas na saad niya.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro