Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kinship

Chapter Two

"TOTOO ba, anak?"

"Opo, Nanay. Papakyawin daw ng magandang Miss ang paninda natin kasi hindi siya nakabili noong nakaraan."

"Aba'y mukhang hindi lang mabait itong anak mo, Willa. Suwerte pa," 'ika ni Aling Bebang.

"Tama po kayo."

"Makakauwi na po tayo nang maaga, Nanay. Atsaka, di ba, po puyat kayo. Puwede na uli kayong matulog."

Natawa si Willa sa sinabi ng anak. Napakahusay talaga nitong mag-isip. Parang matanda.

"Nanay, babalik po ulit ako sa loob, ha?"

"Aba'y bakit? Hindi ka pa ba tapos magdasal?"

"Kadarating lang po ni Father."

"Ah, sige. Huwag kang manggugulo sa mga nagdadasal, ha?" Hinayaan na niya ito dahil naging ugali na ng anak na kapag may misa ay dumadalo talaga ito.

Siya ay hindi maiwan ang paninda. Kahit sinabi ng anak na papakyawin ito ng suki nilang babae ay hindi pa rin siya lubos na umaasa.


IBINULSA ni Zeke ang hawak na cellphone matapos ang pakikipag-usap sa kaibigang si Red. Mula nang magkapamilya si Rafe ay bihira na nila itong makasama sa mga lakad. Kaya naman kapag ganoong araw na alam nitong libre siya ay maya't maya siya nitong kinukulit na puntahan ito sa club.

Papasok na sana siya sa loob ng simbahan upang sundan ang kapatid nang makasabay niya ang batang babae na lumapit kanina kay Annika. Nagkasalubong ang tingin nila ng bata. Kimi itong ngumiti sa kanya saka nagpatuloy sa paglalakad papasok ng simbahan. 

Natigilan siya. Isang malabong mukha ng babae ang biglang nag-flash sa kanyang alaala. Hindi niya alam kung ano ang meron sa mukha ng batang iyon na biglang nagpaalala sa kanya. Could it be her eyes?

Sa kaiisip ni Zeke ay hindi niya napansing nakabuntot na pala siya sa bata. Humanap ito ng bakanteng upuan at tahimik na pumuwesto ng upo. Nagsisimula na ang misa. Nasa bandang unahan nakapuwesto ang kapatid niya. Humanap na lang din siya ng sariling upuan. Tahimik siyang naupo sa likuran ng kinauupuan ng bata. Habang nagmimisa ang pari ay natagpuan niya ang sariling pinagmamasdan ang bata sa unahan niya.

She's probably around Maddox's age, ang pangany na anak ng kaibigang si Rafe na inaanak niya sa binyag. At sa experience niya sa mga batang nasa edad nito, likas silang makukulit at malilikot. Pero kakatwang ang batang babae sa unahan niya ay behave at taimtim na nagdarasal.

Nang matapos ang misa ay nakita niya itong nag-antada. Pagpihit nito para lumabas ay tila nagulat ito pagkakita sa kanya. Patay-malisya siyang nagbawi ng tingin. Hindi niya alam kung bakit. Pero nang mapalingon ito sa kanya at mahuli siyang nakatingin ay biglang kumabog ang kanyang dibdib. 

Those eyes, napailing siya. 

Bago pa niya naawat ang sarili ay sinilip niya ang bata at inihatid ng tingin hanggang sa makalabas ito ng simbahan. Napangiti siya. He feels like a Peeping Tom when she caught him watching her. Her stare was quite arresting for a very innocent child.


NANG makalabas mula sa simbahan ay tahimik lang na naupo sa tabi ni Willa ang anak. Nagtatakang sinipat niya ito ng tingin.

"May nangyari ba sa loob, anak?"

Bahagyang kumunot ang noo nito saka umiling. Napansin ni Willa ang init ng araw. Pinatayo niya ang anak at pinalipat ng upo sa kanyang puwesto. Kaagad din siyang naglabas ng baong bimpo at kinapa ang likuran nito. Delikado kasi ito kapag natutuyuan ng pawis. Kung may mapag-iiwanan nga lang siya rito ay hindi na niya ito isasama sa pagtitinda. Minsan kasi kapag nahahapo ito sa maghapon ay sinusumpong ng hika sa gabi.

"Masama ba ang pakiramdam mo? Nagugutom ka ba?" aniya habang sinasapinan ang likod ng anak.

"Ayos lang po ako, Nanay. Huwag po kayong mag-alala."

"Sigurado ka?"

"Opo," tugon nito saka ngumiti.

Kinabig ni Willa ang anak at hinagkan sa tuktok. Laging aandap-andap ang dibdib niya kapag sinusumpong ito. Kung puwede lang ilipat sa kanya ang sakit ni Samantha ay matagal na niyang ipinalipat. Parang siya ang malalagutan ng hininga sa tuwing aatakehin ito ng asthma.

May tatlumpung minuto pa silang naghintay bago isa-isang naglabasan ang mga deboto.

"'Andito na siya, Nanay," excited na sabi ng anak sa tabi ni Willa.

Nang mag-angat siya ng tingin ay nakita niya ang babaing tinutukoy ni Samantha. Katulad ng anak ay may matamis na ngiti kaagad sa mga labi nito hindi pa man nakakalapit sa kanila.

"Hello," bati ng magandang babae sa kanilang mag-ina. 

Sa malapitan ay higit itong maganda. Makinis at mamula-mula ang kutis. At kaya ito tinutukoy na Amerikanang Intsik ni Aling Bebang ay dahil sa tsinita nitong mga mata at naka-highlight na buhok.

Nginitian ni Willa ang babae.

"By the way, papakyawin ko na ang paninda niyo," wika nito.

"Naku, salamat po, Ma'am."

"Annika na lang, Ate. Huwag mo na akong tawaging Ma'am."

"Ako naman si Willa. At itong anak ko si Samantha."

"Aw. That's a very nice name, bagay na bagay sa'yo, angel," bahagyang yumuko si Annika at magiliw na dinutdot ng hintuturo ang tongki ng ilong ng bata. "At mukhang selosa ka rin, ha? Namamawis ang ilong mo."

Napangiti si Willa. Kasabihan nga iyon ng iba. Kapag namamawis ang tongki ng ilong ay selosa raw.

"Ahm, bibili lang ako ng malaking plastik para paglagyan," aniya rito.

"Huwag na, Ate. Isama mo na ang... uhm, what do you call that nga?" tukoy nito sa pinaglalagyan niya ng biko.

"Bilao."

"Right. Bilao," naglabas ito ng buong isang libo at iniabot sa kanya. "Pakitalian na lang na mabuti para hindi tumapon. Nakiangkas lang kasi ako sa kotse ng masungit kong kapatid."

"Kapatid niyo po 'yong Mamang pogi?"

Nagkaroon ng tunog ang pinong ngiti ni Annika.

"Pogi ang tingin mo ro'n sa masungit na 'yon?" tila naaaliw na tanong nito. Naglabas ito ng panyo at pinunasan ang pawis na gumigiti sa noo ni Samantha.

Lihim na napangiti si Willa. Hindi lang maganda si Annika, tila napakabait pa nito. At mukhang giliw na giliw talaga ito sa anak niya.

Nang maitaling mabuti ang bilao ay inabot ni Willa ang bayad ng babae.

"Magpapabarya lang ako. Wala kasi akong panukli."

"It's okay, Ate. Keep the change," binuhat nito ang bilao. "Ay, mabigat pala."

"Tutulungan na kita," nangingiting prisinta ni Willa bago kinilik sa tagiliran ang bilao.

"Thank you, Ate. Come, angel."

Walang pag-aatubiling inabot ni Samantha ang kamay ni Annika. Magkahawak-kamay na nauna ang mga ito sa kinapaparadahan ng sasakyan habang nakasunod naman si Willa sa dalawa. Binuksan ni Annika ang pinto sa backseat at itinuro kay Willa kung saan nito ilalagay ang bilao.

"Hindi kaya ito malaglag?" ani Willa sa dalaga.

"Ipapaayos ko na lang kay Kuya Zeke. Nasa men's room pa siya, eh."

"A, sige. Salamat, ha?"

"Don't mention it. Aside from biko, may iba ka pa bang alam na kakanin, Ate?"

"Marunong din akong magluto ng cassava cake at puto."

"Really? Cassava cake is Mom's favorite. Malapit na ang birthday niya, o-order ako sa'yo ng dalawang bilao."

"Oo, bah. Sabihin mo lang kung kelan."

"Two weeks from now."

"Sige."

Pagkasara ng sasakyan ay nagpaalam na si Willa.

"Wait. I almost forgot. I have something for you, angel," may kinuhang paper bag mula sa front seat si Annika at ibinigay kay Samantha.

"Wow, chocolates."

"You like it?"

"Oo naman po. Thank you, magandang--ay, Miss Annika po pala."

"I think I prefer magandang Miss, o kaya Ate Annika."

"Salamat po, Ate Annika."

"You're welcome. By the way, Ate, how old is she?"

"Tatlong taon at tatlong buwan."

"Hmn, I think Mom still keeps my old clothes when I was her age. Next time dadalhin ko pagbalik ko. I bet they will look good on you because you're so pretty," banayad nitong pinisil ang pisngi ni Samantha.

Napangiti si Willa.

"Ate, puwede ba kaming magpa-picture?"

"Oo naman."

Ibinigay nito ang cellphone sa kanya at patiyad na naupo katabi si Samantha.

"One, two. Smile," nai-tap niya ang capture button. 

Napangiti siya. Ang ganda ng kuha ng mga ito.

"One more, Ate," hirit ni Annika nang ibabalik na sana niya rito ang cellphone.

Muli niyang inulit ang pag-picture sa dalawa. Sa pagkakataong iyon ay nag-pose si Annika nang naka-peace sign habang bahagyang nakauklo sa tabi ni Samantha at magkadikit ang mukha ng dalawa.

"Hayan. Thank you," kinuha nito ang cellphone at tiningnan ang mga kuha. "Very nice. I will show this to Mommy. I'm sure magugulat din siya kapag nakita ang hitsura mo, angel."

Nangiti lang ulit si Willa. Nang magpaalam sila ay mahigpit pa munang niyakap ni Annika si Samantha.

"See you again."


NADATNAN ni Zeke si Annika na tinatanaw ang papalayong bata at isang babae. Hula niya ang babae ay ang ina ng batang kinagigiliwan ng kapatid.

"Let's go, blossom butt."

"Kuya," agad na sumimangot ang magandang mukha ng kapatid sa pet name na gamit niya rito. "I told you to stop calling me that."

"Why not? It's cute," amused na wika niya rito nang ipagbukas ito ng pinto ng sasakyan.

"Ano ang cute ro'n? Do I look like a butt? You're so annoying talaga."

Hindi niya napigilan ang sarili at pinisil niya ang magkabilang pisngi nito.

"To me, you will always be my blossom butt."

"I hate you."

"And I love you to the moon and back. At hindi ako makakapayag na paikutin ka ng isang lalaki sa kanyang mga palad."

"What do you mean by that?" kinunutan siya nito ng noo.

"Just saying," umikot na siya sa driver's seat. "Fasten your seat belt, blossom butt."

Busy na kasi ito sa pagkutingting ng cellphone hindi pa man naikakabit ang seat belt. Nakatikwas ang ngusong hinatak nito ang seat belt saka umayos ng umupo.

Naiiling na binuhay na niya ang makina ng sasakyan. Habang nagmamaneho ay naisip niyang pa-imbestigahan ang lalaking minsang nabanggit ng kanyang ina. Aalamin niya kung anong klase ng lalaki ito.

"Kuya."

"Hmm?"

"Minsan ba sa buhay mo ay nakagawa ka na ng desisyon na araw-araw mong pinagsisisihan?"

Malalim na pinag-isipan ni Zeke ang tanong ng kapatid.

Desisyon? "None. Why did you ask?"

"Wala naman."

Sa sinabi ng kapatid ay lalong tumibay ang pasya ni Zeke na pa-imbestigahan ang lalaki. May masamang hinala na nabubuo sa isip niya. At kung tama ang hinala niya, patawarin siya ng Dios. Baka masaktan niya ang taong 'yon. Babaero siya. Pero pagdating sa mga babaing miyembro ng kanyang pamilya ay very protective siya. Makakapatay siya ng tao kapag isa man sa mga ito ang nasaktan.

-

hello!

huwag mainip. until Sunday :)

frozen_delights













Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro