Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Tanda


"Ako nanaman?" sagot kong pabalang sa aking nanay na masama na ang tingin sa akin, "Ng isang araw ako na ang nag bantay kay lola ha? Di ba pwede si ate naman ang mag bantaay ngayon?"

"Maglalaba ang ate mo," paliwanag ni inay, "at si Ruel, maagang umalis, may lakad daw sila ng mga kaklase nya!"

"Langya naman, e wala pa nga kong tulog e! ba't ba laging ako na lang ang pinagbabantay nyo sa matandang yun?!" muli akong humiga sa kama, alas-nueve ng umaga non pinasok ako ng nanay upang gisingin, at ika nga nila, asarin mo nang lasing...

"Kung ba't kasi di ba matuluyan yun e." bulong ko sa aking sarili.

"Ano Jose, babangon ka ba o hindi?" pasigaw na tawag ni nanay.

"Oo na, oo na..." tuluyan na kong bumangon, huminga ng malalim at nag kamot ng ulo. "Basta yung cellphone kong bago ha?"

Pagkaraan ng 4 na oras, eto na ko, naka tanga sa bintana sa isang kwarto sa Medical City, pinanoood ang pag daan ng mga ulap na langit. Kung ba't kasi ngayon ko pa nalimutang dalin yung cord ng PSP ko e, lo batt na pala.

"Good morning sir" bumukas ang pinto, me matandang nurse na pumasok, "kamusta naman ang pasyente?"

"Ayan di pa rin gumigising."

"Ba't di mo sya subukang kausapin, sir?" natawa ako sa sabi nya.

"Ano yun," sagot ko sa kanya, "E di para akong tangang nakikipag usap sa halaman nun? E lantang gulay na yan e!" Nangiti lang nurse. Malungkot na ngiti. Tipong parang naaawa sya sa lola. O sa akin kaya?

"Magyo-yosi lang ako sa labas. Ipa-page nyo na lang ako kung magising na si tanda."

Madali akong lumabas, "Ba't ba ang tatanda't ang papangit ng mga nurse na pinadadala nila ke lola?" tanong ko saking sarili habang kinakapa ang kaha ng malboro at lighter sa aking bulsa. "Putcha... tagal pa ng elevator..."

Naisipan kong magdaan na lang sa hagdan, pag ka alala ko e me parang terrace dito na open-air, pwede akong mag yosi doon, at di ko na kakailanganing bumaba sa ground floor. Bumaba ako ng ilang palapag at tumingin sa paligid. Naisipang maglakad lakad, pasikot-sikot sa mga ward. Maya-maya ay napansin ko na di ko na alam kung nasaan ako. Napaka bobo ko nga pala sa direction! ba't ba di na lang ako dumiretso sa baba?

Umikot ako uli, naghahanap ng taong pwedeng mapagtanungan upang makabalik sa elevator ng me marinig akong boses ng isang babae, nagsasalita. Sinundan ko ang boses at nakita ang isang babaeng nakaupo sa tabi ng isang matandang naka wheelchair. May hawak syang lumang notebook at binabasa ng malakas ang nakasulat dito.

"'Alam mo ba na kabisado ko na ang buong lugar na ito' sabi ni Lorenzo 'Ang buong labirinto?' tanong ng babae, 'Oo,' sagot ni Lorenzo, 'Dahil madalas akong nagpupunta dito tuwing ako'y nalulungkot.' napangiti ang babae, 'Ibig sabin ba nito ay madalas kang malungkot?'"

"Ano daw?" tanong ko saking sarili habang pinagmamasdan ang babae.

Mahaba ang kanyang itim na buhok, nakaipit sa kanyang kanang tenga habang sya'y nagbabasa, ang kanyang mga mata, natatago sa kanyang mahahabang pilik mata. Pula ang labi, nakangiti habang binabasahan ang matanda sa kanyang tabi.

Hindi ko alam kung ilang oras ko sya tinitigan, o kung ilang araw man. Dahan-dahan tumaas ang kanyang tingin mula sa kanyang binabasa at napansin na ako'y naka tanga sa kanya. Ang mga mata nya'y itim na itim, malalim at tila mga bituing kumikislap sa gitna ng kanyang morenang mukha. Agad kong sinara ang aking bibig.

"Um... hi... ah... hello..." ika kong parang tanga.

"Hello." kanyang sagot. Ngumiti sya non. "Ano pong kailangan nila?"

"Ah... kasi..." pilit kong paliwanag, "hi-hinahanap ko yung elevator..."

"Ah, dito lang," ika nya sabay turo sa kaliwa, "diretso ka tapos kanan, pagdaling sa stairway, kakanan ka, yun na yung elevator.

"Ah..." nakatitig pa rin ako sa kanya, halos di naintindihan ang binigay nyang direksyon, "ah... sige... salamat..."

"Walangh anu-man." pangiti nyang sagot.

Unti-unti akong naglakad. "Um... sa kaliwa po, hindi sa kanan."

"Ah, tama, sorry."

Inalis ko sa kanya ang aking tingin. Tila ang hirap gawin. Unti-unti, humarap sa kaliwa at ihinakbang ang kanang paa.

"Um... a-ano nga pala yang binabasa mo?" biglang sabi ko. Pati ako nagulat. Hinarap kong muli ang babae.

"Ah.. eto ba kamo..." namula ang kanyang mukha, napahiya... ang cute nyang tignan! "Wala lang kung anu-ano lang na naisipan kong isulat..."

"Ah talaga?" kahit di ko masyadong naintindihan ang binabasa nya kanina, ngayon ay nakakita ako ng paraan upang kausapin pa sya ng matagal. "Pwede ko bang makita?"

Lalong namula ang mukha ng babae, "Ha?" sagot nya, "Nakakahiya naman..."

"Ba't ka naman mahihiya?" sagot ko sabay ngiti, ang ngting alam ko ay kina kikiligan ng ilan sa mga kaklase ko sa kolehiyo. "Konti lang ang narinig ko kanina pero mukang maganda sya." kahit na wala akong maalala sa binasa mo kanina...

"... sige pero... binabasa ko to para sa lolo ko... okay lang kung gusto mo makinig kasama nya."

Noon ako napatingin sa kanyang kasama.

Matanda na ang lalaking nakaupo sa wheelchair. Puros puti na ang buhok at puro kulubot a mukha. Nakatingin sya sa malayo, pero alam kong walang nakikita ang mga matang iyon (glazed over). Nakabuka ng konti ang kanyang bibig at may laway na tumutulo sa gilid, agad itong pinunasan ng babae.

"Anong nangyari sa kanya?" mahinahon kong tanong na tila di pinagisipan. Muling ngumiti ang babae.

"Na stroke si lolo e, kaya ako naman ang nagkukwento sa kanya ng mga storya ko."

Tumingin ako ng muli sa babae. Kitang-kita ang pagmamahal sa kanyang mga mata. Hinimas ang ulo ng matanda, pati ang inuugat na kamay. Paano nya nagagawang ngumiti ng payapa habang sya'y mistulang alipin ng isang lantang gulay?

"Hay nako, sabi ko na nga ba andito lang kayong mag lolo e!" halos mapatalon ako sa gulat. Lumapit ang nurse sa babae at hinawakan sya sa balikat. "Kailangan nang uminom ng gamot ni Tatay."

"A, tama, alas-tres na pala!" agad syang tumayo at isinaksak ang hawak nyang notebook sa likod ng wheelchair. "Sige po, sa mauna na ko sa inyo, ate Helen, paki turo na lang kay kuya yung elevator."

Dahan-dahan nyang tinulak ang wheelchair, may binulong sa matanda at tumingin sa akin. Ngumiti at lumiko sa may corridor. Wala na akong ibang nasabi. Parang batang nagpaakay sa nurse papuntang elevator at bumaba sa ground floor.

Sa lobby ay may maliit na stall ng powerbooks.

Ano kayang magandang basahin kay lola?


June 17, 2008 11:54

~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~

~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~

July 11, 2008 10:23 pm


"'Hindi kita mapapatawad!' tinaas ng bida ang mahiwagang baston (shiiiiing!) at hinampas ang kanyang kalaban (umbag) (kraaaaash!) bagsak agad ito! (plakk!!!) antakot ng mga kasama nya, nagkaripasan ng takbo!"

May kumakatok sa pinto, bumukas ito at pumasok ang isang nurse.

"O Jose, kamusta na si lola? mukang me bago ka nanamang dalang libro ha?" ika ng nurse ng nakangiti.

"A tita Rose," ani ko sa kanya, "Me nakita kasi akong bagong komiks sa baba e, baka mas magustuhan to ni lola, para me action naman!" natawa ang nurse habang tinatanggal ang lumang dextros ni lola na paubos na.

"Nakakatuwa ka talaga Jose, at mukhang pati si lola ay tuwang-tuwa rin sayo," tinignan nya si lola at hinimas ang manipis nitong buhok. "Alam mo ba na unti-unti nang umaayos ang kalagayan ng lola mo?" ika nya, "Pinababaan na nga ni Doc ang dosage ng gamot nya e, at malaki ang chance na muli syang magigising at makakagalaw."

"Alam mo ba tita, kanina lang ng binabasahan ko sya, gumalaw yung kamay nya!" pagmamalaki kong kinwento, "tapos ng hinawakan ko sya, medyo naramdaman kong pinisil nya ang kamay ko!"

"Talaga? Nako, magandang balita yan! Mukang malapit na ngang magising uli ang lola mo, basta ba't lagi mo syang kinakausap at binabasahan."

"Yun na nga e, kaya't dumidiretso na ko dito pagkagaling sa school, tutal malapit lang naman samin tong ospital."

Pero di lang si lola ang dahilan nang pamamalagi ko dito. Isang linggo na ang nakalipas mula ng nakilala ko ang isang babaeng tulad ko ay nagbabantay din ng pasyente. Sue ang pangalan nya. Na stoke din ang lolo nya at kasalukuyan din nagpapagiling dito sa ospital. Dalawang lingo na kami nagkikita at sa totoo lang, me balak akong manligaw sa kanya, di ko lang maitama ang timing, alam nyo naman, wala sa lugar.

"Tita Rose," sabi ko habang nakatingin sa aking relo, "iwan ko muna si Lola ha? May pupuntahan lang ako sandali." malapit na kaming magkita ni Sue.

"Hmm..." nakangiti ang nurse at nakatingin sakin, tila nababasa ang nasa aking isip, "Mukang may iba ka nanamang dadalawin ha?" natawa nalang ako.

"Kayo na po muna bahala kay lola, alam nyo na po kung saan nyo ako hahanapin."

Nagmamadali akong naglakad papunta sa masnakabababang palapag, patungo sa kwarto ng lolo ni Sue. May usapan kaming magkita ngayon, at tulad ng naunang pangako nya, ipapahiram nya sa akin ang isa sa kanyang mga sinulat na storya. Mahilig kasing gumawa ng mga storya si Sue at yun ang binabasa nya sa lolo nya. Dati raw kasi ng bata pa sya at malakas pa ang kanyang lolo, madalas daw sila nitong kwentuhan, siguro daw namana nya yung hilig ng lolo nyang lumikha ng mga storya, kaya ngayon, siya naman ang nag ku-kwento sa lolo nya baldado.

Kumatok ako sa kwarto, ngunit isang katok pa lang ay bumukas na ang pinto at narinig kong may humahagulgol sa loob ng kwarto. Nagdalawang isip akong pumasok, ng narinig kong magsalita si Sue.

"Wala na po bang ibang paraan?" ika nya na may buntong hininga.

"Sorry iha, pero ang mamahal talaga ng mga gamot na kailangan ng lolo, pati, yung makina nalang ang bumubuhay sa kana," mukang nandito ang tatay nya... magpakilala kaya ako? "at matapos ng stroke nya kagabi..."

"Pero tama ba naman yung bubunutin na lang ang saksakan?!" sabat ni Sue ng may galit, "Di ba't parang pinatay na rin antin si lolo nun? Di ba't habang humihinga pa sya ay buhay pa sya, at habang buhay pa ang lolo ay me pag asa pa syang gumaling!"

"Pero Sue..."

Mga yabag ng paa... tumakbo si Sue palabas. Muntik na syang humampas sa akin. Kasalukuyan pa rin akong nakatayo sa may pintuan, nakataas ng bahagya ang kanang kamay, nakaambang kumatok. Nagulat sya't napatingin sa akin; namamaga ang mga mata sa kakaiyak at tumutulo ang mga luha ng walang tigil. Di ako makakilos. Di ko alam ang aking gagawin. Umiwas sya ng tingin at tumakbo paalis.

"...Sue..." tawag ko sa kanya. Sa wakas ay nakagalaw sin ako at pilit syang hinabol. Naabutan ko sya sa may labas ng balkonahe - ang lugar na hinahanap ko ng pilit ng araw na natagpuan ko sya. Nakaupo sya sa may gilig, yakap-yakap ang kanyang tuhod at nakatungo't umiiyak. Nagaalinlangan pa akong lapitan sya, ngunit di ko magawang iwan na lang sya basta-basta. Hinintay kong tumigil ang kanyang pag-iyak, at nang mahalimasmasan sya ay unti-unti akong lumapit at umupo sa sahig sa tabi nya.

Wala akong masabi. Kahit na katabi ko sya, kahit pa ganon syang kalapit sa akin. Di ko alam ang dapat kong sabihin upang mapatahan sya. Tunay talagang mahirap unawain ang hinagpis ng isang tao. Ako pa, na di manlang nagulat ng nabalitaang sinugod sa ospital ang lola ko? Ako pa na paborito nyang apo?

Pero noon yun. Gusto kong isipin na nagbabago na ako ngayon. Inabot ko kay Sue ang aking panyo. Yun lang ang aking nakayang gawin. Inabot nya ito, walang salita. Pinunasan ang mata at suminga, huminga ng malalim. Tapos ay unti-unting tinaas ang ulo at tumingin sa langit. Maliwanag. Kakaunti ang ulap sa langit. May isang eroplanong unti-unting tumatawid sa himpapawid. Tahimik ang paligid. Ang tanging maririnig ay ang buntong hininga ng aking katabi. Tumigil na ang luha.

"M-mamayang gabi..." wika nya, "Mamayang gabi, p-papatayin na nila si l-lolo." wala akong masabi. "Na stroke nanaman sya kagabi," patuloy ni Sue, "lalo daw lumala ang kundisyon nya. Di na sya pwedeng alisin sa makina nya..." natahimik sya panandali, tila naghahanap ng lakas loob upang ipatuloy ang kanyang pagsasaad sa akin. (lit. mustering up enough courage to say what she has to say)

"...w-wala na kaming pera." (she blurted out) ika nya, tila isinusuka ang mga salita. Di na sya umusap muli. Andoon lang kami sa isang sulok, sya nakatingin sa langit. Ako, nakatingin sa kanya. Gusto ko syang yakapin. Gusto kong sabihin na ako na ang bahala sa kanyang lolo, na gagawin ko ang lahat para muli syang magising. Gusto kong kunin ang lahat ng sakit at sama ng loob sa kanyang dibdib, at angkinin ang lahat ng ito. Kahit ano, mapasaya lamang sya. Pero anong karapatan ko para gawin iyun? Di ba't parang insulto lang ito sa isang taong tunay na nagmamahal sa matandang iyon?

Tahimik ko lang syang pinagmasdan.

Nang makauwi ako sa bahay, tinawag ako ng mommy ko sa kusina. Andoon ang aking mga magulang, kasama ang tito Gabby kong lawyer at ang dalawa kong kapatid.

"Jose, saan ka nanaman bang galing?" tanong ni mommy.

"e di sa ospital, san pa?" sagot ko sa kanya. Medyo iritable pa ko sa nangyari kanina.

"Anong ginagawa mo dun?" tanong ni Ruel, ang nakababata kong kapatid.

"E di binisita si lola, ano pa ba?"

"Di bale, mula bukas, di mo na kelangan bantayan lola mo." sabi ni tito Gabby. Nakangisi sya sakin na parang nangaasar.

"Nakita na namin yung last will and testament ng lola mo, ayos na lahat."

"Kuya swerte mo talaga!" ika ni Ruel, "Biro mo, binigay ni lola sayo yung lupa sa pangasinan!"

"Iba na talaga ang paborito!" singit ng ate Lira ko. Napatingin ako sa kanila, natigilan.

"E ano naman ang kaugnayan nun sa lola?"

"Ipapa mercy killing na lola mo bukas." tugon ni tito Gabby, Tila nagdilim ang mundo.

"Wala nanaman pag-asa magising yun e, makina nalang ang bumubuhay." dagdag ng aking nanay "E ang bilin pa naman ng nanay noon e pag sya daw ay namatay ay wag nang patagalin pa ang kanyang paghihirap." natawa pa ang mommy sa kanyang sinabi. Pati ang tito Gabby. Kinilabutan akong bigla.

Di ko alam ang sunod kong ginawa. Basta narinig ko nalang sumigaw ang ate Lira, nagkalat ang basag na pinggan sa sahig at nananakit ang aking panga na sinuntok ng daddy. Mabilis at malalim ang hinga ni mommy, nakakapit sa kanyang dibdib at nanlalaki ang mata, ang tito Gabby nakaupo sa sahig.

"Nakakahiya kayo!" sigaw ko sa kanila. "Sarili nyong magulang tinatrato nyong parang hayop?!" dumura ako sa kanilang haparan. "Isipin nyo nalang to. Balang araw, gagawin din namin yan sa inyo!"

Tumakbo ako palabas ng bahay, nagpagala-gala. Walang laman ang isip, hindi alam kung san pupunta. Ngunit di ako nagulat ng ako'y tumingin at napansing nasa tapat na ako ng ospital. Papasok na ko ng tamang-tama palabas naman si Sue. Ngayon. Tila alam ko na ang iyong nararamdaman. Kahit konti lamang.

"Jose?" pagulat nyang bati sa akin. "Gabi na ha? Bibisitahin mo pa ba lola mo?"

"Papatayin nila si lola..." yun lang ang nakaya kong sabihin. (pusa nagiging korni na to) Para akong bata na yumakap sa kanyang ina, nagmumukmok, nagsusumbong. Niyakap ako si Sue at hinimas ang aking likod.

"Shhh, tahan na... Halika, doon tayo magusap sa may lobby, upo ka muna..."

Inilahad ko nga ang lahat sa kanya, mula sa pagpasok ko sa bahay, sa aking pagtakbo palabas, at pagsulpot muli sa ospital, hanggang sa aming pagkikita. Nakinig lang sya, tahimik, patango-tango, hinayaan akong magsalita at maglabas ng sma ng loob habang hinihimas ang aking likod. Maya-maya ay kumalma na ang aking dibdib. Nakahinga ng malalim.

"Kagagaling ko lang sa kwarto ni lolo ng nakita mo ko." mapayapa nyang sinabi ng akong matahimik. "Kakahatak lang ni tatay sa kurdson ng lolo. Tapos nun ay lumabas na ako. Ayokong marinig yung pag hihingalo ni lolo kaya umalis na ko." huminga sya ng malalim at nagpatuloy. "Next year, mapagpapatuloy ko na college ko, at di na kailangang tumigil ang mga kapatid ko sa pagaaral. Pati, di na si tatay mapapagod kaka-overtime para a pambili ng gamot ng lolo."

Nakangiti ni Sue, ngunit kahit sa dilim ay nakita ko ang isang luha na pumatak mula sa kanyang mata. Hinawakan ko sya sa balikat at isinandal sa akin. "Siguro nga ay may gugustuhin ni lolo na makapag aral uli ako." ika nya ng mataimtim, "At siguro nga ay mas gugustuhin ng lola mo na mamahinga na rin sya."

"Pero sabi ng nurse malaki ang chance na magising uli nya!" paliwanag ko.

"... pero kung tutuusin... di ba dapat noon pa ay patay na sya?" walang emosyon ang salita ni Sue. "Nakielam lang tayo at sinaksakan sya ng kung anu-ano para pilit syang buhayin..."

"At dahil lang sa di nila mommy alam kung saan tinago ng lola ang last will and testament nya..." dagdag ko.

"Kaya nga siguro..."

"Siguro nga." singit ko, hinarap ko si Sue at hinawakan ang magkabilang balikat. "Pero habang me pag-asa, di ba't dapat lang na bigyan natin siya ng chance na mabuhay?" Tinitigan ko ang kanyang mata na dati'y punung-puno ng pag-asa. Ngumiti rin sya sa wakas, at nanumbalik ng kaunti ang dating sigla sa kanyang tinig.

"Tama." wika nya, "Hayaan mo, babasahin natin kay lola yung paborito kong storya." binuksan nya ang daladala nyang bag at inilabas ang isang makapal ng notebook. "Siguradong matutuwa sya sa storyang ito!"

Kinabukasan, maaga kami ni Sue sa ospital. Buong araw naming binantayan at binasahan ang lola. Hinintay naming dumating ang mga kaanak kong walang hiya, pero ni isa sa kanila, wlang dumating. Natakot siguro sa karma. Kinausap ko rin ang mga nurse at doctor tungkol sa lola ko at pinapangako silang ako'y tawagan kung sakaling me pagbabago sa kalagayan ng lola, pati na rin kung me bagong pasabi ang mga kapartido ko.

Pagkalipas ng apat na araw, ng patapos na naming basahin kay lola ang storya ni Sue, dumilat ang lola. Nakangiti sya samin, at kahit di sya makapagsalita ng matuwid at batid ko ang pasasalamat nya sa amin.

Ngayon, medyo naigagalaw na uli ng lola ang mga braso at paa nya, medyo hirap nga lang sa kanang bahagi ng katawan, pero sabi ng doktor basta't alagaan lang daw namin si lola e, malamang makalakad uli sya ng may konting alalay. Madalas syang bisitahin ni Sue dito sa aming bahay, at tuwing dumadaan sya ay binabasahan nya kami ni lola ng kanyang mga storya. Nagaaral na nga pala uli sya.

Ah, tumunog ang door bell... si Sue na to malamang. Ano naman kayang storya ang babsahin nya para samin? O sige, maiwan ko na kayo, hanggang sa muli, paalam!


tapos na po ^____^


july 12, 2008 12:26 am

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro