Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

1: Kada Uwian

"Nasa'n na iyong Niyebe?" pagtatanong ni Dash sa taga-kabilang section na si Asul. Palinga-linga siya roon sa loob ng klasrum, hinahanap ang nabanggit na binata.

Iyon lagi ang eksena kada uwian. Dadaan siya sa katabing klase at itatanong kung naroon pa si Snow. Mag-iisang taon na siyang ganoon sa binata at mag-iisang taon na rin siyang pilit itinataboy nito.

Bumaling ang tingin ni Asul sa loob ng silid at tinawag ang kaibigan, "Broy, hanap ka na ng manliligaw mo!"

"Ha?" balik na sagot ng tinawag na lalaki habang hindi pa rin inaalis ang tingin sa notebook na pinagsusulatan.

"Sabi ko nandito na naman si Dashielle," pagsagot ni Asul sa tanong ng kaibigan.

Agad naman na napangiti ang dalaga nang masilayan ang nakabusangot na mukha ng lalaking tinatawag niyang Niyebe. Alam niyang kahit labag sa loob nito ay papayag naman itong sumabay sa kaniya pauwi. Pareho kasing taga-kabilang bayan ang mga ito.

"Ayos, hintay lang ako rito ah!" pabilin niya sa binata at naupo sa semento sa labas ng klasrum. Isinandal ni Dash ang sarili sa puting pader saka naglaro muna sa kaniyang telepono.

Ilang minuto ang makalipas nang sa wakas ay iniluwa na ng silid ang lalaking hinihintay. Kasabay nito noon sa paglabas ang ilan sa mga ka-barkada. Agad namang napatayo ang dalaga at masayang binati si Snow.

"Tara?" tanong niya habang ngiting-ngiti.

Tuksong muli ang inabot ni Snow sa mga kaibigan. Sinabayan pa iyon ng mga pabirong sipol ng mga kaklase at ka-eskwelang nakasaksi.

"Dashielle through the Snow, in a one-horse open sleigh..." mapanuksong kanta ng mga ka-barkada ni Snow at nakipag-apir sa isa't isa maliban dito. Walang ibang nagawa ang binata kung hindi ang magkamot ng ulo at panliitan ng mata ang dalaga.

Para namang bago pa rito ang eksana, mag-iisang taon na iyon ngunit hindi nito maintindahan kung bakit hindi pa rin nito magawang masanay roon. Idagdag mo pa na ayaw na ayaw nito sa atensyong nakukuha dahil sa pagsusundo ni Dash.

Dating malapit na magkaibigan ang dalawa, ngunit nang magsimulang magbigay ng ibang motibo si Dashielle sa lalaki ay nag-iba na rin ang pakikitungo nito sa kaniya. Iyong pakikitungong kabaliktaran ng inaasahan at pinapangarap niya.

"Kulit talaga ng lahi mo. Kailan ka ba titigil?" tanong ni Snow sa katabi. Palabas na sila noon ng eskwelahan kasabay ng ilang kaibigan at mga estudyante patungong sakayan ng jeep.

Nang marinig iyon ay sumilay ang lumbay sa mukha ni Dash. Kaagad din naman niya iyong binawi at nag-angat ng kaniyang ulo upang salubungin ang mga blankong mata ng katabi.

"Asa ka! Gagawin ko ito hangga't magustuhan mo rin ako pabalik," nakangiti at determinado niyang turan.

Nakatanggap siya ng isang litik sa noo dahil sa sinabi, ngunit hindi iyon naging sapat upang matigil siya sa mga pinaggagawa. Sa halip ay mas nagalak pa siya sa ideyang sinadya iyon ni Snow upang magdampi ang kanilang mga balat.

Kung alam lamang niya kung gaano kasalungat ang naisip sa totoong dahilan ng ginoo.

Nauna nang umakyat si Snow sa sasakyang dyip na kaagad din namang sinundan ni Dash.

"Apat napu't limang minuto ang byahe," panimula ng dalaga na para bang hindi iyon alam ng lalakeng katabi. "Anong gusto mong pag-usapan," dagdag pa niya.

Ngunit kagaya ng nakagawian ay hindi siya sinagot ni Snow at nanahimik lamang buong byahe.

Si Dash bilang si Dash ay nakangiti pa rin kahit na pinagsusungitan na naman siya nito. Iyong pinapansin siya at sinasabayan pauwi kahit paano ay ayos na sa kaniya, masaya na siya roon. Mas pinili na lamang niyang obserbahan ang pigura ng katabi, mula sa kaniyang mahahabang pilik mata, sa matangos niyang ilong hanggang sa parang nililok nitong baba.

Ang gandang nilalang talaga. Bulong niya sa isipan.

Kinabukasan, hindi maipinta ang mukha ni Dash dahil sa isang surpresang quiz umagang-umaga. Natyempohan pang hindi ito nakinig sa diskusyon noong mga nakaraang araw dahil naging abala ito sa paghahanda para sa school Intramurals.

"Uy, final decoration tayo mamaya ha," paalala sa kaniya ng matalik na kaibigan na si Grace at siyang Student Council President din.

Bagsak ang mga balikat ni Dash at parang zombie na sinagot ang kaibigan. "Oo na. Canteen lang ako," paalam niya at pahilahod na lumakad patungong canteen.

Ang parang namatayan niyang pagmumukha ay naglahong parang bula nang maabutang nakapila sa canteen ang tanging lalakeng nakakapagpa-ilaw ng mga singkitin niyang mata. Mabilis pa sa alas cuatro na napaayos ang kaniyang tindig at patakbong tinungo ang likuran nito habang nasa dulo pa ito ng pila.

"Hi, Niyebe!" masigla niyang pagbati. Wala ni isang imik ang ibinalik ni Snow sa kaniya.

Ano pa nga ba ang nagbago sa pakikitungo nito sa kaniya. Iyon ang mga naisip ni Dash. Simula nang magpakitang motibo ang babae ay tuluyan na ring naging parang niyebe ang pakikitungo ng lalaki sa kaniya.

Bilang likas na madaldal ay hindi nagpaawat ang determinadong binibini at salita nang salita kahit hindi naman ito pinapansin ng kaharap. Nagmumukhang likod ni Snow ang kinakausap niya sa sitwasyon.

"Nice talking to you," mapait na usad ni Dash at tinapik pa ang likod ng lalaki.

Dahil na rin sobrang abala sila noon sa paghahanda para school Intramurals ay gagabihin sila nang uwi sa araw na iyon. Sinubukan ni Dash na ipaalam iyon sa sinusundong lalaki ngunit wala na ito sa kanilang klase at umalis na raw sabi ng mga kaibigan.

Bigo at nakangusong bumalik si Dash sa atrium upang ipagpagpatuloy ang kanilang pagde-decorate. Napabusangot siya sa ideyang hindi siya hinintay ni Snow upang makapagpaalam man lang.

Alas nuwebe na ng gabi nang matapos sila sa pag-aayos. Nag-briefing pa ang presidente ng Student Council sa huling pagkakataon bago sila tuluyang pinauwi.

Gutom na gutom noon si Dash bilang isang pirasong pandesal lamang ang nakain niya upang maisalba ang sarili sa gabing iyon. Kaya nama'y noong makarating siya sa waiting shed ng sakayan, para siyang patay-gutom at sira-ulong aso nang maamoy ang siopao na biglang nilahad sa harapan ng kaniyang mukha.

"S-snow," tawag niya rito noong makilala kung sino ang anghel na nag-abot ng pagkain. Halos hindi na maramdaman ni Dashielle ang gutom dahil sa napagtanto. Para siyang nabusog kaagad dahil lamang sa nasilayan niya ang pagmumukha ng lalaki.

"Akala ko umuwi ka na," untag niyang muli at tinanggap ang nakalahad na siopao. Hindi na rin niya napigilan ang pagngiti.

"Hinintay mo ba ako rito?" dugtong niya at kinagatan ang puting tinapay. Punong-puno ng kilig ang kaniyang sistema dahil sa mga naisip. Kulang na nga lang ay gumulong-gulong siya sa kalsada sa sobrang saya.

Umiling lamang si Snow bilang pagsagot at blanko siyang tinitigan. 'Di nagtagal ay sinagot na rin siya ng binata matapos ang ilang minutong katahimikan. "Galing lang akong computer shop. Huwag kang assuming."

Diretso lang ang tingin nito sa harap ng kalsada at itinago ang parehong kamay sa bulsa ng slacks. "Saka kakainin ko dapat iyan, kaso mukhang mas kailangan mo. Hindi naman ako ganoon ka pusong bato," dagdag pa nito.

Ang asang-asang si Dash ay hindi binili ang pagdadahilan nito at nakangiti pa ring ningunguya ang siopao habang nag-aabang ng masasakyan.

Sige lang. I-deny mo lang. Tukso niya sa lalaki sa isipan.

"Sige na Jake, please," buong pagmamakaawa ni Dash sa isang kaklase at lumuhod pa siya para lamang pagbigyan ang hiling.

"Kapag ako talaga masuntok ni Snow dahil dito, magkalimutan nang magkaibigan tayo," sagot naman sa kaniya ng kaklase. Agad na napatayo si Dash at mabilis itong niyakap. Humugot siya ng pera sa kaniyang bulsa at iniabot ito sa kaharap.

"Oh, pambayad doon sa jail booth." Napa-kagat labi na lamang siya sa sobrang tuwa.

Nagmakaawa lang naman ito sa kaibigang ipa-jail booth silang pareho ng nagugustuhang lalaki. Naisip niyang masyadong magiging halata kung sa marriage booth kaya't mas pinili niya ang jail booth nang sa ganoon ay makakapag-solo pa sila ni Snow.

"Tas dapat kaming dalawa lang ang mahuhuli ha," paalala niya pa sa kaibigan.

Ngunit taliwas sa inaasahan ay galit na galit na Snow ang sumalubong sa kaniya noong maipasok ito sa jail booth. Wala noon ang kalmado nitong mukha na lagi nitong suot-suot.

"A-ano, nahuli nila tayo," nagdadalawang-isip na panimula ni Dash.

Napahawak siya sa kaniyang dibdib dahil sa gulat sa mga sumunod niyang nasaksihan.

Hindi maialis ni Snow ang mukha sa harap ng naka-lock na pinto at pinagsisipa iyon.

"Buksan ninyo ito sabi!" singhal nito. Sinabayan pa iyon ng malakas na pagpalo sa pinto. Ilang beses nito iyong ginawa at hindi alintana ang naaagaw na atensyon sa labas ng silid.

Dahil na rin siguro sa takot ay mabilis iyong binuksan ng mga nagbabantay sa jail booth. Nanginginig pa ang kamay ng nagbukas ng pinto dahil sa inakto ni Snow.

Hindi alam ni Dash kung ano ba ang mararamdaman dahil doon. Baka ganoon na lamang na hindi maatim ni Snow ang presensya niya. Akala niya noon ay may pag-asa dahil sa nangyari sa waiting shed, ngunit kaagad din namang binawi ang pag-asang iyon dahil sa inakto ni Snow noon.

Nakakadiri ba 'ko? Tanong niya sa isipan. Naupo na lamang siya sa isang silya at sinubukang patahanin ang umiiyak niyang puso.

***

Hindi rin maintindihan ni Snow kung bakit ganoon na lamang ang inakto niya. Basta't alam niyang pagkakita pa lang niya ng nakabulaklaking bistidang Dash sa loob, gusto na kaagad niyang tumakbo palayo rito.

Parang mahihimatay siya noon dahil sa kabog na nararamdaman sa dibdib.

"Broy, ano iyon. Anong nangyari sa iyo?" nag-aalalang tanong ni Asul sa kaniya.

Nagkibit-balikat muna siya bago iyon sinagot, "Hindi ko rin alam."

Hindi niya alam. Kalahating pagsisinungaling iyon, dahil kahit pa siya'y naguguluhan, mayroon naman siyang teorya kung bakit.

Lagi niya iyong nararamdaman sa tuwing bigla na lang susulpot ang nakangiting mata ni Dash sa kaniyang harapan. Lagi niya iyong nararamdamn kahit noong magkaibigan pa lamang ang dalawa, kahit noong kaibigan pa lang ang tingin sa kaniya ni Dash.

"Broy, ga-graduate na tayo sa Abril. Hanggang ngayon wala pa rin akong ideya kung gusto mo rin ba si Dash o hindi," baling ng kaibigan sa kaniya.

Nilagok na lamang ni Snow ang softdrinks na iniinom at ibinalik ang bote sa nagbabantay sa canteen.

"Nga pala mukhang galing sa iyak si Dash. Namumula kasi mata noong makita ko," imporma ni Asul.

Napahigpit ang hawak ni Snow sa duluhan ng jersey shirt na suot dahil sa narinig. Hindi niya matukoy kung ano ang eksaktong nararamdaman. Basta't pagdating kay Dash ay gulong-gulo siya lagi.

Hinintay muna niyang matapos ang event bago humingi ng paumanhin sa babae. Kahit hindi direktang sinabi ni Asul na siya ang dahilan ng pag-iyak ni Dash, ipinagpalagay na rin niyang dahil iyon sa inakto sa loob ng jail booth.

"Niyebe!" masiglang pagtawag sa kaniya ng dalaga habang nag-aabang ito sa may guard house. Magandang-maganda ang awra nito na aakalain mo'y hindi ito galing sa iyak.

"Kanina ka pa?" nag-aalalang tanong ni Snow. Inayos niya ang ilang hibla ng nagugulong buhok ni Dash, dahilan iyon upang pamulahan ang dalaga.

"Hindi naman, tara na!" Mabilis nitong kinuha ang kamay ni Snow at hinila siya palabas ng campus.

Nais ni Snow na humingi ng tawad dahil sa nangyari, ngunit nang makita niya ang mga nagniningning na mga matang iyon, napaatras siya sa plano. Naisip niyang hindi niya gugustuhing tanggalin ang mga ngiting iyon. Baka sakali'y malungkot lang ito kung ipapaalala rito ang agresibong ginawa.

"Congrats pala sa game ninyo kanina!" Patalon-talon pang tili ni Dash at aakalain mo'y mapupunit na ang kaniyang mga labi sa kakangiti. Ngiting-ngiti ito na akalain mo'y hindi nasaktan.

Nag-iwas na lamang ng tingin ang binata at nilitik na naman ang noo ng dalaga gaya ng nakagawian.

Ganoon sila dati, araw-araw na naghihintay si Dash kay Snow kada uwian.

At ang hindi nila alam, araw-araw rin pala siyang hinihintay ng binata.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro