Paghulma ng Kandila - Part 2
PAGHULMA NG KANDILA (Short Story) - PART 2
Napaawang ang bibig ni Aling Josie at kagyat siyang nilapitan. "Diyos ko... Hindi ka ba nila sinaktan?" Sabay mabilis na in-inspeksiyon ang mga bisig niyang walang dudang nakatikim ng pulbos ng lupa.
Umiling siya. Pilit na pinapatatag ang sarili. Ayaw niyang ipakita sana na nadudurog ang pakiramdam niya.
"Umupo ka nga muna rito," ani Aling Josie. Sandali itong pumunta sa likod ng counter upang kumuha ng maiinom niyang tubig at bimpong pampunas sa madungis niyang pisngi at mga braso.
Tahimik na uminom at nagpunas si Benjo. Maya-maya, medyo nahimasmasan siya.
Si Aling Josie naman ay nanggagalaiti at namewang. "I-report na natin 'yan sa pulis. May kakilala ako ro'n, kaya 'wag kang mag-alala kung natatakot kang babalikan ka nina Paco."
Umangat ng tingin si Benjo. Lalong naawa ang ginang sa mga mata nitong nangingislap sa pagpipigil na hindi maluha. Sa edad nitong katorse anyos, inosente pa rin itong tingnan. Na parang hindi marunong kumanti kahit ng lamok. Bukod sa mabait at masipag, magalang din ito. Iyon ang mga katangiang nagustuhan ng ginang dito. Mga katangian na sinasamantala naman ng grupo ni Paco, komo galing ito sa malayong baranggay, mahirap, bagong salta sa bayan, transferee sa eskuwelahan, at walang malapit na kakilala—bukod sa tiyo nito.
"Papa'no ko po sasabihin kay Tiyo Milo na nasira ang mga kandila?" malayong sagot ni Benjo. Mas inaalala niya ang mga in-order kesa sa ginawa sa kanya nina Paco. "Ayaw ko pong bigyan siya ng ganitong problema."
"Hindi mo naman kasalanan ang nangyari," tugon ni Aling Josie.
Hindi kumbinsido si Benjo. "Alam ko po... Pero kawawa naman si Tiyo Milo. Napakabait niya sa 'kin. Kinupkop niya ako at dito na pinag-aral ng high school. Gusto kong suklian ang lahat ng kabutihan niya sa 'kin. Iyon ang dahilan kung bakit pinilit ko siyang ako na ang kukuha ng kanyang mga order dito. Pero... anong ibinibigay ko sa kanya ngayon?" Nasapo nito ang ulo. "Malaking halaga ang mawawala sa kanya ngayon...."
Napabuntonghininga si Aling Josie. Pati ito ay napapaisip nang malalim. Matitiis ba nitong hindi tulungan ang kawawang bata sa harapan? Nailing tuloy ang ginang. Oo, bata ang tingin nito kay Benjo noong una pa man. At malamang ay ganoon din ang tingin nina Paco. Madali at kayang-kayang saktan at paglaruan ang isang bata.
"Ganito," ani Aling Josie. "Hindi ba't wala kang ginagawa tuwing Sabado at Linggo? O pagkatapos mong kunin ang order n'yo rito?"
Tumaas-baba ang ulo ni Benjo.
"Wala ka ring ginagawa pagkatapos ng klase mo sa hapon, 'di ba?"
Tango ulit ang isinagot niya.
"Gusto mo bang kumita ng pera?"
Nanlaki ang mga mata niya. Sunud-sunod na pagtango pa ang kanyang ginawa.
"Sige. Simula ngayon, tutulungan mo akong gumawa at humulma ng kandila. Umuwi kanina sa lugar nila ang nag-iisa kong tauhan dito, kaya nangangailangan ako ngayon ng katulong. Ang sahuran ay tuwing Sabado. Hindi kalakihan ang sahod, pero magagamit mo ito sa mga gastusin sa pag-aaral."
"At malaking tulong ito kay Tiyo Milo!" nagagalak at malakas na sabi ni Benjo. Abot-tenga ang mga ngiti niya. Para bang biglang naging maganda at nagkakulay ang buong paligid na kanina lang ay mapanglaw at wala nang saysay.
Nangiti na rin si Aling Josie. Lumapit ito at ginulo ang kanina pang sabug-sabog niyang buhok. Anito, "At kung makararami ka ng gawa ngayong araw, papalitan ko ang lahat ng mga kandilang sinira nina Paco."
Hindi na tuloy makapagsalita si Benjo.
Si Duke naman na naroroon lang sa tabi at nakikinig sa dalawa ay biglang nagtatatalon. Kumahol pa ito nang ilang beses. Tila naiintindihan kung ano ang napag-usapan.
Lumuhod si Benjo at ilang beses na hinimas-himas ang makinis na balahibo ng higanteng aso. Higante dahil may bigat itong limampu't apat na kilo at taas na pitumpu't anim na sentimetro. Hitsurang pinaghalong Great Dane at St. Bernard ito. Payat, matangkad, matulis ang dibdib, malapad ang mga paa; ngunit medyo mahaba ang mga balahibo at kakulay ng St. Bernard.
Nang tumayo si Benjo, para siyang isang batang nabigyan ng kendi. Masigla, na parang nalimutan na ang masamang nangyari sa kanya at sa mga kandila. "Maraming salamat po talaga! Ngayon na ba talaga ako mag-uumpisa?"
Nangingiting napatango si Aling Josie. "Oo. I-te-text ko muna ang tiyo mo para hindi 'yon mag-alala at hanapin ka."
Ilang sandali pa, dinala ni Aling Josie si Benjo sa likuran ng tindahan. Isa iyong istruktura na ekstensiyon ng tindahan. Katunayan, ang isa pang istruktura sa gilid ay ang tirahan mismo ng ginang.
"Welcome sa mini-factory ko," saad ni Aling Josie. Iminuwestra nito ang maliit na kabuuan ng puwesto.
Bahagyang natawa si Benjo. Nakuha niya kung bakit ganoon ang bansag ng ginang sa pagawaang iyon. Pero hindi niya mawari noong una kung bakit maraming nakasabit na mga pinong tali sa kisame. Hindi magkakadikit ang pagkakahilera ng mga ito na halos pare-pareho pa ng bawat pagitan. Sa kaliwang bahagi, mapapansin ang mga drum ng mga likido na may iba't ibang kulay. Sa kanan, ilang mga istante roon ang makikitang puno ng mga karton at mga kandilang natapos nang maihulma. At sa lahat ng mga nandoon, pinakanagustuhan ni Benjo ang disenyo ng aso at ng isang babae. Nakatutuwang naisip niyang kahawig ang mga iyon nina Duke at Aling Josie. Mukhang lumilok at umukit yata ang ginang ng pigura base sa anyo nito at ng aso. Mukha ring natatangi ang mga iyon dahil ang kaha ay espesyal. Gawa sa bakal at salamin. At tila hindi iyon ibinebenta ng ginang dahil hindi pa niya iyon nakikitang nai-display sa mga istante sa tindahan.
Kaagad na isinabak siya ng ginang sa paggawa ng kandila. At hindi niya akalaing mano-mano pala iyon! Simple itong gawin ngunit kailangan ng maraming tiyaga at tiis. Tiyaga, dahil sa paulit-ulit na pagbuhos ng tunaw na kandila sa mga nakasabit na tali hanggang sa mabuo iyon at tumigas. Tiis, dahil mainit sa pagawaan. Kailangang mapanatiling medyo tunaw at malambot ang kandila nang sa ganoon ay madali itong maihulma.
"Alam mo, Benjo," ani Aling Josie, habang abala rin ito sa paghuhulma ng malaking bulaklak na kandila, "itong ginagawa natin ay para ding karakter ng isang tao."
Kumunot ang noo niya habang pinuputol ang matigas nang kandila sa pare-parehong haba. "Pa'no po?"
"Nagiging matibay at magandang klase ang isang nahulmang kandila dahil iyon ang kagustuhan ng naghuhulma rito. Nasa nanghuhulma kung gusto nito ng hindi basta-basta nababali o nababasag na kandila, o ng makukulay na disenyo, o ng iba't ibang laki, o ng klase-klase ng bango."
"Hindi ko po kayo maintindihan..."
"Ibig sabihin, kung gusto mong maging malakas, matibay, matapang, lumalaban sa hindi tama, ay magagawa mo kung gugustuhin mo... Bakit? Dahil ikaw ang humuhulma sa sarili mong karakter. Hindi ako, tiyo mo, ibang tao, lalung-lalo na nina Paco."
Mukhang nabuksan ang isipan ni Benjo sa pangaral na iyon. Maraming sandali siyang natahimik at nauwi sa malalim na pag-iisip.
Hindi niya namalayan ang oras. Kung hindi pa sinabi ni Aling Josie na hapon na at umuwi na siya, hindi pa siya titigil sa kakahulma ng kandila. Medyo proud pa nga siya dahil kahit unang araw pa lang niya roon ay marami siyang nagawa at natapos na produkto. Ibig sabihin ay may maiuuwi siya na pambenta ng kanyang tiyo sa tindahan nito.
Hindi pa rin mapalis ang maluwang na ngiti ni Benjo habang nag-iisip ng panibagong ruta pauwi upang hindi makatagpo si Paco. Subalit mukhang namarkahan na talaga siya ng grupo nito at naging paborito na yatang apihin. Hinarang siya ng mga ito kahit hindi pa siya nakalalayo sa tindahan ni Aling Josie.
Mabilis siyang bumaba ng bisikleta at inilagay ang sarili sa harapan noon. Gusto niyang takpan at itago ang mga karton ng kandila na nasa likod ng bisikleta. Baka kasi sirain na naman.
Noong mga sandaling iyon, ipinasya ni Benjo na may punto si Aling Josie. Kung ihahalintulad siya sa isang kandila, gusto niyang siya ang may pinakamagandang dibuho sa lahat. Ang pinakamabango at pinakamalaki. Nang sa ganoon ay maging importante siya sa mata ng ibang tao. Ang igalang siya at irespeto. Na sa kanya naman maintimida sina Paco. Sa mga sandali ring iyon, napagtanto niyang magkasinlaki at tangkad lang pala sila ni Paco. Mukha lang sanggano ang huli dahil sa mahabang pilat nito sa kanang pisngi at maangas na pagkakatayo. Kaya lalaban na siya upang mahinto na ang pambu-bully nito sa kanya.
"Ano ba'ng kailangan n'yo sa 'kin? Wala akong ginagawang masama sa inyo," aniya.
Umismid si Paco at may sinabi na mahirap intindihin. Halatang nakainom ito nang marami.
"Hindi na ako natatakot sa 'yo, Paco. Kaya paraanin ninyo ako," madiing sabi niya. "Kung hindi, makararating na ito sa istasyon ng pulis." Pinukulan pa niya ng matalim na titig ang lalaki. Alam niyang nakita ni Aling Josie ang mga nangyayari at malamang na tumatawag na ng pulis upang rumesponde sa mangyayaring kaguluhan. "Alam kong marami na ang nagrereklamo tungkol sa inyo. Kaya kung ako sa inyo, pag-isipan n'yo nang mabuti ang susunod n'yong gagawin."
"Aba't nagtatapang-tapangan ka na talaga, ha?" Sumugod si Paco habang nakataas ang isang kamao. Nasa aktong manununtok na.
Subalit nahinto ito nang may sumulpot sa likod ni Benjo.
Sunod na maririnig ang malakas at nakatatakot na angil ng isang mala-halimaw na boses. Mistulang nanggaling iyon sa ilalim ng lupa at sumuot sa mga kalamnan ng mga naroroon.
"Duke?" nagtataka ngunit natutuwang sabi ni Benjo. Nabunutan siya ng tinik sa pagkakaroon ng kakampi at tagapagtanggol. Lalo tuloy lumakas ang loob niya.
Inilabas ng aso ang malalaki at matutulis na pangil. Humakbang pa papalapit. Sa takot, nagsipulasan na ang mga siga.
Tanging si Paco ang naiwan sa grupo. Nagmumura na mga duwag ang mga kasamahan. Pagkatapos, may binunot ito mula sa likod ng pantalon. Kumislap pa iyon nang tamaan ng sinag mula sa poste ng ilaw roon sa kalye.
Hindi iyon nagustuhan ni Duke. Ramdam nito ang masamang binabalak ni Paco. Kung kaya umakto muli ito na manunugod. Panakot lang. Subalit dahil lango sa alak si Paco—at malamang sa droga—itinarak nito ang punyal sa paparating na si Duke.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro