Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

12

Habang umaandar 'tong motor ni Enro, hindi ko na alam kung ano ba ang dapat kong maramdaman. Paano kung may makita kaming 'di kaaya-aya sa pagsunod kay Ken? Bakit nga ba ayaw niya laging magpasama sa bahay niya? May tinatago nga ba siya?

Napahinto si Enro sa pagmamaneho nang biglang pumasok si Ken sa isang bahay. Pumarada kami sa 'di kalayuan mula sa bahay na pinasukan n'ya. Pamilyar sa akin ang bahay na iyon.

Napalingon naman ako kay Enro nang mag-sink in sa'kin kung kaninong bahay iyong pinasukan ni Ken. "'Di ba bahay iyon nina Manang Ising?" gulat na tanong ko sa kan'ya. Pati siya ay 'di rin makapaniwala sa nakita.

"Tara," sabi niya saka bumaba ng motor, sumunod naman ako. Humawak pa ako sa braso niya habang naglalakad, hindi naman niya inalis ang kamay ko.

Nakita namin sa may pintuan si Ken na nagmamano kay Mang Ben at kay Manang Ising, pinapasok siya sa loob ng mga ito.

Ano ba itong nangyayari?

Tinuloy na lang din namin ang paglalakad at tumigil sa may gate nila. Nagulat naman ang mag-asawa nang nakita nila kami.

"Nandiyan po ba si Ken?" tanong naman agad ni Enro.

Kinakabahan ako sa isasagot nila, kinakabahan ako sa kung ano man ang mangyayari. Please, sana naman po ay malinis si Ken. Sana'y wala siyang kinalaman sa lahat ng ito.

...

"Pasensya na po sa abala," pagpapaumanhin ko sa mag-asawa habang tatawa-tawa.

"Wala 'yon!" sabi ni Mang Ben habang natatawa rin.

"Ito kasing si Ken e, hindi pa nagpahatid e," biro ko kay Ken habang sinisiko ang tagilidan n'ya. "Magpapa-albularyo lang pala." Ngumiti naman siya sa akin. "Sige ho. Una po kami," pamamaalam ko naman sa mag-asawa.

Agad naman akong sumampa sa motor pagkalabas ng bahay nina Manang Ising. Ito namang si Enro ay mukhang hindi pa rin kumbinsido.

"Huy, bakit parang ang lalim ng iniisip mo?" tanong ko sa kanya.

Nanliit ang kaniyang mga mata at tumingin siya sa akin. "Naniniwala ka talagang nagpapagamot lang si Ken?" tanong niya.

Tumango naman ako habang nakanganga dahil inaamin ko sa sarili kong hindi rin ako ganoong nakumbinse sa palusot ng mag-asawa at tila may kakaiba rin akong nararamdaman tungkol dito.

"Nang ganitong oras?" dagdag niya.

Pagtingin ko ng oras sa phone ko ay maghahating-gabi na pala. Nagtaka naman lalo ako ngunit hindi ko alam kung bakit ko kinakampihan si Ken kahit na mukhang may mali. "Baka may schedule sila?" sabi ko na lang kay Enro.

Hindi pinansin ni Enro ang kalokohang sagot ko at sinuot na lamang ang kaniyang helmet. "Hindi ba kaklase mo siya?" tanong niya.

"Oo. Bakit?" Nagulat naman ako nang sinuutan n'ya rin ako ng extra helmet n'ya. Tinulungan ko naman siya at nilagay ang aking buhok sa'king likuran. Napalunok ako ng wala sa oras nang dahil sa ginawa n'yang iyon.

"Bantayan mo s'ya, 'yon muna ang gawin mo. Ako naman, iimbistigahan ko 'yong bangkay ng babae," utos niya habang tulala pa rin ako nang dahil sa ginawa n'ya. "Hindi talaga ako naniniwala na si Kate 'yon. Kailangan ko ring batayan kung nakakulong pa ba sina Silso at Simon."

Ang dami n'yang sinasabi, tumango na lang ako para hindi na uminit ang ulo n'ya sa'kin. Ayokong masira ang isang perpektong pagkakataon na ito na kasama ko s'ya.

Bigla naman akong nakaramdam ng labis na pagkakagutom. Hindi pa nga pala ako naghahapunan dahil sa bwiset na Simon na iyon, hindi man lang n'ya ako pinakain. Napakalupit naman n'yang kidnapper. Hay, kung p'wede nga lang na si Enro na lang ang kainin ko e kaso bawal.

"Enro, daan naman muna tayo sa 7 eleven," pakiusap ko sa kaniya. Gutom na gutom na talaga ako, hindi ko na kaya.

"Bakit?" malamig at masungit na tugon niya.

Naunahan na ako ng tiyan ko sa pagsagot sa kanya. Malakas na garulgol ang pinakawalan nito. Hindi na nagtanong pa si Enro. Sumakay na ako sa motor niya. Sumampa na rin siya at pinaandar ito.

Ngayon ay nasanay na ata ako sa pagkapit sa kanya. Hindi na ako natatakot o nahihiya. Parang may yakap akong unan dahil sa pagkakomportableng nararamdaman ko. Hindi ko na maipaliwanag ang kilig na nararamdaman ko.

Ang malamig na hangin, ang mga ilaw sa daan, at ang huni ng mga kuliglig na aking naririnig ay saksi sa gabing ito na kasama ko siya.

"Ano sa'yo?" tanong  ko sa kanya 'pag tigil namin sa tapat ng 7 eleven. "Libre kita!" masayang alok ko.

Umiling lang siya.

Pumasok na lang ako sa loob para ibili ng makakain ang sarili ko. Wala na akong oras sa pag-iinarte niya. Kahit crush na crush ko siya ay nakakapagod din namang manuyo. Sobra na akong nagugutom at ang dami ng pinagdaanan ng katawan ko.

Kumuha ako ng isang siopao. Dalawa na pala para kay Enro. 'Yung asado ang kinuha ko. Kumuha rin ako ng maiinom. Isang boteng tubig na lang. Hati na lang kami ni Enro.

Pagkabayad ko ay lumabas agad ako para ibigay kay Enro ang siopao niya.

"Oh!" Abot ko ng siopao sa kanya. "Kainin mo ang siopao ko." Alam kong masamang pakinggan pero minsan gusto ko lang din siyang asarin.

Kinuha niya naman ang siopao at kinagatan agad. Wow, gusto niya ng siopao ko. Inabot ko rin sa kanya ang tubig. "Share na lang tayo d'yan sa tubig. Wala na akong pera e," palusot ko pero gusto ko lang talaga siyang maka-share sa pag-inom sa iisang bote.

"Bibili na lang ako ng akin," sabi niya saka kumagat ulit sa siopao. Hay, napaka-kill joy talaga.

Maganda ang panahon, kahit malamig, parang siya. Wala nang mga tao sa daan. May iilang sasakyan na lang ang dumadaan. Ang tahimik, at ang dilim pero sa kabila ng lahat ng ito'y pakiramdam ko'y ligtas ako dahil kasama ko siya.

Tinignan ko si Enro, hindi ako makapaniwala na kasama ko na naman siya. Hindi ko naman talaga inaasahan ang lahat ng ito'y mangyayari sa buhay ko.

Bakit kami pinagtagpong muli at bakit sa ganitong pagkakataon pa?

Ito na ba ang panahon na nilaan para sa'min? Para ako naman?

"Mahanap na sana natin s'ya." Nabasag ang pangangarap ko nang bigla siyang umimik. Oo nga pala, hindi nga pala ako ang gusto.

Tinapik ko ang balikat niya at napatingin naman siya sa'kin. Binigyan ko siya ng isang matamis na ngiti kahit nadudurog na talaga ang puso ko sa kaloob-looban. "Mahahanap natin siya," malumanay na sabi ko.

Ngumiti naman nang madali si Enro. Napakatipid, pero kapag kay Kate naman kulang na lang ay mahalit ang bibig niya. S'yempre naman, Affy. Magkaiba kayo ni Kate.

"Sige na!" pagputol ko ng katahimikan. "Ubusin mo na ang siopao ko." Siniko ko pa siya pagkasabi ko. Sinamaan niya naman ako ng tingin.

Napahinga na lang ako nang malalim at napatingin sa mga bituin. Sige na, itutuloy ko na ito, kakayanin ko, para kay Enro.

"Enro?" pagpapatuloy ko para humaba naman ang usapan namin. "Totoo ba na ayaw mo sa'kin kasi maliit ang mga mata ko?" At natanong ko na din sa wakas ang isa sa mga pinakagusto kong itanong sa kan'ya.

Napatingin naman s'ya sa'kin at napatawa ng mahina. "Ewan ko ba kung bakit tuwing nakikita ko ang mga mata mo ay naiinis ako."

Inaano ba s'ya ng mga mata ko?

"Siguro'y dahil hindi karaniwan ang mga matang ganan dito satin. Hindi ka nga mukhang Pilipino eh," dagdag niya pa. "Tapos 'pag ngumingiti ka, bakit nawawala--"

"Okay, tama na. Nang-aasar ka na eh," pigil ko sa kanya. Marunong pa rin naman pala siyang magloko. Hindi ko alam kung bakit ako biglang sumaya dahil dito.

Ngayon ay hinihiling ko na hindi na sana matapos ito. Sana nandito na lang kami habang buhay. Sana kami na lang. Sana ako na lang. Hindi na sana siya nahihirapan ngayon.

Bigla na lamang siyang huminga ng malalim at napatingin sa malayo. "Affy, magulo na ang buhay ko, sabi ko naman sa'yo ay 'wag mo na akong gustuhin."

Nagulat naman ako sa sinabi niya. Binabasa niya ba ang iniisip ko? Talagang ayaw niya sa'kin ha? "Sino bang may sabi sa'yo na gusto pa rin kita?" pagmamayabang ko.

Tumingin s'ya sa'kin at ngumisi. "'Yang mga mata mo."

Napakagat na lang ako sa siopao ko at humawak sa aking dibdib. Konting tibok na lang siguro at makakalabas na ito.

...

Tinignan ko ang aking orasan at napailing na lang. Late na late na talaga ako para sa unang klase at ang kapal ng mukha ko para pumasok pa. Lunch na ang naabutan ko at naglalabasan na ang mga estudyante para kumain.

"Huy Ken!" Habol ko naman kay Ken na kakalabas lang ng room. "Maglalunch ka na?" tanong ko sa kanya.

"Ah oo," sagot niya. "May ipapasa lang ako sa NSTP." Ngumiti pa siya sa akin.

"Hay, ano ba 'yang NSTP na 'yan? 'Di naman major, ang daming pinapagawa." reklamo ko kahit na hindi naman din ako nagawa.

"Oo nga eh." sabi niya habang nakangiti pa rin. Buti talaga hindi siya nangangalay. "Kakapasok mo lang?" tanong niya.

"Oo. Inumaga na ako ng uwi kanina e." Pilit pa akong tumawa ng bahagya at napakamot ng ulo. "Kamusta pala? May LBM ka pa?"

"Medyo ayos na naman ako dahil na rin sa tulong ni Mang Ben," sagot niya. Naalala ko tuloy 'yong kagabi, nagpapagamot lang ba talaga s'ya doon o may iba talaga siyang pakay? "Sabay ka sa'king kumain?" alok niya.

"Oo naman! Kaya nga kita hinanap e," masayang tugon ko at sabay na kaming naglakad papunta ng canteen.

"Bantayan mo s'ya, 'yon muna gawin mo..."

Naalala ko ang sinabi ni Enro. Ano ba talaga ang meron kay Ken? May masama ba s'yang balak? Ngunit siya pa nga 'di ba ang natulong sa'min? Bakit naman siya magbabalak ng masama 'di ba? Si Enro lang naman talaga siguro ang mapanghusga. Siguro ako rin, pero konti lang. Favorite friend ko si Ken e, ayokong masira ang friendship namin.

"Wala kayong pupuntahan ni Enro?" tanong niya bigla pagkahanap namin ng mauupuan.

"Wala, may pupuntahan siya e," sagot ko. "Bakit?"

"Wala naman, baka lang makakatulong ulit ako," tugon naman niya.

Hindi na ako sumagot pa at nagtingin-tingin na lang ng mga pagkain na p'wedeng bilhin. Kung isa si Ken sa mga dapat bantayan, ano naman kaya ang kinalaman niya sa pagkawala ni Kate? Parang ang layo naman? Wala namang pwedeng maging koneksyon sa kanilang dalawa.

Noong awasan na ay hinayaan kong umuwi si Ken mag-isa. Pinauna ko siya para masundan ko kung saan siya pupunta.

Laking gulat ko naman nang mapadpad na naman siya kayna Manang Ising. Hindi pa ba siya magaling? Akala ko'y ayos na siya?

Sinundan ko siya hanggang makapasok siya sa loob.

"Ma, bahay na ako," sigaw niya pagkapasok sa loob ng bahay.

Ma? Mama?

Nanigas ako sa aking kinakatayuan, hindi ako makapaniwala sa aking narinig. Tama ba ang kutob ni Enro? Ano pa kaya ang tinatago ni Ken sa amin at bakit n'ya naman ito itinago?

"Ineng? Anong ginagawa mo dito?" sabi ng isang lalaki sa aking likuran.

Napalingon ako sa kan'ya at napalunok. "Mang Ben."

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro