Ist Drop: Payong ☔
1st Drop: Payong ☔
“Hoy Yuni! Ano, nahanap mo na ba ang mahiwagang payong ni Migo Kim?”
Hindi ko nilingon si Mira kahit pa binanggit niya ang pangalan ng bago kong crush na bida ng kinahuhumalingan kong Koreanovela ngayon. Mangiyak- ngiyak ako habang nakauklo upang silipin ang silong ng lumang cabinet ng adviser namin. Bagong bili lang naming ni Mama noong isang linggo ‘yong payong ko. ‘Yon ang pinakaunang pagkakataong nagpilit akong magpabili kay Mama dahil gusto kong magkaroon ng payong na hindi man kapareho ngunit hawig sa payong ng bidang lalaki sa I am Not A Robot na pinalalabas sa ABS CBN ngayon. Sa Mini Sou sa SM pa naming iyon binili at iyon na rin ang kaisa- isang may disenyong ganoon. Iyong may mga stars tapos parang umiilaw- ilaw kapag madilim.
“Mira! Sigurado ka bang hindi mo itinago?” Tanong ko sa kaibigan ko. Naupo na ako sa sahig at nawawalan na ng lakas na sumandal sa lumang cabinet. Tanaw ko pa sa bintanan ang napakalakas na buhos ng ulan sa labas. Ang taas ng sikat ng araw kanina tapos biglang umulan. Pati ba naman panahon ang paasa? Parang ako lang. Laging umaasa sa kanya.
“Grabe ka naman, bakla! Pagbintangan daw pa ako? Alam mo namang ayoko ng payong. Pangkapote lang ako, boy!” Anito habang nakikihanap na rin sa mga sulok- sulok. Dismayadong napapalatak na lang ako. Bakit nga ba niya pagiinteresan ang payong ko e gamit panlalaki ang interes ng babaeng ‘yan.
“Mira! Pagagalitan ako ni Mama!” Frustrated na sabi ko sa kaibigan na sinabayan ko na ng pagngawa.
“’Yan, mas mabubungangaan ka ng mama mo kapag ‘yang puting uniporme mo naging brown na dahil ginawa mo ng pamunas ng antique na aparador ni ma’am!”Saway sa akin ni Mira kaya agad kong inilayo ang likod sa cabinet. Patuloy pa rin ang pagngawa ko habang nanghihinang gumagapang upang silipin ang bawat silong ng desk ng mga kaklase kong nagsiuwian na.
“Hoy Yunique! Bumangon ka nga! Dali!” Impit na saway ulit sa akin ni Mira ngunit hindi ko siya pinansin. Patuloy ako sa paggapang sa aisle ng classroom namin habang ngumangawa ng mapatigil ako dahil bumunggo ako sa mga binti ng nasalubong ko. At sigurado akong hindi si Mira iyon dahil naka- slacks ang nabunggo ko.
At bigla na lang ang pagtambol ng dibdib ko ng mamukhaan ko ang makintab at mamahaling black shoes sa harapan ko. Unti- unti kong iniangat ang tingin at gusto ko na lang lamunin ng sahig ng makumpirma ang aking hinala.
“S- Sage…” Halos mabilaukan ako sa sarili kong laway kaya’t parang boses ng taong mamamatay na ang tinig ko. Sa sobrang dismaya ko sa sarili ay gusto ko na lang ulit ngumawa pero pinigilan ko iyon dahil ayokong mas mainis na naman siya sa akin.
Sage Yuan Choi, ang number one student ng Casa Rosa National High School. Sa isang barrio ng syudad ng Cauayan sa lalawigan ng Isabela, hindi talaga pangkaraniwan ang pangalan niya. Koreano kasi ang Papa ni Sage at gaya ko ay mula din siya sa isang broken family. Si tita Yasmine, ‘yong mama ni Sage, nagtratrabaho bilang engineer sa Spain kaya lolo at lola niya ang kasama niya ngayon sa buhay. May sinasabi din naman sila sa buhay kaya nga nakapagtatakang dito siya sa public school nagaaral. Pero kung sabagay, hindi naman pahuhuli ang eskwelahan naming kung kalidad ng edukasyon ang paguusapan.
Grade 12 na kami ngayon at parehong STEM ang kinukuha namin. Ni hindi ko nga alam kung paano ko pa igagapang ang isang taon. Mahina ako sa Math, lalo na sa paga- analyze. Nag STEM lang naman kasi ako dahil sa kanya. Gano’n ko siya kagusto.
Isang linggo na niya akong hindi pinapansin. Paano ay napahiya dahil sa akin ang napapabalitang girlfriend niya na si Pauleen, ‘yong anak ng principal namin. Mula nang araw na ‘yon ay hindi na niya ako iniimik kahit todo bigay na ang pagpapapansin ko sa kanya. Akala niya naman hindi siya nakakasakit. Kahit naman habol ako ng habol sa kanya napapagod din ako.
“Tss!” Palatak niya, bakas na naman sa napakagwapong mukha ang labis na iritasyon sa akin, “tabi, humaharang ka sa daan.” Malamig na taboy niya sa akin.
Malungkot na gumapang ako sa gilid para bigyan siya ng daraanan. Kumapit naman ako sa upuan para mabuhat ko ang bigat ko patayo. Agad akong nilapitan ni Mira na agad akong sinermunan kung bakit hindi ako nakinig sa kanya samantalang nakatingin lang ako kay Sage habang kinukuha niya ang Jansport Hatchet backpack niya na limited edition daw sabi ni Pauleen. Inilabas niya doon ang isang itim na payong saka isinukbit na ang strap ng bag sa mga balikat. Patamad akong naupo sa desk ng upuan nang parang hangin na dumaan siya sa harapan ko.
Hindi ko tuloy alam kung nalulungkot ba ako dahil sa nawala kong payong o dahil sa lalong paglayo ng loob sa akin ni Sage.
“Paano ka na niyan uuwi?” Tanong sa akin ni Mira, “Kapote lang ang dala ko. Paano natin ‘yon paghahatian?”
“Tss! Umuwi ka na. Magsasaing ka pa.” Nakasimangot na sagot ko.
“Paano ka? Sabay na tayo. Hindi na lang din ako magkakapote para pareho tayong basa.” Sabi pa niya. Tipid akong napangiti. Bestfriend ko nga ang isang ito.
“’Wag na. Dalawa na tayong mapagagalitan no’n. Umuwi ka na, ako ng bahala.” Pagtataboy ko dito. Tumingin siya sa akin na tila ba’y nagaalangan.
“Sigurado ka?” Paniniguro niya.
“Oo nga. Baka sakaling mahanap ko pa ‘yong payong ko.” Wika ko habang sumisilip sa mga silong ng upuan.
“Sige, ikwekwento ko na lang sa’yo ‘yong episode ng I Am Not A Robot na hindi mo mapapanood ngayon.” Anito.
“Oo, ingat ka.” Sabi ko habang pinagpaapatuloy ang paghahanap. Muli itong nagpaalam sa akin at naramdaman ko ang pagiisa sa classroom.
Ilang minuto pa ang lumipas at wala pa rin akong nahahanap na payong. Nang tumingin ako sa labas ng bintana ay mas malakas pa ang buhos ng ulan at medyo madilim na rin. Agad kong kinuha ang backpack ko sa upuang katabi lang ng upuan ni Sage. Papraktisin ko na lang siguro ang linya kung paano ko sasabihin kay Mama na nawala ko ‘yong payong.
Isinukbit ko ang backpack sa mga balikat at nagmamadaling lumabas ng silid. Hinila ko pasara ang pintuan at sinigurong naka- lock iyon bago ako bumaba sa first floor. May mga kwento pa namang may multo daw na gumagala dito sa school kapag madilim na lalo na kapag umuulan. Hindi naman ako matatakutin. Mabilis lang magulat.
Nasa puno na ako ng hagdan sa unang palapag ng mapasigaw ako sa gulat nang dumagundong ang malakas na kulog sa kalangitan na sinundan pa ng nakasisilaw na kidlat. Mangiyak- ngiyak na napaupo ako sa hagdan habang yakap ang sarili. Muling dumagundong ang kulog at ngumangawang ipinikit ko ang mga mata ng hindi makita ang nakatatakot na pagkidlat.
“Anong ginagawa mo?”
Gulat na napamulagat ako ng marinig ang tinig na iyon na makikilala ko kahit tulog pa ako.
“Sage!”Umiiyak na napatayo ako at halos talunin ko ang distansyang nakapagitan sa amin ng bigla na namang kumulog at kumidlat. Nanginginig na kumapit ako sa polo niya at isinubsob ang mukha sa dibdib niya.
Narinig ko ang pagpalatak niya. Marahil ay naiinis na naman sa akin pero sa sobrang takot ko at hindi ko magawang bumitaw sa kanya.
“Hindi ka takot sa mga tambay na lasing pero sa kulog at kidlat takot ka?” Tila amused na tanong niya sa akin. Unti- unti kong iniangat ang mukha upang tingnan siya. Sa taas niyang anim na talampakan ay mukha talaga akong dwende sa height kong 5’2”.
“S- Syempre,” Sisinghot- singhot kong sagot, “’y- yong lasing pwede kong sipain, e ‘yong kulog at kidlat masisipa ko ba?”
Amused siyang napabuga ng hangin tapos biglang umangat ‘yong isang sulok ng labi niya. Nakangiti na ba siya niyan? Kumurap- kurap ako saka siya tinitigan ng mabuti. Nakangiti nga yata. So, kailangan ko pa palang ngumawa sa takot para makita siyang ngumiti?
Teka, galit pala siya sa akin. Kaya nang ma- realized kong nakakapit pala ako sa polo niya ay mabilis akong bumitaw at sisinok- sinok na pinunasan ang mga luha gamit ang likod ng palad ko. Pasimple ko ding sinuklay ang mahaba at magulo kong buhok gamit ang mga daliri ko.
“A- Akala ko ba umuwi ka na?” Tanong ko.
“Nawala mo ‘yong payong mo ‘di ba?” Seryosong tanong niya sa akin. Halos nakangusong napatango ako. Ipaalala daw ba?
“Sabay ka na sa akin.” Aniya na nagpatigalgal talaga sa akin.
“H- Huh? A- Ako ba?” Nauutal na turo ko pa sa sarili.
Tiningnan niya ako ng masama, “Malamang. Alangan namang ‘yang multo sa likuran mo?”
“Uwaa! Sage!” Napatalon ako palapit sa kanya sa takot. Kumapit ako sa braso niya habang praning na nagpapalinga- linga sa paligid. “Sage! Bawiin mo ‘yon! Wala kang nakitang multo!” Desperadang niyugyog ko pa ang balikat niya at nang tingnan ko siya’y kagat- kagat niya ang ibabang labi na para bang nagpipigil siyang matawa sa itsura ko. Nakalimutan ko bigla ang takot at napatunganga sa gwapong mukha niya.
Higit tuloy na naging dominante ang singkit na mga mata niya pati na matangos na ilong niya. Pati ‘yong lips niya, mamula- mula, gaya no’ng mga bidang lalaki sa Koreanovela na pinanonood ko. Ang puti at ang kinis rin ng kutis niya tapos lagi siyang mabango kahit pinagpapawisan. Kahit ihalo mo siya sa libong estudyante ng Casa Rosa National High School, magi- stand out talaga siya sa kagwapuhan niya.
Grabe, sampung taon ko na siyang crush pero ngayon ko pa lang nakikita ang ganyang expression ng mukha niya. Madalas kasi ‘yang tahimik at kung may pagkakataon mang kakausapin niya ako ay nakasinghal naman siya palagi. Pero kahit ganyan ‘yan e napakarami pa ring nagkakagusto sa kanya. Pati mga student teachers ay halata ang pagpapacute sa kanya. Kaya nga napakarami kong karibal.
Nang marahil ay mapansin ang pagtunganga ko sa mukha niya ay tumikhim siya at nawala ang amusement sa mukha niya. Ayan, nakakunot na naman na akala mo pasan niya ang buong mundo. Feeling niya yata siya si Atlas sa Greek Mythology. Pero kahit ganyan pa siya, gustong gusto ko pa rin talaga siya.
“Tayo na nga.” Aniya na ikinahulog ng panga ko.
Ano daw? Kami na?!
“Tss!” Iritableng palatak niya, “Ang ibig kong sabihin umuwi na tayo. Engot.” Inis pa niyang bulong sa huling salita bago tumalikod at nagpatiuna na. Gayunpaman ay hindi ko pa rin mapigilang mapangiti. At least ay naranasan kong maging kami for three seconds. iisipin ko na lang na ganoon talaga ang kahulugan no’n. Grabe! Kinikilig talaga ako!
“Yuni! Bilis na!” Iritableng pagtawag sa akin ni Sage kaya naman nagmamadali akong sumunod sa kanya ng hindi pa rin naaalis ang ngit sa aking mga labi. Nang maabutan ko siya sa labas ay binubuksan na nito ang kulay itim na folded umbrella.
Nang lingunin niya ako ay halos mapaigtad ako sa kinatatayuan. Ngayon pa talaga ako kinabahan e sampung taon na niya akong nahuhuling laging nakatanga lang sa kanya.
“Sukob ka na.” Aniya sa akin. Dahan- dahan akong lumapit sa kanya, ninanamnam ang bawat sandali. Baka ito na ang huli e, susulitin ko na. Pero ng makita ko ang yamot sa mukha niya ay nilakihan ko na ang paghakbang.
Natigilan ako ng ilahad niya ang kamay sa akin. Hahawakan niya ang kamay ko? Holding hands while walking gano’n? Kinagat ko ang ibabang labi upang pigilan ang kilig saka inabot ang kamay niya. Magkahalo ang pagkamangha at pagkayamot sa mukha niya ng tumingin sa akin.
“Ano ‘yan?” Tanong niya.
“P- pero di ba… h- hahawakan mo kamay ko?” Naguguluhan at nauutal kong sagot.
“Tss!” Pinagpag niya ang kamay ko palayo, “’yang bag mo, akin na.” Pagkaklaro niya.
“H- Huh?” Nadidismaya kong tanong.
“Pwede bang ‘tong kamay ko na lang? Mas magaan ‘to—”
Napasimangot na lang ako ng siya na mismo ang kumuha ng backpack ko at isinukbit iyon paharap.
“’Di baleng mabasa ka na, ‘wag lang ‘yong mga libro mo.” Aniya at nagpatiuna ng naglakad. Saglit na napaawang ang aking mga labi bago ko naisipang habulin siya.
Ganoon naman lagi e, ako ang naghahabol. Paano, mas cold pa siya sa ulan. Pero gaya ng lagi kong sinasabi, Roses are red, violets are blue. Even if Sage is cold, Yuni still loves you!
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro