17 - Matalinghaga
June 20, 1955
Oras: 3:00 ng hapon
"Annie... Annie!" tawag ni Andres sa minamahal pagdating niya sa ilalim ng malaking punongkahoy sa gilid ng sapa.
Wala siyang nakita kahit anino ng kasintahan. Wala din siyang napansing palatandaan na nagpunta ito doon.
"Nasaan... ka na... mahal ko? Tuluyan ka na bang nagalit sa akin dahil...dahil sa hindi ko... pagdating sa iyong kaarawan?" putol-putol na tanong ni Andres habang hinahabol ang paghinga dahil sa pagtakbo nito. Sobrang nalungkot si Andres.
"Sana ay masilayan kitang muli, mahal ko." bulong ni Andres sa hangin na umaasang dalhin ng hangin ang kanyang tinig sa lugar kung saan naroroon ang kanyang minamahal na si Annie.
Matamlay na naupo si Andres sa malaking putol na kahoy sa ilalim ng puno kung saan sila laging magkatabing umuupo ni Lailanie. Tuluyan siyang naluha sa pagdaan ng ilang minuto dahil hindi talaga dumating si Annie. Inisip niya na baka tuluyan na ngang lumayo ang kasintahan dahil sa pagdaramdam nito.
Gusto pa niyang magtagal sa lugar na 'yon ngunit hindi maari dahil isang oras lang ang meron siya para mamalagi sa labas ng mahiwagang bakod. Kailangan niyang bumalik bago matapos ang isang oras na taning niya.
Minabuti niyang bumalik sa mahiwagang bahay. Babalik nalang siya kapag pinahintulutan siya ulit ni Orasiana. Gusto man niyang magalit kay Orasiana pero hindi niya magawa. Wala nang silbi kung magalit pa siya dahil nangyari na iyon at hindi na niya maibabalik pa ang panahon.
Saktong mag-iisang oras nang makapasok si Andres sa bakod ng mahiwagang bahay. Iilan lang ang mga katulad niyang naroon at gustuhin man niyang makipag-usap sa kanila at wala siyang gana sa ngayon.
Dumiretso siya sa kanyang silid at nagmukmok sa loob. May isang oras pa siyang natitira para maglibot sa buong kabahayan pero hindi niya na alintana iyon. Kung noon ay nagagalak siya kapag sumasapit ang oras niya, ngayon ay nagbago na ang pakiramdam niya.
Naglakbay ang kanyang isip habang nakahiga sa kanyang higaan. Iniisip niya kung anong ginagawa ng kanyang pinakamamahal na si Annie. Isa pa iyon sa nagpapahirap sa sitwasyon nila, ang pagkakaiba ng oras nilang dalawa. Alas kwatro nang madaling araw sa loob ng mahiwagang bahay samantalang alas kwatro ng hapon pa lang sa mundo ni Annie.
Isa iyon sa parusa ni Andres dahil sa pagkahumaling niya sa mga kasiyahan at halos di na nagagamit sa tama ang oras na dapat sana ay nagpapahinga siya. Masyado siyang abusado sa tinatamasang kalayaan na kahit ang sumalo sa kanyang mga magulang sa pagkain ay hindi na niya magawa dahil palagi siyang tulog sa araw dahil sa puyat at pagod.
Napagtanto na ni Andres na mali ang kanyang ginawa noon kaya sinapit ang sitwasyon niya ngayon. Nasa gitna nang pagbabalik-tanaw si Andres nang tumunog ang kanyang relong tagahudyat.
Mabigat man ang loob niya ay wala siyang magagawa kapag si Orasiana na ang nagpatawag sa kanila. Lumabas siya ng kanyang silid at tinahak ang mahabang hagdan papunta sa mahiwagang kanlungan ni Orasiana.
Nagliliwanag ang mahiwagang orasan pagpasok ni Andres kasabay ang pagtunog nito. Hudyat iyon na nandoon si Orasiana at pwede nang kausapin.
"Batid kong ako'y inyong pinatawag, Mahal na Orasiana." panimula ni Andres nang makaluhod sa harap ng mahiwagang orasan.
"Andres, bakit puro kalungkutan ang nababanaag ko sa iyong mukha?" tanong ni Orasiana sa isang malumanay na boses. Napakagaan sa pakiramdam na marinig ang boses niya.
"Hindi dumating si Annie sa aming tagpuan noong ako'y pumunta doon. Si-siguro ay tuluyan na siyang nagalit sa akin." sagot ni Andres kasabay ang isang buntong-hininga. Bagsak man ang balikat ay pilit na pinasigla ni Andres ang kanyang mukha dahil alam niyang tagos sa puso ang tingin ni Orasiana sa kanilang lahat.
"Kaya ka ba malungkot dahil hindi mo siya nakita o dahil baka tuluyan na siyang nagalit sa'yo?"
"Dahil sa parehong dahilan, Mahal na Orasiana. Nakakalungkot na nakakatakot lalo na dahil hindi ko alam kung saan siya hahagilapin." ramdam ni Orasiana ang nararamdaman ni Andres mula sa mga salitang binitiwan nito. Gustuhin man niyang pagtagpuin ang landas ng dalawa ay hindi maaari.
"Andres, naiintindihan ko ang iyong nararamdaman. Minsan na din akong nakaranas nang matinding kalungkutan at takot dahil sa pagmamahal sa isang tao." wika ni Orasiana sa binatang kaharap.
"Umibig ka din, Mahal na Orasiana?" gulat na tanong ni Andres sa kausap. Hindi niya akalain na naranasan din ng tulad ni Orasiana ang mga naranasan niya ngayon.
Ibig ba nitong sabihin na tao din si Orasiana noon? tanong na nanatili sa isip niya.
"Oo, Andres! Minsan na akong umibig noon. Isang pag-ibig na nagtulak sa akin para makagawa ng mga kamalian sa buhay at nakaapekto sa ibang buhay." sagot na ikinagulat ni Andres. Gusto niyang isipin na nabigo din kaya ito sa pag-ibig?
"Ayaw kong matulad ka sa akin na huli na nang malaman kong mali ang aking ginagawa. May tamang oras para sa lahat ng bagay. Kusa iyong dumadating sa tamang panahon." matalinghagang saad ni Orasiana na dumagdag sa mga palaisipang dati niya nang binitawan kay Andres.
"Ano ang ibig mong ipahiwatig, Mahal na Orasiana? Hahayaan ko muna si Annie? Ganoon ba ang ibig mong sabihin sa akin?" maluha-luhang tanong ni Andres. Hindi niya maatim na hindi makita ang katipan lalo na ngayong alam niyang nasaktan niya ito.
"Hayaan mong mangyari ang mga dapat mangyari. Huwag mong pilitin ang mga bagay na hindi pa pwede sa ngayon. Pagtuonan mo nang pansin ang mga dapat mong gawin." patuloy sa pagbibigay ng matalinghagang salita si Orasiana. Batid niyang naguguluhan si Andres sa kanyang mga tinuran pero iyon ang mga kailangan marinig ni Andres galing sa kanya.
Dapat malaman ni Andres ang kahalagahan ng pagbibigay halaga at oras sa mga bagay-bagay sa buhay. Alam ni Orasiana na tulad niya noon, naging mapusok at padalos-dalos si Andres sa kanyang nga desisyon. Parehong edad noong siya ay makagawa din ng kamalian.
Isang kamalian na humantong sa isang napakalaking problema hindi lamang para sa kanya kung hindi pati na rin sa mga magulang at nang buong kaharian ng Timeria.
Isang kamalian na umani ng kaparusahan. Kaparusahang pinanindigan niya at matapang na hinarap kahit pa kalayaan niya ang naging kapalit.
Maaaring hindi gaano pero nakikita ni Orasiana ang kanyang sarili kay Andres. Noong mga panahong nagsimulang umusbong ang damdamin niya para sa iaang lalaki. Nakikita niya ang sarili kay Andres nang magsimula siyang lumihis sa tamang landas. Ayaw niyang tuluyang mawalan ng pag-asang makabalik sa sarili niyang mundo si Andres dahil sa pagpapakulong nito sa sariling damdamin.
Malungkot man isipin ay matapang na nagbalik-tanaw si Orasiana para kay Andres.
===============
Ayan na! Magbabalik tanaw na si Orasiana hindi kang para Kay Andres, para na rin sa inyo.
Mababasa niyo dito ang part ng panaginip ni Andrew at yong laging panaginip ni Lailanie every 3am.
Nakakaubos energy 'to!
Sana magustuhan niyo ang kwento ko mga ka-tropa. Paikli-ikling chapters lang muna tayo. Di KO pa kaya ang mahabaan. Nalilihis ako ng landas kapag tumatagal na.
Don't forget to vote kapag nagustuhan niyo.
Salamat!
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro