Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

My Life

Chapter One

Four years later...

"NANAY." 

"Hmm," inaantok pang sinipat ni Willa ang mukha ng munting anghel na nakatunghay sa kanya.

"Gising na po. Tumitilaok na 'yong manok ni Lolo Tiyago. Di ba po, sabi mo kapag tumilaok na si San Pedro gisingin ko kayo."

Natatawang kinabig ni Willa ang mahigit tatlong taong gulang na anak. Si Samantha. Bukod sa matalino ay napakadaldal din nito.

"Oo na po, Nanay ko. Babangon na," natatawang wika niya rito.

"Ipinagtimpla ko na po kayo ng kape. Nakapagsangag na rin po ng bahaw si Tito Walt, kaya bangon ka na, Nanay. Mag-almusal na po tayo."

"Naku, napakagaling naman talaga ni my life," kahit namimigat pa ang katawan sa antok ay napilitan ng kumilos si Willa. Sa labas ng kanilang maliit na barung-barong ay nagsisimula ng lumatag ang liwanag.

Paglapag ng mga paa niya mula sa papag ay awtomatik na nakahanda na ang kanyang tsinelas. Napangiti siya sa pagkama-alalahanin ng kanyang anak. Iyong mga batang kaedad nito ay baby pa kung tutuusin. Pero sa hirap ng kanilang pamumuhay ay napakaaga nitong nag-mature. Naaasahan na niya itong magwalis at maghugas ng mga pinggan. Ang hindi niya lang talaga itinuturo rito ay ang pagluluto dahil kalang de-kahoy ang gamit nila. Nagulat na nga lang siya na marunong na rin itong magtimpla ng kape.

"Mukhang inumaga ka na sa pagluluto," anang kapatid na si Walter nang dumulog siya sa hapag. Halos wala ng lugar ang kanilang mga plato dahil sa dalawang bilao ng biko na nakapatong sa maliit nilang mesa.

"Oo. Inabot din ako ng alas-dos pagluluto, ang sasakit nga ng mga braso ko. Order kasi ni konsehal 'yong isang bilao. Puwede bang pakidaan mo sa kanila bago ka pumasok? Kunin mo na rin 'yong balanse ng bayad."

"Sige. Baka nga pala umaga na ako makauwi bukas, Ate. Double shift ako mamaya, may sakit 'yong karelyebo ko, eh."

"Hindi ka kaya antukin sa klase n'yan? May klase ka pa ng alas-diyes, di ba?"

Nagtatrabaho ito sa isang kompanya na nangangasiwa sa electrical maintenance ng ilang mga condominium buildings. Aral sa umaga, trabaho sa gabi. Nasa ikatlong taon na ito sa kursong Electrical Engineering. Suwerte nga raw ang pagkakapasok nito roon dahil nai-tip lang ng dati nitong ka-klase ang pag-aaplay sa naturang kompanya. Bakasakali lang ang apply nito. Buti na lang at natanggap. Bukod sa maaga nitong nagagamit ang mga natutunan sa paaralan, maganda pa ang pasuweldo. 

Minsan pa nga sinabihan siya nito na tumigil na sa pagtitinda ng mga kakanin at si Samantha na lang daw ang tutukan niya. Pero hindi siya pumayag. Kailangan nila ang parating may ipon. Bukod sa malapit ng mag-aral si Samantha ay may sakit din itong hika. Ninenerbiyos siya sa tuwing aatakehin ang anak na wala siya ni isang sentimo sa bulsa.

"Ayos lang ako, Ate. Parati yata akong umiinom ng gatas ng kalabaw kaya malakas ang resistensya ko, di ba, Prinsesa?" magiliw na baling ni Walter sa pamangkin.

"Siyempre naman po."

"Akala ko mukha ka na ring kalabaw, eh," natatawang biro niya.

"Sa guwapo kong ito, mukhang kalabaw?" nag-pogi pose pa ang kapatid niya sabay pikit ng mata kay Samantha.

"Guwapo raw. Guwapo ba talaga ang Tito Walt mo?" aniya sa anak.

"Opo, Nanay. Kamukha niya si Kookie."

"Kookie? 'Yong sa Sesame Street?"

"Ate naman, walang basagan. Si Kookie, 'yong sa BTS."

"BTS? Ano ang malay ko sa mga 'yon? Ang kilala ko ay BSB--Backstreet Boys. Quit playing games with my heart, my heart."

"Hala, siya. Puyat lang 'yan, Ate. Papasok na ako. Ano nga pala ang gustong pasalubong ng Prinsesa ko?"

"Jollibee."

"Ah, siyempre naman. Pero dapat maraming pabaong kiss kay Tito."

Mabilis na nagpunas ng bibig si Samantha bago pinupog ng halik ang magkabilang pisngi ng tiyuhin. Napangiti na lang siya habang pinapanood ang mga ito. Natutuwa siya at kaylaki ng ipinagbago ng kapatid niya mula nang mangyari ang aksidente rito apat na taon na ang nakakaraan. Naging responsible ito at mabuting tiyuhin sa kanyang anak at mabait na kapatid sa kanya.

"Hayan, sa dami ng kiss ng Prinsesa ko, siguradong susuwertehin si Tito ngayong araw."

"Tito, gusto ko po may Coke float, ah," pabulong na sabi ni Samantha.

"Siyempre naman. Basta para sa Prinsesa ko, kumpleto."

"Naku, anak, ha? Malamig at matamis na naman 'yan," paalala ni Willa.

"Ate, kada-suweldo lang naman," depensa kaagad ni Walter.

Pagdating sa pamangkin ay kaagad itong nakasanggalang.

"Hati po tayo, Nanay," mabilis na kambiyo ni Samantha.

Natawa siya sa sinabi nito.

"Wais ka talaga, Prinsesa."

"Mana po kasi ako sa'yo, Tito Walt."

Nagkatawanan ang mga ito.

"Sige, ba-bye na sa inyong dalawa."

"Ba-bye, Tito."

"Mag-iingat ka."

Sukbit ang knapsack at kilik sa tagiliran ang bilao ng biko, lumabas na ng kanilang barung-barong si Walter. Nangingiti si Willa habang inihahatid ng tanaw ang kapatid. Dati ay hindi niya ito mauutusan ng ganoon dahil nahihiya itong makita ng mga barkada nito. Pero ngayon ay hindi na nito masyadong iniisip iyon. Ilang beses na nga rin itong napagkakamalang binatang-ama dahil magmula nang iluwal niya si Samantha ay ito na ang naging tagapag-alaga ng pamangkin. Ito rin ang parating nagdadala sa bata sa kanilang barangay health center kapag schedule ng bakuna. 

Hindi naging madali ang unang dalawang taon sa kanila pagkatapos ng gabing iyon. Gulong-gulo ang isip niya sa nangyari kay Walter. Binigyan siya ni Paige ng morning after pill para tiyaking hindi siya mabubuntis. Epektibo raw iyon. Pero sa kalituhan niya ay hindi siya sigurado kung nainom niya ang pildoras o naiwaglit niya kung saan. Dalawang buwan pagkaraan ay saka pa niya natuklasang nagdadalantao siya. Hindi kasi regular ang menstruation cycle niya kaya hindi siya masyadong nag-alala nang hindi kaagad datnan sa unang buwan.

Sa gitna ng paghihirap ni Willa sa loob ng dalawang taong iyon ay hindi miminsang naisip ng dalaga na ano kaya kung pumayag siya sa offer ng lalaking nakatalik ng gabing 'yon? Papayag kaya itong buhayin ang sanggol sa sinapupunan niya katulad ng kanyang ginawa? Nang malaman ni Paige ang kalagayan niya ay kaagad nitong nai-suggest na ipatanggal ang bata. Tutal ay dalawang buwan pa lamang naman daw iyon, madali pang tanggalin. Pero hindi siya pumayag. 

Kahit alam niyang mahihirapan siya ay hindi niya maatim na ipatanggal ang inosenteng sanggol lalo pa nga at sarili niya itong dugo't laman. At ngayong pinagmamasdan niya ang batang iyon ay isang mainit na emosyon ang biglang bumaha sa dibdib niya.

"Nanay."

"Hmm?"

"Kain pa po kayo. Di ba po kailangan nating maagang makapuwesto sa simbahan. Baka dumaan 'yong magandang Miss hindi na naman natin siya maabutan."

"Aba, malapit na yata akong magselos, my life. Bakit ba gustong-gusto mo ang Miss na iyon?"

"Kasi po halos pakyawin niya palagi ang paninda natin. Ayaw ba ninyo niyon, maaga tayong nakakatapos."

"O, siya, siya. Kumain na tayo. Mamayang pag-uwi na lang natin tayo magligpit."

Nang makakain nga ay gumayak na ang mag-ina patungong simbahan. Araw ng Miyerkules noon kaya may ilang deboto ang nagsisimba para mag-novena.

"Aling Bebang, dumating na po ba 'yong magandang Miss?"

Hindi pa man masyadong nakaka-puwesto si Willa sa tabi ng kapwa street vendor na si Aling Bebang ay umarya na ang matabil na anak.

"'Yong babaing mukhang Amerikanang singkit?"

"Amerikanang singkit?" nagtatakang nilingon ng paslit ang ina.

"Siya na nga 'yon, anak," ani Willa.

"Parang wala pa," tugon ni Aling Bebang. Nagtitinda ito ng kandila, rosaryo at mga prayer booklet. "Hindi ba't may kotse 'yon? Hindi ko pa nakikitang pumasok sa parking ang sasakyan niya."

Tila nakampante ang paslit sa narinig.

"Nanay, puwede po ba akong pumasok sa loob ng simbahan?"

"Oo naman, anak. Huwag ka lang pupunta kung saan-saan, ha? Pagkatapos magdasal, balik ka kaagad dito."

"Opo, Nanay."

"Masuwerte ka at mukhang napakabait na bata niyang anak mo," anang matanda. Tulad niya ay nakasunod din ang tingin nito sa anak niyang naglalakad papasok ng simbahan.

"Oo nga po, eh."

"Huwag mo sanang mamasamain, ano? Mabuti't hindi pa naghahanap ng tatay?"

Napayuko lang si Willa at kunwari'y inabala ang sarili sa pag-aayos ng dahon ng saging sa ibabaw ng kanyang bilao.

"Mukhang kuntento naman ho siya sa father figure na nagisnan niya."

"Kunsabagay. Mukhang napaka-responsable ng kapatid mo."

Tumango lang siya.

Noong ipinagbubuntis niya si Samantha ay napagpasyahan nilang magkapatid na lumipat ng tirahan. Hindi na kasi maganda ang naging usap-usapan sa kanya sa dati nilang lugar. Ang natirang pera sa ipinagpagamot niya sa kapatid ay ginamit niyang pang-down sa maliit na loteng tinitirhan nila. Singkuwenta metro kuwadrado lamang iyon at may nakatirik ng isang kubo. Buwan-buwan ay naghuhulog siya ng limandaang piso para sa balanse. 

Noong una ay tiis silang walang kuryente at sariling linya ng tubig. Ngunit nang magkatrabaho si Walter, pumayag ang nabilhan nila ng lote na maki-sub meter sila ng kuryente. Sa sandaling mabayaran nila ang kabuuan ng loteng nabili ay saka na lamang sila magpapakabit ng sariling kuntador. Sa tubig naman ay wala silang masyadong naging problema. Napaki-usapan ni Walter ang kakilala nito sa kanilang barangay na kabitan sila ng linya ng tubig.

Sa lahat ng pinagdaanan nilang magkapatid ay nagpapasalamat si Willa na hindi siya bumitaw sa pananalig sa Dios.


"MUKHANG malapit na akong magpamisa, Kuya."

Mula sa pagmamaneho ay nilingon ni Zeke ang kapatid na si Annika.

"What do you mean?"

"This is the first time you went to church with me. Totoo nga'ng may himala."

He just scoffed. Ang hindi nito alam ay may pakay siya sa pagsama rito. Matagal-tagal ng inirereklamo ng kanyang ina ang mga pagbabagong napapansin nito kay Annika. Hindi raw nito masasabi kung mabuti o masama ang pagbabagong 'yon. Mula sa halos isang taong pananahimik at pag-lie low sa night life ay biglang naging palasimba. 

Pero ang higit na nakapukaw ng atensyon ng kanilang ina ay ang isang lalaki na mukhang labis daw na kinalolokohan ng kanyang kapatid at ipinasok pa ng trabaho sa isa sa mga subsidiaries ng kaibigan nito.

"What's so special about this church at kailangang dito ka pa magsimba?"

"Hmm, it's away from the city. And I like this particular church because it reminds me of a small chapel I visited when I went to Paris."

"No other reason?"

"Reason like what?"

"You tell me."

Natigilan ito sa sagot niya.

"Did Mom put you up to this?"

"I don't know what you mean."

"Yeah, right. She's been on my case for like a year now. And since she can't get inside my head, she sends someone else. You."

"She's just worried."

"Worried about what? That I'm not partying 'till dawn like I used to? Hindi ba siya masaya na nasa bahay ako sa tamang oras? Na sa halip na naglalakwatsa ako at nagwawaldas ng pera sa walang kapagurang pagsa-shopping ay twice a week akong nasa loob ng simbahan?"

"Exactly. Iyon ang hindi maintindihan ni Mommy. Are you planning to enter the nunnery, perhaps?"

Bigla itong nasamid sa tanong niya.

"I'll take that as a no."

Hindi na ito nagkomento hanggang sa marating nila ang pakay na simbahan. Napansin niyang nanghaba ang leeg ng kapatid sa pagtanaw sa labas ng tinted na bintana ng kanyang sasakyan.

"Oh, good. She's already here."

"Who?"

"'Yong suki kong nagtitinda ng biko. Ipapakilala kita sa kanya mamaya. I'm sure you'll like her."

"I'm not interested," matabang niyang sabi.

"You're such a snob. Maganda siya. Lalo na 'yong anak niya. Mukhang angel. And come to think of it, I think she looks a bit like me when I was her age."

Umiling lang si Zeke. Kahit ano pa ang sabihin ng kapatid ay hindi pa rin siya interesadong makilala ang tindera ng biko. Humanap na siya ng mapag-paparkehan ng sasakyan. Pagbaba nilang magkapatid ay isang batang babae ang tumawag ng pansin ni Annika.

"Magandang Miss, 'andito ka na."

"Oh, hello, angel. Na-miss mo ba ako?"

"Opo. Hindi kami nakaubos ni Nanay noong nakaraan kasi hindi na namin kayo inabutan."

"Aw, don't worry. Sabihin mo sa Nanay mo na papakyawin ko ang lahat ng tinda niyo ngayon para makabawi ako last week."

"Talaga po?" parang bombilyang nagliwanag ang buong mukha ng bata.

"Uh-hmm."

"Ang bait mo talaga, magandang Miss. Sige po, sasabihin ko kay Nanay."

Naaaliw na sinundan ng tingin ni Annika ang papalayong bata. Napailing naman si Zeke. Hindi nakapagtatakang nawiwili sa bata ang kapatid niya, napakagaling mambola.

"What?" sita sa kanya ng kapatid.

"Nothing."

"She's very pretty, right?"

"Yeah, sure."

Inirapan lang siya ng kapatid sa walang interes niyang sagot. Pagkuwa'y dumiretso na ito sa loob ng simbahan. Siya naman ay hinanap ng tingin ang bata. Naisip niyang tama ang sinabi ni Annika, medyo magkahawig nga ang mga ito noong nasa ganoong edad pa lamang ang kanyang kapatid.

-

hello!

feed backs and vote. follow ka na rin :)

another update on Thursday.

frozen_delights








Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro