11
Naging alerto ang mga tauhan ni Simon nang dumating ang dalawang tagapagligtas ko. Medyo kinabahan naman ako dahil tingin ko pa lang dito kay Simon ay madumi siyang makipaglaban. Nakatingin pa rin ako sa patalim na hawak n'ya at ayaw n'ya talaga itong bitawan. Ang duwag mo naman. Makipaglaban ka naman sana nang patas.
Halatang-halata ko naman ang galit sa mga mata ni Enro. Kita ko naman si Ken na parang may galit rin sa mundo. Feel na feel talaga nila ang pagligtas sa'kin. Nakakataba naman talaga ng puso.
Dali-daling namang sumugod si Enro kay Simon at nagpakawala agad ng suntok dito. Natumba naman agad si Simon at nabitawan n'ya ang kutsilyong hawak n'ya. Dumulas ito papunta sa akin at agad ko naman itong inupuan para hindi n'ya na ulit makita.
"Nasaan si Kate?" nag-aapoy na tanong ni Enro kay Simon habang kinukwelyuhan ito.
Tumawa naman ito ng nakakaloko bilang tugon saka pinahid ang dugong lumalabas sa kaniyang bibig. "'Di ba ako dapat ang nagtatanong sa'yo n'yan?" sagot niya kay Enro. "Nasaan si Kate?"
Ha? Ano na ba ang nangyayari? Nakita kong napakunot rin si Enro sa narinig niya. Parehas silang walang ideya kung nasaan si Kate? Kung ganoon, sino ang nagtatago sa kan'ya? Nakakaloko naman talaga itong mga nangyayari.
Napansin ko naman si Ken na papunta sa akin ngunit hinarang s'ya ng mga lalaking tauhan ni Simon at may hawak pang mga tabla ang mga ito.
Nilabanan n'ya ang mga iyon kahit sa tingin ko'y wala s'ya sa tamang kondisyon. Naalala kong hindi nga pala siya naka-attend ng College Night dahil masama ang pakiramdam n'ya. Masama pa rin kaya ang pakiramdam n'ya hanggang ngayon?
Hindi naman ako makatingin sa tuwing mahahampas ng mga bwiset na lalaking iyon si Ken. Nanggigilid na ang mga luha ko dahil sa nakikita ko. Ayaw kong nakikita s'yang nasasaktan. Hanggang sa may kakaibang tunog at amoy na lumabas mula sa kan'ya. Napatakip ng ilong ang mga lalaki at nagkaroon ng pagkakataon si Ken na agawin ang mga hawak nilang tabla at hampasin sila nito.
Gusto kong humanga at hindi na lang isipin na kay Ken galing ang utot na iyon. Siguro ay strategy niya lang iyon para makalaban. Tinuturo rin kaya iyon sa taekwondo?
Agad naman s'yang lumapit at inalis ang busal sa bibig ko. "Ayos ka lang?" tanong niya.
Tumango naman ako at ngumiti sa kan'ya. Inalis nya rin ang tali sa mga kamay at paa ko. Umakbay ako sa kan'ya para maakay n'ya ako patayo. Napansin ko naman na nakahawak s'ya sa kan'yang tiyan. May nararamdaman nga talaga itong si Ken.
Akala ko'y makakalabas na kami dito pero hindi pa rin pala. Ang daming tao nitong si Simon, nakakapanghina. Agad kong nilimot ang kahoy na malapit sa akin at s'yang pinanghampas sa mga lalaking sumusugod sa amin.
Nakita ko naman sa kabilang sulok sina Enro at Simon na hindi pa rin nagkakaintindihan.
"Wala kang alam? Hindi mo alam kung nasaan siya?" takang-takang tanong ni Simon kay Enro.
"Hindi mo ba alam na hinahanap ko rin siya?" sagot naman ni Enro.
"Kalokohan!" sigaw ni Simon sabay suntok kay Enro "Tinatago mo siya sa'kin!" Laking gulat ko nang may binunot s'yang kutsilyo sa bulsa n'ya. Sa sobrang kaba ko ay naibato ko sa kan'ya ang kahoy na hawak ko.
Napanganga naman kaming lahat nang sumapol ang ibinato kong kahoy kay Simon.
...
"Ayos ka na?" tanong ko kay Ken pagkalabas n'ya ng CR ng police station.
"Oo," nahihiyang sagot niya sa'kin habang nagkakamot ng ulo.
"Salamat ah!" nakangiting sabi ko sa kan'ya.
"Wala 'yon! Kay Enro ka magpasalamat, kung 'di dahil sa kan'ya hindi ko rin naman malalaman," sagot niya.
"Pero dapat hindi mo na talaga pinilit sarili mo eh! Buti 'di ka napa-pupu doon," nag-aalalang saad ko.
Tumawa lang siya at napakamot sa ulo. "LBM lang 'to. Mas importante ka." Nanlaki naman ang mga maliliit kong mata nang dahil sa sinabi n'ya. Kinilig ako a! Ang swerte naman talaga ng magiging jowa nitong si Ken. Napaka-sweet n'yang tao e, pati kaibigan pinapakilig n'ya.
"Affy!" Napalingon naman ako sa babaeng tumawag sa akin. "I am so glad that you are safe!" Sinalubong n'ya ako ng yakap n'ya.
"Liana." Niyakap ko rin naman s'ya. "Salamat, sis."
"Hay, ano ba itong pinasok nyong gulo?" Kumalas s'ya sa pagkakayakap namin at kinunot ang kan'yang noo.
"Para kay Enro sis, I need to help him," sagot ko na lang.
Ngumiti siya at tinapik ang balikat ko. "Just stay safe, okay?"
Tumango naman ako at nagpasalamat muli sa kaniya. Buti na lang talaga at hinabilin ni Enro kay Liana ang pagtawag sa mga pulis kung hindi siya makakauwi sa loob ng tatlumpung minuto. Saktong pagkabato ko kay Simon ay nagdatingan naman ang mga pulis at inaresto ang mga lalaking dumakip sa akin pati na rin s'yempre si Simon.
Nakakulong na ngayon sila dahil sa kasong kidnapping at sana'y hindi na muna sila pakawalan habang hinahanap namin si Kate para mas mapadali na ang lahat.
Nilapitan ko naman si Enro na kasalukuyang tinatanong si Simon. Ito na naman ang kan'yang mapupusok na mata at nakakatakot na aura. Tila nag-iibang anyo talaga s'ya kapag si Kate na ang pinag-uusapan.
"Anong kaugnayan mo kay Silso?" tanong niya kay Simon.
"Hindi ko nga siya kilala! Wala akong tauhan na ganoon ang pangalan." sagot naman ni Simon na naiinis na dahil sa paulit-ulit na pagtatanong ni Enro.
"'Pag nalaman ko lang talaga na may kuneksyon kayong dalawa, makikita mo," pagbabanta ni Enro.
"'Wag kang magtapang-tapangan, Enro. Alalahanin mo, hindi ako magtatagal sa kulungang ito at makakabawi rin agad ako sa'yo," bawi naman ni Simon na nagpakawala rin ng masasamang tingin.
Hindi naman siya pinansin ni Enro at nagtanong muli. "'Yong memory card, alam mo ba kung anong password n'yon?"
"Memory card?" Napatawa bigla si Simon. "Ah! 'Yong memory card na iyon! Akala ko naman ay nabuksan mo na. Hay, masyado naman palang mataas ang tingin ko sa'yo. Akala ko'y malalaman mo agad kung ano, pero hindi pala."
"Anong password?" nanggigigil na tanong ni Enro.
"Hindi ko rin nga alam. Okay? Kaya ko nga kinukuha sa'yo e. Gusto ko ring malaman kung anong laman n'yon." Napakamot si Simon ng ulo at nagkibit-balikat.
Napatahimik na lang si Enro at bigla siyang tumingin sa'kin.
Ngumiti naman ako.
Sumimangot siya.
Sumimangot din ako.
Lumapit siya.
Ito na naman ang puso ko. Akala ko ba nagmomove on ka na, Affy? Niloloko mo na sarili mo eh.
"Ayos ka lang?" tanong niya sa'kin. Hindi naman ako agad nakasagot dahil hindi ako makapaniwalang tinanong n'ya 'yon sa akin.
Tumango na lang ako dahil sa sobrang kilig ko'y hindi ko na maibuka ang aking bibig. Yumuko ako at hahakbang na sana palayo sa kan'ya ngunit hinawakan n'ya ang braso ko.
"Hatid na kita." Isang pangungusap pero isang milyong paru-paro naman ang idinulot sa aking tiyan.
Enro, bakit ka ba gan'yan? Lalo lang akong nasasaktan kapag binibigyan mo ako ng pag-asa e. Ngayon ko lang naisip na mas gusto ko na palang sinusungitan mo ako para kahit papano'y matulungan mo ako sa pagmomove-on, ngunit hindi, ito ka at kinakalabit lahat ng pinipigil kong feelings para sa'yo. Sa tingin mo, paano naman kita matitiis n'yan?
"Sige," sagot ko naman. Papunta na siya palabas ngunit hinawakan ko ang t-shirt n'ya kaya napalingon s'ya sa akin. "Ihatid mo rin si Ken," pahabol ko.
"Ha?" inis na tugon n'ya.
"Dinamay natin s'ya dito, ihatid man lang natin s'ya pauwi," pakiusap ko.
Huminga s'ya nang malalim at pilit na tumango. Napangiti naman ako at sinamahan na siyang lumabas ng presinto. Agad ko namang hinanap si Ken at niyayang sumabay sa amin ngunit kahit anong pilit ko ay ayaw n'yang pumayag.
"'Wag na talaga, Affy. Ayos lang, promise!" sagot n'ya kahit na pinipilit ko na talaga s'yang sumakay ng motor.
Napa-buntong hininga na lang ako at hinayaan s'ya. "Oh sige na nga! Basta mag-ingat ka ah!"
Tumango naman siya at bigla akong niyakap. "Ingat," bulong n'ya.
Niyakap ko rin siya at tinapik-tapik ang likod niya. "Salamat."
Napabitaw naman kami sa pagyakap ng biglang bumisina ng malakas si Enro. Sinamaan ko siya ng tingin ngunit wala siyang reasksyon. Tuluyan naman akong namaalam kay Ken at hinintay siyang makasakay ng jeep.
Hinayaan naman akong makasakay ni Enro sa motor n'ya. Hindi pa rin ako humahawak sa kanya dahil ayokong isipin n'ya na tine-take for granted ko siya. Hindi ako ganoon pero mas mabuti na 'yong mallinaw.
"Kumapit ka." Naramdaman n'ya ata ang hindi ko pagkapit sa kan'ya pero hindi pa rin ako kumapit.
"'Pag hindi ka kumapit ay ibababa na kita," banta niya. Matic namang kumapit ang mga braso ko sa palibot ng kanyang bewang.
Nakukuryente ata ako, para ko na rin kasi siyang yakap-yakap ngayon. Ano ba yan? Naiihi na ata ako sa kilig. Isasandal ko pa sana ang aking ulo sa kan'yang balikat ngunit bigla akong nagtaka nang bigla kaming nag-U-turn.
"Babalik tayo?" tanong ko sa kaniya.
"Oo," matipid na sagot niya.
"Bakit?" nag-aalalang tanong ko.
"Susundan natin si Ken."
Hindi na ako nakasagot pa at napatulala na lamang.
Pinaghihinalaan n'ya na ba ngayon si Ken? Bakit naman? Wala akong nakikitang dahilan para pagbintangan siya. Siya na nga ata nag pinakamabuting taong nakilala ko at naniniwala akong wala s'yang kinalaman sa mga nangyayaring ito. Sana ay totoo ang kutob ko.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro