Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

One Ordinary Ride

An entry for Ms. Kimmie_66 horror flash fiction challenge.

ONE ORDINARY RIDE

HINDI na mabibilang sa kanyang mga daliri kung ilang beses nang ginabi si Tanya sa pag-uwi. At sa tuwing sasakay ng dyip, lagi niyang baon sa puso ang takot na baka may mangyaring hindi maganda. Dala na ng hindi napipigilang trauma dahil sa mga napapanood niya sa telebisyon.

Ngunit nang gabing iyon, pakiramdam niya ano mang oras ay mawawalan siya ng malay dahil sa labis na takot hindi dahil baka may makasakay siyang masamang tao at bigla na lamang silang tutukan ng kutsilyo o ng baril, o baka may makasalpukan silang sasakyan.

"Alam mo ba 'yong kwento roon sa Eldigar street?"

Saglit na natigilan si Tanya sa tangkang pagtusok ng IV needle sa pasyente nang marinig ang sinabi ng bantay nito. Ipinagpatuloy niya ang ginagawa na nasa mga ito pa rin ang tenga.

"Eldigar street? Ah! 'Yong tungkol sa jeep na sumusundo ng mga patay? 'No ka ba. Syempre, kalokohan lang 'yon. Sa panahon ba naman ngayon nagpapaniwala ka pa sa ganyan?"

"Magkakaroon ba ng gano'ng kwento kung walang nakaranas?"

"Oh, sige nga. Sino'ng tangang nagkwento sa 'yo niyan? Naranasan niya ba mismo?"

"Nabasa ko lang 'yon sa Horror Stories by Karla sa FB pero maraming comment na totoo nga raw 'yon. At alam mo ba na-"

"Nako, tama na nga! Kung kailan namang nasa ospital tayo saka mo naman naisip magkwento ng nakakatakot."

"O, akala ko ba hindi ka duwag?" tumatawang ani ng bantay.

"Hindi duwag sa karayom, loko!"

"Ikaw ba, nurse, naniniwala ka ba sa gano'ng kwento?"

Nabaling ang tingin niya sa bantay. Pareho ng nasa kanya ang tingin ng mga ito. Napangiti siya saka umiling.

"Hindi, Tanya? Ngayon ka huwag maniwala sa kwento," nanginginig ang boses na bulong niya sa sarili.

Nakabibinging katahimikan na lalong nagpapataas ng kanyang balahibo. Maski ang ugong ng hangin na kanina ay tangi niyang naririnig ay tila ba nawala. Ramdam niya ang pangingilabot ng katawan na alam niyang hindi na lamang dahil sa malamig na hanging yumayakap sa kanya.

Totoong hindi siya naniniwala sa kwentong iyon dahil ilang beses na siyang dumaan sa Eldigar street at kailanman ay hindi siya nakaranas ng kahit ano'ng nakapangingilabot na pangyayari. Ngunit sino nga bang makapagsasabi na sa gabing iyon, pagkatapos niyang sabihin sa dalawang binata na iyon na hindi siya naniniwala sa kwentong iyon ay agad 'yong ipararanas sa kanya.

Sa kabila ng pangangatal ng katawan, sinubukan niyang linguning muli ang mga pasahero. Dahil sa magkahalong pagod at puyat ay agad niyang isinubsob ang mukha sa kanyang mga braso pagkasakay na pagkasakay ng dyip na iyon at mabilis na nakaidlip. Kaya nga hindi niya napansin na mayroong kakaiba. Ngunit nang mag-aabot ng bayad ay roon na niya napansin ang lahat.

Walang kumikilos. Nangungot ang noo niyang inulit ang sinabi, "Makikisuyo po ng bayad."

Nabahiran ng pagtatakang natitigan niya ang babae sa kanyang unahan, at sa kasunod at sa kasunod pa ulit. Mabilis na nagtaasan ang kanyang mga balahibo, tila mayroong pumupukpok sa kanyang dibdib. Napapakurap na dahan-dahan niyang nailibot ang paningin sa lahat ng pasahero. Sa unang tingin ay hindi mapapansin ang kakaiba sa mga ito. Tuwid na tuwid sa pagkakaupo at nasa unahan ng dyip ang tingin. Ngunit tuluyang nangilabot ang buo niyang pagkatao nang mahagip ng tingin ang salamin sa unahan ng sasakyan.

Unti-unting namilog ang kanyang mga mata at bibig. Tila isang manikang tinanggalan ng baterya at hindi nagawang kumilos.

"Sabi nila malalaman mong mga patay ang mga pasahero sa dyip na 'yon kapag tiningnan mo ang salamin sa unahan ng dyip."

Mula sa salamin ay nakikita niya ang nakapangingilabot na itsura ng mga pasahero at nasisiguro niyang ganoon namatay ang mga ito. Halos lahat ay duguan. Mayroong may saksak ng kutsilyo sa katawan, may durog na bungo, mayroong may nakataling lubid sa leeg at mayroong lasog-lasog ang katawan at halos lumabas ang bituka.

Malakas ang naging sigaw niya na tanging sumasapaw sa katahimikan.

"H-Hindi ito totoo. Panaginip lang ito. O baka dahil sa pagod. Oo tama. Hindi totoo ang lahat ng ito."

Mariin siyang napapikit at ilang ulit na bumulong habang sapo ang magkabilang tenga at paulit-ulit na umiiling.

Huminga siya nang malalim habang tumatango. Paulit-ulit na kinukumbinsi ang sarili. Ngunit nang magmulat at muling tumama ang kanyang paningin sa salamin ay parang talon na bumuhos ang kanyang mga luha.

"Sabi pa nila, kapag hindi ka nakababa sa dyip na iyon, pagkatapos ng mahabang biyahe ay dadalhin daw kayo niyon sa impyerno. Dahil lahat ng nakasakay roon ay makasalanan."

"Ikaw talaga. Pati si Miss Nurse dinadamay mo sa mga kalokohan mo. Pasensya ka na rito, ha, miss."

"Totoong sinasabi ko, 'no! At alam mo ba kung paano ka makakababa sa dyip na 'yon?"

"Sige nga, paano?"

"Uy, curious siya- teka miss, hindi mo ba muna pakikinggan?"

"Hindi na."

"Bakit hindi ako nakinig! Bakit hindi ako nakinig!"

Sumasapaw sa kanyang takot ang galit para sa sarili at sa pag-iyak na lamang niya nailalabas ang lahat ng iyon. Nang mapagod, bagaman patuloy sa pagbuhos ang kanyang mga luha, ay pinuno niya ng tiwala ang sarili.

"Kailangan kong makababa. Bababa ako. Hindi pa ako patay. Hindi ako patay kaya makakababa ako rito."

Tarantang inilibot niya ang paningin. Tila isa ‘yong bayang pinagkaitan ng liwanag dahil maski katuldok na liwanag ay wala siyang nakikita sa kanilang dinaraanan.

"Para! Para!"

Pakiramdam niya'y malalagot ang lintid sa kanyang leeg nang isigaw niya iyon. Mabilis na tumayo siya sa pagkakaupo at nanginginig ang mga tuhod nang humakbang patungo sa pinto ng dyip. Ngunit nang magtatangkang buksan ang pinto niyon ay naramdaman niya ang kasing-lamig ng yelong dumampot sa kanyang braso. Nang lingunin niya ang nagmamay-ari ng kamay na iyon ay nakita niya ang lalaking may nakataling lubid sa leeg. At kasinglamig ng hawak nito ang titig na ibinibigay nito sa kanya.

Para siyang napabalikwas sa pagkakahiga mula sa isang malalim na pagkakatulog at nang magmulat ng mga mata ay naroon na siyang muli sa kinauupuan.

"Kailangan kong makalabas! Hindi ako patay! Hindi ako patay! Hindi pa ako patay! Hindi ako patay!"

Nauubusan man ng pag-asa ngunit paulit-ulit pa rin siyang nagtatangkang makababa ng dyip na iyon kahit pa paulit-ulit lang din siyang ibinabalik sa kanyang kinauupuan. Maski bintana ay sinubukan na niyang talunin ngunit paulit-ulit siyang nagigising na nakaupong muli pagkatapos makadama ng hawak ng mga patay.

Nang mapagod sa hindi na niya mabilang na pagtatangkang makalabas ng sasakyan ay sinubukan niyang pag-aralan ang lahat.

"Kailan kong makalabas sa masamang panaginip na 'to. Kailangang kong makaalis dito. Mag-isip ka, Tanya. Mag-isip ka!"

Tahimik ang lahat. Gumagalaw lang ang mga ito at sinusundan siya ng tingin sa tuwing nagtatangka siyang lumabas ng sasakyan. Tiningnan niya ang drayber. Tanging likod ng ulo niyon ang nakikita niya. Hindi niya rin ito makita sa salamin.

"Kailangan ko siyang makausap. Siya ang nakakaalam kung saan patungo ang sasakyang ito. At sigurado akong alam niya kung bakit narito ako," aniya sa isip.

Sinubukan niyang lumapit sa drayber ngunit katulad ng paglapit niya sa pinto ay pinipigilan siya ng ibang pasahero na tuluyang makalapit doon. Ilang ulit niya muling sinubukang lumapit doon ngunit napagod na lamang siya ay hindi pa rin siya nagtagumpay.

Muli siyang nag-isip ng ibang paraan. Inilibot niya ang paningin sa kabuoan ng sasakyan. Katulad ng ilang nasasakyan niyang dyip, ganoong ganoon din ang isang iyon.

Nagsalubong ang kanyang mga kilay habang nakatitig sa salamin. Muli niyang pinagmasdan ang mga patay roon. Nakakapangilabot kung pagmamasdan ang itsura ng mga ito ngunit iba ang nakikita niya nang matitigan ang mata ng mga ito.

Inalis niya ang tingin sa salamin at isa-isang tiningnan ang mga patay. Tumigil iyon sa lalaking katabi niya na may lubid sa leeg. Tila may kung ano'ng napupunit sa kanyang puso habang nakikita ang lungkot sa mga mata nito.

"Hindi mo gusto ang ginawa mo.”

Nanlalaki ang mga matang napaatras siya nang tingnan siya nito. Nang makabawi ay muli niya itong nilapitan.

"N-Naririnig mo ‘ko?"

Wala itong naging sagot. Nanatili lamang itong nakatitig sa kanya. Napalingon siya sa unahan nang makarinig ng malakas na ugong. Namilog ang kanyang mga mata nang makita ang tila kulay dugo na liwanag sa kalayuan.

"A-Anong... Hindi maaari. Kailangan kong makaalis dito!"

Walang takot na inabot niya ang braso ng lalaki sa kanyang tabi at nagmaakawa, "Tulungan mo ako. Kailangan kong makaalis dito. Pakiusap tulungan mo akong makaalis dito."

Ilang ulit man siyang magmakaawa sa lahat ng naroon ay ay bigo siyang walang nakuhang sagot. Nawawalan ng pag-asang muling nag-agusan ang luha sa kanyang mukha.

“Kailangan kong makaalis dito,” sambit niya sa pagitan ng mga hikbi.

Muli niyang tinitigan ang salamin na nasa unahan. Humihiling na may mahahanap na sagot doon. At sa pagtitig niya roon ay napagmasdan niya ang sariling repleksyon. At doon niya lamang napagtanto...

"B-Buhay ako... pero para na rin akong... patay."

Hindi katulad ng mga patay, wala siyang nababasang emosyon sa kanyang mga mata.

"Upang makaalis dito... kailangan kong... buhayin ang sarili ko."

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro