Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Pagaspas


"Jessica! Nandito na ang kuya mo!"

Dinig ko ang malakas na sigaw ni Nanay mula sa loob ng aming bahay. Marahil ay tinatawag niya ang aking kapatid na sa malamang ay tumutulong sa Tatay ko na magwalis sa likod-bahay. Napangiti ako nang marinig ko ang malakas na sigaw ni Nanay. Nangangahulugan lang ito na nabawi na niya kahit paano ang lakas na nawala sa kanya noong operahan siya sa puso.

Ibinaba na ng tricycle driver ang huli sa aking mga bagahe. Dumukot ako ng ilang perang papel sa aking wallet at iniabot sa kanya.

"Sa inyo na po ang sukli," wika ko na siya naman niyang ikinatuwa.

"Kuya!" wika ng nakababata kong kapatid habang tumatakbo papalapit dala pa rin ang walis-tingting.

Yumapos ito sa akin nang mahigpit, hawak pa rin ang walis.

"Hindi ka man lang nagpasabi nang maaga-aga at nang nasundo ka sa terminal," wika ni Tatay. Tulad ng nakagawian na niya, wala na naman siyang damit na pantaas. Matipuno pa rin ang kanyang katawan ngunit halatang hindi na ito tulad ng dati, dala marahil ng katandaan.

"Nakahubad na naman po kayo. Hindi ba masama 'yan sa inyo?" tanong ko habang inaabot ko ang kanyang kanang kamay upang magmano.

"Kaawaan ka ng Maylikha," wika ni Tatay. "Hindi ba mas masama kung mabababad ang likod ko sa pawis? Aba, napakainit na ng panahon ngayon at napakadali kong pagpawisan. Mas mabuti na ang ganito. Nandyan naman si Ineng para punasan ang likod ko kapag basa na sa pawis," dagdag niya. "Ineng, tulungan mo ang kuya mong iakyat ang mga bagahe niya. Hahakutin ko lang ang mga winalis natin at nang makakain na tayo ng tanghalian. Ipinagluto ka ng Nanay mo ng paborito mong ulam."

"Opo," wika ng kapatid ko.

"Ako na ang magbubuhat dito. Iyang maliit na lang ang kunin mo," wika ko habang isinusukbit ko ang isa sa aking backpack. "Mag-ingat ka sa pag-akyat ng hagdan."

May kalumaan na ang aming bahay na gawa sa kahoy. Panahon pa yata ito ng mga Hapon nang itinayo. Tulad ng mga bahay sa probinsiya namin, nasa ikalawang palapag ang lahat ng kwarto maliban sa palikuran na nasa ibaba ng bahay. Ang ilalim ng bahay ay lugar kung saan itinatago ng aking Tatay ang mga gamit sa pagsasaka. Dito rin humahapon ang mga alaga naming manok.

Lumangitngit ang sahig na kahoy ng aming bahay sa aking pagpasok. Kahit na alam kong matibay naman ang pagkakagawa nito, hindi pa rin maalis sa isip ko na posibleng bigla na lang itong bumagsak isang araw dahil sa kalumaan. Ayaw naman ni Tatay na ibahin ang aming bahay. Mas maganda raw ang bahay na kahoy dahil nakakahinga ito at malamig kahit na tag-init.

"Dito mo na lang muna ibaba sa sala ang mga gamit ko. Ako na lang ang magpapasok sa kwarto ko mamaya," wika ko sa aking kapatid.

Ibinaba namin ang mga bagahe ko sa sala at magkasama kaming nagtungo ng kapatid ko sa kusina kung saan inaayos na ni Nanay ang hapag-kainan.

"Mano po," wika ko habang inaabot ko ang kanang kamay niya na basa pa ng tubig.

"Kaawaan ka ng Maylikha," wika niya. "Bakit kasi kanina ka lang nagpasabi na uuwi ka pala ngayon. Sana eh nasabihan si Ka Ikong at nang nahiram ang sasakyan niya. Magkano ang ibinayad mo niyan sa tricycle?"

"Mura lang po. Huwag ninyong masyadong alalahanin 'yon."

"Sabagay kilala ka naman dito. Kung ibang tao 'yon baka tinaga na nila sa presyo. Kumusta ka naman sa trabaho mo? Nakakasundo mo ba ang mga kaopisina mo?"

"Opo. Napakabait ko kayang tao," biro ko.

"Nanay, tatawagin ko lang po si Tatay at nang makakain na tayo," pagpapaalam ng kapatid ko na dali-daling bumaba ng bahay.

"Kumusta naman po kayo?" tanong ko na may bahid ng pag-aalala.

"Mabuti naman. Mas maayos na. Hindi pa rin ako makatulong sa Tatay mo sa mga gawain sa bukid at sa likod-bahay pero kahit papaano eh nakakapagwalis naman na ako ng bahay."

"Basta huwag niyo lang po masyadong papagurin ang sarili ninyo. At huwag ninyong pwepwersahin."

"Alam ko naman 'yon. Pero mas mainam na 'yung gumagalaw-galaw ako kaysa naman nakahilata lang ako sa magdamag. Tingin ko ay mas lalo akong magkakasakit kapag ganoon eh," wika ni Nanay, sabay tawa.

Nasabik akong marinig ang halakhak niyang napakalutong. Para bang nang mga sandaling iyon ay napawi lahat ng agam-agam na nararamdaman ko.

Ilang sandali pa at umakyat na sina Tatay at Jessica. Tinulungan ko si Nanay na magsandok ng kanin at ng sinampalukang manok. Sa amoy pa lang ay batid kong napakasarap ng ulam namin. Iniluto ito gamit ang mahinang apoy kaya naman batid kong nanuot ang lasa sa karne ng manok. Palayok ang ginamit ni Nanay sa halip na kalderong bakal, at tanging hilaw na bunga ng sampalok at mga talbos nito ang ginamit na pang-asim.

Umupo na kami paikot sa hapag-kainan at nagpasalamat hindi lamang sa masarap na ulam kundi pati na rin sa pagkakataong ito na kami ay magkakasalu-salong muli sa pagkain.

"Kuya, wala sigurong ganyan sa Manila, 'no?" tanong ng aking kapatid.

"Meron naman pero hindi lang sinsarap ng luto ni Nanay," sagot ko, na kitang-kita kong ikinatuwa ni Nanay. "Maiba ako, may boyfriend ka na ba?" tanong ko sa aking kapatid.

"Hala si Kuya," sagot ni Jessica na parang nainis.

"Nagtatanong lang naman. Nasa kolehiyo ka na kaya normal lang na may manligaw sa iyo. Mas nakakainis naman yata kung walang magkagusto sa iyo," wika ko na may halong pang-aasar.

"Tatay, si Kuya oh."

Napangiti na lang ang Tatay ko sa sinabi ng kapatid ko. Marahil ay natutuwa na umingay na naman ang hapag-kainan. Marami pa kaming pinag-usapan, hindi lamang ang mga manliligaw ng kapatid ko. Napag-usapan rin namin ang tungkol sa bukid, ang bumubuting kondisyon ni Nanay, ang mga kababata ko na ikinasal na, mga kakilala naming namatay, at kung anu-ano pa. Wari bang napakatagal kong nawala sa amin.

Simula kasi nang makapagtapos ako sa kolehiyo apat taon na ang nakalilipas, sa kursong Biology major in Microbiology, ay hindi ako nag-aksaya ng panahon at naghanap agad ako ng trabaho. Una akong nagtrabaho bilang pharmacy assistant sa isang kilalang botika sa bayan. Doon ko napagtanto na marami palang bagay na hindi kayang ituro sa iyo sa loob ng silid-aralan. Sa botika ako natuto kung paano makisalamuha sa iba't ibang klase ng tao, simula sa mga bumibili ng gamot hanggang sa mga taong humahawak ng mas matataas na posisyon kaysa sa akin. Naranasan kong masigawan ng ilan sa mga suki namin dahil sa kupad kong kumilos. Natuto akong maging mas alisto at humaba ang pasensya ko lalo na pagdating sa pakikipag-usap sa mga may edad na.

Nagtagal din naman ako doon ng anim na buwan bago ako lumipat sa isang research institute sa kabilang bayan. Naging research assistant ako sa isang proyekto na pinamumunuan ng dati kong guro. Doon ko mas nagamit ang mga napag-aralan ko sa kurso ko, simula sa paghanda ng mga slants, broths, at plates, hanggang sa pagsuri ng iba't ibang mikrobyo. Natuto rin akong maging mapanuri sa mga impormasyon na binabasa ko mula sa mga artikulong nailimbag sa mga journals. Nahasa ako sa pakikipag-usap sa iba pang mga siyentipiko at dito ko naranasan na maipadala sa isang conference upang ibahagi ang resulta ng aming mga pag-aaral. Nang matapos ang proyekto makalipas ang dalawang taon ay hindi na ako nagpa-renew ng kontrata. Lumipat na ako sa isang kompanya sa Manila.

May isang taon na rin akong nagtatrabaho sa kompanya kung saan ako napapabilang ngayon at matagal nang natanggal ang aking probationary status. Mas malaki ang sweldo na natatanggap ko ngayon kumpara sa mga dati kong trabaho at mas marami pa akong benepisyong natatanggap. Ngunit hindi tulad ng mga nauna kong pinagtrabahuhan, ang kapalit nito ay ang paglayo ko sa aming bahay. Ang byahe mula sa amin papunta sa Manila ay inaabot ng kalahating araw kaya naman madalang akong makauwi sa amin.

Nahirapan din ako sa una dahil talaga namang ramdam ko ang homesickness. Nandyang umalis ako ng Sabado ng umaga at dumating sa amin na wala na ang sikat ng araw. Makikitulog lang ako at makikikain ng agahan bago ako magbyahe pabalik ulit ng Manila. May mga pagkakataon na naisip ko kung tama ba ang desisyon ko na lumayo pa sa pamilya ko kapalit ng mas malaking sweldo. Ilang linggo ko rin itong pinag-isipan hanggang sa napagtanto ko na kailangan namin ng pera. Hindi kami mahirap, ngunit hindi rin kami mayaman. Payak lang ang aming pamumuhay at nakakakain naman kami ng tatlong beses sa isang araw, ngunit sa pagtanda ng aking mga magulang, nariyan ang mga pagkakataon na talaga namang susubukin ka at ipagpapasalamat mo na lang na may huhugutin kang pera.

Ngayong magkakasama kaming apat sa iisang hapag-kainan, nagpapasalamat ako sa Maylikha sa pagkakataong ito dahil talaga namang mas madalang pa ang mga ganitong pagkakataon kaysa sa ulan ngayong tag-init.

Matapos kumain ay tinulungan namin ni Jessica si Nanay na magligpit ng pinag-kainan. Mabuti na lang at nakapagpalagay na kami ng dekuryenteng bomba upang maiakyat ang tubig mula sa ibaba papunta sa itaas ng bahay, kung hindi ay malamang mag-iigib pa rin kami ng kapatid ko sa balon.

"Hanggang kailan ka pala dito?" tanong ni Nanay habang naghuhugas ng mga plato.

"Hanggang sa susunod na Sabado po," wika ko.

"Aba, bago yata 'yan," wika ng Nanay ko. Nasanay malamang siya na nakikitulog lang ako sa amin kapag umuuwi ako.

Hindi ako nakasagot agad sa Nanay ko kahit na wala naman talaga siyang tanong.

"May kailangan po kasi akong ayusin na mga papeles. Pinapaayos po sa akin. Kailangan po sa opisina," wika ko.

"Ah... ay mabuti naman at magtatagal ka pala rito. Lagi kang tinatanong ng mga pinsan mo eh. Mag-inuman daw kayo kapag medyo napahaba-haba ang bakasyon mo."

"Sabihin niyo na lang po na hindi ako umuwi," wika ko, sabay tawa. Alam ng aking Nanay na hindi ako mahilig uminom ng alak kaya naman noon pa man ay kakampi ko na siya kapag nagyayaya ng inuman ang mga pinsan ko.

"Naku, tulog na at napagod sa byahe." Iyan ang laging dahilan na ibinibigay ng Nanay ko sa mga pinsan ko kahit na sa totoo ay nanonood lang naman ako ng telebisyon sa sala. Mabuti na lang at hindi naiisipan ng mga pinsan ko na umakyat sa bahay namin.

Matapos naming tulungan si Nanay ay nagtungo kami ng kapatid ko sa likod-bahay upang magpahinga sa ilalim ng puno ng mangga. Kahit na mainit ang panahon ay may kalamigan naman ang ihip ng hangin. Natuwa ako nang makita ko ang duyan na nakasabit pa rin sa puno ng mangga.

"Hindi tayo kasya. Ang laki mo na kasi," wika ko sa kapatid ko na may halong pang-aasar.

"Huwag kang mag-alala, kasi may sarili akong higaan. Maghintay ka diyan," wika niya bago siya umalis at nagtungo sa bodega sa ilalim ng bahay. Ilang minuto pa at lumabas siya na may bitbit na folding bed.

"Gusto ko niyan. Palit tayo! Dito ka sa duyan, ako diyan," sabi ko habang inaabot ang folding bed.

"Magpasalamat ka at madalang tayong magkita dahil kapag nagkataon eh nakipag-away ako sa iyo," wika ng kapatid ko habang iniaabot ang folding bed.

Malaki ang agwat naming magkapatid. Limang taon. Kaya naman madalas kaming mag-away noong mga bata pa kami. Nariyang maghagisan kami ng libro, magpaluan, maghabulan ng walis tambo, at kung anu-ano pang kalokohan na tinatawanan na lang naming ngayon.

"Bigyan ko na lang kaya kayong magkapatid ng kutsilyo para magsaksakan na lang kayo!" 'Yan ang hindi ko malilimutang linya ni Nanay sa tuwing napapalala ang away naming magkapatid. Kapag ayaw pa rin naming paawat ay tatawagin na niya si Tatay na bitbit ang sinturong balat. At imbes na magbati kami ay lalo pa kaming magagalit sa isa't isa kasi sisisihin namin ang isa't isa kung bakit kami parehong napalo.

"Dadalawa na nga lang kayo tapos mag-aaway pa kayo!" 'Yan naman ang laging bukambibig ng Tatay sa tuwing kami ay pagagalitan.

Ngunit sa pagtuntong ko ng kolehiyo, at siya sa high school ay nagsimula na kaming magkasundo. Siguro ay napagtanto namin na kahit ano ang mangyari, iisang dugo pa rin ang nananalaytay sa aming dalawa, at sa panahong lumisan ang aming mga magulang, wala nang iba pang magtutulungan kundi kaming dalawa.

"So bakit ka nga umuwi?" tanong ng kapatid ko habang inaayos ang duyan. Sumampa siya rito at tuluyan nang nahiga. "Wala ka namang summer break tulad ko. At ano 'yang aasikasuhin mo?"

Tinapos ko muna ang pag-aayos sa folding bed bago ko siya sinagot.

"Nag-aayos ako ng pasaporte. Ipapadala kasi ako sa Canada para mag­-training," sagot ko.

"Canada?" pag-uulit ng kapatid ko.

"Shhh! Huwag kang maingay. Hindi pa alam nina Nanay at Tatay."

"Eh bakit hindi mo pa sabihin? Wala namang masama. ­Training naman 'yon. Hindi ka naman magtatanan. Hmmm... maliban na lang kung..."

"Training lang 'yon," pag-uulit ko bago pa maituloy ng sutil kong kapatid ang sasabihin niya.

"Oh, 'yon naman pala eh. Bakit hindi mo pa sabihin?"

"Hindi pa kasi ako sigurado kung itutuloy ko."

"At bakit naman?" Napaiktad ang kapatid ko sa pagkakahiga niya at umupo na lang sa duyan. "Bakit hindi mo itutuloy?"

"Una, malayo. Pangalawa, ang tagal. Anim na buwan."

"Anim na buwan?" wika ng kapatid ko na medyo napalakas. Tinakpan niya ang kanyang bibig saka bumulong ng "Anim na buwan? Medyo matagal nga 'yon."

"Gusto ko sanang tumuloy kaso iniisip ko kung paano kayo dito."

"Ay bakit? Mapapaano ba kami? Bobombahin ba ng Canada itong Pilipinas sa anim na buwan na wala ka?" pabalang niyang tanong.

Napangiti na lang ako sa tono ng kapatid ko. Kung mga bata pa kami ay siguro pinagsimulan na ito ng away namin. Ngunti dahil kabisado ko na ang ugali niya, tinawanan ko na lang siya.

"Alam mo ikaw, medyo plastik ka rin eh 'no? Kapag nasa harap nina Nanay at Tatay akala mo kung sino ka na hindi makalaglag-pinggan. Naku, kung alam lang nila."

Humalakhak ang kapatid ko na napakalutong. Nakakainis pero masarap sa pandinig.

"Pero siryoso ako, Kuya. Ano ba ang mangyayari sa anim na buwan? Eh halos mag-iisang taon ka na nga sa Manila eh wala namang nangyari sa amin."

"Eh 'di ba nga isinugod si Nanay sa ospital?"

"Naisugod naman siya 'di ba? Andito naman ako. Andito naman si Tatay. Nariyan 'yung mga kapit-bahay. Kuya, hindi naman ito parang Manila na walang pakialam 'yung mga tao sa mga nakapaligid sa kanila. Halos lahat ng mga tao dito magkakamag-anak at magkakakilala kaya wala kang dapat ipag-alala."

Nagulat ako sa sinabi ng kapatid ko. Malaki na ang inilawak ng kanyang pang-unawa. May punto naman siya. Bakit nga ba ako nag-aalala?

"Kung mayroon mang dapat mag-alala eh kami 'yon. Pupunta ka sa Canada eh ang lamig-lamig doon. Paano kung bigla ka na lang naging yelo? Sinong lulusaw sa'yo?"

Napahalakhak na naman ako sa sinabi ng aking kapatid. Kahit paano ay nabawasan ang aking pag-aalala. Nag-usap pa kami ng aking kapatid nang mahaba-haba bago kami nagdesisyon na umidlip muna. Ninamnam ko ang ihip ng sariwang hangin. Walang ganito sa Manila. Dinig ko ang huni ng mga ibon sa puno ng mangga na para bang ihinihele ka. Sa mga massage spa ko lang naririnig ang mga ganitong huni. Walang mga busina ng sasakyan na maaring pumunit ng katahimikan. Talaga namang napakapayapa ng paligid.

Palubog na ang araw nang gisingin ako ng aking kapatid.

"Kuya, kakain na raw," wika nito habang niyuyugyog ako sa aking pagkakahiga. "Ikaw na ang magtago niyang folding bed sa bodega. Tutulungan ko lang si Nanay."

Mula sa pagkakahiga ay umupo ako ng ilang sandali bago ako tuluyang tumayo. Tinupi ko ang folding bed at dali-daling nagtungo sa bodega.

"Kumusta ang pagtulog mo? Nakapagpahinga ka ba?" tanong ni Tatay pagpasok ko ng sala. Nanonood siya ng balita sa telebisyon. "Maghugas ka na ng kamay mo at kakain na."

Muli kaming kumain nang magkakasama. Paksiw na bangus naman ang inihain ni Nanay. Masarap ang pagakakaluto at walang kang matitikmang lansa ng isda.

"Nabanggit ng Nanay mo na may aayusin ka raw na mga papeles. Anong mga papeles ba iyon?" tanong ni Tatay.

Natigilan kaming pareho ng kapatid ko at nagkatinginan. Basang-basa ko sa mga mata niya na inuudyok niya akong sabihin na ang talagang pakay ko.

"Kasi pwede kang sumabay kay Ka Ikong sa Lunes. Pupunta siya ng bayan," dagdag ni Tatay. "Para hindi ka na mamamasahe."

Hindi ako nakasagot agad. Nagkatinginan ang aking mga magulang.

"May problema ba, anak?" tanong ng Nanay ko.

"Wala naman po," wika ko. "Nag-aayos po ako ng pasaporte. May kailangan lang po akong kunin sa munisipyo."

"Pasaporte?" tanong ng Nanay ko. "Bakit? Saan ka pupunta?"

"Sa Canada po."

"Canada? Ano ang gagawin mo roon?" tanong ni Tatay.

"Ipapadala po ako ng kompanya para sa isang training. Mga anim na buwan po ako doon."

Nagkatinginan muli ang aking mga magulang.

"Pero hindi pa po ako sigurado kung tutuloy ako," bigla kong sambit.

Napatingin sa akin ang kapatid ko.

"Ay, bakit hindi ka tutuloy?" tanong ng Nanay ko.

"Kailangan ba ng pera? May naitabi naman kami sa bangko. Magkano ba ang kailangan?" tanong ng Tatay ko.

Huminto na kami sa pagkain, pati ang kapatid ko.

"Sagot po ng opisina namin ang lahat ng gastos. Wala po akong ilalabas na pera," mahina kong sagot.

"Ganon naman pala eh. Bakit ka hindi tutuloy?" muling tanong ng Nanay ko.

Hindi ako nakasagot agad. Bumilis ang tibok ng puso ko.

"Iniisip ko po kasi kayo. Paano po kayo rito? Baka po may mangyari sa inyo tapos wala ako."

Napayuko ako dahil gusto kong itago ang mga luhang unti-unting lumalabas sa mga mata ko. Kahit na nag-usap na kami ng kapatid ko kanina at naisip kong napapaligiran naman sila ng mga taong maaaring tumulong sa kanila sa panahon na kailangan nila ng tulong, hindi ko pa rin maalis sa isip ko na mag-alala.

"Huwag kang masyadong mag-alala sa amin," wika ng Tatay. Inabot niya ang aking balikat at saka pinisil. "Walang mangyayaring masama. Bakit mo iisipin 'yon? Isa itong pagkakataon na hindi mo dapat palampasin. Para ito sa ikabubuti mo. Hindi ko matatanggap na gagawin mo kaming dahilan para lang hindi ka tumuloy. Patuloy na iikot ang mundo narito ka man sa Pilipinas o wala."

Inabot ng Nanay ang aking kamay at saka nagwika, "Natiis nga namin na hindi ka laging kasama sa loob ng isang taon eh. Ano pa kaya 'yang anim na buwan?"

"Pero hindi po ako makakauwi nang ganon-ganon lang kung sakaling kailanganin niyo ako," wika ko habang pinupunasan ang mga luha ko sa aking mga mata at pisngi.

"Iisipin na lang namin na sobrang trapik sa EDSA at hindi na nakausad ang mga bus kaya minabuti mo na lang na bumalik sa apartment mo."

Natawa ako sa sinabi ni Tatay.

"Huwag kang mag-alala, may awa ang Maylikha at hindi niya tayo pababayaan sa loob ng anim na buwan na 'yon," wika ni Nanay. "Natutuwa kaming makita na nagiging matatag ka at kinakaya mong tumayo sa sarili mong mga paa. Kung sakali mang mawala kami ng Tatay..."

"Nanay naman..." wika ko sa kagustuhang hindi niya ituloy ang sasabihin niya.

"Ay bakit ba? Patapusin mo ako," wika ni Nanay. "Sa panahon na kunin kami ng Tatay mo, aba eh, masaya kami na alam naming kaya mo nang mabuhay nang mag-isa. Naiintindihan mo ba ako, Harold?"

Tumango lang ako.

"Huwag mo nang alalahanin 'yan. Bukas na bukas kakausapin ko si Ka Ikong para isabay ka papunta sa bayan sa Lunes," wika ng Tatay.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro