Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

5th Drop: Ube 🍠


5th Drop: Ube 🍠

“Bilang isang mag- aaral, paano ka makatutulong sa pagpapalaganap ng wikang Filipino bilang pambansang wika sa kabila ng lumalaganap na pagkahumaling ng mga kabataan sa kulturang banyaga gaya ng mga Kdrama at Kpop?” Tanong ni Pauleen sa akin na ikinasimangot ko. Siya ang gumawa ng tanong na iyon at sigurado akong pinariringgan lang naman ako nito dahil alam nitong mahilig ako sa Kdrama at Kpop.

Nasa Learning Resouce Center kami kasama ni Sage na kanina pa tahimik at mukhang nayayamot na sa mga palpak kong sagot. Lampas trenta minuto na kami sa tanungan portion na ‘to pero ayaw talagang mag- function ng utak ko. Paano naman kasi ay nakakakaba naman silang mag- coach. Hindi pa man ako nakakapagbitiw ng salita ay nakatikwas na ang kilay sa akin ni Pauleen na parang alam na nitong walang kwenta ang isasagot ko. Ito namang si Sage ay panay ang buntong- hininga na parang naiinip na.

Napalunok ako at kinakabahang tinuktok ng mga daliri ang kandungan ko. Buti na lang ay may pahabang mesa na nakapagitan sa amin kaya ‘di nila nakikita iyon kung hindi ay halatang- halata na ‘di ako komportable at kinakabahan ako.

Tumikhim ako, “Uhm… h- hindi mo naman masisisi ang mga kabataan kasi maganda naman talagang manood ng Kdrama—”

Halos mapatalon ako sa gulat ng padabog na ilapag ni Pauleen sa mesa ang hawak na papel kung nasaan ang mga tanong na pinagtulungan nilang gawin ni Sage. Nakasimangot na ibinaba ko sa kandungan ang tingin.

“Ano ba naman ‘yan, Yunique. Kanina pa tayo dito pero wala naman kaming makuhang matinong sagot sa’yo.” Hindi na maitago nito ang pagkayamot sa akin. Nayayamot din naman ako sa kanya kaya patas lang kami. Proke’t nandito si Sage ay masyadong pabida. Hmpf!

“Totoo naman kasi e.” Sagot ko, “Nae- excite ang mga kabataang Pilipino sa mga Kdrama kasi nakikita nila doon ‘yong mga bagay na ‘di nila nakikita sa local dramas natin. Gaya na lang ng snow, at ng peach blossoms. Wala no’n dito sa atin kaya—”

“So, sa tingin mo pwede mong isagot ‘yan sa pageant?” Nanguuring sabi ni Pauleen, “’Di go, ‘yan ang isagot mo at tingnan natin kung mananalo ka.”

“’Di ikaw na ang sumali total ikaw naman ang magaling!” Napipika ng sagot ko rito. Tila nagulat naman ito dahil hindi na ito nakapagsalita pa. Nang tingnan ko si Sage ay nakakunot ang noo niya sa akin na parang sinsabing hindi maganda ang ginawa ko.

“Hindi mo kailangang magalit, Yuni. Gusto ka lang tulungan ni Pauleen.” Tila pagtatanggol pa niya sa kontrabidang babae.Hindi nakatakas sa paningin ko ang proud na pag- ingos sa akin ni Pauleen na para bang sinasabing ‘Ano ka ngayon? Ako ang panalo!’

Nanakit ang lalamunan ko, parang may nagbabarang apoy doon kasi biglang nanuyo pero hindi naman ako nauuhaw. Kesa naman maiyak ako sa harapan nila ay pinili ko na lang tumayo para umalis doon. Sisinghot- singhot na lumabas ako ng LRC. Ang yayabang nila, porke’t matalino sila gano’n na lang nila ako kausapin.

Lumiko ako sa corridor para pumunta sa CR ng sadyain akong bungguin ng engot na si Asul.

“Ano ba?!” Inis na singhal ko dito. Naalis naman ang ngisi nito ng makitang mangiyak- ngiyak ako.

“Bakit sambakol na naman ‘yang mukha mo?”

“Pakialam mo?!” Singhal ko ulit at lalampasan sana ito pero hinarangan lang ako.

“Hulaan ko, ‘di mo kinaya ‘yong level ng tanong nina Pauleen at Sage noh?” Nakangisi at nanunuksong anito. Doon na ako naiyak. Umatungal talaga ako doon na parang batang nanakawan ng kendi. Tutal wala naman ng ibang estudyante sa corridor bukod sa amin at ang sama talaga ng loob ko kay Pauleen lalo na kay Sage.

“Hoy! Ang panget mo na nga iiyak ka pa ng ganyan? Hindi ka na nahiya sa akin.” Nakangiwing saway ni Asul.

“B- Bakit naman a-ako m-mahihiya sa unggoy n-na gaya mo?” Sumisigok- sigok kong tanong.

“Hindi ka man lang natakot nab aka ma- turn off ako sa’yo?” Hindi makapaniwalang anito.

“Pakialam ko naman! Hindi naman kita gusto!”Nagpatuloy ako sa pag- atungal.

“Oy! Below the belt na ‘yon a! Nakaka- hurt ka na.” Sinapo pa nito ang dibdib na tila ba’y nasaktan talaga. Best actor. Bad trip na nga ako ay aasarin pa ako. Lalo pa akong umatungal.

“U-Uy, Yuni! Tahan na,” Alo din naman nito sa akin, parang kinakabahan na dahil sa paglakas ng iyak ko. “Baka may makakita sa atin isiping binasted kita kaya ka umiiyak.”

Sa inis ay sinipa koi to sa binti.

“Aray!” Nagpatalon- talon pa ito habang hawak ang tinamaang binti. Inis na pumalatak ito saka umayos ng tayo at dumukot ng kung ano sa bulsa. Nang ilahad nito iyon sa akin ay Bengbeng na chocolate na sa palad nito. “O, ayan. Sa’yo na lang.”

Mabilis kong hinablot ang chocolate sa palad nito, binalatan at sinimulang kainin habang umiiyak. Narinig ko ang amused na pagpalatak ni Asul.

“Grabe, hindi ka man lang tumanggi.” Umiiling- iling na anito habang pinapanood akong kumain. Hindi ako sumagot. Kumakain lang ako habang umiiyak.

“Mahirap ba talaga ‘yong mga tanong?” Kapagkuwa’y tanong nito. Sisigok- sigok akong tumango. Iniangat nito ang kamay at nakangiting ipinatong iyon sa ulo ko para guluhin ang buhok ko.

“Ano ba!” Inis na hinampas ko ang kamay nito. Marahan itong natawa saka ibinulsa ang mga kamay sa slacks.

“Ako na lang ang magko- coach sa’yo. Gagawa ako ng tanong na pasok sa pang- grade 6 na utak mo.” Hindi ko alam kung tumutulong ba ito o nangaasar.

Iningusan ko ito at nagdududang tiningnan. “Binigyan mo ako ng chocolate tapos tutulungan mo ako sa Q and A. Nililigawan mo ba ko?” Naniningkit ang mga matang tanong ko.

Bigla siyang naubo ng malakas. Nasamid yata sa sariling laway. Napakurap- kurap pa ito habang nakatingin sa akin na para bang nababaliw na ako. Pinitik nito ng malakas ang sentido ko.

“Aray! Ano ba!” Naiinis na hinampas ko ang kamay nito.

“Nakasinghot ka ba ng rugby? Naka- high ka?!” Exag na bulalas nito. Sa inis ay hinampas ko sa bibig.

“Grabe ka! ‘Di mo ba alam na priceless ‘tong kissable lips ko?” Anito habang sapo ang bibig.

Napangiwi ako at pinanliitan ito ng mga mata, “Nakakadiri ka! Engot!”

“Mandidiri ka matapos mong kainin chocolate ko?” ‘Di makapaniwalang anito.

“Ano ba? Tutulungan mob a ako sa Q and A o ipapamukha mo na lang sa akin ‘yong tsokolate mo? Hiyang hiya naman ako sa’yo!”

“Ha- ha!” Sarkastiko nitong pagtawa, “Maganda ka na sana kung walang itim ‘yang ipin mo.”

Mabilis kong itinikom ang mga labi at dinaanan ng dila ang tsokolateng sumiksik sa ipin ko sa harap. Malakas na tumawa si Asul. Sa labis na tuwa ay ginulo na naman ulit ang buhok ko. Kainis naman e! Ang hirap na namang suklayin niyan mamaya!

“Halika na nga. Pero kailangang ilibre mo ako ng meryenda bukas.” Hinawakan nito ang ulo ko at isinabay sa paglalakad.

Napaikot na lang ang mga mata ko. Kahit kailan talaga mukhang meryenda ang krayola na ‘to.

……………………..

Inis na ibinato ko ang hinubad na three inches heels ni Mama. Kahit ano yatang gawin ko ay hindi koi yon mailakad ng maayos. Matapos mag- shower ay nagkulong na ako sa kwarto ko at isinuot ang hiniram na heels ni Mama para ma- practice ko ang paglalakad. Kinakabahan kasi ako dahil may rehearsal na daw ang mga kasali bukas. Natatakot pa naman ako sa PE teacher na si sir Jaime na Jane kung tawagin ng mga kaklase ko dahil pusong babae. Ito kasi ang in- charged sa production number gaya ng nakasanayan. Natatakot talaga ako sa kanya kasi magaling mamahiya at tiyak na susupalpalin ka kapag ‘di nagustuhan ang ginagawa mo.

Mangiyak- ngiyak na nagpapadyak ako pero ilang sandali lang ay binalikan ko din ang ibinatong sandals. Muli kong isinuot iyon at sinubukan ulit maglakad palapit sa bintana. Akala ko ay success na pero isang hakbang mula sa bintana ay natapilok ako. Kung ‘di lang ako nakakapit sa pasimano ng bintana ay tiyak na subsob ako sa sahig.

Pero agad na nanlaki ang mga mata ko kasabay ng pagsipa ng kaba ng matanaw ko ang pagbukas ng ilaw sa kwarto ni Sage na katapat lamang ng kwarto ko bagaman nasa ikalawang palapag iyon ng two- storey house nila. Kapag weekends ay madalas na nakatambay si Sage sa terrace ng kwarto niya para magbasa kaya naman kahit mainit ay kakampo talaga ako dito sa kwarto ko para lihim siyang panoorin. Lalo pa akong kinabahan ng gumalaw ang kurtina ng sliding door sa kwarto niya na tumatagos sa terrace.

Mabilis akong umayos ng tayo pero muli akong nawalan ng balanse dahilan para tuluyan akong bumagsak sa sahig. Napangiwi ako ng maramdaman ang pananakit ng paa ko. nag igalaw koi yon ay lalo iyong sumakit. Na- ipitan pa yata ako ng ugat.

“Anong nangyari?” Humahangos na tanong ni Mama na nakatayo sa harapan ng nakabukas na pintuan.

“Natapilok ako, Ma.” Nakangiwi kong sagot. Mabilis akong nilapitan ni Mama para tulungang tumayo at inalalayang makaupo sa gilid ng kama.

“Tatawagin ko si Nana Sima. Ipahilot na natin ‘yan at baka may naipit na ugat.” Natatarantang wika ni Mama pero mabilis ko siyang napigil sa braso.

“Ma, ‘wag na. Maraming aso sa kanila tsaka gabi na. Tulog na ‘yon.” Pangungumbinsi ko kay Mama pero ang totoo ay takot lang ako magpahilot. Si Nana Sima ang naghihilot sa akin noong bata pa ako at hindi ko talaga makakalimutan tuwing hinihilot niya ‘yong bandang kili- kili ko. Nakakakiliti na nga ay sobrang sakit pa. Tapos kapag umiiyak ako sa sakit ng hilot niya ay lagi pang sinasabing nabuhol daw kasi ang bituka ko sa sobrang kalikutan ko. Nasasaktan ka na nga ay sesermunan ka pa. Hanggang ngayon ay may trauma na ako sa mga hilot na ‘yan.

“Paano ‘yan e sabi mo may rehearsal kayo bukas?” Nagaalalang tanong ni Mama. Lumuhod pa siya sa harapan ko para alisin ang sandals na suot ko at hinaplos- haplos ang paa kong nasaktan.

Ang daming nagsasabing kung pagtatabihin kami ni Mama ay parang magkapatid lang daw kami. 35 years old pa lang si Mama. Ipinagbuntis niya ako noong 18 palang siya. Noong bata ako’y madalas kong tanungin kung nasaan ang Papa ko pero ang palaging sagot niya ay nag- abroad daw. Grade 6 na ako ng ma- realized na excuse lang ni Mama iyon para huwag sabihin sa akin ang totoo. Wala naman talaga sa aboad ang Papa ko. Ayaw lang ni mama na kilalanin ko ito.

Sa sobrang ganda ni Mama ay maraming nanliligaw sa kanya kahit extra baggage pa niya ako. Noong Grade 6 ako, may nanligaw pa sa kanyang seaman pero inaway ko kasi pakiramdam ko ay inaagawan nito ang papa ko. Tapos may nanligaw din sa kanyang tanod. Inaway ko din kasi mayabang tapos pinagalitan pa ako nang minsang mahuli akong umaakyat ng bakod ng school. Ngayon naman ay may nanliligaw sa kanyang co- teacher niya. Syempre hindi ko na magawang awayin ‘yon kasi teacher. May hiya pa rin naman ako kahit papano. At tsaka hanggang ngayon umaasa pa rin naman akong biglang susulpot sa pintuan ng bahay namin ang papa ko na never ko pang nakilala tapos magiging buo na kami.

“Iha- hot compress ko na lang po.” Sagot ko.

“Sige, magpapakulo ako ng tubig.” Tumayo si Mama at nilapitan ang bentilador sa sulok ng kwarto ko. Isinaksak niya iyon at itinapat sa akin. Napangiti ako.

“I love you, Ma!” Naglalambing na sabi ko. Napangiti naman siya.

“Nagpapadagdag kang baon noh? SIge, dadagdagan kong sampung piso.” Nakangiting aniya at napasimangot ako. Nasa may pintuan na siya ng muli akong lingunin.

“Hindi ko na nakikita ‘yong bagong payong mo.” Nakakunot ang noong tanong ni Mama. Kahit pa nakatapat ang electric fan sa akin ay parang pagpapawisan pa rin ako sa kaba. Kinakabahang nginitian ko si Mama.

“Naiwan ko po sa ilalim ng upuan ko sa classroom.” Pagsisinungaling ko. Malalagot talaga ako ‘pag nalaman niyang nawala ko ‘yon.

Tumango- tango lamang si Mama bagaman nagdududa pa rin. Nang makalabas siya ng silid ay nakahinga ako ng maluwag. Wala sa sariling napalingon ako sa bintana. Nakailaw pa rin ang silid ni Sage. Malamang ay nagaaral ng lessons kasi wala naman kaming assignment ngayon.

Malalim akong napabuntonghininga saka inabot ang papel na nakakalat sa gitna ng kama ko. Nakasulat doon ‘yong mga tanong na ginawa ni Asul kanina. Napangiwi ako habang binabasa ko ang mga iyon. Ang pangit ng sulat. Parang kinahig ng manok. Pero buti pa ‘tong si Asul maski lagi akong binu- bully ay hindi ako minamaliit. Hindi gaya ng Sage na ‘yon. Walang bilib sa akin kasi kay Pauleen lang siya may bilib. E ‘di sila na. Maski naman crush ko siya nagtatampo pa rin ako sa kanya. At as if namang may pakialam siya kung nagtatampo man ako.

Haay! Asa ka, Yuni!

“Yuni! Nandito si Sage!”

Natulos ako sa kinauupuan at napaawang ang labi. Si Sage nandito sa bahay?!

Nakalimutan ko na masakit ang paa ko at nagmamadaling lumabas ng kwarto matapos patayin ang bentilador. Maliit lang naman ang bahay namin. Paglabas ng kwarto ko ay sala na kaagad. At nakita ko sa terrace namin si Sage na kausap ni Mama.

Nakasuot si Sage ng puting t- shirt at jogging pants. Ang gwapo niya talaga! ‘Yong puso ko sobrang landi kung makakalampag sa dibdib ko. Nang sabay nila akong lingunin ni Mama ay napaatras ako sa gulat. Mabilis akong pinagpawisan sa kabang nararamdaman.

“Yuni, dinalhan tayo ni Sage ng halayang ube.” Natutuwang sabi ni Mama, “halika dito at kausapin mo muna si Sage habang hinihinta niya itong baunan.”

Napalunok ako habang nakatingin kay Sage na parang walang interes na nakatingin din sa akin. Tinanguan ko na lang si Mama at dahan- dahang humakbang.

“Teka,” Pigil ni Mama, “’yang paa mo pala—”

“”Ma, hinihintay ni Sage ‘yang baunan.” Putol ko sa sasabihin ni Mama. Ayokong malaman ni Sage nan a- sprain ang paa ko. Lalo na naman siyang mawawalan ng bilib sa akin kapag nagkataon. Gusto ko ng i- prove ang worth ko sa kanya. Ipapakita ko sa kanyang hindi lang si Pauleen ang magaling at maganda.

Normal akong humakbang at pinigilan ang pagngiwi tuwing nararamdaman ang tila mga karayom na tumutusok sa paa ko. Nagpasalamat akong hindi na nagsalita pa si Mama. Pumasok siya sa sala at naiwan kaming dalawa ni Sage sa terrace.

“U- Upo ka muna.” Offer ko at hindi ko inasahang uupo talaga siya. Akala ko kasi ay sasabihin niyang ‘wag na kasi aalis din naman siya agad. Napaisip ako. A, malamang ay nagbabait- baitan dahil nandyan lang si Mama. Napangiti ako sa isip. Pwes, susulitin ko na ang pagkakataon.

Naupo ako sa pasamano ng terrace na halos katabi lang ng kinauupuan niya.

“Nagri- review ka?” Tanong niya na muli kong ikinagulat. Sa unang pagkakataon ay nagbukas siya ng paguusap. Gusto kong kiligin ng kaunti.

Bumaba ang tingin ko sa papel na ‘di ko namamalayang hawak ko pa pala.

“Ito ‘yong mga questions na ginawa ni Asul.” Sagot ko saka napasimangot, “Pero sa pangit ng sulat niya wala din akong maintindihan.”

Nagulat ako nang bigla na lang tumayo si Sage at hinablot ang papel na hawak ko. Kumunot ang noo niya habang binabasa anang parang kinahig ng manok na sulat ni Asul. Pasimple akong huminga ng malalim para manuot sa ilong ko ang amoy ni Sage. Sobrang bango talaga.

“Bakit mahalaga ang wika sa isang bansa?” Basa niya sa isang tanong na nakasulat.

Napaisip ako, “Hmm, sabi ni Asul kasi daw ito ang tumatayong kaluluwa ng isang bansa. Ang bansa daw na walang wika, parang katawan na walang kaluluwa.”

Hindi nagsalita si Sage bagkus ay nagbasa pa ng isang tanong, “Paano mo ipakikita ang pagmamahal mo sa wikang Filipino?”

“Alam ko ‘yan!” Excited kong sabi habang nakaturo ang hintuturo sa taas, “Sabi ni Asul maipapakita daw ang pagmamahal sa wikang Filipino sa pamamagitan ng pagtangkilik sa mga panitikang isinulat ng mga manunulat na Filipino gaya ni Jose Rizal. At ang pinakamahalaga sa lahat, sa simpleng paggamit natin ng wikang Filipino sa pakikipagtalastasan, pinapakita na natin ang pagtangkilik sa pambansang wika natin.”

Ibinaba ni Sage ang hawak na papel at parang naiinis na tumingin sa akin, “Naaalala mo lahat ng itinuro sa’yo ni Asul pero ‘yong mga itinuro namin sa’yo kanina ni Pauleen ‘di mo maalala?”

Umasim agad ang mukha ko pagkabanggit ng pangalan ni Pauleen, “Si Asul kasi hindi ako sinisinghalan.”

“Bakit, sininghalan ba kita?”

“Pero ‘di mo man lang ako pinagtanggol no’ng awayin ako ni Pauleen!” Sumbat ko.

“Hindi ka naman niya inaaway, Yuni.” Pagtatanggol niya pa sa baabeng ‘yon. Sa inis ay wala sa loob akong tumayo at agad ding napangiwi ng lumapat ang nananakit na paa ko sa sahig. Pero bago pa iyon mapansin ni Sage ay inayos ko ang tayo ko at pinapormal ang ekspresyon sakto namang pagdating ni Mama.

“Pasensya na, Sage, natagalan. Hinugasan ko pa kasi.” Nakangiting iniabot ni Mama sa kanya ang baunan.

“Okay lang po.” Magalang naman na sagot niya. Medyo nalungkot naman ako dahil aalis na siya pero hindi ko pinahalata iyon. Nagtatampo pa rin ako sa kanya.

“Uhm, tita, pwede po bang makahiram ng papel at ballpen?” Tanong ni Sage kay Mama na ikinaawang ng mga labi ko. Saglit ding natigilan si Mama pero agad ding nakabawi.

“Oo, sige. Dadalhan ko na rin kayo no’ng ube na dinala mo.” Nakangiting sabi ni Mama at nagmamadaling pumasok sa loob ng sala.

“Nakatulog ba ako noong nagbibigay ng assignment si Ma’am?” Maang kong tanong sa kanya.

Pumalatak siya at masungit na ibinalik ang papel sa akin. Lagi na lang may problema ang lalaking ito sa akin. Sabi nila the more you hate the more you love. Pero sa kaso ni Sage ay malabong mangyari ‘yon. Inilapag niya sa pasamano ang baunan saktong pagbalik ni Mama dala ang isang buong yellow pad at ballpen pati na ang tray na may lamang dalawang platito ng ube halaya at dalawang basong Nestea apple.

Nagpasalamat siya ng iabot sa kanya ni Mama ang papel at ballpen. Inilapag naman ni Mama sa pasamano ang dalang meryenda saka bumalik din agad sa loob. Naupo si Sage at ginawang mesa ang pasamano.Nagsimula siyang magsulat.

Luh, susulatan ba niya ako ng love letter? Magco- confess na siya sa akin?!

“P- Para saan ‘yan?” Medyo umaasa kong tanong. Medyo lang talaga. Promise at cross my heart kahit kumulot pa ang rebonded na buhok ni Pauleen!

“Kumain ka na lang muna d’yan.” Sagot niya habang ipinagpapatuloy pa rin ang pagsusulat. Natakam naman ako sa ube halaya kaya nilantakan ko na. Unang subo pa lang nanunuot na ang lasa sa taste buds ko. Ang sarap.

“Salamat dito huh?” Natutuwang sabi ko sa kanya.

“Magpasalamat ka kay Nanay. Siya ang gumawa niyan.” Blangkong aniya sa pagitan ng pagsusulat.

Napangiti ako. Tuwing gumagawa ng mga panghimagas ang lola ni Sage ay lagi kaming dinadalhan. ‘Yong lolo niya naman ay madalas ding magdala ng mga prutas at gulay na inaani niya doon sa may bukid nila. Close kasi ang grandparents niya sa amin ni Mama tapos bestfriend pa ng Mama niya ang Mama ko. Ilang beses ko nga ding pinagdasal na sana ay pinagkasundo na lang kami ng mga Mama namin para kami na talaga ni Sage forever.

“Ba’t ka nakangiti d’yan?” Nawiwirduhang tanong sa akin ni Sage na huminto na pala sa pagsusulat at nakatingin na sa akin. Alanganin akong natawa.

“A, e, w- wala naman. Ang sarap kasi ng ube.” Pagpapalusot ko pero totoo namang masarap talaga ‘yong dala niya. Napamaang ako ng itulak niya palapit sa akin ang platito ng ube halaya na para sa kanya.

“Sa’yo na din ‘yan.” Aniya.

“Paano ka?”

“Okay na ako dito.” Kinuha niya ang baso ng iced tea at uminom doon. Wala sa sariling nasundan ko ang paggalaw ng adams apple niya habang umiinom. Napalunok ako. Ano ba ‘tong ginagawa ko? Hindi naman ako pervert!

Inilapag ni Sage ang basong nangangalahati na ang laman. Tumikhim ako para iwaksi ang mga wirdong naiisip.

“Unusin mo na ‘yan nang hindi puro chocolate ang kinakain mo.” Halos pabulong na aniya at ipinagpatuloy na naman ang pagsusulat. Napamaang ako. Hindi naman ako kumain ng chocolate a? Kaninang uwian, oo. Pero imposible namang nakita niya iyon. Ni hindi ko nga siya nakasabay sa pag- uwi e.

“Hindi ‘yan mauubos kung ako ang tutungangaan mo.” Wika niya nang hindi inaalis ang tingin sa sinusulat. Tila natauhan naman ako at mabilis na inubos ang laman ng platito.

Ilang sandali pa matapos kong maubos ang kinakain ay tumayo na siya sa kinauupuan saka inabot ang papel at ballpen sa akin. Nagtatakang tiningnan ko ang papel na puno ng magandang handwriting niya.

“Basahin mo ‘yan lahat ngayong gabi. Kapag wala kang naisagot bukas sasabihan ko si Nanay na huwag ka ng bigyan ng mga minatamis na ginagawa niya.” Tila pananakot pa niya sa akin. Napatingin akong muli sa papel. Mga tanong iyon at may mga sagot na din.

“Paano kung ‘di ko ma- memorized?” Nagaalala kong tanong.

“Hindi naman mahalaga kung mame- memorized mo. Ang mahalaga ma- analyze mo ang ibig sabihin ng mga sagot na isinulat ko saka mo i- rephrase sa lengwaheng kaya mo.”

Napangiti ako at masayang tumango- tango. “Salamat, Sage! Aaralin ko ‘to mamaya.”

Hindi siya sumagot bagkus ay nilingon ang sala namin. “Tita Weng, uuwi na po ako!” Paalam niya kay Mama.

“Sige, Sage! Pakisabi kay Nanay Helen na salamat sa halaya!” Sagot naman ni Mama mula sa sala.

“Sige po!” Sagot niya saka bumaling sa akin. “Pumasok ka na sa loob.”

Tila naeengkantong napatango na lang ako.

“Bilis na, Yuni. Pasok na sa loob.” Tila naiinip na aniya nang manatili akong nakatayo lang sa harap niya.

“A, oo. Sige, ingat ka.” Inimis ko ang pinagkainan namin at dinala na iyon pero bago pa man ako makapasok sa sala ay tinawag niyang muli ang pangalan ko.

“Parang naglalangis ‘yang buhok mo. Mag- shampoo ka ng mabuti bukas.” Aniya saka lumabas na ng terrace namin. Naiwan ako doon na nakaawang ang mga labi habang pinanonood ang papaliit na bulto ng lalaking higit ko pang nagugustuhan sa paglipas ng mga araw.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro