Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Pahingá

PAHINGÁ
isinulat ni Endee (loveisnotrude)


"BAKIT KAILANGAN nating umabot sa ganito?"

Gusto ko mang salubungin ang kaniyang mga tingin, hindi ko magawa. Ngayon pa nga lang na nakayuko ako ay iba na ang sakit na aking nararamdaman. Paano pa kaya kapag nakita ko kung gaano rin siya nasasaktan sa mga oras na ito?

Pero kung patatagalin ko pa kasi ito, mas lalo lang mahirap---sa akin, sa kaniya, sa aming dalawa. Paniguradong mas lalo lang din kaming masasaktan kung ipagpapatuloy pa namin ang relasyong ito.

"Ano ba talagang nangyayari?"

"Pagod na ako."

Ilang segundong katahimikan lang ang namayani sa paligid bago siya muling nagsalita. "Puwede ka naman magpahinga."

"Ayon na nga, e. Gusto ko nang magpahinga . . . sa atin."

"B-Bakit?"

Hindi pa rin ako makatingin sa direksyon niya. At nang marinig ko ang basag niyang boses, napapikit na lang ako.

Paiyak na siya.

"Bakit gusto mo nang magpahinga sa atin? A-Akala ko ba . . . Akala ko ba ako ang pahingá mo?"

Napadilat ako.

Nanatili akong nakayuko at sinubukang hanapin sa bawat sulok ng aking isipan ang sagot sa tanong niyang iyon.

Muli akong napapikit, sumagap ng sapat na hangin at saka ito marahang ibinuga sa kawalan. Kasing-init pa ito ng namumuong luha sa gilid ng aking mga mata na kanina ko pa pinapakiramdaman.

Mainit.

Parang pag-iibigan namin . . . noon.

Sa paglipas kasi ng panahon ay unti-unti na itong lumamig. Katulad ngayon---sa mga oras na ito.

Awtomatikong nagsibalikan tuloy sa aking isipan ang mga alaala naming dalawa noong sinusubukan pa naming ipaglaban ang aming pag-iibigan; hanggang sa kami'y nanindigan at nagtagumpay na ipakita sa kanilang lahat na mahal talaga namin ang isa't isa.

Ang mga alaalang iyon . . . Mukhang mananatiling alaala na lang sa ngayon.

Bakit nga ba kami umabot sa ganito?

"Sa relasyon ka ba talaga natin napagod at hindi sa akin?"

Sinabayan ko ang pagsasalita niya nang dahan-dahang pagtaas ng ulo at pagtingin sa kaniyang direksyon.

Sa pagtatama ng aming mga tingin, naramdaman kong may nawala talaga.

Nawala na iyong koneksyon.

Nawala na iyong dating kami.

Nawala na ako---sa ritmo, sa daloy, sa pakiramdam na mahal ko siya at siya lang ang dapat kong mahalin.

Nawala na ang lahat ng iyon.

"Dati . . . " pagsasalita ko habang nakatingin ng diretso sa kaniyang mga mata. "Oo nga't dati, ikaw ang pahingá ko. Pero kasi ngayon, ikaw na ang dahilan kung bakit gusto ko nang magpahinga."

"Hindi na ba natin maaayos ito?"

"Sinubukan kong ayusin."

"Hindi ba puwedeng subukan pa natin?"

Mabilis kong pinunasan ang iilang luhang kumawala sa aking mga mata saka siya binalingan at marahang umiling. "Baka kapag pinilit pa kasi natin lalo lang tayong magkasakitan. Lalo lang kitang masaktan. At ayaw ko nang mangyari pa iyon. Pagod na talaga ako."

"Ang dami na nating pagsubok na hinarap at nalagpasan, bakit ngayon pa táyo susuko? Bakit ngayon mo pa kailangang bumitiw?"

Gusto kong sabihing matagal ko rin namang pinilit na kumapit. Matagal kong sinubukang huwag bumitiw. Matagal kong pinag-isipan ang desisyon kong ito.

Pero nanatali na lang akong tahimik.

Isinantabi ko na lang sa isang sulok ng aking isipan ang mga iyon. Ayaw ko na kasing dagdagan ang dahilan para siya'y masaktan pa.

"Hindi kita kayang bitiwan."

"Kakapit ka pa rin ba kahit iyong kinakapitan mo ay unti-unti nang nawawala, naglalaho, lumalayo . . ." Umayos ako nang upo. ". . . Kakapit ka pa rin ba kahit gusto ko nang bumitiw?"

Inabot niya ang dalawa kong kamay at saka ito hinawakan nang mahigpit. "Please . . ."

"Hindi ko lang naman kasi gustong magpahinga, e. Gusto ko na ring huminga," sabi ko at dahan-dahang inalis ang pagkakahawak niya sa akin. "Gusto ko nang makahingang muli."

Pagkatapos kong bitiwan ang mga salitang iyon, tumayo na ako. Isang beses ko pa siyang pinagmasdan bago kinuha ang tungkós ng carnation na dala-dala ko at saka ito iniabot sa kaniya.

Nang kuhanin niya na ito, tuluyan ko na siyang tinalikuran. Magdidire-diretso na sana ako sa paglalakad palayo nang bigla siyang magsalita kaya napahinto muna ako upang pakinggan ito.

"Hanggang dito na lang . . ."

Nang marinig ko ang katagang iyon na siyang ibig sabihin ng bulaklak na ibinigay ko sa kaniya, napalunok na lang ako ng sarili kong laway.

"Patawad," mahina kong bulong na tanging ako lang ang nakarinig. "Hanggang dito na lang talaga táyo."

At saka ko na tuluyang nilisan ang kuwartong napuno ng masasakit na alaala, salita at emosyon sa nakalipas na ilang oras.

Makapagpapahinga na rin ako . . .

. . . Sana.


WAKAS

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro